Barely Heiresses: Amira Chapter 114

ESCAPE. Iyon ang maitatawag ni Amira sa impulsive trip nila ni Francois. After deciding that they wanted to get away, they just packed some of their clothes then travelled to Manila riding a bus. Pinadala ni Francois sa kanya ang passport niya para bahala na daw kung saan sila makarating.

Bago pa sila nakarating sa Manila ay naka-book na ang flight nila patungong Bangkok. And from there, she and Francois flew to the northernmost province of Thailand – Chiang Rai. Mula doon ay isang private car ang nirentahan ng binata.

Kahit babangag-bangag pa siya dahil walang pahinga sa tuloy-tuloy na biyahe ay na-enjoy niya ang White Temple, isa sa pinakamagandang templong nakita niya dahil sa magagandang sculptures nito at ang mga disenyong salamin na nagniningning kapag tinatamaan ng liwanag.

Subalit di pa pala sa Chiang Rai ang final destination nila ang binata. Di niya alam kung dadalhin siya nito sa Myanmar o Laos dahil malapit na doon ang Golden Triangle kung saan nagsasalubong ang tatlong bansa. Wala siyang masyadong alam sa lugar na iyon dahil hanggang Chiang Rai lang ang napuntahan niya.

Gumising lang siya dahil sa check point at ginaya lang niya ang sinabi ni Francois sa Thai authorities na pupunta sila sa Doi Mae Salong. Matapos iyon ay natulog na ulit siya. Kahit naman magtanong siya kay Francois kung saang lupalop ng mundo ang Doi Mae Salong at kung anong mayroon doon ay di siya nito sasagutin. Mas gusto daw nito na masorpresa siya.

Naalimpungatan siya sa malamig na hangin na humahampas sa kanya. Nangaligkig siya sa lamig at hinapit ang sarong na nakakumot sa katawan niya. Nang bahagya niyang imulat ang mata niya ay nakita niya ang mga bundok at bangin. Nananaginip lang ba siya? Parang nasa Cordillera lang siya.

Kinusot niya ang mata at luminga sa paligid. “Nasaan na tayo?”

“Nasa Sankhitiri or Doi Mae Salong.”

“Nasa Earth pa ba tayo?” tanong niya at nang tingnan ang relo niya ay saka niya nalamang dalawang oras lang pala silang bumiyahe mula sa siyudad ng Chiang Rai.

“Medyo. This town is at the boundary of Myanmar. Kung nakikita mo ang kabila ng bundok na iyon, nasa Myanmar ka na.”

Bumuga siya ng hangin at nakasimangot na tiningnan ang bangin sa magkabilang gilid. “Francois, idinayo mo pa ako dito samantalang parang nasa Cordillera lang din naman tayo. Parang Sagada lang.” Bundok, bangin at pine trees. “Akala ko naman dadalhin mo ako sa flower garden ng royal family o kaya magka-casino tayo sa Laos.”

“Casino won’t appeal you. Yes, parang ganito rin ang Sagada noong hindi pa gaanong maraming turista pero malalaman mo rin kung ano ang mayroon dito na wala sa Sagada. Umidlip ka pa at gigisingin kita kapag nasa hotel na tayo.”

Pumikit lang siya pero hindi na siya nakatulog. Bumaba sila sa isang hotel na Chinese ang sulat. Nang ilinga niya ang mata sa kalsada sa likuran niya ay may mga Chinese lantern at pawang may sulat Intsik ang mga establishment. “Sabi nasa Thailand kami tapos boundary ng Myanmar. E parang China na ito.”

Hindi lang siguro niya ma-appreciate pa ang lugar dahil wala siyang tulog at wala rin siyang matinong kain. Kumakalam na ang sikmura niya dahil sandwich lang ang kinain niya sa eroplano kanina patungong Chiang Rai.

Hilo pa rin siya nang mag-check in sila ni Francois sa hotel suite na may magkahiwalay na kuwarto. Nagbihis lang siya ng damit at naghilamos. Gusto sana niyang mag-shower kundi lang siya pagod. Tiyak na mapapagalitan siya ni Francois. Maya maya pa ay kinatok na siya ng binata. “Amira, naka-serve na ang pagkain sa balkonahe. Sumunod ka na.”

Halos hilahin niya ang sarili palabas ng restroom at patungo sa balkonahe. Tinatanong pa rin niya sa sarili kung bakit sa dinami-dami ng lugar sa mundo ay sa liblib na probinsiya pa sa Thailand sila nagpunta na di rin naman nalalayo sa Sagada. Sana pala ay nag-El Nido o Coron na lang sila para beach naman. Sawa na siya sa bundok.

Pero nawala ang pagrereklamo nang pagbukas niya ng balkonahe ay tumambad sa kanya ang bulubundukin na natataniman ng mga tsaa. Nahigit niya ang hininga at tumakbo sa railings ng balkonahe. Nang dumuwang siya sa baba ay may tea farm din sa baba. “Ohhhh myyyy goshhhh! Tsaa iyan, di ba? Tsaa din iyon!” aniya at itinuro ang bundok na nasa harap. “Saka iyon! At iyon!”

“Yes, my tea goddess. Puro tsaa ang nakikita mo. High grade oolong tea. Galing sa Taiwan ang binhi nila at idinala dito. Kaya naman maraming importer ng tsaa ang dumadayo dito.”

Nawala ang lahat ng pagod at antok niya sa nagdaang mahabang biyahe. Nawala na rin sa isip niya ang pagkukumpara sa Doi Mae Salong sa Sagada. Nakumbinsi na siya ni Francois na nasa ibang lugar nga siya at di sayang ang ibiniyahe niya.

Itinaas niya ang dalawang kamay. “I am in paradise!” Pumikit siya at nilanghap ang amoy ng pinatutuyong tsaa na sumasama sa hangin. “I belong here.”

“May reklamo pa ba ang mahal na diwata?”

Tuwang-tuwa siyang tumalon at niyakap ang nobyo. “Wala na. Sorry I was a bit grouchy a while ago. Gusto ko na dito.”

“Ikaw lang kasi wala kang tiwala sa akin.”

Napansin niya na parang may kulay ginto sa ibabaw ng isa sa mga taniman ng tsaa sa bandang kanan nila. “Francois, ano ‘yung parang kumikinang doon? May hotel ba banda doon? Mukhang may casino.”

“Kumain ka muna at titingnan natin mamaya. Masarap ang Chinese noodles nila dito. Iyan ang dinadayo nila dito.”

“Perfect!” usal niya at dali-daling umupo. Gutom na kasi siya. Vegetable noodles soup ang in-order ni Francois. Nang humigop siya ay nanlaki ang mata niya dahil biglang sumabog ang bibig niya. “Ang anghang!!!”

Dali-dali niyang ininom ang green milk tea na in-order ni Francois para sa kanya. “S-Sorry,” anang binata at hinaplos ang pisngi niya. “Hindi ko naman alam maanghang pala ang noodles nila.”

“Francois, kapag nasa Thailand ka, maanghang lahat.”

“Sabi ko naman sa kanila kanina na ayaw mo ng maanghang.”

“English?” tanong niya.

“Nakakaintindi naman sila ng English… kahit paano.”

Umikot ang mga mata niya. “Not good enough.”

“Ano bang dapat kong sabihin?”

“Mai ped na ka. Ibig sabihin hindi maanghang.”

Tumingala ang binata. “Mai ped na ka. Mai ped na ka,” anitong parang kinakabisado ang sinabi niya. “Tatandaan ko na iyan. Ano pang alam mo?”

“Basic lang. Hi! Hello! At kung paano tumawad kasi barat ako.”

Natawa ang binata. “Ako na kakain niyan,” prinsita nito.

Itinaas niya ang isang kamay. “I think I can handle it.” Bumuga siya ng hangin. “Kung ikaw ang boyfriend ko, dapat ko nang ihanda ang sarili ko sa iba’t ibang klase ng pagkain lalo na kung plano mong ikutin ang iba’t ibang parte ng mundo para sa libro mo. I want to be with you.”

“Salamat, Amira.”

"HINDI ako makapaniwala na dating poppy fields itong Doi Mae Salong at dating opium trade center. Malayong-malayo na dahil puro tea farm at fruit farm na ang nandito," namamanghang wika ni Amira habang naglalakad sila ni Francois sa gitna ng taniman ng mga tsaa.

Nasa tea farm park sila at katatapos lang nilang panoorin ang pag-aani ng mga katutubong Akha ng tea leaves. Mga batang usbong lang ng tsaa ang pina-pack na tsaa at ibinebenta sa merkado ng Mae Salong. Tuwing alas tres ng hapon ay may mga truck na nagdadala sa mga ito sa tea farm at sa loob ng isa o dalawang oras mamimitas ang mga ito ng tsaa. Pagkatapos ay kikiluhin ang naaning mga usbong ng tsaa at babayaran ang mga ito.

Nalaman din nila ni Francois na noong panahon ng Komunismo sa Tsina ay may mga miyembro ng rebolusyonaryong lumaban sa diktador na si Mao Tze Tung ay tumakas at napadpad ng Doi Mae Salong. Maari kasing marating ang Thailand mula sa Tsina sa pamamagitan lang ng ilog. Para pondohan ang pakikibaka ng mga ito ay nagtanim ang mga ito ng poppies na ang bulaklak ay pinagkukunan ng drogang opium. Para sugpuin ang droga ay nag-alok ang hari ng Thailand na magtanim na lang ang mga ito ng tsaa at mga prutas para hindi na makapag-bagong buhay. Kaya naman punung-puno ng establishment ang bayan na iyon at Chinese ang salita ng mga tao lalo na ang may Chinese descent.

"Ganoon naman talaga kapag nabigyan ng pagkakataon ang mga tao. Basta bigyan lang sila ng tsansa. Come. Nagpa-serve ako ng miryenda para sa atin," sabi nito.

"Gusto ko iyan. Nakakapagod mag-bike mula sa hotel natin papunta dito." Pinakamagandang pasyalan ang Doi Mae Salong sa pamamagitan ng bisikleta. Sariwa kasi ang hangin at di rin marami ang dumadaang sasakyan.

Iginiya siya ng nobyo papunta sa mesa na nasa harap ng higanteng gintong teapot na tanaw mula sa balkonahe ng hotel nila kanina.

Nakahain sa mesa nila ang iba't ibang uri ng cakes and pastries, pancit at mga kakanin na gawa sa saging, taro at may tatlong uri rin ng berry jams. May tasa din ng tsaa na para lang sa kanila.

Sa likod nila ay may estatwa ng malaking tasa na sinasalinan ng gatas, tsaa at gatas. Sa entrada naman ng park ay may dalawang puting dragon na nagsisilbing bantay ng kaharian ng mga tsaa. "Ang ganda talaga dito. Kaso parang walang masyadong tao," aniya at luminga sa paligid. "Ang weird lang. Naalala ko tuloy 'yung anime movie na sa abandonadong theme park sila at ginawang baboy ang magulang niya dahil kumain nang walang paalam."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.