Barely Heiresses: Amira Chapter 116

MAGKASALIKOP ang mga kamay ni Amira habang nakaharap kay Romualdo. Iyon ang unang araw niya sa pagbabalik sa Banal Mining dahil sinulit nila ni Francois ang bakasyon niya. Matapos ang meeting nito sa mga TV producer ay nag-weekend sila sa Coron gaya ng gusto niya. Kailangan ni Francois ng oras na mag-isip bago ito tuluyang bumalik sa Cordillera. Malaking opportunity ang show na inaalok dito. At di lang iyon basta simpleng cooking show. Makakapagbiyahe ito sa iba’t bahagi ng bansa para makihalubilo sa locals at alamin ang local food at delicacies ng mga ito. And it was one of his dreams. Ang kaibahan lang ay hindi cookbook ang gagawin nito kundi isang cooking show. Hindi pa nito ibinibigay ang sagot at hindi niya alam kung bakit ini-stall pa nito samantalang iyon ang gusto nito.

Habang sa pagbalik niya sa Banal Mining ay alam niyang problema ang kakaharapin niya dahil isang linggo siyang nawala. At sa buong isang linggong iyon ay marami siyang naiwang trabaho. She was enjoying too much. She was really enjoying for the first time in her life. Wala silang iniisip ni Francois na problema. Wala silang iniisip na trabaho o responsibilidad. She felt younger and livelier. At sa palagay niya ay ganoon din si Francois.

But then, she had to go back and face reality. Romualdo Mosqueda and his grim face was her reality.

“I just want to inform you that while you were gone, we are reviewing the report you submitted regarding the Lambayan and Surigao site. Nire-review din namin ang tungkol sa plano sanang bawasan ang medical benefits ng mga minero.”

Nahigit niya ang hininga. Di niya inaasahan na iyon ang isasalubong nito sa kanya. Akala niya ay sermon ang welcome speech nito. “T-That’s good news. Thank you for considering, Sir.”

“Nasimulan mo na ang study mo kaya pwede mo na sigurong i-delegate ang ibang site sa staffs mo. Pwede rin kayong tulungan ng ibang department. You don’t have much time on your deadline. Dalawang buwan na lang iyon.”

Drat! She lost sight of her goal. Sa dami ng nangyari ay di niya napansin na ganoon na pala kalapit ang date ng presentation niya. At wala pa siyang solid na plano hanggang ngayon.

“Thank you for the consideration.”

Iwinaksi nito ang kamay. “You may go now.”

Natigagal siya. “T-Tapos na po tayo?”

Dinampot nito ang folder sa gilid nito at tumango. “Yes.”

“H-Hindi ninyo ako pagagalitan dahil o-one week kaming nawala ni Francois?”

Ikiniling nito ang ulo. “What you do with your time is none of my concern.”

“I-I hope you don’t mind. N-Nagkausap na po ba ulit kayo ni Francois? N-Nabanggit na po ba niya sa inyo na may offer sa kanya na mag-host ng show sa TV?”

Nanatiling blangko ang mukha ng lalaki. “No. Hindi niya nabanggit sa akin.” Parang sinabi na rin nito na di pa rin nag-uusap ang mga ito. “But thanks for informing me.”

Iyon lang at ibinalik na ulit nito ang tingin sa folder. Kahit pakunwaring excitement ay wala man lang siyang nabakas dito. “Di po ba kayo masaya para sa kanya?”

“Of course, I am. He is my son.”

“Pero hindi niya iyon nararamdaman. Hindi kayo masaya sa achievements niya. You are even disdainful of those. At dahil sa sinabi ninyo nang nakaraan…”

“He is my son. It is in papers. I raised him up. At kahit ano pang ibinibintang niya sa akin, di ko pinagtaksilan ang mama niya. Si Lizle lang ang babaeng minahal ko hanggang sa huling hininga niya. And I still love her.”

“May mga nasabi kayong mga bagay kay Francois dahilan para maguluhan siya at magalit sa inyo. At sa dami ng mga salitang ibinato ninyo sa isa’t isa, sa palagay ko po kailangan ninyong mag-usap. Pareho ninyong dapat na malaman kung ano ang totoo.”

“Hindi ako magpapa-DNA test. Kalokohan iyon. He is my son.”

“Those are just words, Sir. Pero sa ikinikilos ninyo, parang iyon mismo ang kailangan ninyo. I love Francois. Ayokong nakikita siyang nahihirapan. Hindi siya nag-take up ng culinary arts para sawayin kayo. He tried his best to follow want you want. Di ba nakatapos nga siya ng mining engineering? Pero may mga bagay na mas nakapagpapasaya sa kanya. At iyon ay ang pagiging chef.”

Iniwas nito ang tingin. “Hindi ko siya pinipigilan.”

“At di rin ninyo siya sinusuportahan. At hindi siya nandito sa Banal Mining para kalabanin kayo. Nandito siya para alalayan kayo. Iyon ang bilin sa kanya ng asawa ninyo.”

Ngumisi lang si Romualdo. “How ironic. Wala siyang ginawa mula nang pumasok sa kompanyang ito kundi kontrahin ako o gawing katatawanan.”

“Siguro nagkakasalungat kayo ni Francois pero sana marinig ninyo ang mga opinyon niya at argumento niya. Hindi niya sinasabi iyon para lagi kayong kontrahin. He is helping you out by making you think more critically. Na di lang isang side ang naririnig ninyo. We do the same thing.”

Bakas ang pagkagulat sa mukha ng matandang lalaki. “Kinokontra ka niya?”

Isang mahinang tawa ang kumawala sa bibig niya. “You think your son is a simpleton to be lead around by a woman? Francois is a smart guy. May sarili siyang isip at di sunud-sunuran sa iba. He made me rethink about my principles and beliefs. At naniniwala ako na ganoon din ang ginagawa niya sa inyo. I owe a lot of my decisions to him. Ipinapakita niya sa akin na laging may dalawang side ang isang kwento. Para mapatunayan kong tama ang paniniwala ko o magiging desisyon ko, ipinapakita niya sa akin kung ano ang mukha ng kabila.”

Natigagal si Romualdo. Hindi nito alam kung anong sasabihin sa rebelasyon niya. Probably the first time she saw him speechless.

“May kanya-kanya rin kayong kwento. Sana makapag-usap po kayo,” pagpapatuloy ni Amira ilang sandali nang nanatiling tahimik ang lalaki. “Kung magiging matigas ang ulo ninyo, baka huli na po ang lahat kapag nalaman ninyo ang totoo. The gap might be too much. You might regret it.”

“Salamat, Amira.” May kapormalan pa rin ang boses nito at sa palagay niya ay may katigasan ang ulo ng lalaki para kausapin pa rin si Francois tungkol sa bagay na iyon.

Hindi ito magpapa-DNA test. Di rin nito haharapin si Francois tungkol sa alegasyon nito na may ibang lalaki ang asawa. Di rin ito kakausapin si Francois tungkol sa ibang babae ng ama nito at di rin nito sasabihin ang katotohanan kung bakit naniniwala itong si Romualdo ang tunay nitong ama.

Sa palagay niya ay mag-ama nga ang mga ito. Parehong matigas ang ulo at mataas ang pride. Kung pwede lang pag-umpugin ang mga ito para matauhan.

Inalok niya dito ang kamay. “Thank you for your time.”

Tumayo si Romualdo at kinamayan din siya. Saka niya napansin ang cufflinks nito. Kahawig iyon ng cufflinks na nakita niya sa Giorgio Armani. Iyon kasi ang ini-recommend ng sales staff na ayon dito ay binili daw ng naunang customer na kausap niya – si Caridad nga.

Saka umakyat ang mata niya sa neck tie na suot ni Romualdo. The same neck tie that Caridad bought. Ang sabi nito ay sa ama niya iyon.

“Nice tie,” kaswal niyang komento.

Tumikhim ang lalaki at hinawakan ang kurbata sa knot nito. “A friend gave it to me the other day.”

Tumango lang siya at tuluyan nang nagpaalam sa lalaki. Hindi na niya naitanong kung galing iyon sa madrasta niya. She had a hunch that it was. Bakit kay Romualdo nito ibinigay ang tie at cufflinks na para dapat sa ama niya?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.