“HINDI ko tinanggap ang offer para sa Travelling Chefs.”
Malungkot na ibinaba ni Amira ang bowl ng mainit na lomi soup na iniluto ni Francois para sa kanya. Dahil nami-miss niya ang Doi Mae Salong ay ipinagluto siya nito ng lomi na maraming gulay at jasmine tea na galing sa bakasyon nila.
“Bakit, Francois? Magandang chance sana iyon para sa career mo. Maipo-promote ang restaurants na hawak mo. Makakapagbiyahe ka at magkakaroon ka ng materials para sa cookbook mo.”
“Amira, hindi ako pwedeng tumanggap ng ibang projects hangga’t di mo pa nababawi ang Lambayan. Gusto ko matutukan ko ang presentation mo at nasa malapit lang ako kapag kailangan mo ako.”
Naluha siya dahil sa gesture nito. “Nakakainis ka!” aniya at hinampas ang dibdib nito. “Lalo lang tuloy akong na-guilty. You put your dreams on hold just for me. Nagi-guilty ako. I am holding you back.”
“Amira, hindi ko pangarap na ma-expose sa TV. Magandang opportunity iyon pero hindi ko pa pwedeng i-grab sa ngayon. Mas kailangan mo ako. Minsan lang ang pagkakataong ito. Ito lang ang pagkakataon na mabawi mo ang Kanayama. Kapag nabawi mo na iyon, sabi nila pwede pa rin nilang ialok sa akin ang Season Two.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Kaya huwag kang ma-guilty.”
Bumuntong-hininga siya. “Salamat. Noong simulan ko ang laban na ito, akala ko mag-isa lang ako. Hindi ko inaasahan na may tao akong makakasama na handang magsakripisyo ng magagandang bagay para unahin ang kailangan ko. I must have done something right in my life to deserve you. Kaya lang…”
“Anong problema?”
“Hindi ko alam kung saan mo pa gagamitin ito,” sabi niya at kinuha ang paper bag ng Armani na naglalaman ng cufflinks at necktie.
Nakangisi ito nang iangat ang necktie na metallic blue at silver na stripes mula sa bag. “Oh! Kinky!”
Itinulak niya ng daliri ang noo nito. “Sira! Gagamitin mo sana iyan kapag kailangang naka-formal ka, may pupuntahan ka na parties or meeting with the network executives. I want you to look good.”
“Bakit? Nakakapag-formal din naman ako sa meeting sa Banal Mining,” anito at itinali na ang kurbata sa leeg nito kahit na naka-Tshirt lang ito at jeans. “Ano? Bagay naman sa akin, di ba? Gusto mo isuot ko pa habang nagluluto ako.” Tumayo pa ito at nag-macho dancing sa harap niya. Gumigiling, giling ang balakang nito habang umiikot ang nakakuyom na kamao. “I think the girls will like it.”
Halos gumulong siya sa katatawa sa itsura nito. Pilit niya itong hinila paupo sa carpet. “Francois, huwag mong gagawin iyan sa harap ng iba. Baka mawalan ka na ng fans.”
“Thank you,” sabi nito at hinubad ang necktie. “I really appreciate this. Masarap pala na may girlfriend na bumibili sa iyo. Si Papa kasi masayang-masaya kapag nireregaluhan ni Mama ng necktie noon. Halos linggo-linggo ata may bago si Papa. For a French girl, she was not into much clothes. Si Papa ang inuuna niya.”
Bigla siyang may naalala. “Francois, gaano ka-close ang pamilya ninyo sa pamilya namin?”
“Well, the Mosquedas and the Banals go a long, long way back. Hindi pa napapasok ng mga misyonerong Amerikano ang Sagada ay magkaibigan na ang pamilya namin. Probably even before the Spaniards came to the country. Magkasama din kami sa negosyo. Malapit na magkaibigan sila Papa at Tito Alfie at kung nagkataong isa sa kanila ay babae, baka naipakasal na sila sa isa’t isa ng mga lolo namin.”
Gusto sana niyang pagtawanan ang joke na iyon pero nanatili pa rin siyang seryoso dahil sa sumunod niyang tanong. “Gaano kalapit si Aunt Carrie sa pamilya ninyo?” tanong niya.
“Oh! She is very close to my mom. They are like this,” anito at pinagdikit pa ang dalawang daliri. “At parang pangalawang ina ko na si Tita Carrie. Mula nang bumalik ako sa Pilipinas, she makes sure that I have everything I need. At nang magtrabaho ako sa mansion, lagi rin siyang nakaalalay. Nabanggit ko ba na sila ni Don Alfonso ang sumagot ng pag-aaral ko sa Paris nang hindi na ako suportahan ni Papa matapos mamatay si Mama?”
“Oh!” nausal niya.
“Ilang buwan lang iyon pero malaking bagay sa akin. Si Tita Carrie din ang dahilan kung bakit naging maingay ang pangalan ko pagbalik ko. She used her network so restaurants want me to work on their menus.”
“Francois, kinuha ka nila dahil magaling ka,” giit niya.
“But her network helped a lot,” sabi nito. “Madalas ding siya ang maging buffer sa pagitan namin ni Papa.”
“Si Tito Romualdo ba at si Aunt Carrie close din?” maingat na tanong niya.
“Yes. I think naging malapit sila matapos mamatay ni Mama. Madalas si Tita Carrie sa bahay para tingnan-tingnan si Papa. He became a bit alcoholic. Ayaw na din niyang magtraho noon. Si Tita Carrie at Tito Alfie ang nag-encourage sa kanya na bumalik pa rin sa kompanya. Tinanggap ni Papa ang pagiging president at CEO nang magkasakit si Don Alfonso. And of course, my father became more supportive after your father’s accident. Hanggang ngayon alam ko naman na interes ng mga Banal ang iniisip niya. At nakita mo kung gaano siya ka-supportive kay Tita Carrie.”
“I see,” nausal lang niya.
“Bakit nakakunot ang noo mo? May problema ba?”
Ipinilig niya ang ulo at pilit na ngumiti. “Wala. Naalala ko lang kasi nang sabay kaming namili ni Aunt Carrie sa Armani ng necktie at cufflinks. Sa Papa mo pala niya ireregalo.”
“Oh, that? Natural na lang iyon kay Tita. Dati sabay pa silang nagsa-shopping ni Tita Carrie para kay Papa at kay Tito Alfie. At nang mamatay si Mama, ginagawa pa rin iyon ni Tita. Wala na daw kasing gagawa para kay Papa. Mabait siya sa mga kaibigan niya at thoughtful.”
“I see,” usal niya at tumango. “Maybe she really has a good side. Di ko lang nakikita.”
“Oo naman. Alam ko na may hidwaan kayo ni Tita Carrie dahil sa proviso mo. Pero sigurado ako na oras na matapos ang proviso ng lolo mo, magkakasundo din kayo.”
Nagkibit-balikat lang siya at pilit na ngumiti. Ayaw na niyang saktan pa si Francois sa magiging komento niya at ayaw niyang pagtalunan pa nila kapag nilagyan niya ng malisya ang pagbili ni Carrie ng necktie para kay Romualdo.
Ang ipinagtataka lang niya ay bakit kailangan pang maglihim ni Carrie sa kanya? Bakit nang makita niyang tinitingnan nito ang necktie ay bigla itong nagulat at akala mo ay gumagawa ng kalokohan? Bakit kailangan pa nitong sabihin na ibibigay nito sa tatay niya kung hindi naman? Ano naman ang masama kung ibigay nito sa isang kaibigan? Parang may itinatago tuloy ito.
“Amira, you think too much today,” angal ni Francois habang nakahiga sa carpet at nakaunan ang ulo sa braso nito. “Kanina ako salita nang salita dito pero hindi mo naman ako naririnig.”
“I can’t help it. Dalawang buwan na lang at kailangan ko nang mag-present pero wala pa akong solid na plano.” Bumuga siya ng hangin at hinipan ang buhok niyang naligaw sa mukha niya. “Mas solid pa ata ang plano ko sa tea park at sa mga ire-reconstruct na traditional houses sa rice terraces kaysa sa presentation ko.”
Tinapik nito ang tabi nito. “Humiga ka dito. Dali! May naisip ako”
Humiga siya sa tabi nito. “Ano iyon?”
“Pumikit ka lang. Breathe.” Sinunod naman niya ito. “Tapos wala ka nang ibang iisipin.”
Dumilat ang mata niya at akmang babangon. “Pero…”
“Just stop thinking, Amira. Do it.”
Napilitan tuloy siyang bumalik sa pagkakahiga at pumikit. Wala naman siyang magagawa kapag si Francois ang nag-utos. Ano naman ang maiisip niya kung inutusan siya nito na huwag mag-isip? She actually didn’t have much time for this. Naka-panic mode na din siya dahil hindi biro ang dalawang buwan. She needed to work on something solid and she had none.
Narinig niyang nag-ring ang cellphone niya. Akmang babangon siya para sagutin iyon pero nauna nang tumayo si Francois. Sinenyasan siya nito sa daliri na manatili siyang nakahiga. “Hello, Attorney Ferrer! Good evening!”
“Si Attorney Ferrer iyan,” aniya at akmang kukunin dito ang phone pero tinalikuran na siya ng binata at naglakad palayo. Of course. Si Attorney Ferrer ay isang malaking stress tuwing tumatawag. Her boyfriend knew that and he didn’t want her to think at all.
“Ah! She’s sleeping right now. Hindi po siya pwedeng abalahin. It is urgent? Hold for a sec.” His face was grim. Wala rin kasi itong choice sa huli kundi ipakausap siya sa butihing abogado. “He says it is urgent.”
Kinuha niya ang cellphone mula dito. “Hello, Attorney!”
“May skeleton na ba ang presentation mo para sa Banal Mining?”
“Not yet,” aniya at bumuntong-hininga.
“I received a call from Fawna Robles.”
“Fawna Robles? She’s one of the Lizardos.” Isa itong environmentalist gaya niya at napangasawa ang dating vice mayor ng Sagada na si Lycerge Robles. “I thought they are on a honeymoon somewhere in… Antarctica.”
“Yes. Pero nakabalik na silang mag-asawa sa sibilisasyon. Nasa Argentina sila nang tawagan ako kanina. She wants to meet you. Baka may maitulong daw siya sa presentation mo.”
“P-Paano niya nalaman ang tungkol doon?” tanong niya.
“Mas maganda kung kayo na lang ang mag-usap. She will be in Kuala Lumpur next week. She asked me if you want to meet up with her.”
“Why in Malaysia?” tanong niya. “Di ba siya babalik ng Sagada?”
“She is still in her honeymoon. At ang sabi niya sa akin, mas mabuting personal mong makita ang posibleng sagot sa problema mo. So… are you going?”
“Yes,” sabi niya.
“Then I will book a flight to Kuala Lumpur next week for you and Francois?”
Nilingon niya si Francois at nakatayo ilang dipa mula sa kanya habang nakapamulsa. “Will you join me to Kuala Lumpur next week?”
“Anywhere, mon amour.”