“You are smiling.”
Gulat na nilingon ni Amira si Francois na nasa manibela ng sasakyan nito. “Anong sabi mo?”
“Sabi ko ngumingiti ka na. Ganyan ka mula nang makasama mo ang mga kapatid mo. Lalo na kapag kausap mo si Eira.”
Ihahatid siya ng binata pabalik sa guesthouse. Ala una ng hapon na siya nakaalis ng ospital dahil ayaw pa rin siyang pakawalan ni Eira. Kundi pa niya sinabi na kailangan na niyang maligo ay di pa siya nito pakakawalan.
Dumating na ang ibang mga kapatid niya para siya namang magbantay sa lolo niya kaya naman di siya agad nakaalis. Hindi lang siya komportable na nagtatanong ang mga ito kung saan siya nanggaling. Buti na lang at gumagawa ng paraan sina Yumi at Francois para i-distract ang atensyon ng mga ito sa topic.
“Hindi nga ako masyadong nagsasalita,” sabi niya at tuwid na tiningnan ang daan pero naramdaman pa rin niya na naka-stretch ang labi niya. “Hindi pa rin naman ako ganoon ka-close sa kanila.”
“Pero nakangiti ka kahit na nakikinig ka lang sa pinag-uusapan nila. You should smile more often. Mas bagay sa iyo. Mas gumaganda ka kapag lagi kang nakangiti. Your face lits up.”
Bigla niyang binawi ang ngiti niya. “Is that supposed to be a come on, Mr. Mosqueda?”
“A come on? It is a compliment. Bakit ba lagi mo na lang iniisip na inaakit kita o binobola kita? Maganda ka naman talaga kapag nakangiti. Alam ko naman na may appeal ang mga babae na mukhang suplada at masungit katulad mo. Pero mas gusto ko talaga ang mga babae na nakangiti at hindi palaging pasan ang mundo. Kung ngingiti ka lagi, dadagsa ang manliligaw mo.”
Umingos siya. “Hindi ako interesado na magpaligaw. Okay na akong hindi ngumiti.”
“Okay lang din sa akin na hindi ka ngumiti. Hindi naman ako natatakot sa iyo kahit na nakasimangot ka.”
Pumihit siya nang bahagya paharap dito. “Alam mo, Francois, okay ka naman kung hindi lang bubuka ang bibig mo lagi para magpa-cute sa babae.”
“Can’t help it. I am half-French. Being romantic and flirty is in my blood. When I see something beautiful, I compliment it. Bagay man iyan o tao. I am an artist, that’s why. Pero masaya ako sa dahil nakadalaw ka na sa lolo mo at nakasama mo ang mga kapatid mo. Anong gusto mong i-serve ko sa inyo para sa dinner mamayang gabi?” tanong nito. Nangako siya sa mga kapatid na sasamang maghapunan sa mga ito.
“Ikaw ang bahala. Kahit naman anong iluto mo ay kakainin ko.” Walang duda na masarap talaga itong magluto. Nae-enjoy niyang kainin ang luto nito.
“Susunduin ulit kita mamayang gabi? Six-thirty?” tanong nito nang ibaba siya sa harap ng Sagada Guesthouse.
Tipid siyang ngumiti. “Okay.”
Magagaan ang hakbang niya pagpasok ng guesthouse at tumuloy sa counter para kunin ang susi. “Ma’am, may mga bisita po kayo.”
“Sino?” tanong ni Amira at pagpihit niya ay nakita niyang nakaupo sa kahoy na upuan sina Estephanie at ang inang Himaya. Parang sinabugan siya ng bomba sa kinatatayuan niya nang unti-unting tumayo ang nanay niya, matiim ang mga labi nito at nakatuon ang mga mata sa kanya. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Hindi magandang pangitain ito.
“Nanay, ano pong ginagawa ninyo dito?” tanong ni Amira at tensiyonadong nilapitan ang ina. “Hindi man lang kayo nagpasabi na dadating kayo. Magkausap pa nga tayo kahapon.”
Humalik siya sa pisngi nito. Nakangiti siya pero nakita niyang di pa rin nagbabago ang tiim ng anyo nito. Lalong nadagdagan ang tensiyon niya. Kung sinundan siya sa Sagada ng ina, ibig sabihin ay may masamang nangyayari.
“Saan ka nanggaling?” tanong nito sa mababa ngunit mapanganib na boses. Akmang bubuka ang bibig niya para sabihin ang unang palusot na lalabas sa bibig niya pero naunahan na siya ng ina. “Huwag mong sabihing tungkol sa trabaho ang nilakad mo. Kahit si Estephanie hindi alam kung saan ka nagpunta.”
Tiningnan niya ang kaibigan at nangungusap ang mga mata nito. Parang sinasabi nito na di nito alam kung anong sasabihin sa nanay niya. Kahit nga ito ay di rin niya sinabihan na dumadalaw siya kay Don Alfonso sa ospital. Of course, she couldn’t do that to her friend. Napagtakpan na siya nito sa nanay niya nang magpalipas siya ng gabi sa mansion mga Banal. At itinago din niya ang pakikipagkita niya sa mga Banal dahil ayaw niyang isipin ng kaibigan niya na magba-back out siya sa pagtulong dito. Nagsekreto siya sa dalawang taong pinaka-malapit sa kanya. And she felt guilty.
“Nalaman ko na nasa ospital ngayon si Don Alfonso. Doon ka ba galing? Dinalaw mo ba siya?” sunud-sunod na tanong ng ina na may halong pag-angil. “Nakita mo na ba ang mga kapatid mo? Kailan ka pa nagsisinungaling sa akin? Natuto ka nang magtago dahil sa kanila?”
“N-Nanay, huwag po tayo dito mag-usap. Doon na lang po tayo sa kuwarto ko,” sabi niya at luminga sa reception kung saan patay-malisya ang staff ng guesthouse pero tiyak niyang naririnig nito ang usapan nila dahil may kalakasan ang boses ng ina.
Iilan pa lang ang nakakaalam na isa siyang Banal bagamat kalat na sa bayan ang tungkol sa walong apo ni Don Alfonso. At ayaw niyang kumalat pa ang dramang ito tungkol sa komprontasyon nilang mag-ina. Sa loob ng mahabang panahon ay nanatili silang sekreto sa lahat. Ayaw niyang malaman ng iba ang tungkol sa pagkatao niya sa ganitong paraan – hindi sa harap ng publiko.
“Dito lang po ako sa baba, Tita. Maghihintay lang po ako sa inyo,” anang si Estephanie na marahil ay gusto silang bigyan ng privacy na mag-ina. Pero nasa mga mata rin nito ang takot. Ayaw nitong maipit sa gitna ng putukan. Minsan lang magalit ang kanyang ina pero matindi.
“Salamat, Estephanie,” anang nanay niya at sinundan siya paakyat ng hagdan. Binuksan niya ang kuwarto niya na di man lang niya natulugan kagabi. Patindi nang patindi ang guilt na nararamdaman niya.
Ginawa niya ang lahat para manatiling sekreto ang pagdalaw niya kay Don Alfonso at ang pakikipagkita sa mga kapatid. Ayaw niyang masaktan ito o mawalan ng tiwala sa kanya. Pero marahil ay sapat na ang hinala nito para puntahan siya sa Sagada nang di ipinapaalam sa kanya.
“Kumain na po ba kayo? Gusto ninyong kumain muna?” alok ni Amira at pinilipit niya ang sariling kamay sa sobrang kaba.