Nakatayo ito sa tabi ng pinto habang mariing magkadikit ang mga labi. “Hindi na kailangan. Kumain na ako kina Estephanie,” anito sa malamig na boses.
“N-Nasaan po ang gamit ninyo?” tanong niya nang makitang isang silk shoulder bag lang na galing Thailand ang dala ng ina. Hinila niya ang upuan. “Maupo po muna kayo.”
She knew that she was avoiding the inevitable, but she needed to buy time. Di pa niya alam kung paano sasabihin dito ang simula ng lahat nang di ito nasasaktan. Ang pinakahuling bagay na nais niya ay masaktan ang ina.
Umupo ito subalit naroon pa rin ang tensiyon sa paligid. Hindi nito basta-basta palalampasin ang ginawa niya. Her mother was ready to pounce anytime soon.
“Iniwan ko kina Estephanie. Umaasa ako na doon ka pa rin tumutuloy sa bahay nila gaya ng sinabi mo sa akin. Nagulat na lang ako dahil bukod sa ilang araw ka nang wala sa bahay nila at dito ka na sa guesthouse tumutuloy, hindi rin niya alam kung saan ka hahanapin. Ni hindi niya ma-contact ang cellphone mo dahil daw mahina ang signal. Tapos ang sabi dito sa guesthouse, kagabi ka pa hindi umuuwi. Marami kang kailangang ipaliwanag sa akin, Amira.”
Nanatili siyang nakatayo at huminga ng malalim. Bumagsak ang balikat niya. “Hindi ko po alam kung paano magsisimula.”
“Kailan ka pa nakipagkita sa mga Banal? O baka naman ang mga Banal talaga ang pakay mo sa pagpunta dito sa Sagada.”
Umiling siya. “Hindi po. Nanay, nagsasabi po ako sa inyo ng totoo. Nagpunta po talaga ako dito para tumulong sa pagpapatigil ng operasyon ng minahan. Nakita naman ninyo kung anong ginawa ko para sa mga tagadito. At hindi ko naman po ginusto na makita sila. They forced me to.”
“Pinilit ka nila? Did they blackmail you? Na-kidnap ka ba?” tanong nito na parang ayaw maniwala.
Nagpakawala siya ng pinipigilang hininga. “Nang dumating po ako dito, basta na lang may sumundo sa akin sa bayan. Akala ko naman po siya ang pinakiusapan ni Estephanie para sunduin ako. Nakatulog po ako sa biyahe pero paggising ko po, nasa harap na ako ng mansion ng mga Banal. Nandoon na lang din si Don Alfonso at wine-welcome ako.”
Ipinadyak nito ang isang paa. “Ano bang iniisip mo, Amira? Sumama ka na lang basta-basta nang hindi vine-verify ang identity ng sumundo sa iyo? Ano bang nangyayari sa iyo? Hindi ka nag-iingat.”
Napangiwi na lang siya sa mataas na tono ng ina. “I… I was sleepy and tired. Gusto ko na lang pong magpahinga nang mga oras na iyon,” aniya at kinagat ang ibabang labi. Hindi na lang niya nabanggit na nawala siya sa sarili at basta na lang siyang sumama kay Francois dahil parang nahipnotismo siya nito. Tiyak na magpa-panic ang nanay niya. “Saka wala naman pong ibang nakakaalam na ibang tao na pupunta ako dito sa Sagada. Si Estephanie lang, ang kapatid niya at ang susundo sa akin.”
“Of course. The Banals have their ways. Sa dami ng pera nila, kaya nilang malaman ang kahit na ano. Umalis ka ba sa mansiyon pagkatapos?” marahang tanong ng ina. “Sinubukan ka ba nilang pigilan?”
“Sinubukan ko pong umalis dahil ayoko naman talagang makita si Lo… si Don Alfonso. Hindi po ako interesado sa kanila, maniwala po kayo. Handa naman talaga akong maglakad palabas ng lupain nila kasehodang maglakad po ako pabalik ng bayan. Pero sinabi ni Don Alfonso na alam niyang nandoon ako para sa minahan. Na gusto kong magprotesta. Handa naman daw siyang makinig sa akin at baka sakaling may mapagkasunduan kami basta manatili ako doon hanggang hapunan.”
“At pumayag ka naman?” tanong ng ina niya at humalukipkip.
Marahan siyang tumango. “Wala naman po akong choice nang mga oras na iyon. Naisip ko na baka makinig siya sa akin. Baka pwede kong i-exploit ang pagiging apo ko sa kanya para mapagbigyan niya ang hiling ko. Para di na kailangan ng maraming protesta. It was just for a night. Hindi ko naman sila kailangang tanggapin. Sana po maniwala kayo na nandoon lang ako para lang sa minahan.”
“At hindi mo man lang sinabi sa akin?”
“I got everything under control.”
“Pero nakasama mo si Don Alfonso. Nakilala mo ang mga kapatid mo sa ama? Baka naman naging malapit ka na sa kanila,” anito sa boses na puno ng kaba. Na parang mawawala siya dito kung mapapalapit man siya sa mga Banal. “Baka naman malapit ka na rin kay Caridad. Baka nakalimutan mo na ang ginawa niya sa atin.”
“Hindi ko po nakakalimutan. Hindi rin naman ako malapit sa ibang kapatid ko. I think most of them don’t like me. I think some of them don’t care about me at all. Either that or I don’t care about them.” Hindi niya alam kung may conviction ang sinabi niya. Naisip kasi niya ang ilan sa mga kapatid niya na mabait sa kanya gaya nina Yumi at Eira na nag-alala nang mawala siya. “At hindi ko inilihim kay Caridad Banal na alam ko kung anong ginawa niya sa ating mag-ina. Pero sinabi ko na wala akong pagsasabihang iba tungkol sa lihim niya. Gusto… gusto ko na lang po talagang makalayo sa kanila.”
“Anong sinabi ni Don Alfonso sa iyo tungkol sa minahan? Sinabi ba niyang pagbibigyan ka niya at ipapasara iyon?”
Yumuko siya at umiling. “Nag-usap kami kinabukasan ng umaga. Sabi po ni Don Alfonso di naman daw ganoon kadali na ipatigil ang operasyon.”
“Ibig sabihin walang kwenta ang pakikipag-usap mo sa kanya. Pinaasa ka lang niya para makuha niya ang gusto niya. Wala siyang ipinagkaiba sa anak niya. Puro lang salita pero hindi naman kayang tuparin.”
Humugot siya ng malalim na hininga. “Alam ko po kaya nga umalis ako ng mansion at bumalik dito sa bayan. Ginawa ko po ang trabaho ko, Nanay. Gusto kong ipakita sa inyo na nasa inyo ang loyalty ko at hindi sa mga Banal.”
“Kung nasa akin ang loyalty mo, bakit hindi ka umuwi agad matapos ang campaign? At natitiyak ko na dinadalaw mo si Don Alfonso sa ospital kaya hindi ka makaalis dito sa Sagada.”