Barely Heiresses: Amira Chapter 25

Mining Corporation kaya inatake siya sa puso. Alam ba ninyo kung gaano katinding guilt ang nararamdaman ko hanggang ngayon? Nasa ICU siya ngayon at bilang na ang mga araw niya. At kasalanan ko ang lahat ng iyon. Wala naman po akong gustong saktan sa inyo. Pero hirap na hirap po ako nang ganito. Ni hindi ko kayang tingnan ang sarili ko sa salamin dahil inuusig ako ng konsensiya ko. Ni hindi ko nga kayang puntahan man lang sa ospital si Don Alfonso o silipin sa ICU dahil baka tuluyan niyang ikamatay ang presensiya ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Parang napakasama kong tao.”

Napahagulgol siya ng iyak dahil hating-hati siya. Parang isa siyang rubber band na hinihila sa magkabilang gilid. Mahal na mahal niya ang nanay niya pero matindi din ang guilt na nararamdaman niya dahil responsable siya sa nangyari kay Don Alfonso. Di niya ito pwedeng basta na lang iwan.

“I am sorry, Nanay. Sorry po kung nagsinungaling ako sa inyo. Ayoko lang talaga kayong masaktan at mag-alala sa akin. Huwag na po sana kayong magalit. Hidni ko naman po gusto ang nangyayaring ito. Kung ako ang masusunod, ayoko naman po talagang makilala ang mga Banal,” sabi niya.

Hinaplos nito ang likod niya bagamat naririnig din niya ang paghikbi ng ina. Alam niyang nasasaktan din ito dahil nasasaktan siya. Na nangyari ang bagay na kinatatakutan nito o maaring higit pa. It was not just about her betrayal, but she also got hurt in the process. At wala itong nagawa para protektahan siya.

“Alam ko, anak. Alam ko. Pasensiya ka na kung kailangan kong pumunta dito. Gusto ko mawalan ka na ng kaugnayan sa kanila. Ayokong masaktan ka. Guguluhin lang nila ang buhay mo. Tingnan mo nga ang nangyari sa iyo. Anak, dahil sa kanila natuto kang maglihim at magsinungaling sa akin. Hindi ka naman ganyan. Walang taguan ng sekreto sa atin, di ba? Tayong dalawa lang ang magkakampi. Naalala mo ba iyon?”

Tumango siya. “Opo. S-Sana po di mawala ang tiwala ninyo sa akin. H-Hindi ko lang po talaga alam ang gagawin ko ngayon.”

Hinawakan ng nanay niya ang magkabila niyang pisngi. Tigmak din ng luha ang mga mata nito subalit pinunasan nito ang luha niya. Huminga ito ng malalim at nakita niya ang desisyon sa mga mata nito. “Amira, makinig ka sa akin. Aalis na tayo dito sa Sagada. Ayokong manatili ka pa dito. Kailangang ilayo na kita sa mga Banal. Hindi sila makakabuti para sa iyo.”

“Pero, Nanay…”

Umiling ito. “Anak, kung mananatili ka pa dito, hindi ko na alam kung ano pang pwedeng mangyari sa iyo. Hindi na kita kayang protektahan. Hayaan mo na ang mga Banal. Hayaan mo na si Don Alfonso. I-empake mo na ang gamit mo at kukunin natin ang huling trip pabalik ng Baguio. Kalimutan mo na sila. Kung mahal mo ako bilang nanay mo, ako ang pipiliin mo.”

Huminga siya ng malalim at pumikit. Masyadong mabigat ang hinihingi sa kanya ng ina. Aalis na lang siya basta nang di man lang nagpapaalam kay Don Alfonso at sa mga kapatid niya? Kaya ba nitong umalis sa Sagada sa ganitong sitwasyon? Pero paano naman ang nanay niya? Sa loob ng mahabang panahon ay sila lang ang magkasama at magkakampi. Alam niyang kapag pinili niyang manatili sa mga Sagada, baka tuluyan nang lumaki ang lamat sa relasyon nilang mag-ina.

Hindi siya kawalan sa mga Banal. Bukod sa kanya, may pito pang mga apo ni Don Alfonso. Habang siya naman ay nag-iisang anak ng kanyang ina. Kapag nawala pa siya dito, maiiwan na lang itong mag-isa sa buhay. Hindi iyon kakayanin ng puso niya. Hindi rin niya kayang mawala ang ina niya na kakampi niya sa lahat ng oras.

Kailangan na niyang mamili ngayon. Kaunti na lang ang oras niya dahil alas tres ang last trip ng bus pabalik ng Baguio.

Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata at pilit na ngumiti. “Sasama na po ako sa inyo pabalik ng Manila, Nanay.”

Napaiyak ito subalit sa pagkakataong ito ay dahil sa tuwa. Mahigpit siya nitong niyakap. “Maraming salamat, anak. Salamat. Alam ko na di mo ako bibiguin. Masaya ako dahil di ka mawawala sa akin.”

Pumikit siya at pilit na binura sa isipan niya ang mahinang si Don Alfonso na nakaratay sa ICU at ang masasayang mukha ng ilan sa mga kapatid niya na umaasang babalik siya ng ospital at makakasama siya sa hapunan pati na rin sa pagbabantay sa lolo niya. Sana lang ay mapatawad siya ng mga ito.

MABIGAT ang pakiramdam ni Amira habang ineempake ang mga gamit niya. Wala pa siyang isang linggo sa Sagada pero parang napakarami nang nangyari. At aalis siya doon nang alam niyang may maiiwan siyang bahagi ng buhay niya na hindi pa tapos. Kaya ba talaga niyang umalis kung bilang na ang sandali ni Don Alfonso?

Hindi siya makahinga dahil parang may batong nakadagan sa dibdib niya at inilagay sa backpack niya ang inirolyo niyang gypsy skirt. Kailangan kong gawin ito para kay Nanay. Baka kapag di pa ako umalis dito, si Nanay naman ang mawala sa akin. Siya ang totoong pamilya ko. Kailangan niya ako. At babalik na ako sa normal kong buhay.

May kumatok sa pinto at kasunod niyon ay tinawag ni Estephanie ang pangalan niya. “Amira, pwede bang pumasok?”

Pinagbuksan niya ito ng pinto. “Nasaan na si Nanay?”

“Nasa radio station. Kausap niya si Kuya at ang ibang radio broadcasters. Gusto niyang i-assess kung gaano kalaki na ang progress ng protest sa minahan dito. Uhmmm… gusto mo bang tulungan kita na mag-empake?”

Tipid siyang ngumiti at ipinagpatuloy ang pagtutupi ng damit. “Hindi na. Matatapos na rin naman ito.”

Umupo ito sa gilid ng kama at yumuko. “A-Amira, I am sorry. H-Hindi ko lang kasi alam kung anong dapat kong sabihin kanina. Basta na lang kasi ako tinawagan ni Tita Himaya at sabi niya sunduin ko siya sa bayan. Ayun! Hinanap ka na lang niya sa akin at hindi ko alam kung anong isasagot ko. Kasi… kasi kahapon pa naman tayo huling nagkausap. Wala ka sa guesthouse at di ka naman matawagan sa cellphone. Huwag ka sanang magalit sa akin.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.