Lalong sumama ang pakiramdam niya nang makita ang guilt sa mukha ng kaibigan. Tumigil siya sa pag-eempake at ginagap ang kamay nito. “Estephanie, hindi mo kasalanan ang nangyari. Ako nga ang dapat na humingi ng sorry sa iyo. Naglihim ako. Hindi ko kasi gusto na isipin mo na… lumalambot ako sa mga Banal at kalilimutan ko na ang pangako ko na tulungan kayo na ipasara ang minahan.”
“Sabi ko naman sa iyo na naiintindihan kita. Wala iyon. Siyempre pamilya mo pa rin sila kahit na anong sabihin mo. Nasa panganib pa ang buhay ng lolo mo. Kahit naman ako ang nasa sitwasyon mo, doon ako sa pamilya ko siyempre. Kahit pa hindi ako close sa kanila.”
“Ayoko sanang umalis nang ganito pero kailangan kong mamili. P-Pwede bang sabihin mo na lang sa akin kung anong nangyayari sa mga Banal pag-alis ko? H-Huwag na lang banggitin kay Nanay ang tungkol dito. Saka…”
“Saka ano?” tanong nito at naiintriga siyang tiningnan.
“P-Pakisabi na lang kay Francois, I mean kay Chef Aklay na salamat sa mga naitulong niya sa akin. Kung hindi dahil sa kanya, di naman ako magkakalakas ng loob na puntahan si Don Alfonso sa ICU. Umalis man ako ng Sagada, at least nasabi ko na ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanya.”
“Iyon lang? Wala ka nang ibang ipapasabi?” nakataas ang kilay nitong tanong at naglaro ang nanunuksong ngiti sa labi.
“Huwag ka ngang nang-iintriga diyan! Kita mong seryoso ako.”
“E kasi ngayon ka lang yata tumanggap ng tulong sa isang lalaki para sa personal mong isyu.” Nagkibit-balikat ito. “Wala lang. Baka lang may someone na pwedeng tumunaw sa puso mong nababalutan ng yelo.”
Umiling lang siya. “Wala akong oras para diyan. He is just… nice to me. Saka huwag mo na akong tuksuhin. Kita mo ngang umiiyak na ako.”
Hinaplos nito ang likod niya. “Masyado ka naman kasing seryoso. Tahan na. Magiging maayos din ang lahat.”
“Sana nga,” usal niya pero parang sarili lang niya ang kinukumbinsi niya. Alam niya na sa pag-alis niya sa Sagada ay maraming magbabago. Hindi na siya ang dating Amira. Kung makakabuti iyon o makakasama sa kanya ay di niya alam.
Maya maya pa ay kumatok na sa pinto si Himaya. “Malapit nang mag-alas tres. Kailangan na nating pumunta sa terminal. Baka maiwan na tayo ng bus. Ayoko nang magpalipas ng gabi dito.”
Limang minutong lakaran lang ang terminal ng bus mula sa guesthouse. Habang naglalakad ay parang may kadenang humihila sa paa niya. Mabilis naman ang lakad ni Himaya na parang hinahabol ng isang batalyong demonyo. Hindi naman niya ito masisisi. Sa lugar na iyon naalala ng ina niya ang kabiguan nito. Kahit pa maraming masasayang alaala doon gaya nang ipanganak siya.
Di niya maiwasang lumingon sa direksiyon ng kalsada patungo sa ospital. Sukal sa loob niya na umalis ng Sagada nang di man lang nagpapaalam kay Don Alfonso o sa mga kapatid niya. Sana lang ay may pagkakataon pa iya para makapagpaalam nang maayos. Hindi itong mawawala na lang siya basta. Ganoon ang ginawa ng tatay niya sa nanay niya, di ba? Nangako at umalis nang walang paalam. Naglaho na lang na parang bula.
“Amira, ano pang tinitingnan mo diyan? Halika na! Bilisan mong maglakad,” utos ni Himaya na ilang metro ang layo sa kanya.
Kinuyom niya ang palad at nagpatuloy sa paglalakad habang pasan ang mabigat niyang backpack. Kailangan kong kayanin ito. Hindi ako lilingon. Hindi na ako lilingon. Iiwan na niya ang lugar na iyon at ang mga Banal.
Inilalagay na niya ang backpack sa compartment ng bus nang may bumusina di kalayuan sa kanya kasunod ng pagtawag sa pangalan niya. “Amira! Amira!”
Nang lumingon siya ay si Francois iyon na nakasakay sa Land Cruiser nito. “Sino iyon?” tanong ng nanay niya. Nakakunot agad ang noo ni Himaya at mukhang skeptical nang makitang guwapo ang binata. Of course, overprotective ang nanay niya pagdating sa mga guwapong lalaki na lumalapit sa kanya.
“K-Kaibigan ko po,” sabi niya at lumunok nang makitang mabibilis ang hakbang ni Francois habang palapit sa kanya. He was not in his usual carefree and cool demeanor. There was urgency in his strides and he looked dead serious.
Sinalubong agad niya ito. “Francois, paalis na ako.”
Hinawakan nito ang mga kamay niya. “Hindi ka pwedeng umalis. Kailangan mong sumama sa akin.”
Biglang sumingit ang nanay niya at binawi ang kamay niya mula kay Francois. “Sandali. Saan mo naman dadalhin ang anak ko?”
Biglang natigilan ang lalaki dahil di nito inaasahan na naroon din ang nanay niya. Kinamayan ni Francois si Himaya. “Ma’am, I am Francois Mosqueda. Kailangan ko pong dalhin si Amira sa kay Don Alfonso ngayundin.”
“No! Kung utusan ka ng mga Banal, sabihin mo sa kanila na ilalayo ko na sa kanila ang anak ko. Sabihin mo kay Don Alfonso na…”
“Anumang oras po ay maari na siyang mawala. K-Kailangan po ang mga apo niya doon sa ospital. Kailangan po doon si Amira.”
Kumabog ang dibdib niya. Malapit nang mawala si Don Alfonso. Naramdaman niya ang paghigpit ng nanay niya sa kamay niya. “N-Nay, kailangan ko po na pumunta sa ospital,” aniya sa matatag na boses. Hindi kakayanin ng konsensiya niya na umalis ng Sagada ngayon nang wala sa tabi ng lolo niya kapag nawala ito sa mundo.
“Amira, nag-usap na tayo,” anang ina niya na may babala sa boses.
“Nanay, pinalaki po ninyo akong matapang at matalino pero hindi walang puso. So please, payagan na po ninyo ako,” pakiusap niya.
Pinisil ni Himaya ang kamay niya bilang pang-unawa at saka nilingon ang konduktor na nagkakarga ng gamit niya. “Hindi na kami tutuloy ng anak ko. Pasensiya na sa abala.”
“Salamat po, Nanay,” sabi niya at parang may nawalang bigat sa dibdib niya. Mabuti talagang tao ang nanay niya. Tinanguan si Francois. Dali-dali nitong kinuha ang bag niya at nagtungo sa kotse.
Wala silang inaksayang oras at umaarangkada na ang Land Cruiser ng binata sa kalsada ng Sagada. Malakas na malakas ang kaba niya.
Hindi binitiwan ng nanay niya ang kamay niya. “Maging matatag ka, anak. Kailangan ng mga tao sa paligid mo ngayon ang katatagan mo anuman ang mangyari.”
Tumango siya at pinigilan ang lumuha. Sa pagkakataong ito ay magkakampi silang dalawa. Wala pang limang minuto ay nasa harap na sila ng Sagada Doctor’s Hospital. Tumuloy agad silang mag-ina sa labas ng ICU kung saan naghihintay ang iba pang mga Banal.
Sinalubong agad sila ni Attorney Ferrer. “Mabuti at narito ka na, hija. It is touch and go for Alfonso right now. Sinusubukan siyang i-revive ng mga doktor.”
“Anong ginagawa ninyo dito?” mahina ngunit maangas na tanong ni Caridad na masama ang tingin sa kanilang mag-ina. Mukhang di iyon napansin ng mga kapatid niya dahil naka-focus ang atensiyon ng mga ito sa pagdadasal habang nakayuko at magkakahawak ng kamay.
Naramdaman niya ang tensiyon ng ina lalo na at nakaharap nito ang dating matalik na kaibigan. “Amira, sinabi ko na sa iyo na ayokong makita ka pa dito. Matapos ang ginawa mo kay Papa, may mukha ka pang ihaharap dito. At isinama mo pa ang nanay mo.”
“Banal ang anak ko,” anang si Himaya sa matatag na boses. “Kung gusto niyang magpunta dito para sa lolo niya, walang pwedeng pumigil o magpaalis sa kanya. Mas may karapatan siya dito.”
“Carrie, ano bang ginagawa mo?” tanong ni Attorney Ferrer at hinila palayo si Caridad. “Hindi ito ang oras para diyan. Nakita mo naman na naghihingalo na si Alfonso. Tigilan mo na ito. Kailangan na magkasama-sama kayo. Hayaan mo na sila Amira at ang nanay niya.”
Pinalis ni Carrie ang luha at saka bumalik sa ibang kapatid niya. Mabuti na lang at hamak mas kalmado ang nanay niya kaysa dito. Ibang klase. Ito na nga ang may malaking kasalanan sa kanilang mag-ina, ito pa ang matapang.
“Miss Catindig, Amira, maari po muna kayong umupo,” anang si Attorney Ferrer at itinuro ang bakanteng upuan na katabi lang ng upuan ng mga kapatid niya.
“Hindi naman ako kapamilya,” sabi ni Himaya at hinalikan siya sa noo. “Maiwan ka na dito, anak. Nasa waiting room lang ako. Nandoon ako kung kailangan mo ako.”
Niyakap niya ito. “Salamat po, Nanay.”
Niyakap siya ng humahagulgol na si Eira pero nanatiling blangko ang anyo niya. Naroon ang takot, ang guilt at alam niyang kailangan niyang patatagin ang dibdib niya. Hindi siya iiyak. Hindi siya iiyak. Mas gusto niyang magbigay ng lakas ng loob sa mga kapatid niya na pinanghihinaan.
Ngunit hindi talaga maiiwasan ang kamatayan. Sa ganap na alas singko ng hapon ay idineklara nang patay si Don Alfonso Banal.