MAKULIMLIM ang langit subalit mistulang bumuhos ang malakas na ulan sa Sagada dahil sa dami ng nagsi-iyak nang ihatid sa huling hantungan si Don Alfonso Banal. Sa Calvary Hill nakalagak ang labi nito matapos ang tatlong araw na lamay o “bingit” at siyam na baboy na kinatay bilang bahagi ng tradisyon.
Buong Sagada ang nakipaglibing dito bukod pa sa mga kaibigan, kakilala at empleyado nito mula sa iba't ibang lugar. Halos lahat ay may luha sa mga mata. Lahat ay may kanya-kanyang kwento. Nagsisipag-iyakan din ang mga kapatid niya. Hindi niya alam kung dahil napalapit na ang mga ito sa don o dahil iyon ang inaasahan ng mga ito.
Parang si Amira lang ang di lumuha. Alam niyang nagtataka ang marami. Nararamdaman niya ang pasimpleng tingin sa kanya ng kapatid niyang si Ailene na parang nang-uuyam. Mistulang bato ang puso niya dahil kahit nang ideklara na patay na ang lolo niya ay blangko lang ang anyo niya at di man lang siya naluha.
Ganoon talaga siya. Sa mga oras na bagsak na bagsak na ang lahat at walang lakas ng loob, alam niya na kailangan niyang maging matatag. Naniniwala siya na dapat ay di iyakan ang mga namayapa na. Na masaya na ang mga ito sa piling ng Lumikha. Isa pa, natupad na ni Don Alfonso ang hiling nito na mapagsama-sama silang mga apo nito.
Mas dapat iyakan ang mga buhay dahil hindi alam ng mga ito kung anong buhay ang naghihintay sa mga ito. Gaya niya. Sa nagdaang mga araw ay parang bumaligtad ang mundo niya.
Inilibing si Don Alfonso katabi ng puntod ng asawa nitong si Celestina. Nakatitig lang siya habang tinatabunan ang hukay na pinaglibingan nito.
Goodbye, Lolo. Sana kung anuman ang di natin napagkasunduan, kasama nang naibaon sa pag-alis ninyo. Kahit paano nagpapasalamat ako na may lolo pa rin ako na tumanggap sa akin kahit na di tayo malapit sa isa’t isa. Sa palagay ko ay masaya ka na dahil kasama ninyo si Donya Celestina… si Lola.
“Hindi ka pa ba sisilong? Umuulan na,” untag sa kanya ng boses.
Gulat siyang tumingala at nakitang nakatayo sa tabi niya si Francois. May hawak itong malaking payong at saka lang niya napansin na umuulan nga. Nang tumingin siya sa paligid ay wala nang mga tao sa paligid ng puntod. Kahit ang mga kapatid niya at si Caridad ay nasa di kalayuan habang nakikipag-usap sa ibang mga nakipaglibing.
“Salamat pero okay lang ako dito,” aniya at hinapit sa sarili ang itim na over-all coat. Hindi niya napansin ang ulan o ang pagsigip ng lamig sa katawan niya hanggang tumayo si Francois sa tabi niya. Mistula siyang manhid at lutang, kung kailang inaakala niyang kontrolado niya ang lahat.
“Your grandfather was a good man. Sayang nga lang dahil hindi siya taal na taga-Sagada. Had he been one, he must be a kadangyan.”
Kumunot ang noo niya. “Kadangyan?”
“A nobility.” Tumayo ng tuwid si Francois. “Kailangan isa siyang village head at gayundin ang magulang niya at ang kanunu-nunuan niya.”
“So it is default by birth.”
“Yes. Pero kailangan din ay may naitulong siya sa lipunan at wala rin siyang kahit anong ginawang krimen. Hindi siya nagnakaw o hindi siya nakiapid. Habang burol niya ay ilalagay siya sa death chair at aalayan ng ritual. At may karapatan din siya na mailagak ang katawan sa Hanging Coffin. Gusto sana siyang iapela ni Tita Carrie pero ang tradisyon ay tradisyon na di pwedeng balewalain ng mga tao. It doesn’t matter. Marami naman ang nagmamahal sa kanya. Kung mas matagal sana kayong nagkasama, mas magkakasundo kayo.”
“Or maybe not. Sigurado ako na mas marami kaming di mapagkakasunduan.” May pagka-domineering ang lolo niya at siya naman ay may tendency na pangatawanan ang mga desisyon at prinsipyo niya nang di iniintindi kahit sino pa ang masagasaan niya. “Siguro naman ay masaya na sila sa langit ni Lola Celestina.”
“Yes. Masaya na siya kasama ang babaeng mahal niya.” Nagulat siya nang bigla nitong hawakan ang kamay niya. “And it is okay to cry. Hindi mo naman kailangang maging matatag sa harap ko.”
“What?” bulalas niya at tiningala ito. “Iniisip mo na gusto kong umiyak?”
“Yes. Napansin ko kasi na parang kinokontrol mo ang emosyon mo. You don’t really have to. At least not with me.”
Umiling siya. “No. Ganito talaga ako. Kapag humaharap ako sa mga taong namatay na, pinipili ko na maging masaya kung nasaan man sila. Kung may iiyakan man siguro ako, iyon ay ang mga tao dito sa lupa na buhay pa rin at naghihirap. Dahil ang mga taong patay na ay masaya na sa langit. Tayo hindi pa natin alam kung anong hirap ang dadanasin natin dito.”
“Pero masaya din na mabuhay kahit na mahirap, hindi ba?”
Tipid siyang ngumiti at inilahad ang palad dito. “It is really nice meeting you, Chef Francois Mosqueda. Naa-appreciate ko talaga ang mga nagawa mo para sa akin habang nandito ako sa Sagada. Kahit pa nga kinidnap mo ako…”
“Oh, wait! Are you saying goodbye? Aalis ka na ng Sagada? Bakit?”
“Tapos na ang pananatili ko dito. Nailibing na si Don Alfonso. May buhay ako na dapat balikan. Masyado na akong natagalan dito.”
“Yes. You are out to rescue Mother Earth. Pero may tatlong araw pa na ritual pagkalibing niya.”
“Sa palagay ko ay hindi na ako makakatagal para doon.” As much as she wanted to respect the customs and tradition, she knew that she was at her limits.
“I wish you would stay longer.”
“Perhaps we will see each other again,” nausal niya bago pa niya maisip kung anong ibig sabihin noon.
“I am sure we will see each other again,” sabi nito at tinitigan siya. Hindi niya maalis ang tingin dito. Di siya makagalaw sa kinatatayuan. Parang ayaw na niyang umalis. Kailan? Saan? Paano? Ligtas ba siya kung makikipagkita ulit siya dito? Was it even sane?
Yes, she was safe with Francois. Pero hindi lang niya alam kung anong pwedeng mangyari sa kanya kapag kasama ito nang silang dalawa lang. May tendency siya na mawala sa sarili at di niya alam kung anu-anong ginagawa niya kapag kasama ito. As if he altered her brain. Pero bahala na. Nasabi na niya. Dahil di pa man siya nakakaalis, iniisip na niya ang muli nilang pagkikita.
“K-Kailangan ko nang bumalik kay Nanay at kina Estephanie. Kanina pa nila ako hinihintay,” sabi niya at pumihit para maglakad palayo dito. Nanatili din ang nanay niya sa Sagada pero nakadistansiya lang ito at hindi lumalapit sa mga Banal. Alam ng nanay niya kung saan ito lulugar. Nanatili lang naman ito sa Sagada dahil gusto siya nitong damayan sa pagpanaw ng lolo niya.
“Halika na, anak,” anang nanay niya nang lumapit siya. Hinila agad siya nito para sumilong sa payong nito na parang isang banta si Francois sa kanya. “Salamat,” pormal lang na sabi nito sa binata.
“May ihinanda pong pagkain sa mansion para sa lahat ng nakipaglibing,” sabi ni Francois. “Pwede po kayong sumabay sa akin. Nasa malapit lang po sa simbahan nakaparada ang sasakyan ko.”
“K-Kung pwede sana hindi na ako bumalik sa mansion. Masama na talaga ang pakiramdam ko. Pakisabi na lang sa mga kapatid ko na gusto kong magpahinga,” sabi ni Amira.
Teritoryo ni Carrie ang mansion. Sa lugar na iyon ay wala na siyang takas sa nang-aakusa nitong mga tingin. Hindi niya alam kung sino pa ang ibang nakakaalam na ang radio interview niya ang dahilan kung bakit inatake si Don Alfonso sa puso =. Bagamat nakahingi na siya ng tawad sa lolo niya at hopefully ay napatawad siya nito bago pa ito pumanaw, tiyak niyang di siya mapapatawad ng sinumang makakaalam ng pangyayari.
Isa pa, totoo naman iyon dahil sa loob ng mahigit tatlong araw ay wala siyang itinulog. Nagbantay lang sila sa lamay. Pakiramdam niya ay nasa limit na ang katawan niya idagdag pa ang emotional stress sa kanya ng nagdaang mga araw.
Lumapit sa kanila si Attorney Matthew de Guzman. “Miss Amira, ipinatatanong ng ibang kapatid mo kung gusto mong dumalaw sa ama mo. Nasa Sagada Doctor’s Hospital lang siya ngayon.”
Naramdaman niya ang tensiyon sa katawan ni Himaya at humigpit ang pagkakahawak sa braso niya. Of course. Buhay pa ang ama na itinuring na nilang patay. At kahit na mistulang wala itong buhay dahil sa pagkakaka-comatose ay may kapangyarihan ito na magdala ng sakit sa kanyang ina.
Marahan siyang umiling. “Hindi na po. Gusto na naming magpahinga sana ni Nanay. Kailangan na rin po kasi naming umalis dahil bukas ng madaling-araw ang balik namin ng Manila.” Wala siyang planong makita ang ama. After all, matagal na itong patay kung siya ang tatanungin. Mas gusto niyang isipin na kasama na rin itong nakalibing sa tabi ng mga magulang nito.
Natigilan ang bata at guwapong abogado. “S-Sandali lang. Hindi ka pa pwedeng umalis ng Sagada. May tatlong araw pa ng ritual ng senga para sa kay Don Alfonso. Matapos ang senga ay kailangan ka sa mansion para sa pagbasa ng testamento ni Don Alfonso.”
Huminga siya ng malalim. “I can’t stay longer. Hindi ako interesado sa kayamanan ni Don Alfonso. Kung may kailangan akong pirmahan na kahit ano para isuko ang claim ko sa mana ko, ipadala na lang ninyo sa akin. Thank you and good day, Attorney.”
“Mahigpit ang bilin ni Don Alfonso na isa lang sa mga ipinatawag niya ang di dumalo ay maaapektuhan ang mamanahin ng iba pa. Ayaw mo naman sigurong mawalan ang mga kapatid mo,” anang si Attorney de Guzman sa suwabe at pormal na boses. “Hihintayin ka namin bukas ng alas nuwebe sa mansion.”
Tahimik silang mag-ina hanggang makarating sa guestroom sa bahay nila Estephanie. “Huwag mong sabihing iniisip mo ang mana ni Don Alfonso?” Bumuntong-hininga si Himaya nang di siya agad nakasagot. “Anak, hindi naman natin kailangan ng pera na iyon.”
“Alam ko, Nanay. Pero paano naman ang mga kapatid ko? May lumaki sa kanila sa hirap. May hindi pa nga nakatapos ng elementary at nakatira sa squatters. Kailangan nila ang manang nakukuha nila kay Don Alfonso. Kahit man lang sana iyon maibigay ko sa mga kapatid ko. Who knows? Baka hindi na kami magkita-kita sa susunod.”
Tumango ito. “Hindi naman kita masisisi kung gusto mo silang tulungan. Sa ugali ni Don Alfonso, mukhang siya ang tipo ng tao na gagawin ang lahat masunod lang ang gusto niya kahit na sa kabilang buhay.”
“Mukha nga po. O-Okay lang po ba kung hayaan ninyo muna ako.”
Bumagsak ang balikat nito. “Ano pa nga bang magagawa ko? Pagkatapos basahin ang testamento ni Don Alfonso, aalis na tayo dito.”