NANINIGAS ang buong katawan ni Amira habang nakaupo sa sasakyang sumundo sa kanya sa bahay nila Estephanie. Tiniyak talaga na pupunta siya para sa pagbasa ng testamento ni Don Alfonso. Kung tutuusin ay desidido naman siyang magpunta dahil gusto niyang ipakita nang harapan sa lahat kung paano niya tatanggihan ang lahat ng iiwan sa kanya ni Don Alfonso at ang lahat ng karangyaan at kayamanan na kasama sa pagiging isang Banal.
Pagbaba niya sa harap ng mansion ng mga Banal ay naghihintay na sa kanya si Attorney Matthew Guzman. His face was stern and all-business. Subalit nang makita siya nito ay mukhang nakahinga ito nang maluwag.
“Good morning,” bati rin niya sa pormal na boses.
“Goor morning, Miss Amira. Kanina ka pa nila hinintay sa loob.”
Tiningnan niya ang wristwatch niya. May limang minuto pa bago mag-alas nuwebe ng umaga. Either they were too punctual or too interested with what the old man left for them. Nang pumasok siya sa library ay nagtinginan sa kanya ang lahat. Naroon ang pagtataka sa mukha ng mga kapatid niya. Vocal naman siyang sabihin na di siya interesado sa kayamanan ng mga Banal. May mga natuwa, may walang ekspresyon subalit nakita niya ang saglit na pagtaas ng kilay ng kapatid niyang si Ailene na parang kinukwestiyon kung anong ginagawa niya doon samantalang ayaw nga niya sa kayamanan. Iniwas niya ang tingin dito subalit nagtama naman ang mga mata nila nila ni Caridad. Saglit na tumiim ang mga mata nito sa kanya. Alam niya na ang huling bagay na nais nito ay makita pa siyang muli. Huwag itong mag-alala. Ayaw din naman niya itong makita pa.
Hinayaan lang niyang isa-isahin ni Attorney Ferrer ang mamanahin ng lahat. Kalahati ng kayamanan nito ay mamanahin ng ama niya subalit ang mamamahala sa lahat ay ang madrasta niya at papatnubayan ito ng ilan sa mga taong pinagkakatiwalaan ni Don Alfonso. Nang magpatuloy ang mga pamana para sa mga kapatid niya ay nalula siya. Napakalaki ng mga kompanya at pag-aari ni Don Alfonso. Napansin din niya na lahat ay may porsiyento sa Banal Mining Corporation. A collective share. Mukhang hindi maiiwasan na magkakaharap-harap silang muli balang-araw subalit sa magkabilang panig. Hindi pa sila tapos ng Banal Mining Corporation.
Tumingin muna sa kanya ang matandang abogado bago nagpatuloy sa pagbabasa. “Para sa apo kong si Amira Catindig, ipinapamana ko ang tea farm sa Sagada at sa bayan ng Besao, ang ancestral land na minana pa ng aking namayapang asawa na si Celestina sa Sagada gayundin ang fifty million pesos. Makukuha niya ito kung mananatili siya sa Sagada sa loob ng isang buwan at susundin ang mga bilin ko. Sa kanya din awtomatikong masasalin ang thirty percent sa Banal Mining Corporation oras na mamatay ako.”
“What?” bulalas ni Amira at pakiramdam niya ay nanlalaki ang ulo niya.
Umiikot sa ibabaw ng ulo niya ang thirty percent. Thirty percent. Hindi three percent gaya ng ipinamana sa mga kapatid niya. Hindi fifteen percent lang gaya ng ibinigay sa ama niya at pansamantalang hahawakan ni Caridad. Thirty percent. Ang pinakamalaking shares sa kompanya. At di ibang negosyo ang ibinigay sa kanya gaya ng hotel, resort, manufacturing company o real estate company kundi ang Banal Mining Corporation pa – ang kompanya na gusto niyang durugin.
Nakita ni Amira ang pagkagimbal ng mga kapatid niya. Di man kumibo ang mga ito subalit nag-uusap-usap ang mata ng mga ito. Marahil ay naguguluhan din ang mga ito sa desisyon ni Don Alfonso.
Biglang tumayo si Caridad habang sapo ang dibdib. “Attorney Ferrer, bakit sa kanya ipinamana ang Banal Mining Corporation? Iyon ang unang negosyo ni Papa dahilan para magtagumpay siya sa mundo ng negosyo. May sentimental value iyon. Thirty percent is absurd. Conflict of interest ito. She wants to bring the company down. Baka naman wala sa sarili si Papa nang ginagawa niya ang testamento. Hindi ako makakapayag na may sisira sa mga pinaghirapan ni Papa.”
“Ayon kay Alfonso, may katangian siyang nakita kay Amira kaya sa kanya ipapamana ang thirty percent ng Banal Mining Corporation. Of course, you can dispute this in court if you want to. Pero masyadong mahaba ang prosesong iyon,” kaswal na sabi ng matandang abogado. “As his lawyer and friend, ako mismo ang di papayag kung sa palagay ko ay wala siya sa sarili nang gawin ang testamentong ito. He might be sick then but not senile.”
At sinabi ni Attorney Ferrer kailangan nilang manatili sa Sagada sa loob ng isang buwan kung nais nilang makuha ang mga pamana sa kanila. Subalit wala doon ang isipan niya.
Thirty percent ng kompanyang sumira sa tribo ng ina niya ang nasa mga kamay niya. Thirty percent. She hated the company one hundred percent. Sa unang pagkakataon ay gusto niyang sumang-ayon sa madrasta niya na nababaliw na si Don Alfonso. Bakit naman nito ipapamana sa kanya ang malaking bahagi ng kompanyang kinamumuhian niya? Maliban na lang kung gusto nitong tuluyan nang mawala ang kompanyang pinakamamahal nito. Weird. Lalo lang siyang binigyan ng rason ni Don Alfonso para di niya kuhanin ang mana niya dito.
“Kung hindi mo matutupad ang proviso ay awtomatikong mapupunta kay Caridad Banal ang tea farm, ang ancestral land ng mga Banal pati na rin ang fifty million pesos.”
Nang matapos ang pagbasa ng last will and testament ay lumapit agad siya kay Attorney Matthew. “I am sorry. Hindi ko matatanggap ang pamana ni Don Alfonso lalo na ang thirty percent shares sa Banal Mining Corporation. Mas lalo akong di interesado sa mana ngayong nalaman ko kung ano iyan. Ibigay mo na lang sa ibang magkaka-interes ang mana ko lalo na ang Banal Mining Corporation.” Saka tumutok ang mga mata niya kay Caridad. Pinipilit nitong ibalik ang composure pero nakikita niya na nagningning ang mga mata nito dahil ang mga bagay na aayawan niya ay hindi ito mapupunta maliban sa shares ng Banal Mining Corporation. What a joke! Nilingon niya ang ibang nasa silid. “Good day, everyone.”
Taas-noo siyang lumabas ng silid. Naipakita niya sa lahat na hindi siya interesado sa pera. Di siya interesado sa pagiging isang Banal. Natagpuan na lang niya ang sarili sa pasilyo na parang hinahabol siya ng demonyo. Gusto na niyang makalayo doon. Malayo sa lahat.
Biglang tumayo ang driver na nakabantay sa kotseng sinakyan niya kanina nang lapitan niya. “Ma’am...?”
Binuksan niya ang kotse at sumakay. “Dalhin po ninyo ako sa sementeryo.” Oras na para magpaalam siya.