Barely Heiresses: Amira Chapter 29

Hindi alintana ni Amira ang nanunuot na lamig nang puntahan niya ang puntod ni Don Alfonso sa Calvary Hill. Mula sa mansion ng mga Banal ay nagpahatid siya hanggang sa baba ng Calvary hill at umakyat na lang papunta sa taas. She had an eerie feeling. Siguro dahil alam niyang tinanggihan niya ang pamana sa kanya ng don at maaring iyon na ang huling beses na dadalawin niya ang puntod nito.

“I am sorry, Don Alfonso. Hindi ko matatanggap ang pamana ninyo sa akin. Gaya ng sinabi ko, hindi ako interesado sa kayamanan ninyo lalo na ang parte sa Banal Mining Corporation. Kung gusto talaga ninyong tanggapin ko ang pamana ninyo, hindi ninyo dapat isinama iyon,” aniya at pagak na tumawa. “You must be really senile when you made that last will and testament. Hindi ako nasisilaw sa ginto. Kung may isang bagay man akong naa-appreciate sa ginawa ninyo, ipinagpapasalamat ko na tinanggap ninyo ako bilang apo. Somehow, a part of me is appeased. Sapat na pong pamana iyon. Goodbye, Lolo.”

Matapos manalangin ay tumayo siya at tinalikuran ang puntod nito. Pagharap niya ay nakita niyang nakatayo si Attorney Matthew de Guzman ilang metro mula sa kanya. Naka-amerikana pa rin ito at parang di nito alintana kung napuputikan man lang Italian leather nitong sapatos.

“Kanina pa kita hinahanap. Mabuti na lang sinabi sa akin ng driver na di ka nagpunta. Umalis ka na bago pa natin mapag-usapan ang tungkol sa mana mo.”

“Alam ko na may papeles akong kailangang pirmahan na nagsasabing di ko tinatanggap ang mana,” sabi niya sa pormal na boses.

“Bago ka sana magdesisyon at umalis ng Sagada, mabuting basahin mo muna ang iniwang sulat sa iyo ni Don Alfonso,” sabi nito at inabot sa kanya ang isang light blue envelope. “Hihintayin kita. Kung may gusto kang itanong, sabihin mo lang sa akin.”

Nanginginig ang kamay niya nang kunin ang asul na sobre mula dito. Naroon ang sulat-kamay ni Don Alfonso sa pangalan niya. Nanlalamig siya nang at binuksan ang sobre. Pakiramdam niya ay Pandora’s box iyon. Na baka may malaman siyang panibagong bagay na magpapabaligtad ng mundo niya.

Sa pinakamamahal kong apo na si Amira,

Kapag nabasa mo ang liham kong ito, marahil ay wala na ako sa mundo. Maikli na lang ang buhay ko at maaring huli na ang lahat para magkasama pa tayong dalawa. Masaya ako na maayos kang pinalaki ng iyong ina – may prinsipyo ka at magaganda ang iyong paniniwala sa buhay. Mas inuuna mo ang kapakanan ng iba kaysa sa iyong sarili. Nalulungkot lang ako na hindi kita nakilala noong mas bata ka pa at nakasama mo ako sa iyong paglaki. Nalulungkot din ako na lumaki ka na kinamumuhian ang mga Banal bago mo pa man kami lubusang nakilala. At hindi kita masisisi dahil maraming bagay ang nawala sa iyo – ang iyong pagkakakilanlan, ang pamilya na gagabay sana sa iyo sa iyong paglaki, isang buong pamilya at ang karangyaang maari sanang ibigay sa iyo ng pagiging isang Banal at higit sa lahat ay di ka sana nabuhay na may galit sa iyong puso.

Inaasahan ko nang tatanggihan mo ang pamana ko sa iyo lalo na ang Banal Mining Corporation. Of course, you are an environmentalist. The Earth is your mother. At alam ko na naguguluan ka kung bakit iniwan ko sa iyo ang malaking porsiyento ng kompanya. Na kahit ang magagandang pamana mula sa ninuno ng iyong Lola Celestina ay di sapat para tanggapin mo ang pamana ko. Alam ko na mas gugustuhin mong madurog ang kompanya ng minahan kaysa palaguin ito. At mali ka kung iniisip mo na nasisiraan na ako ng bait. Alam ko ang ginagawa ko.

Noong bata pa ang iyong ama ay laki siya sa layaw. Nasusunod ang lahat ng kanyang gusto dahil nag-iisa siyang anak. Mahal namin siya ng iyong Lola Celestina kaya ibinigay namin ang lahat. Sa kasamaang-palad, lumabis ang pagpapalayaw namin sa kanya. Ginagawa niya ang anumang naisin niya dahil alam niyang di namin siya pababayaan ng kanyang ina. Hanggang hindi na namin siya nakontrol.

Kaya binigyan ko siya ng ultimatum. Kailangan niyang patunayan na seryoso siya sa buhay at ipakitang responsible siya at karapat-dapat sa pagiging anak ko. Ibinigay ko sa kanya ang Lambayan mining. Inutusan ko siyang kumbinsihin ang tribo na maging partners sa ancestral land nila upang minahin. At kailangan niyang gawin iyon bago kami bumalik ni Celestina mula sa America kung saan siya magpapagamot ng sakit niya sa puso.

Pagbalik ko ay sinalubong ako ng magandang balita na nakuha na ni Alfie ang lupain ng mga Lambayan subalit nalaman ko rin na may mga nasaktan at nagbuwis din ng buhay dahil doon. Walang kapangyarihan ang mga Lambayan noon para labanan kami at nagawa silang i-pacify ng kompanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng trabaho, pagpapatayo ng paaralan at magandang sweldo. Ang iba naman ay piniling bumukod at manatili sa simple nilang pamumuhay.

Hindi ko pinalampas ang pangyayaring iyon. Itinakwil ko si Alfie. Nang panahong iyon, pakiramdam ko ay nabigo ako bilang isang ama. Ilang taon din ang nagdaan bago siya bumalik sa akin at napatunayang nagbago na siya at gusto niyang ituwid ang landas niya.

Bago maaksidente ang iyong ama ay naikumpisal niya sa akin ang totoong nangyari sa tribo ng Lambayan. Tungkol sa inosenteng babaeng kailangan niyang akitin upang makumbinsi ang tribo na ipamahala sa kanila ang lupain sa murang halaga – ang iyong inang si Himaya. Nang malaman ko ang tungkol doon ay ipinahanap namin ang iyong ina at doon namin nalaman may anak si Alfie sa kanya.

Ang Banal Mining Corporation ang unang negosyong itinayo ko at dugo at pawis ang ipinuhunan ko dito. Maraming hawak na lupain ang kompanya kasama na ang natitirang sagradong lupain ng tribo ng mga Lambayan – ang Kanayama na hanggang ngayon ay buo pa rin at hindi pa rin napapasok ng sibilisasyon o kahit anong teknolohiya ng mga tao. Nagawa itong protektahan ng iyong lolo na si Apo Semblat. Ito ang natitirang pamayanan ng tribo ng ninuno ng iyong ina na nananatiling protektado.

Nahigit ni Amira ang hininga. Malakas ang kabog ng dibdib niya at bigla siyang nagka-interes sa nabasa. Ang sagradong lupain ng tribo – ang Kanayama na ayon sa kanyang ina ay mistulang isang paraiso. Napalilibutan ito ng matataas na puno na ilang daang taon na ang tanda, mga sagradong kuweba at ang sagradong talon na siyang nagbibigay ng buhay sa mga bukirin. Doon nakatira ang natitirang Lambayan na hindi naging bahagi ng mga minahan ng mga Banal. Sa lugar na iyon ipinagpapatuloy ang mga ritwal at kaugalian ng tribo. Doon nakatira ang mga magulang ng kanyang ina.

Nasa sagradong lupain din matatagpuan ang mataas na uri ng ginto at malaking tulong ito sa Banal Mining Corporation kung maitutuloy ang mamimina. Naka-hold pa ang proyekto sa ngayon at sa palagay ko ay makakamatayan ko na. Pero oras na mawala ako, maaring di ko na mapigilan ang sinumang hahawak sa proyekto upang tuluyang minahin ang Kanayama.

Hawakan mo ang Banal Mining Corporation sa loob ng anim na buwan bilang Special Projects Manager at nagmamay-ari ng tatlumpung porsiyento ng kompanya. Mag-present ka ng isang special project na magsisilbing pamana ng Banal Mining Corporation sa mundo na aaprubahan ng board.

Nasa mga kamay mo kapalaran ng sagradong lupain ng mga Lambayan at ang Banal Mining Corporation. Kung ako man ay nagkamali nang panahong nabubuhay ako, ihinihingi ko ng tawad sa iyo. Hindi ko na marahil magagawang ituwid ang mga pagkakamali ko. I am so proud with my achievements and I am a sentimental man, too. I don’t know how to undo everything that happened in the past. Kaya inaasahan ko na ang anumang desisyon mo ay gagawin mo ang tama. Kung magdedesisyon kang ipasara ang minahan, ang hihilingin ko sana ay bigyan mo ng konsiderasyon ang mga tauhan kong nakadepende ang buhay sa kompanya. Huwag sana silang madamay sa galit na nararamdaman mo.

At kung nais mong magtagumpay, kailangan mong makuha ang suporta ng pito mo pang kapatid. Sila lang ang makakatulong mo upang matupad ang mga layunin mo sa buhay. Kailangan kayong maging buo at magkakasama.

Patnubayan ka nawa ng Maykapal at sa huli ay makawala ka sa galit na at matagpuan mo ang kaligayahan na nararapat para sa iyo.

Nagmamahal,

Lolo Alfonso

NAGUGULUHAN si Amira nang sa wakas ay matapos basahin ang sulat na iniwan ni Don Alfonso. Ang Kanayama. May pagkakataon siyang kunin ang Kanayama mula sa mga Banal Mining Corporation at protektahan ang sagradong lupain mula sa tuluyang pagkasira. Hindi siya makapaniwala na kailangan pa niyang hawakan ang Banal Mining Corporation para lang makuha ang Kanayama para sa mga Lambayan.

Nagmartsa siya patungo sa harap ng puntod ni Don Alfonso habang mahigpit na hawak ang sulat nito sa kamay niya. “Anong ibig sabihin nito? Akala ko ba gusto ninyo na maging masaya ako? Bakit kailangan ko pang paghirapan ang lahat? Bakit kailangang ako ang laging magsakripisyo para lang protektahan ang Kanayama?” Nangilid ang luha sa mata niya sa labis na iritasyon. “Ito ba ang ipinamana ninyo sa akin? Isang malaking problema? Lalo ninyong pinahirapan ang buhay ko. Sobrang unfair ninyo! O gusto lang ninyong ipakita sa akin na kahit na sa kabilang buhay manipulative pa rin kayo at kaya ninyong kontrolin ang buhay ko? Bakit?”

Nakadama siya ng matinding pagkasiphayo nang wala siyang makuhang sagot maliban sa ugong ng hangin. Naggiyagis ang ngipin niya at tinalikuran ang puntod ni Don Alfonso. Ano pang magagawa niya? Hindi naman ito sasagot sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.