Malalaki ang hakbang niya habang pababa ng Calvary Hill. Naabutan niya si Attorney Guzman na nakasandal sa kotse nito. Subalit nabadha ang anyo nito nang makita na masama ang mood niya. “What is the meaning of this?” pagalit niyang tanong. “Kailangan ko pang magtrabaho ng anim na buwan sa Banal Mining Corporation bilang Special Projects Manager? Anong kalokohan ito?”
“Hindi iyan kalokohan. Kung kakalma ka lang, masasabi kong malaki ang kapangyarihan na hawak mo ngayon sa magiging kapalaran ng Banal Mining Corporation. At higit sa lahat, pwede mo nang maibigay sa tribo mo ang proteksiyon sa ancestral land nila. Kundi mo ito gagawin, tiyak na magdedesisyon ang board of directors na tuluyan nang i-explore ang Kanayama para sa malaking mina ng ginto. Your grandfather did this in good faith. As a matter of fact, pinirmahan niya ang pansamantalang pagpapatigil sa mining operation ng Sagada bago pa siya atakihin sa puso. Kaya naka-hold pa rin ang proyekto hanggang ngayon. Ginawa niya iyon para sa iyo.”
Natigagal siya. “G-Ginawa niya iyon? H-Hindi ko maintindihan kung bakit... paanong…”
Hindi ba dapat galit si Don Alfonso sa kanya dahil nagpa-interview siya sa radio program laban dito? Kung nilagdaan na nito ang pagpapatigil sa minahan bago pa ito inatake, hindi niya maintindihan kung paanong nakaapekto pa dito ang interview niya.
“Tatlong araw mula ngayon ay haharap ka sa board of directors ng Banal Mining Corporation. Kailangan ang presensiya mo doon at hindi ka maaring mawala bilang nagmamay-ari ng pinakamalaking shares sa kompanya at kailangan mo ring ipamilyar ang sarili mo sa bago mong trabaho.”
“Hindi ko pa iyon tinatanggap,” aniya sa matigas na boses.
“It is up to you. You know what is at stake here. Gusto mo bang ihatid kita kung saan mo man gusto?” alok nito.
Umiling siya. “Salamat na lang. Mas gusto kong maglakad-lakad na lang.”
At saka siya naglakad palayo nang walang tiyak na direksyon na pupuntahan. Hinapit niya ang jacket niya sa sarili at naglakad sa kalsada na papunta sa Timog ng Sagada. Baka sakaling sa paglalakad niya ay makuha niya ang mga sagot sa pinagdadaanan niya ngayon.
Ayaw niyang maging bahagi ng Banal Mining Corporation subalit kailangan din niyang protektahan ang tribo ng kanyang ina kung hindi ay muli na namang mawawalan ng pamayanan at tirahan ang mga ito. Maglalaho ang kultura ng mga Lambayan. Tuluyang mawawasak ang tribo.
Maya maya pa ay matanaw niya ang pamilyar na gusali ng Sagada Doctor’s Hospital. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad hanggang natagpuan na lang niya ang sarili niya na nasa harap ng reception.
Malungkot na ngumiti sa kanya ang nurse. “Good morning, Ma’am. Nandito po ba kayo para dalawin si Sir Alfie?”
“S-Sir Alfie?” naguguluhan niyang tanong.
“Opo. Ang papa po ninyo. Siguro po ay gusto ninyo siyang dalawin. Nalulungkot po kami na pumanaw na ang lolo ninyo habang comatose pa rin po ang ama ninyo. Baka po makatulong sa kanya ang pagdalaw ninyo.”
Gusto niyang umiling at umalis na lang doon. Ayaw niyang makaharap si Alfie Banal. Subalit dahil na rin sa lutang na pakiramdam niya ay tumango na lang siya at nagtungo sa private room kung saan nakaratay ang ama.
Tulala siya nang buksan ng private nurse nito ang pinto at nakangiti siyang pinapasok sa loob. Manhid ang buong katawan niya nang sa wakas ay makaharap niya ang lalaking ayaw sana niyang makita kahit na kailan. Nakahimlay ito at may mga tubo ng monitor na nakakabit sa katawan nito. Walang garantiya ang mga doktor kung gigising pa ito o hindi subalit alam niyang malakas ang pag-asa ni Don Alfonso na gigising pa ito.
Pinagmasdan niya si Alfonso Banal, Jr. sa unang pagkakataon. Sumikdo ang kanyang dibdib. Iyon marahil ang tinatawag na lukso ng dugo. Guwapo pa rin ito sa kabila ng edad na forty-nine at nakita niya ang dahilan kung bakit maraming babae ang nahaling dito.
Naramdaman niya na ang matinding sakit sa dibdib niya, ang galit na parang gustong sumabog sa buong pagkatao niya. “Alfie Banal, kilala mo ba kung sino ako? Ako si Amira Catindig, ang anak mo sa babaeng niloko at pinaikot mo para lang makuha makuha mo ang lupain ng mga Lambayan para minahin. Anak ako ni Himaya Catindig. Siguro naman nasabi na nila sa iyo na patay na si Don Alfonso. At alam mo ba na ipinamana niya sa akin ang thirty percent ng Banal Mining Corporation? I guess my grandfather is a crazy man. Kailangan ko daw maging special projects manager sa loob ng anim na buwan kung gusto ko daw maibalik sa mga Lambayan ang Kanayama. Alam mo ba kung gaano kahirap sa akin ang ipinagagawa niya? Parang gusto niyang wasakin ang buong pagkatao ko. Mapipilitan akong gawin ang mga bagay na maaring labag sa paniniwala ko. At alam mo kung kaninong kasalanan ang lahat? Sa iyo!” Mahigpit niyang hinawakan ang metal na railing sa gilid ng hospital bed. “Ginulo mo ang buhay ni Nanay at ng mga Lambayan. Dahil sa iyo, itinuturing nila akong malas sa tribo nila samantalang ang kasalanan ko lang naman ay naging anak mo. Dahil sa iyo, hindi ko nakasama ang nag-iisang taong nagturing sa akin bilang apo. Dahil sa iyo, binigyan ko ng sama ng loob si Lolo Alfonso bago siya mamatay. Ako ang nagbabayad sa lahat ng kasalanan mo. Bakit kailangang ako ang magdusa sa lahat? Bakit kailangang ako rin ang mag-ayos sa lahat ng gulong ginawa mo? Anong klase ka bang tao? Bakit kailangan pang ikaw ang maging ama ko?”
Hindi mapigilan ni Amira ang pag-agos ng luha sa mga mata niya. Ibinuhos niya ang matinding galit sa bawat salita niya. Mga luha na dati ay pinipigilan lang niyang pumatak. Gusto niyang gisingin si Alfie Banal. Gusto niyang dilat ang mga mata nito kapag sinumbatan niya ito. Gusto niyang marinig ang sagot nito at sabihin nito sa kanya na hindi na niya kailangan pang mahirapan dahil ito ang aayos sa lahat ng gulong ginawa nito.
Subalit gaya ni Don Alfonso ay wala rin siyang nakuhang sagot mula sa ama. Mag-isa lang siya sa labang ito. Kailangan niyang harapin ito kung gusto niyang magawa ang tama.
Pinalis niya ang luha sa pisngi niya. “Ipinapangako ko sa iyo na kukuhanin ko ang Kanayama. Susundin ko ang gusto ni Don Alfonso. Oras na makuha ko ang Kanayama, titiyakin kong mawawasak ang Banal Mining Corporation sa mismong mga kamay ko. Gumising ka man diyan, wala ka nang aabutan at mapapakinabangan kahit isang pirasong ginto na nakapangalan sa kompanya mo.”