Pinid lang ang bibig ni Amira simula nang meeting. Binuksan iyon sa isang panalangin para sa kaluluwa ng lolo niya. Sumunod ay ang minutes ng nagdaang meeting kung saan si Romualdo ang napiling chairman.
Hindi niya maiwasang bigyan ng pailalim na tingin si Francois. Hindi niya maiwasang isipin ang mga nagdaang mga araw kung saan ito ang lagi niyang nahihingahan ng sama ng loob kapag may hinaing siya sa mga Banal. Ang tanga-tanga niya!
Isang sinungaling si Francois. Isang manlilinlang.
“We have a new set of shareholders with Don Alfonso’s passing,” sabi ni Romualdo na nakatayo sa puno ng conference table. “Sa ngayon ay si Attorney Ferrer ang nagre-represent sa collective shares ng ilan sa apo ni Don Alfonso. But of course, one of his granddaughters is here – Miss Amira Catindig-Banal.” Nagpalakpakan ang lahat. “And she’s not just a shareholder. Siya rin ang Special Project Officer ng Banal Mining Corporation na matagal nang gustong i-develop ni Don Alfonso.”
“Special Project Officer?” bulalas ni Mrs. Acribar, ang Vice President for Marketing. “She looks young. Mukhang kaga-graduate lang yata niya ng university. Anong alam niya tungkol sa special project? This is a big task.”
“I agree,” anang si Mr. Bugias na Vice President for Operations ng kompanya. “We need someone who is good at this and more experienced. Hindi dahil apo siya ni Don Alfonso ay basta na lang siyang ilalagay sa puwesto. Kahit naman tayo ay pinaghirapan ang posisyon na ito.”
“Na si Don Alfonso din naman ang nagbigay,” dugtong bigla ni Attorney Ferrer. “Kung hindi ninyo naitatanong, bata pa lang si Amira ay well-travelled na siya. Hindi na bago sa kanya ang magsalita sa mga international conferences noong teenager siya at nagawa pa niyang makipag-debate sa mga foreign leaders at dignitaries. Binigay sa kanya ni Don Alfonso ang malaking parte ng kompanya dahil naniniwala siya sa kakayahan ng apo niya.”
“And of course, Amira is not just smart. Alam din niya ang takbo ng ganitong mga kompanya. She works for Nature’s Keeper after all,” suwabeng dugtong ni Caridad at saka ngumisi sa kanya. “And she’s very good at her job.”
“Nature’s Keeper?” tanong ni Mr. Real at bahagyang umangat ang puwet sa upuan. “Hindi ba iyan ang environment activist group na nagpapatigil ng operasyon natin sa Sagada?”
“At iyan din ang dahilan kung bakit hiningi ni Don Alfonso na ipatigil ang operasyon natin sa Sagada bago siya mamatay,” anang si Mr. Deodato ng Human Relations. “Napakalaking pera ang nawala sa atin sa bawat araw na tumigil ang operasyon.”
“Tapos ibibigay natin sa kanya ang special project’s division?” bulalas ng Vice-President for Exploration. “Hindi yata ako makakapayag. Mas gugustuhin ko pa sigurong hawakan iyan ng apo ni Don Alfonso na galing squatters at di nakatapos ng elementary kaysa sa apo niya na kalaban ng kompanya natin. Aba! E parang nagpapasok tayo ng anay sa Banal Mining. Baka gumising na lang tayo isang araw, pare-pareho na tayong pupulutin sa kalye.”
Pinanatili ni Amira na walang ekspresyon ang mukha. Hinayaan niyang magkagulo at magrambulan ang mga ito. Gusto niyang humalakhak nang malakas dahil mistula siyang salot na kinatatakutan.
Subalit isang malaking problema ang kakaharapin niya. Sa loob ng anim na buwan, hihingin niya ang boto ng mga ito para sa isang malaking special project na ilalatag niya. Kailangan niyang ipaalala sa sarili na bahagi siya ng Banal Mining Corporation sa loob ng kalahating taon at ngayon pa lang ay dapat na siyang humanap ng kakampi sa board of director at shareholders. Kung hindi niya magagawa iyon, tuluyang madudurog ang Kanayama.
Kinuyom niya ang palad. Pero anong gagawin niya kung ngayon pa lang ay gusto na ng mga ito na mawala siya sa posisyon? Ngayon pa lang ay wala nang tiwala ang mga ito sa kanya.
Nakita niya si Caridad na may nasisiyahang ngiti sa labi bago inangat ang tasa ng tsaa at uminom. Of course, sinadya nitong banggitin ang pagiging bahagi niya ng Nature’s Keeper na parang ipinagmamalaki pa nito noong una pero alam nitong mababahala ang lahat ng nandoon sa background niya. Gagawin nito ang lahat para di niya magawa ang proviso niya. Para mapunta dito ang lahat.
Anong gagawin niya ngayon? Parang di yata siya matutulungan ni Attorney Ferrer kahit sa pagkakataong ito. Mag-isa na lang ba talaga siyang lalaban?
“Everyone, calm down,” sabi ni Francois at pumalakpak para kunin ang atensiyon ng lahat. “Is this how we will welcome Don Alfonso’s granddaughter? Amira is right infront of us. Ano na lang ang iisipin niya? Na hindi natin siya wine-welcome dito sa kompanya? Hindi pa natin siya nakikilalang mabuti. Hindi pa nga niya naitu-tour man lang ang opisina ng Banal Mining Corporation at di pa niya nakikita ang mismong opisina niya. Wala pa nga yata siyang isang oras dito at ganito agad ang ipapakita natin? Bakit naman tayo mag-aalalala na pwede niyang sirain ang kompanya natin? May ginagawa ba tayong masama? Banal Mining Corporation is a responsible mining company.” Inilahad ng binata ang mga palad. “Hindi ba dapat nating ipakita sa kanya ang mga accomplishment ng kompanya? Pinaghirapan ito ng mga taong bumubuo dito. Ito ang dapat nating ipagmalaki sa kanya. And she’s working with the special project team, dapat lang siguro na ipakita natin sa kanya kung ano pa ang pwede niyang itulong sa kompanya.”
“For once, my son is right,” anang si Romualdo na animo’y napipilitang tanggapin ang sinabi ni Francois kahit na ayaw nito. “Ano bang masama ang pwedeng gawin ni Miss Banal sa atin? At anuman ang projects na gagawin niya ay kailangang aprubahan ng board.”
Romualdo Mosqueda was collected and cool. Nakikita niya ngayon kung bakit ito naging presidente ng Banal Mining Corporation. Hindi ito basta-basta natigatig sa presensiya niya sa kompanya at sa palagay niya at di siya nito itinuturing na threat. Ano nga naman ang magagawa ng isang uhugin na gaya niya para pataubin ang kompanyang ito? At wala naman talaga siyang magagawa na masama sa Banal Mining Corporation dahil nakatali ang mga kamay niya ng proviso ng lolo niya.
“How about drinks, everyone? I think we need to chill a bit,” Caridad offered graciously. “This meeting should be a happy occasion. Gusto ni Papa na maging masaya ang lahat lalo na sa pagdating ng kanyang mga apo. So we should celebrate for Amira. Shall we take a fifteen minute break?”
DALA ang isang kopitang tubig ay pinili ni Amira na maglagi sa balkonahe sa labas ng conference room. Nakaka-relax ang malalawak na puno at ang mga taniman ng bulaklak na matatanaw sa labas. She didn’t realize how much she hungered for fresh air until she stepped outside. Mabuti na lang ay may ganoong lugar o baka tuluyan na siyang lumayas ng conference room at di na bumalik.
Tumungga siya ng tubig para maibsan ang paninikip ng dibdib. Hindi na talaga niya kinakaya ang mga nangyayari. Una ay nalaman niyang ama ni Francois ang presidente ng kompanya at shareholder din ito. Ngayon naman ay gusto na siyang ihagis palabas dahil sa pagiging environment activist niya.
Mas mahirap pa ito kaysa sa inaasahan niya. She was used to rallies, to hostile places, to armed men holding guns and threatening her life. Pero iba pala kapag mas personal ang atake sa kanya.
“Nice view, isn’t it?” narinig niyang sabi ni Romualdo na sinamahan siya sa balkonahe. “Gustong-gusto ng lolo mo ang view na ito. At gusto niyang ma-appreciate namin ang ganda ng kalikasan kaya dito niya itinayo ang headquarters. Kahit may mga negosyo siya sa Maynila, tinitiyak niyang may panahon din siyang inilalagi dito sa Cordillera. Pakiramdam daw niya ay mas malapit siya sa kalikasan at sa langit.”
How ironic. Her grandfather ran a mining company. Paano nitong nasasabing maganda ang kalikasan? Sa pagminina ay nakakalbo ang kagubatan, pinapasabog at pinapatag ang mga bundok at nalalason ang tubigan.
“I am sorry about their reaction, hija. Malaking bagay sa amin ang Banal Mining Corporation. Ito na ang naging buhay namin. Bawat pumapasok sa kompanyang ito ay pinagkakatiwalaan ng lolo mo at nasa kompanya ang loyalty. Nagulat lang sila nang malaman ang partisipasyon mo sa protesta sa mining activity ng kompanya sa Sagada. I hope you are not offended,” malumanay na sabi nito.
“None taken. Natural lang po siguro ang reaksyon na iyon ng mga tao. Di nila ako kilala. At nang makilala nila ako, mas lalo silang kakabahan sa akin.” Ngumisi siya at nilingon ang ama ni Francois.
“Wala naman siguro kaming magiging problema sa iyo, hija.”
Nagkibit-balikat siya. “Kung maganda ang pamamalakad ninyo sa kompanya at nakikita ko na walang practices na makakasira sa kalikasan, wala po kayong dapat na ipag-alala sa akin.”
“Perhaps we can chat next time, hija. Sana magkatulungan din tayo para sa kompanya. At kung may kailangan ka, huwag kang mahihiyang magtanong. Welcome to the company,” anito at magaang tinapik ang balikat niya saka umalis.
“Papa, Tita Maristella wants to talk to you,” anang si Benedikt na pumasok ng balkonahe.
“Okay. Five minutes more and we will proceed with the meeting,” sabi ni Romualdo at bumalik ng conference room. Akala niya ay aalis na rin si Francois pero nanatili ito sa balkonahe at isinara ang pinto pag-alis ng ama.
Natensiyon si Amira dahil silang dalawa lang ang nasa balkonahe. Hindi niya ito gustong makasama. She hated the sight of him. She hated him so much. At pakiramdam niya ay ginawang pin cushion ng libo-libong karayom ang puso niya.
He betrayed her. Matapos niya itong pagkatiwalaan, matapos niyang sabihin dito ang laman ng puso niya na kahit ang matalik niyang kaibigan o ang nanay niya ay di alam, isasampal lang nito sa mukha niya kung gaano siya kalaking hangal.
Sana ay inalam pa niya ang mas maraming bagay tungkol dito bago niya ito pinagkatiwalaan. Napakadali lang namang tuklasin ang pagkatao nito kung gugustuhin niya. Pwede niyang sabihin na mabigat ang pinagdadaanan niya kaya hindi na siya nag-abalang mag-research tungkol dito. Marami naman siyang pinagdaanan nang nakakaraang linggo.
Pero sana talaga ay nag-ingat siya. She thought he was just a playboy chef. But he was so much more. She wished she could undo the past.
Naglakad siya palabas ng balkonahe pero nakaharang ito. “Excuse me,” aniya sa malamig na boses.
“Mag-usap lang tayo. I mean, kanina… noong pumasok ako…”
“Wala sa schedule ko ang kausapin ka,” sabi niya at di sinulyapan man lang ang mukha nito.
“But I need to explain. Please.”
Pinigilan niya ang sarili na iangat ang mga mata at um-oo nang marinig ang pakiusap nito. Natatakot siya na isang tingin lang niya sa nagmamakaawang abuhing mga mata nito ay takasan na naman siya ng bait. Ang mga mata nito ang dahilan kung bakit na-kidnap siya nito in the first place. Kung bakit nagagawa niyang ikumpisal dito ang mga sekreto niya. Kung bakit niya ito pinagkatiwalaan. Hindi na iyon mauulit pa.
“Kung wala namang kinalaman sa trabaho ang pag-uusapan natin, mabuti pang padaanin mo na ako. At kung kailangan mo akong kausapin tungkol sa trabaho ko, magpa-set ka ng appointment sa sekretarya ko. Pwede na ba akong dumaan Mr. Mosqueda? Ayoko nang magsayang ng isa pang minuto kasama ka. Kung wala kang pakialam sa pagsasayang ng oras ng iba, gusto ko lang sabihin sa iyo na ginto ang oras para sa akin.”
“Alright,” sabi nito at humakbang sa tabi para makadaan siya. Ipinagbukas pa siya nito ng pinto para makapasok siya sa conference room.
Taas-noo niya itong nilampasan ito matapos ang mahinang, “Thank you.” Saka siya bumalik sa tabi ni Attorney Ferrer.
Oras na para magising siya sa magandang panaginip. Wala siyang kakampi sa labang ito. Wala siyang dapat na pagkatiwalaan maliban sa sarili niya.
Isang malaking leksiyon ang nangyaring ito kay Francois. Hindi na siya magiging mahinang babae. At kung anuman ang inakala nitong kahinaan niya na maari nitong gamitin laban sa kanya ay di nito magagamit pa. Ang pagkakamaling ito ang magpapatatag sa kanya.