Barely Heiresses: Amira Chapter 44

Puno ng mga bulaklak ang kuwarto ni Amira. Welcome gift iyon ng mga empleyado na sumalubong sa kanya sa Banal Mining Corporation at ibinigay sa kanya habang nag-iikot siya. Kada department ay may alay din na prutas o kaya ay lutong pagkain. Kundi pa niya ipinahain lahat sa canteen para mapagsaluhan ng lahat noong tanghalian ay baka tambak din ang mga iyon sa opisina niya.

Marami sa mga ito ay hindi nakadalo sa libing ng lolo niya. Pero mararamdaman pa rin ang pagluluksa ng mga ito. Bagamat nalulungkot daw ang mga ito sa pagpanaw ng lolo niya, masaya daw ang mga ito dahil naroon siya para maging bahagi ng kompanya. Isang bagong henerasyon ng mga Banal. At umaasa daw ang mga ito na mas uunlad ang kompanya sa mga kamay niya.

Ngiti lang ang naisagot niya. Di kasi niya garantiya kung anong maidadala niya sa Banal Mining Corporation. Mahirap palang ngumiti at magpanggap na okay lang ang lahat kahit na ang totoo ay nagngingitngit ang kalooban niya. Mahirap din pakiramdam niya ay responsible siya sa kabuhayan ng mga taong naroon kahit ang mas gusto niya ay pabagsakin ang kompanya.

Di pa nga natatapos ang isang araw niya doon ay gusto na niyang magtatakbo sa labas habang nagsisisigaw na parang baliw. Paano pa kaya siya tatagal doon nang anim na buwan?

Pinag-aaralan niya ang tungkol sa project sa minahan sa Aurora nang may kumatok sa pinto. Nang umangat ang tingin niya ay nakita niyang nakatayo doon si Francois na maganda ang pagkakangiti. Darn! Ganoon pa rin ang epekto nito sa kanya kahit na polished ito at maganda ang bihis. Wala yatang pangit sa lalaking ito.

At pasaway talaga ang traidor niyang puso na biglang pumitlag nang makita ang ngiti nito. Ugh! Kinailangan pa niya ng ilang segundo para mag-sink in sa utak niya kung anong mga dahilan kung bakit kinamumuhian niya si Francois Mosqueda.

“Hi! Mukhang busy ka pa rin. It is already five.”

“So?” nakataas ang kilay niyang tanong.

Kanina pa niya ito di pinapansin sa meeting hanggang sa mag-tour siya. Parang asungot naman ito na buntot nang buntot sa kanya. Pero mas nagngitngit siya dahil nakikipag-flirt ito sa mga babaeng nagpapapansin dito.

It was a bad enough that he was a man and a French at that. A double flirt.

“We should get going. I will bring you to a branch of my resto. It is on the hilltop and you will get a nice view of the city. We can have a lovely dinner, a little wine and dance or we can just chat.”

“Like a date?” tanong niyang di pa rin bumababa ang kilay.

Pinagsalikop ng binata ang palad. “Yes. Exactly!”

Doon tuluyang kumulo ang dugo niya. “Wow! Gusto mong mag-date tayo na parang walang nangyari? The nerve, Francois! The nerve!”

Itinaas nito ang mga kamay. “See? Iyan mismo ang dahilan kung bakit gusto ko na mag-usap tayo sa isang magandang lugar para makapag-relax ka at kumalma.”

Nakuyom niya ang palad na nasa ibabaw ng salaming mesa. She was mad. Really mad. Kailangan niyang pigilan ang sarili dahil baka makalmot niya ito sa mukha o kaya ay masampal niya ito.

“Wala na tayong dapat pag-usapan. Sana noon mo pa sinabi kung sino ka para wala na tayong dapat pang pag-usapan,” aniya at tumayo sa upuan.

Biglang tinanggal ni Francois ang pagkakapusod ng buhok nito at isinuklay ang daliri na parang na-frustrate sa kanya. “Amira, kailan ko naman sasabihin sa iyo kung sino ako? Noong unang beses tayong nagkita, dapat bang sinabi ko na “Ako si Francois Mosqueda, anak ng presidente ng Banal Mining Corporation at may nine percent shares sa kompanya.” O kaya naman sasabihin ko iyon habang pinagbibintangan mo ako na kidnapper.”

Humalukipkip siya. “You should have tried earlier than this.”

Mariing nagdikit ang labi nito. “Let me see. Dapat ba sinabi ko sa iyo matapos ang interview mo sa radio station at inatake sa puso ang lolo mo? O mas gusto mo habang nagluluksa ka? Noong litong-lito ka at kailangan mo ng kaibigan? Kasi hindi ko alam kung ano ang tamang panahon para sa iyo.”

“Sa simula pa lang. Sana nalaman ko sa simula pa lang,” aniyang matiim ang anyo. Napakasakit na pagmasdan ito habang iniisip niya ang lahat ng sana sa buhay niya. Napakadali para dito na kunin ang tiwala niya at sirain iyon.

“Kasi para sa akin di iyon importante. Hindi Banal Mining Corporation ang priority ko sa buhay. I am a chef, first and foremost. And I am your friend. Wala namang nagbago sa atin. Ako pa rin ang Aklay na ipagluluto ka ng masasarap. Ako pa rin ang kaibigan mo na nandiyan kung kailangan mo.”

Ngumisi siya. “Walang nagbago para sa iyo pero sa akin marami. Hindi importante sa iyo ang pagiging anak ni Romualdo Mosqueda at ang ten percent mo sa Banal Mining Corporation?” Naglakad siya paikot sa mesa at naglakad paikot sa binata. “Kaya ka nakipaglapit sa akin dahil gusto mong makuha ang loob ko. Gusto mo na pagkatiwalaan kita. Para nga naman kapag nandito na ako sa Banal Mining Corporation, napakadali na lang para sa inyong lahat na manipulahin ako. O kaya isabotahe ang lahat ng plano ko para hindi ko magawa ang proviso ni Lolo.”

“Amira, wala nga akong pakialam sa shares ko. Alam ko naman kung gaano kahalaga sa iyo ang mana mo…”

“Exactly!” Tumigil siya sa tabi nito at namaywang. “So what will you do next? Aakitin mo ako?” Lumunok muna siya dahil alam niya kung gaano kadaling gawin iyon ni Francois. Maybe he already activated the seduction scene since Day One. “Uutuin? Bubuntisin mo katulad ng ginawa ng tatay ko sa nanay ko? At kapag nakuha mo na ang gusto mo, iiwan mo na lang ako at maglalaho kang parang bula.”

Humihingal si Amira nang matapos siyang magsalita. Hindi niya inaasahan na maibubulalas niya ang lahat ng nilalaman ng dibdib niya, ang mga takot niya. Because that was exactly what she was feeling. Higit sa galit at pagkadismaya sa pagtraidor sa kanya ni Francois, natakot siya dahil pinagkatiwalaan niya ito. Alam niyang unti-unti nang nalulunod ang loob niya dito. Nakalampas ito sa depensa niya. At kung hindi niya natuklasan ang tunay na pagkatao nito, baka isang araw ay gumising na lang siya tulad ng nanay niya na walang anumang natira kahit na pagkatao at dignidad sa sarili. Hindi niya hahayaang mangyari iyon.

Francois looked hurt. “Amira, ganyan ba ako kasama sa palagay mo? Ganoon ba kababaw ang pagkatao ko? Come on. Kaibigan mo ako. Binigyan na ba kita ng dahilan para hindi mo ako pagkatiwalaan… bukod sa hindi ko nasabi sa iyo na anak ako ng presidente ng Banal Mining Corporation at may shares ako dito.”

Matapang niyang sinalubong ang mga mata nito at itinaas ang baba. “Yes. Nasa iyo ang lahat ng rason para hindi ako magtiwala. You are just like my father – a charmer, a playboy. Maybe even more. Too bad I am not that stupid. Hindi ako kasing inosente ng nanay ko. Hindi mo ako mapapaikot. Lahat ng kabutihan na ipinakita mo sa akin ay pagbabalat-kayo. Planado. Sinadya mo iyon para makuha ang loob ko, mapalambot ako at hindi ko matupad ang proviso ni Lolo. Mula ngayon ay magkalaban na tayo.”

It was so painful to say that. Kagabi lang ay ito ang nagpasaya sa kanya at nagpalimot sa kanya ng lahat ng mabigat na dinadala niya. At ngayon ay parang napakalayo na nila sa isa’t isa.

Hinawakan nito ang balikat niya. “Amira, it doesn’t have to be like this. We have something good between us. Kung isasantabi mo ang galit at masasamang hinala mo, makikita mo na hindi mo ako kaaway. Huwag kang magpadala sa galit mo. Please!”

Tiningnan niya ang mga kamay nitong nakahawak sa balikat niya at saka tinabig iyon. “Your charms won’t work with me, Mr. Mosqueda. Pakisabi na lang sa mga kasabwat mo na hindi na gagana ang plano nila na gamitin ka para palambutin ako. I will get my heritage back and nobody can stand in my way.”

“Sa maniwala ka at sa hindi, gusto ko pa rin na makuha mo ang pamana sa iyo. Alam ko kung gaano kahalaga iyon sa pagkatao mo. Maiwan muna kita kung mas gusto mo na mapag-isa,” anito sa malumanay na boses at saka marahan ang lakad na lumabas ng opisina niya.

NAIWAN si Amira na naguguluhan nang makalabas na si Francois sa opisina niya. Parang na-wipe out ang lahat ng galit at ngitngit niya kanina.

Kung isasantabi mo ang galit at masasamang hinala mo, makikita mo na hindi mo ako kaaway.

Nakita niya ang lungkot at sinseridad sa mga mata nito nang sabihin iyon. Talaga bang kakampi niya ito? Hindi nga ba niya ito kaaway? Dapat nga ba niyang kalimutan ang galit niya at buksan ang puso niya dito?

Hindi! Hindi pwedeng mawala ang galit ko. Alam ko na nasa tama ako. I am using my brain this time. Ikinatang niya ang siko sa mesa at sinapo ang noo. I can’t just allow him to muddle my brain. Bakit naman ako maniniwala na sinsero siya? Seriously? Bakit naman ako maniniwala sa mga drama niya? Magkakampi kami? Kung kakampi siguro ako sa kanya.

Nasa panig nito ang madrasta niyang si Caridad. Hindi niya pwedeng ito ng ama ni Francois. Bakit naman siya kakampihan ng binata samantalang di naman sila malapit sa isa’t isa? Kahit pa sabihin nito na magkaibigan sila at sinsero ito sa pagsasabing di sila magkalaban, hindi siya nito ipagpapalit sa relasyon nito ng ama nito o ni Caridad na malapit sa pamilya. She won’t take a chance on that.

You are on your own, Amira. Wala kang ibang kakampi. Wala kang dapat na pagkatiwalaan sa labang ito lalo na sa mga taong nakapaligid sa iyo. Walang ibang tutulong sa iyo kundi ang sarili mo lang.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.