Sa huli ay inilligpit din niya ang gamit niya at isinara ang laptop na bigay sa kanya ng kompanya. Sa lodging house na lang niya ipagpapatuloy ang pagtatrabaho niya. Alam niya kung gaano kasensitibo ngayon ang misyon niya. Hindi siya pwedeng magkamali. At kahit parang imposible ang task niya, gagawin niya ang lahat para manalo sa labang ito. Walang siyang oras kay Francois.
Mag-a-alas sais na ng gabi nang makalabas si Amira ng opisina. Tinawagan niya ang driver na si Mang Tolits habang naglalakad. “Manong, palabas na po ako. Pakisundo na lang po ako sa harapan.”
“Ma’am, kanina pa po ako umuwi pagkahatid ko kay Attorney Ferrer.”
“P-Po? Iniwan po ninyo ako?” bulalas niya. “Bakit po?”
“Sabi po kasi ni Sir Aklay na siya na ang bahalang maghatid sa inyo may date naman daw kayo.”
Natigilan si Amira sa paglalakad nang makita na nakaupo si Francois sa sofa sa may lobby ng opisina at tumayo agad nang makita siya. Matikas na matikas ang tindig nito na parang handa na itong escort-an siya.
Naggiyagis ang ngipin niya. “Manong, sana po tinanong muna ninyo ako bago kayo umalis. Inalam muna sana ninyo kung talagang gusto ko siyang kasabay.”
“Sorry po, Ma’am. Akala ko po kasi ay okay lang sa inyo. Kasi kanina pa pong umaga niya sinabi nang magkita kami sa parking lot. Di na po ba tuloy ang date ninyo?” tanong ng driver.
Masama pa rin ang tingin niya kay Francois na nakangiti pa sa kanya. Parang kampanteng-kampante ito na dito siya sasabay pauwi dahil wala siyang sundo.
Matalim ang tingin niya sa binata habang kausap ang driver. “Manong, pakisundo po ako dito. Gusto ko na pong magpahinga.”
“M-Ma’am, nakagarahe na po ako sa Baguio. Kung babalikan ko pa po kayo sa La Trinidad, baka anong oras na po ako makarating. Traffic na po kasi ngayon dahil rush hour.”
“Mga gaano katagal?”
“Mga kalahating oras hanggang isang oras po, Ma’am. Matatagalan po kayong maghintay.”
“Ako na lang ang bahala. Salamat.”
Nakangiti naman siyang nilapitan ni Francois na nagpalit na ng light blue polo at naka-slacks pa rin. Ang buhok nito na inalis nito sa pagkakatali kanina ay nakapusod ulit. “Hatid na kita,” alok nito at akmang kukunin ang mga dokumento na bitbit niya.
Niyakap niya ang mga iyon at tiningnan ito sa malalamig na mga mata. “Hindi na. Salamat na lang. Magta-taxi na lang ako,” aniya sa boses na kasing-lamig ng yelo.
Gusto sana niya itong komprontahin tungkol sa pagpapaalis nito sa driver niya pero dahil nangyari iyon kaninang umaga bago pa sila nagtalo ni Francois, di naman niya pwedeng isisi iyon sa binata. Akala nito ay magiging okay pa rin sila. Gusto na lang niya itong mawala sa paningin niya.
Nakangiti pa rin ito. “Hindi na. Ako na ang maghahatid sa iyo. Gabi na. Delikado pa kung magta-taxi ka.”
“Mas delikado kung kasama kita,” pakli niya at tuloy-tuloy na naglakad palabas.
Sinundan siya nito. “Mahirap maghanap ng taxi ngayon. Rush hour.”
“E di maglalakad na lang ako kaysa naman makasama ka.”
Tiningnan nito ang sapatos niyang mataas ang takong. “On that shoes? Stop being stubborn, Amira. Pahihirapan mo lang ang sarili mo.”
“Mas gusto kong mahirapan. Kahit magpaltos pa ang mga paa ko o mapilayan ako basta malayo lang ako sa iyo. Ano bang hindi mo maintindihan? Ayaw kitang makita. Ayaw kitang makasama. Naiirita ako sa iyo. At huwag mong isipin na nag-iinarte lang ako. Maglalakad ako. Nakaya kong maglakad dati mula Sorsogon hanggang Maynila para sa kalikasan noong college ako. Bakit naman di ko iyon gagawin ngayong makalayo lang sa iyo?”
Tumiim ang anyo nito nang makitang ganoon siya kaseryoso. Sa huli ay tinawag din nito ang guard. “Manong Gary, tumawag na po kayo ng taxi para kay Amira.”
“Yes, Sir. Maupo po muna kayo, Ma’am,” anang security guard.
Taas-noo siyang umupo sa sofa at saka kunwari ay nagbasa-basa ng dala niyang dokumento. Pinakikiramdaman niya ang tingin ni Francois habang nakatayo ilang metro mula sa kanya. Di ito makalapit. Nakatingin lang na parang nagpapaawa. Bakit ba di na lang ito umalis? Wala naman itong mapapala sa kanya.
Nang dumating ang taxi niya ay nawala na rin ito. Siguro naman ay hindi na siya nito kukulitin pa. Di niya alam kung bakit nakadama siya ng kahungkagan sa dibdib nang mawala ito lalo na nang mag-isa na lang siya sa taxi.
She felt a longing that she had never felt before. Uuwi siyang mag-isa sa lodging house. Mag-isa siyang magdi-dinner. Baka kumain na lang siya ng iluluto niya mula sa stocks niya o wheat bread na lang.
Naisip tuloy niya ang romantikong gabing ihinanda ni Francois sa kanya. Isang masayang dinner na may tawanan, kwentuhan at alam niyang makakapag-relax siya. Pero hindi na mangyayari iyon. Ibang mga tao na sila ngayon. Hindi na ito ang Francois na kilala niya na pwede niyang pagkatiwalaan. Hindi na rin siya ang Amira na inakala nitong mauuto at mapapaikot nito.
Masaya nga siguro na magbulag-bulagan at magpadala sa emosyon. Parang idinadala siya sa alapaap. Parang lumulutang siya. Iyon ang ibinibigay sa kanyang pakiramdam ni Francois. Parang droga. Nakakapagpalimot ng katinuan.
Pwede niyang papaniwalain ang sarili na magkakampi sila. Na pinagmamalasakitan siya nito. Na isa itog kaibigan na pwede niyang pagkatiwalaan. She could always give him the benefit of the doubt and succumb to his charms.
Pero paano kapag tapos na ang lahat, alam niyang magsisisi siya. Ngayon niya naintindihan kung bakit binabalaan siya ng nanay niya pagdating sa mga lalaki. Hindi pala ganoon kasimple kapag umatake ang emosyon. Mabuti na lang at hindi pa siya tuluyang nahuhulog kay Francois. Mas malaking problema kung tatanga-tanga siyang na-in love dito at naisuko na niya ang Bataan.
“Ma’am, parang kanina pa po tayo sinusundan ng kotse na iyon,” anang taxi driver. “Kilala po ba ninyo, Ma’am?”
Kumunot ang noo niya at lumingon sa likuran. Isang puting Land Cruiser ang nakasunod sa kanila. Malapit na sila sa lodging house at ang tinatahak nilang kalsada ay di naman masyadong dinadaanan at wala sila halos kasunod o kasalubong. Kotse iyon ni Francois. Natitiyak niya iyon.
Nang papasok na siya ng gate ng lodging compound ay pinatigil niya ang kotse. “Sandali lang po, Manong. May kakausapin lang ako.”
Bumaba siya ng kotse at saka nakahalukipkip na tumayo sa likuran ng nakahimpil na sasakyan. Inabangan niyang lumapit ang kotse ni Francois. Tumigil din iyon di kalayuan sa taxi at bumaba ang binata.
Malalaki ang hakbang niyang nilapitan ito. “Hey! Stalker ba kita? Alam mo ba na pwede kitang ireklamo sa ginagawa mo?”
Luminga pa ito sa paligid na parang may iba pa siyang kinakausap at saka itinuro ang sarili. “Ako ba ang tinutukoy mong stalker?”
“Hindi. ‘Yung anino mo kausap ko.” Humalukipkip siya. “Alam mo ba na pwede kitang ireklamo o kaya ay mag-file ako ng restraining order laban sa iyo?”
“Restraining order?” Ngumisi ito na parang di alintana ang banta niya. “Di mo naman ako stalker na nagbabanta sa iyo. As a matter of fact, di kita ini-stalk. Pinoprotektahan pa nga kita. Gusto kong matiyak na safe kang makakauwi. Hindi naman tatayo sa korte ang reklamo mo. Saka may oras ka pa ba na ireklamo ako? Baka lalo kang mahirapan na kunin ang suporta ng marami sa special projects mo kapag kinaladkad mo ako sa korte.”
Huminga siya ng malalim at bumilang ng sampu para kalmahin ang sarili. Masyado na siyang naiinis dito at kung anu-ano na ang nasasabi niya kaya ngayon ay di siya manalo-nalo sa argumento. “Basta huwag mo na akong susundan. Hindi ka makakapasok sa lodging compound.”
Tinitigan lang siya nito. “Five minutes. Five minutes lang ang kailangan mo para i-text na okay ka lang. Kailangan mo rin akong i-text kung kumain ka na. Mag-send ka sa akin ng picture message ng pagkain mo. Kapag hindi mo ginawa iyon, di mo ako mapipigilang puntahan ka sa lodging house at ako mismo ang magpapakain sa iyo. Maliwanag ba?”
Siya ang napilitang tumango sa huli. Alam niya na kayang tuparin ni Francois ang banta nito. “Fine. Just leave me alone.”
At least magpapadala lang siya ng picture dito at magte-text. Hindi na niya ito kailangang makasama pa. Kaya naman kahit na wala siyang ganang kumain ay napilitan siyang gumawa ng salad. Kinuhanan niya iyon ng picture at saka ipinadala sa binata sa pamamagitan ng Viber.
There! Got your wish. Masaya ka na?
Nope, reply nito. Because you are not with me. I miss you. Alam ko na nami-miss mo rin ako.
Napailing na lang siya. Kapal ng mukha nito na sabihin na nami-miss niya ito. Miss kita? Your face!
Yeah! I know, guwapo ako.
Di na lang siya nakapag-reply at sinabunutan na lang ang sarili. He was exasperating. Sineseryoso ba nito ang sitwasyon nila? Akala ba nito ay magagamitan nito ng charm ang lahat ng babae? Na konting pa-cute lang nito ay okay na agad sila? Siguro ay sanay ito na mapasunod ang mga babae sa lahat ng gusto nito.
Pwes. For the first time ay papalpak ito. Masisira ang record sa babae ni Chef Francois Mosqueda kay Amira Catindig.