“Amira, ipinapaalala ko lang sa iyo ang bonding session natin sa Sabado,” paalala sa kanya ng kapatid na si Yumi nang tawagan siya sa cellphone. “Excited na nga kami dito. Hindi ko rin kasi halos makita ang ibang kapatid natin. Parang reunion natin ito. Huwag mong kalilimutang lumuwas. Ipinapaalala lang sa atin ni Attorney Guzman na kailangang kumpleto tayo dahil iyon ang proviso ni Lolo.
“Okay,” nausa lang niya sa pagod na boses.
Isang “masayang” bonding kasama ang mga kapatid niya sa Sagada. Great! Kailangan pa niyang bumalik ng Sagada sa Sabado ng umaga. Kailangan niyang kilalanin ang mga kapatid niya at makisalamuha dito kung ayaw niyang mapunta ang ibang mana niya kay Caridad. Wala ata siyang lakas para ma-excite ngayon.
“O! Parang pagod na pagod ang boses mo. Baka nagpapakapagod ka sa trabaho diyan. Second day mo pa lang sa Banal Mining. Baka naman may sakit ka na,” nag-aalalang sabi ni Yumi.
“Okay lang ako, Ate Yumi. Importante kasi ang mga pinag-aaralan ko.”
At saka siya bumuntong-hininga. Nagkukulong siya sa opisina dahil tambak ang dapat niyang pag-aralan. Hapon na noon at sistema ng kompanya kung paano ang operasyon nito. Naka-line up na rin sa basasahin niya ang mga proposed special projects ng research team niya. Wala pang alas dos noon ng hapon pero parang pagod na pagod na siya.
Ganoon siguro ang pakiramdam kapag di niya gusto ang ginagawa. Kailangan niyang baligtarin ang mind set niya na naka-program na sa loob ng maraming taon mula nang ipanganak siya. Kung paanong kinamumuhian niya ang Banal Mining Corporation. Kung paanong gusto niyang ibagsak iyon. At hindi niya alam kung anong klaseng special project ang makakapagpa-impress sa lahat at mag-iiwan ng marka sa Banal Mining Corporation at sa buong industriya.
“Hinay-hinay ka lang. Pag-uwi mo naman dito ay tiyak na mag-e-enjoy ka at magre-relax. Kaming mga kapatid mo ang bahala sa iyo,” sabi nito.
“Salamat, Ate Yumi. Bye.”
Sumandal siya sa swivel chair at tumingala sa kisame. She was not tired physically. Sa palagay niya ay emotional stress ito. Ang pananatili niya sa opisina ng Banal Mining Corporation ay hindi nakakabuti sa kanya. Wala siyang masabi sa mga empleyado dahil mababait at masisipag ang mga ito. Patunay naman ang records ng kompanya kung gaano ka-dedicated ang mga ito. Kahit ang mga board of directors na kahapon ay ayaw sa kanya, ngayon ay ilan ang dumaan sa opisina niya para alukin siyang magkape. Ang iba ay gusto pa siyang imbitahan kasama ang pamilya ng mga. Gusto ng mga ito na i-welcome siya. Her answer was affirmative.
Hindi pa palagay ang loob niya sa mga tao doon lalo na sa ama ni Francois. Dumaan din ito sa opisina niya kanina para i-check kung may kailangan siya. He was too formal, too stiff. Parang malayo sa imahe ni Francois na carefree at masayahin. And he was all business. Hindi gaya ng iba na parang gusto siyang tratuhin na kapamilya, or at least they were trying, si Romualdo naman ay puro trabaho lang ang usapan.
Heto pa at kailangan niyang makipagkita sa mga kapatid sa Sagada. Kailangan niyang manatili doon ng isang buwan ayon sa proviso ng lolo niya. Parang wala naman siyang susulingan. Awkward pa rin minsan kapag nagsama-sama sila. At hindi niya alam kung paanong makikipaglapit sa mga ito. Alam niyang kailangan niyang subukan. Kailangan niya ang suporta ng mga kapatid lalo na sa mga desisyon niya sa Banal Mining Corporation. Together, they hold the majority shares.
Too much work to do. Too much responsibility. Bigla ay parang napakabigat ng mundo sa balikat niya. Hindi niya alam kung paano siya makakawala.
Naputol ang malalim niyang pag-iisip nang mag-buzz ang intercom sa tabi niya. “Yes, Brynette?”
“Ma’am, may delivery po para sa inyo.”
“Paki-receive na lang.” Mas gusto na lang talaga niyang mag-focus sa trabaho niya. Ayaw na niyang maabala ng ibang tao.
“Kailangan daw po na personal na iabot sa inyo.”
“Sige. Sige. Lalabas na ako.”
Bumuntong-hininga siya at napilitang tumayo. Bakit naman kailangan pang iabot sa kanya nang personal ang item na ide-deliver? Di naman siguro iyon bomba.
Binuksan niya ang pinto at sumilip. “Yes?”
Bumungad sa kanya si Francois na nakasuot ng royal blue polo shirt at jeans. “Hi!”
“Ikaw na naman?” bulalas niya. Obvious naman na ito ang delivery man.
Umakyat agad ang dugo sa ulo niya. Kagabi ay hindi siya halos nakatulog dahil dito. Kanina rin ay di ito mawala-wala sa isip niya. Kahit na anong gawin niyang paglunod sa sarili sa trabaho ay pilit pa rin itong sumisingit sa isipan niya. Tapos ay kailangan pa nitong sirain ang araw niya at puntahan pa siya sa opisina.
“Special delivery!” anito at inilahad ang kahon na may lamang chocolate cupcakes with chocolate icing sa loob. “Nag-bake ako para sa iyo. Best seller ko ang chocolate cupcakes.”
"Hindi ba sinabi ko sa iyo na ayoko na kitang makita? Umalis ka na at huwag mo na mga akong guluhin,” pagtataboy niya dito.
Ngumiti lang ito sa kanya at saka inangat inilapit pa sa kanya ang kahon ng cupcake na parang nananakam. "Ibig sabihin ayaw mo ng mga cupcake na dala ko? Masarap ang mga iyan. Ghirardelli ito."
Parang nag-awitan ang mga anghel sa langit nang marinig niya ang Ghirardelli Chocolate. Iyon ang isa sa pinakamahal at pinakamasarap na chocolate. Freakin’ Ghirardelli!
Tiningnan niya ang mga cupcake na makikita mula sa clear window ng kahon. Knowing Francois being a good chef that he is, only the best ingredients would do. Isang tingin pa lang niya sa luto nito ay parang nalalasahan na ng dila niya ang sarap. Nakakatakam. Parang tinatawag siya. Ugh! How could she say no to those babies? Hindi niya kayang talikuran iyon.
Kilala niya ang luto ni Francois. Parang may gayuma iyon. Ngayon pa lang ay parang may kumakaliti na sa dila niya kahit di pa niya natitikman ang cupcakes na dala nito.
Hinablot niya ang kahon mula dito. "Salamat. Makakaalis ka na."
Pwede naman niyang kunin ang cupcake nang hindi ito ine-entertain, di ba? Cupcake lang naman ang interes niya. Wala na siyang pakialam dito.
"Sandali! Mag-usap muna tayo."
Umingos siya. "Wala na tayong kailangang pag-usapan. At kung anuman ang sasabihin mo ay hindi ako interesado,” aniya at tinalikuran ito para pumasok na sa opisina niya.
"Sige. Kung hindi mo ako kakausapin, sasabihin ko pa rin dito sa labas ng opisina mo ang lahat ng gusto mo. At natitiyak ko na maririnig nang malinaw ng lahat ang sasabihin ko. Gusto mo ba iyon?"
Natigilan si Amira. Gusto sana niyang sabihin dito na wala siyang pakialam pero ano nga ba ang sasabihin nito? Paano kung makaapekto iyon sa standing niya sa Banal Mining Corporation.
Nang lumingon siya ay napansin niya ang may interes na tingin ng ibang empleyado niya na nagtatrabaho sa kanya-kanyang opisina at ang iba naman ay natigilan pa sa paglalakad. Parang tumigil ang mundo lang lahat para lang mapakinggan kung anuman ang sasabihin ng binata tungkol sa kanya.
Isang nanunuksong ngiti ang naglalaro sa mga labi ni Francois. Paano kung tungkol iyon sa paghalik niya dito o ang pagbababad nila sa Jacuzzi? Those were private stuffs. Paano kung tungkol sa galit niya dito at sa lahat ng mga Banal? Hindi niya gugustuhing maging tampulan sila ng tsismis sa opisina. Baka lalo siyang hindi seryosohin ng mga tauhan niya lalo na ang board of directors. Francois got her there. At wala siyang ibang pagpipilian kundi ang sumuko dito.
“Fine. Pumasok ka sa opisina ko. Only five minutes,” aniya sa pormal na boses. “Marami akong inaasikaso.”
“Make it fifteen. Baka kasi mabitin ako sa five minutes.”