“Ten minutes. Take it or leave it,” aniya at pumasok na sa opisina niya. Naramdaman niyang nakasunod ito sa kanya.
“Sir, isusunod ko na lang po ang kape ninyo,” sabi ni Brynette dito.
“Thanks, Bry,” anang binata at saka isinara ang pinto nang makapasok na.
Ang pagiging pamilyar nito sa staff niya at mga kinikilig na ngiti ng mga babaeng tauhan niya ay patunay na si Francois ang nakapangyayari sa opisinang iyon. Wala siyang kawala sa anumang gusto nitong mangyari. Kitang-kita naman kung gaano kadali nitong na-charm si Brynette. Kailangan niyang kausapin ang sekretarya niya sa susunod. Di na pwede na nagpapauto ito kay Francois. Wala naman sigurong masama kung hingin niya ang loyalty ng mga tauhan niya.
“So what do you want?” tanong niya sa malamig na boses at umupo sa swivel chair.
“Tikman mo ang cupcakes na dala ko. Naisipan kong ipag-bake ka dahil alam ko kung gaano ka ka-busy ngayon. Ni hindi ka na nga daw nag-coffee break kanina sabi sa akin ni Brynette.”
“Hindi mo ako kailangang alalahanin. Kaya ko ang sarili ko,” sabi niya at hindi binuksan ang cupcake. Di niya iyon kakainin sa harap nito. “Iyan lang ba ang ipinunta mo? Ang dalhan ako ng cupcakes? Di mo ba ako kakausapin tungkol sa trabaho? Baka gusto mo akong kumbinsihin na maging kaalyansa ng Banal Mining Corporation at kalimutan na ang lahat ng prinsipyo ko.”
Tumayo ito sa harap niya at hinawakan ang kamay niya. “Amira, for once gusto ko namang kalimutan mo muna ang Banal Mining Corporation o ang tungkol sa mga ipinaglalaban mo. Ako muna ang intindihin mo. Kalimutan mo muna na ang tatay ko ang presidente ng kompanyang ito at ako ang may-ari ng ten percent ng shares. Isipin mo muna na ako pa rin ang Aklay na nakilala mo. Ako pa rin ang taong pwede mong takbuhin kapag kailangan mo. Gusto kong bumalik tayo sa dati.”
Umiling siya at bianwi ang kamay mula sa pagkakahawak nito. “Isang malaking kalokohan kung iniisip mo na makakabalik pa tayo sa dati. Imposible na iyon. Hindi na ikaw ang kaibigan na inaakala ko. Hindi na rin ako ang babaeng kilala mo. Kung wala sana ako sa posisyong ito, baka okay lang na walang magbago sa atin. At kung naging simpleng chef ka lang sana at wala kang kinalaman sa kompanya, wala tayong magiging problema. Pero hindi tayo pwedeng magpanggap at mabuhay sa mundo ng ilusyon. Ikaw si Francois Mosqueda na anak ng presidente at CEO ng kompanyang ito. May ten percent shares ka sa kompanya. At natitiyak ko na hindi mo rin nanaisin na manatili ako nang matagal dito. Baka isa ka rin sa mga gustong huwag kong makuha ang mana ko dahil isang kaaway ako. May rason ang mga board of directors para matakot. Kung di lang ako inilagay ni Don Alfonso Banal sa isang napaka-imposibleng posisyon, wala sana ako dito. For record, this is the last place on earth that I would love to work for. Dahil ito ang kompanyang sumira sa buhay namin ng nanay ko at ng maraming tao. Simula nang magkaisip ako, wala akong ibang pinangarap kundi pabagsakin ang kompanyang ito. At kung ako ang masusunod, gusto kong madurog ito sa mismong mga kamay ko!”
Bigla na lang nilang narinig na may bumagsak at nagkabasag sa sahig. Nang lumingon sila ni Francois ay nakita nilang nakatayo si Brynette sa may pinto. Nakatigagal ito at mukhang naguguluhan. Sa paanan nito ay nagkalat ang tray na nabitiwan nito. Tumapon din ang platito at tasa ng kape sa paanan nito na di lang marahil nabasag dahil sa carpet sa sahig.
Kumunot ang noo niya. “Brynette, anong…”
Bigla itong lumuhod para pulutin ang mga nabitawan nito. “Ma’am, Sir, sorry po. H-Hindi ko po sinasadya. A-Ano po kasi…” Napalunok ito at di makatingin nang direkta sa kanya. “Huwag naman po sana ninyo akong aalisin sa trabaho, Ma’am. May sakit po ang tatay ko.”
Nilapitan ito ni Francois para tulungan ang babae. “Hindi ganyang tao si Amira. Hindi mo naman sinasadya ang nangyari, di ba?”
Nangilid ang luha ng babae. “B-Basta po lilinisin ko ito. Pati po ang carpet ako na po ang magkukuskos kung gusto ninyo.”
“Leave it. Tatawag na lang ako ng maglilinis niyan,” sabi niya.
Kinuha ni Francois ang tray mula sa babae. “Doon na muna sa tayo sa table mo.” Nilingon siya ng binata. “Salamat sa oras mo. Nandito lang ako kung gusto mo akong makausap. You will always have a friend in me, Amira.”
At saka nito inalalayan palabas ng silid ang sekretarya niya. Nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito.
Kinabahan siya nang makita niya ang takot sa mga mata ni Brynette bago sumara ang pinto. Hanggang saan ang narinig nito sa usapan nila ni Francois? Kaya ba mukha itong takot sa kanya dahil naisip nito na ipapasara niya ang kompanya?
Mariin siyang pumikit at inanalisa ang sitwasyon niya. Kakausapin ba niya si Brynette at paliliwanagan? Sasabihin ba niyang hindi iyon totoo samantalang wala naman siyang kaamor-amor sa kompanya? Makikipag-utuan siya? Hindi naman niya forte iyon.
O iisipin na lang niya na wala itong narinig. Baka naman napapraning lang siya dahil pakiramdam niya ay kaaway niya ang lahat ng tao sa paligid niya.
Chill. Kailangan lang niyang mag-chill.
Dinampot niya ang chocolate cupcakes na gawa ni Francois at kumain ng isa. Parang nasa langit nga ang pakiramdam niya nang matikman iyon. Not even the cupcakes she tasted in France could compete. And it made her forget… for a while.
Kung sana lang ay sapat na ang chocolate cupcakes na iyon para bumalik sila ni Francois sa dati. Para kalimutan niya ang mga katayuan niya sa Banal Mining Corporation. Kung pwede lang sanang kalimutan niya ang proviso ni Don Alfonso o ang Kanayama. Hindi sana ganito kagulo ang isipan niya.
Nang maubos niya ang cupcake at nawala na naman ang masayang pakiramdam niya, alam niyang hindi ganoon kasimple lang lahat. Kailangan din niyang bumalik sa realidad. Di na sila pwedeng bumalik ni Francois gaya nang dati.