Barely Heiresses: Amira Chapter 48

“Kumusta ang bagong special projects manager ng Banal Mining Corporation?” patuksong tanong ni Estephanie nang magkausap sila. Papunta siya noon sa opisina ng Banal Mining Corporation para sa pangatlong araw niya sa trabaho. And she felt so light.

“Okay naman,” kaswal niyang sagot at nakangiting tumingin sa labas. “I think this will be a good, good day.”

“Aba! Nag-iba yata ang tono mo. Kahapon lang ng umaga nang tawagan kita parang pagod na pagod ka na. Na-imagine tuloy kita na losyang na losyang, iniwan ng asawa mo at may sampung anak.”

Natawa lang siya sa biro nito. “Sabihin na natin na may nakain akong masarap na cupcake kaya okay na ang pakiramdam ko ngayon.”

“Hmmm.. ganyan ka lang kasaya pagdating sa cupcake kapag magaling na chef ang nagluto. Ipinag-bake ka ni Chef Aklay, no? Okay na kayo? Natuloy na ba ang date ninyo?”

“Okay kami ng cupcake niya. Ghirardelli iyon. Pero di kami okay ni Francois. Mukha ba akong tanga para magpauto sa kanya? Siyempre cupcake lang ang habol ko sa kanya. Di niya ako mauutakan.”

Di porke’t tinanggap niya ang cupcake na dala ni Francois ay okay na sila. Matanda na siyang masyado para magpadala sa simpleng cupcake lang.

“May Ghirardelli cupcake ka na, hindi pa nakuha ni Chef Aklay ang puso mo. Aba! Mukhang palaban ka na.”

“I can also play his game. Natututo na ako. Hindi ko kailangang isuko ang puso ko dahil lang sa masarap na cupcake.”

Isang malaking leksyon sa kanya na dapat ay huwag siyang basta-basta magtitiwala. Huwag siyang basta-basta magpapauto. Two could play a game. Pwede pa rin niyang makuha ang gusto niya nang hindi sumusuko sa kalaban. Utakan lang. Mare-realize din naman nito later on na mas interesado siya sa cupcakes at luto nito kaysa dito.

Kahit naman ayaw niya sa kay Francois ay di maikakailang napamahal siya sa luto nito. Di niya kayang tanggihan. Sana ay naging magaling na lang itong chef at di involved sa Banal Mining Corporation. Mas simple sana ang buhay niya.

Nagtaka siya dahil matagal silang nakatigil. Mag-a-alas nuwebe na. Ayaw niyang ma-late sa trabaho. “Manong, ano pong problema?”

“Ma’am, may mga tao pong nakaharang sa dadaanan natin. Mukhang mga tauhan po ng minahan.”

Kumunot ang noo niya. At pilit na sinilip. Hindi niya masyadong makita mula sa kotse pero napansin niya na marami ngang tao sa harap. “Nandiyan ba sila para i-welcome ulit ako?”

Hindi pa niya nakikilala ang mga empleyado sa mismong minahan. Baka dumayo pa ang mga ito doon para makilala siya.

Nalukot ang mukha ng driver. “E… mukha pong may problema ang mga tauhan sa inyo. May mga plackards pa po sila na sinasabing huwag ipasara ang minahan at kayo daw po ang alisin sa pwesto.”

“Ano?” bulalas niya at pilit na sumilip sa harapan. Nakita nga niya na may plackards na hawak ang mga tao. May protesta nga laban sa kanya. Bakit may kumakalaban agad sa kanya samantalang kasisimula pa lang niya? “Bababa po muna ako.”

“M-Ma’am, sandali po. Baka po kung anong gawin nila sa inyo.”

“Ano naman ang gagawin nila sa akin? Mag-uusap lang kami,” aniya at taas-noong bumaba ng kotse.

Na-overwhelm siya nang makita ang mga nagpoprotesta. Mga kalalakihan na mukhang mga minero. Naroon din ang mga maybahay at anak ng mga ito. Subalit maging ang ilang empleyado niya sa opisina ay nakilala niya kasama na ang sekretarya niyang si Brynette at mga miyembro ng special projects division. Sa tantiya niya ay humigit-kumulang dalawang daan din ang mga nagpoprotesta. Puno ng disgusto ang anyo ng mga ito. Nagkakaisa ang mga ito para alisin siya sa pwesto.

“Ako si Amira Banal,” matapang na pagpapakilala niya. “Anong problema?”

Isang lalaki na sa tantiya niya ay nasa singkwenta anyos ang lumapit sa kanya. Halata sa mukha nito ang hirap ng pagtatrabaho. May ilan na rin itong hibla ng puting buhok. May kalakihan ang katawan nito at mukhang palaban. Mas matangkad ito sa kanya ng anim na pulgada at sa paglalakad nito ay parang mandirigma ito. Mukha itong palaban.

“Ako si Tomas Big-ay, Ma’am. Ako po ang pangulo ng unyon ng mga manggagawa dito. Nabalitaan namin na kayo ang apo ni Don Alfonso na humahawak sa Banal Mining Corporation. Pero mukhang ayaw ninyo sa kompanya at mas gusto na lang ninyo ay ipasara ito.”

Nagsalubong ang kilay niya. “At kanino naman ninyo nalaman iyan?” Saka hinagilap ng paningin niya ang sekretaryang si Brynette.

Noong una ay parang ayaw pa nitong gumalaw sa kinatatayuan lalo na nang magsalubong ang paningin nila. Itinulak ito ng isang kasamahan mula sa marketing department. “Hoy! Di ba ikaw iyon?”

“Si Brynette po,” anang isang bading na receptionist.

“Sige na. Kami ang bahala sa iyo,” sabi naman ng isa sa mga staff mula sa finance department. “Hindi ka niya maano. Mas marami tayo.”

Nagkaroon ng lakas ng loob si Brynette at humakbang sa harap ng mga kasamahan nito. Tumayo ito sa tabi ni Tomas. "Ma'am Amira, totoo naman po. Narinig ko kayo nang sabihin ninyo kay Chef Aklay na kung kayo ang masusunod, ayaw ninyo sa Banal Mining Corporation. Mas gusto ninyo na ipasara na lang."

Kung ganoon ay narinig nga nito ang usapan nila ni Francois. May tainga ang lupa, may pakpak ang balita. Ngayon ay buong Banal Mining Corporation na ang kalaban niya. Hindi lang ang madrasta niyang si Caridad. Hindi lang si Francois o ang ama nito. Maging ang mga normal na empleyado ay kalaban na rin niya.

"Totoo ba iyon, Ma'am? Ano bang problema ninyo sa kompanya namin?" tanong ni Manong Tomas. "Maayos naman kaming nagtatrabaho. Umunlad ang kompanyang ito dahil sa pangangalaga ng lolo ninyo. Inalagaan din niya kami at itinuring na pamilya. Tapos ay ganoon-ganoon na lang ninyong ipapasara ang kompanya nang di kami binibigyan ng konsiderasyon?"

Galit na nagsigawan ang mga kasamahan nito. "Namatay lang si Don Alfonso ganyan na ang gagawin sa amin? Itatapon ninyo kami na parang basura lang?" sigaw ng lalaki na nakasuot ng medyo gunit na pantalon at simpleng puti na T-shirt. Kalong pa nito ang anak nitong babae na mukhang tatlong taong gulang pa lang.

"Paano naman po ang mga anak namin kapag nawalan ng trabaho ang anak namin, Ma'am? Kung wala ang Banal Mining, baka maging mangmang din sila gaya namin. Hindi sila makakapag-aral," maluha-luhang wika ng babaeng sa palagay niya ay asawa ng minero.

"Ma'am, dekada na kami dito pero naalagaan kami. Alam namin na maayos ang estado ng kompanya. Bakit ninyo ipapasara?"

"Akala namin kaisa namin kayo dahil isa kayong Banal. Hindi naman pala."

"Mas mabuting mawala na lang kayo."

"Kung hindi kayo ang mawawala, kami na lang ang aalis."

Hindi makapagsalita si Amira. She felt guilty. Tama. Sinabi niya ang mga bagay na iyon. Gusto niyang maisara ang kompanya. Pero di ibig sabihin ay gusto niyang tuluyang mawalan ng kabuhayan ang mga tao doon. Gusto niyang magpaliwanag. Gusto niyang maglubag ang loob ng mga ito pero di niya alam kung ano ang sasabihin.

Alam niya na nang mga oras na iyon ay masama ang tingin sa kanya ng lahat. Nagsalimbayan ang mga boses ng protesta. Pawang galit. Wala nang pakikiusap sa tinig ng mga ito. Natagpuan na lang niya ang sarili na unti-unting pinaiikutan ng mga ito.

Umiikot ang paningin niya. Wala siyang nakikita kundi galit na mga mukha. Galit na mga tinig. Sanay siya sa ingay. Sanay siya sa protesta subalit ito ang unang beses na naranasan niyang siya ang ipinoprotesta.

Parang di siya makahinga habang nagsisimula ang mga ito na palibutan siya. They were closing in on her, robbing her of her personal space. At sa ekspresyon ng mga ito ay parang handa ang mga ito na alisin siya sa kompanya nang literal at pisikal. Sa itsura ng mga ito ay parang handa ang mga ito na buhatin siya palayo sa Banal Mining Corporation at ihulog siya sa bangin.

Wala siyang magagawa sa pagkakataong ito. Mag-isa lang siya. Wala siyang kakampi. And it was her fault. Banta siya sa kabuhayan ng mga ito. Ito na ba ang katapusan niya sa Banal Mining Corporation? Ibig bang sabihin ay wala na siyang pag-asa na makuha ang Kanayama? At paano ang kaligtasan niya?

Pipikit na lang ba siya at tatanggapin kung anuman ang kapalaran niya sa kamay ng mga ito? For the first time in her life, she was frozen and confused. Hindi niya alam kung paano poprotektahan ang sarili sa mga ito sa mga taong pinoprotektahan lang mula sa kanya ang kabuhayan ng mga ito?

Nahigit niya ang hininga nang may matatag na bisig na yumakap sa kanya. Her first instinct was to fight and protect herself. Kahit paano naman ay lalaban siya. Pero nakadama siya ng panlalambot nang maramdaman ang init ng katawan ng yumakap sa kanya. Animo’y wala itong balak na saktan siya, sa halip ay nais siya nitong protektahan. Handa ang may-ari ng bisig na iyon at matipunong katawan na ipagtanggol siya.

Pumikit siya nang maamoy ang pamilyar na pabango ng lalaking iyon. Awtomatikong nag-shut down ang utak niya at hinayaan na lang niya ang sarili sa mga bisig nito.

“Anong gulo ito? Anong problema ninyo kay Amira?” dumadagundong ang boses na tanong ni Francois.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.