Barely Heiresses: Amira Chapter 50

“Ma’am, malaki po ang pasasalamat namin sa minahan. Nakakapag-aral na po ang mga anak namin. Di na kami dadayo pa sa bayan para lang makapag-aral sila. Di na kami mag-aalala sa kanila May teacher na rin galing sa tribo namin at napagtapos ng minahan. May health center na rin kami at paanakan kaya mas ligtas ang kalusugan namin. Lahat po iyon ay project ng lolo ninyo,” kwento ni Mimay, isa sa asawa ng mga minero doon.

Ipinaghehele nito ang anak na isang taong gulang pa lang. Nasa canteen sila at kakakain lang ng miryenda. Nang mawala ang tensiyon at nalaman ng mga ito na wala siyang banta sa mga ito ay tinanggap siya ng mga ito na parang kapamilya. Na parte siya ng isang malaking pamilya.

Galing pa sa iba’t ibang probinsiya sa Cordillera ang mga ito at talagang nagsikap daw na makarating doon para ipakita ang pagkakaisa para sa kompanya. Plano pa nga daw ng mga taga-ibang minahan sa ibang bahagi ng bansa na sumugod doon kung tatagal pa ang protesta para ipakita ang pwersa at huwag nang ituloy ang pagpapasara ng kompanya.

Masayahin ang mga naroon. Mas gusto daw ng mga ito ang buhay ngayon kaysa dati na parang isang kahig at isang tuka lang. Karamihan nga daw sa mga ito ay walang pinag-aralan pero nagpapasalamat sa ibinigay na pagkakataon ng minahan para umunlad ang buhay ng mga ito.

Hindi rin nawawala ang pagbibida ng mga ito tungkol sa buting naidulot ng Banal Mining Corporation sa pamilya ng mga ito – mula sa pagpapa-scholar sa anak ng mga ito, ang pagkakaroon ng health center na may competent na doktor at nurse pati na rin pagpapatayo ng sariling paaralan at maayos na pabahay. Magkakaroon pa nga daw ng night school para sa mga matatandang di nakapag-aral. Parang napaka-ideal ng Banal Mining Corporation para sa ito.

At paano naman siya kokontra doon? Tango na lang lagi ang naisasagot niya. Alam niya kung ang kapalit ng lahat ng kaunlaran na iyon – pagkasira ng kalikasan na kalaunan ay pagbabayaran ng buhay ng mga tao. Maraming tao. Mahirap iyong ipaliwanag sa mga naroon lalo na’t ang nakikita ng mga ito ay ang kapakinabangan. At hindi naman niya masisisi ang mga ito dahil mahirap ang buhay.

Ayaw na niyang dagdagan ang pagsisinungaling sa mga ito gaya ng talumpati niya kanina. She just needed that to survive for the day.

“Nanay, huwag po sana ninyong isasama ang anak ninyo sa ganitong mga protesta. Hindi po dapat nae-expose sa ganito ang mga bata. Bawal po iyon,” paalala niya.

“Di naman po namin alam na bawal iyon,” anang si Mimay. “Ito po ang mahirap sa walang aral. Pasensiya na po, Ma’am.”

“Kumain pa po kayo,” sabi niya at pilit na ngumiti.

Hindi pala ganoon kasimple kapag nasa loob na ng Banal Mining Corporation. On the outside, it was easier to think about ruining them. Pero ngayong nasa loob siya, di pala ganoon kasimple ang lahat lalo na’t kaharap niya ang mga taong umaasa dito. Ang mga tao na ibinilin ng lolo niya sa sulat ng mga ito. At hawak niya ang tatlumpung porsiyento ng kabuhayan ng mga ito. Isang mabigat na responsibilidad. Di niya inaasahan na ganito kabigat ang nakaatang sa balikat niya. Masyadong maraming nakasalalay sa proviso niya kasama na ang prinsipyo at paniniwala niya pati na rin ang konsensiya niya.

Narinig niya ang halakhak ni Francois habang kausap ang mga minero. Kankana-ey ang usapan ng mga ito. Masyadong mabilis kaya di siya makahabol. Pero tungkol daw iyon sa pagpapakasal nila kung sakali. Na parang siya daw ang excited na masilo ito.

Kapal talaga ng mukha! Gusto sana niyang sugurin ito para pagsabihan nang makatanggap siya ng tawag mula kay Althea, ang sekretarya ni Romualdo Mosqueda. “Ma’am Amira, gusto po sana kayong ipatawag ni President Mosqueda sa opisina niya ngayundin.”

“Okay. Paakyat na ako.” At nagpaalam na siya sa mga nasa malapit na mesa at sa mesa ni Mang Tomas kung saan masaya nitong kausap si Francois.

“Ipinapatawag ka rin sa opisina ni Papa? Sabay na tayo,” anang binata at hianwakan siya sa siko. “Kain lang po kayo diyan. Ako na po ang bahala.”

“Ma’am Amira, huwag po ninyong pakakawalan itong si Chef Aklay. Kundi ninyo naitatanong ay maraming babae ang naghahabol sa kanya. Di naman po siguro babagsak ang kompanya kung mag-date kayo paminsan-minsan,” anang si Mang Tomas at tinapik pa sa balikat ang binata.

“Sige po. Mag-ingat po kayo pauwi,” aniya at naglakad na palayo.

Nakaalalay si Francois sa braso niya habang naglalakad sila sa malawak na pasilyo. Tahimik na nang mga oras na iyon dahil tapos na ang coffee break at oras na ng trabaho. Nakakatensiyon ang katahimikan subalit mas nakaka-tensiyon ang pagharap niya kay Romualdo Mosqueda. Pakiramdam niya ay isa siyang estudyanteng gumawa ng kalokohan at ipinatawag sa principal’s office.

Malaking gulo ang nangyari nang umagang iyon. Hindi na yata matatapos ang problema niya sa araw na iyon. Nakalusot man siya sa mga nagpo-protestang tauhan, mukhang malabo siyang makalusot sa mapanuring mga mata ni Romualdo Mosqueda. She was in a huge trouble here.

Naramdaman na lang niya na hinawakan ni Francois ang kamay niya at pinisil. “Hey! It will be okay. Hindi naman nangangagat si Papa. Ako ang bahala sa kanya. Trust me.”

“Thank you,” nausal na lang niya at tinanguan ito.

Hindi na niya kinuwestiyon nang mga oras na iyon kung dapat niya itong pagkatiwalaan o hindi. Ang kailangan lang niya ay maramdamang di siya nag-iisa. Kahit ano pa ang motibo ni Francois at kung ipapahamak din siya nito kalaunan ay saka na niya poproblemahin. Kailangan niya ang lahat ng lakas ng loob na makukuha niya pagharap sa ama nito.

Pagpasok ng opisina ng presidente ay nagulat siya nang makitang hindi lang pala si Romualdo Mosqueda ang naghihintay sa kanya. Naroon din sina Brynette na nakayuko at parang hiyang-hiya at ang madrasta niyang si Caridad na prenteng-prente sa pagkakaupo sa high back swivel chair na animo’y isang reyna. Parang may pasadyang upuan para dito sa opisina ng presidente.

Kung masama na ipatawag siya sa opisina ng presidente, dobleng bad news naman na naroon din ang madrasta niya. Wasak na agad ang araw niya kahit na wala pa itong ginagawa. Sapat na ang prisensiya nito para masabi niyang hindi maganda ang mga susunod na pangyayari.

Tumaas ang kilay ni Caridad nang makita ang magkahawak na kamay nila ni Francois. Dali-dali niyang binawi ang kamay niyang hawak nito at saka umupo sa isa sa mga bakanteng upuan sa tapat ni Caridad. Itinuon agad niya ang paningin kay Brynette na nakayuko pa rin. Mas safe itong tingnan kaysa sa ibang tao sa silid.

Si Francois naman ay umupo sa tabi niya. Habang tuwid na tuwid ang upo niya ay dumausdos agad ang likod ng binata sa upuan na parang nasa bahay lang ito at wala sa opisina. At home na at home ito at walang kapormalan sa katawan. Habang puno ng tensiyon ang buong silid ay parang ito lang ang relax na relax.

“Bakit mo pala kami ipinatawag, Papa?” kaswal na tanong ni Francois.

“Ipinaliwanag na sa amin ni Miss Sacamoro kung bakit biglang nag-rally ang mga tauhan natin. Na siya ang responsable sa protesta,” sabi ni Romualdo at pinagsalikop ang palad habang nakapatong sa desk.

Hinawakan ni Caridad ang balikat ng babae. “She wants to apologize for the uproar she created.”

Pinisil-pisil ni Brynette ang mga kamay na parang kinakabahan. “Sorry po, Ma’am Amira. Naipagkalat ko po agad ang narinig ko dahil natakot lang po ako na mawalan kami ng trabaho. Dito po nakasalalay sa kompanya ang mga pangarap namin at mga pamilya namin. Hindi ko naman po alam na nai-stress lang po kayo at frustrated kayo dahil di matuloy-tuloy ang date ninyo ni Chef Aklay. Sorry po.”

Muntik na niyang maisubsob ang mukha sa palad. Ugh! Iyon ba talaga ang tingin sa kanya ng lahat? Na isa siyang mahina at babaeng patay na patay kay Francois? Pinigilan niya ang sarili na mag-react pa at inabot ang nakakuyom na palad ni Brynette. “Okay na iyon. It was all a misunderstanding.”

“At anong gusto mong iparusa kay Miss Sacamoro?” tanong ni Romualdo. “Maraming naantalang trabaho dahil sa ginawa niya.”

Biglang inangat ni Brynette ang ulo at nanlalaki ang matang tumingin sa kanya. May pakiusap sa mga mata nito. Alam naman niya na may maliliit na kapatid pa itong pinag-aaral at breadwinner ng pamilya. Malaking kawalan sa dalaga kung mawawalan ito ng kikitain oras na masuspinde.

“Palalampasin ko ito. A memo would be fine. Misunderstanding lang naman ito at pare-pareho pa kaming nanantiya sa isa’t isa. Sana lang huwag nang mauulit. Sana trabaho lang ang unahin at hindi ang tsismis. That is not a healthy working environment. At kailangan ko ng taong mapagkakatiwalaan ko,” aniya sa may kapormalang boses.

Para malaman nito na siya pa rin ang boss doon kahit na pinagbigyan niya ito. At sa susunod na pagkakataong magkamali ito ay mapipilitan siyang palitan ito. Hindi niya kailangan ng tauhan na ibabagsak siya kahit di pa man niya nasisimulan ang laban.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.