Ginagap ni Brynette ang kamay niya at sa tuwa ay inilapat sa palad nito. “Maraming salamat po, Ma’am. Hindi na po talaga ako magbabalita ng kung anu-anong marinig ko. P-Pwede po ninyo akong pagkatiwalaan. Di na po talaga mauulit ang nangyari kanina.”
“Good,” nausal na lang niya. Kailangan rin niyang makausap nang masinsinan si Brynette at makuha ang loyalty nito. Bilang sekretarya niya, ito dapat ang kasangga nito. Bibigyan niya ito ng isa pang pagkakataon.
“Brynette, hija, sana naman ay maging leksiyon na ito sa iyo,” sabi ni Caridad at hinaplos pa ang balikat ng babae. “Huwag mong ipagkalat agad ang lahat ng naririnig mo. Isipin mo muna ang lahat kung posible o hindi. I mean look at Amira.” Inilahad nito ang palad sa kanya. “She looks so fragile and so gentle. Do you think she can single-handedly bring down Banal Mining Corporation? I mean, that is laughable. Hindi kung sinu-sino lang ang pwedeng magpabagsak sa kompanyang ito. I hope you keep that in mind.”
When her stepmother let out an insulting laugh, it grated into her nerves. Sinadya talaga ni Caridad na palabasin kung gaano siya kahina sa harap ng lahat. At naroon din ang pagmamalaki nito na kung nais man niyang pabagsakin ang Banal Mining Corporation ay hindi niya magagawa. Mahina siya at walang kakayahan.
Gusto niyang sabihin na maghintay lang ito at pupulutin ito sa kangkungan. But of course, she couldn’t do that now.
“That’s all, Miss Sacamoro,” sabi ni Romualdo. “You may get back to work. Masyado na tayong maraming oras na nasayang dito.”
“S-Salamat po, Sir, Ma’am,” wika nito at nagmamadaling lumabas ng opisina. Mukhang isa itong preso na nakalaya na sa wakas. At ayaw na niyang magtagal pa sa kulungang ito. The air was stifling.
Tumayo na rin si Amira. “I should be going as well. Marami pa akong trabahong naiwan sa opisina…”
“Stay, Miss Banal,” anang boses ni Romualdo sa maawtoridad na tono. “May kailangan pa tayong pag-usapan.”
NATIGILAN si Amira nang marinig ang matiim na utos ni Romualdo Mosqueda. She knew that she couldn’t contest that kind of tone. Of course, makakaalis ba siya sa principal’s office nang ganoon lang?
Dahan-dahan siyang bumalik ng upuan habang nakatingin kay Romualdo. He had that look in his eyes that once she crossed him, she would be dead. She assumed her prim and proper stance. Nakaupo nang tuwid habang nakapatong ang magkasalikop na palad sa hita niya.
Kahit nga si Francois na kanina ay naka-slouch sa pagkaka-upo ay biglang umupo nang tuwid. He recognized the authority in his father’s tone. Mukhang gaya niya ay ayaw din nitong masita ng ama nito. So there’s someone in this world that the amorous chef can’t charm.
“Miss Banal, we all know how much you loathe this company. Hindi ko alam kung bakit nananatili ka pa rito kahit na sukal na sukal ang kalooban mo. But next time you voice out your opinion about your sentiments, please be careful.” Lalong naging matigas ang anyo ni Romualdo. “Maliban na lang kung gusto mong mas maagang umalis ng kompanya. I won’t tolerate negative people working for this company. Either you are with us or you are not. You want to stay here, you work and cooperate with us. You want out, then start packing your things now. Pare-parehong magiging mas madali ang buhay natin.”
Kung ganoon lang sana kasimple ang lahat. Di na niya kailangang tumapak pa sa kompanyang iyon kundi lang dahil sa proviso ni Don Alfonso at ang pagkakataong maprotektahan ang Kanayama mula sa banta ng minahan. Pero mukhang kailangan na talaga niyang manahimik at maging maingat kung ayaw niyang mapaalis sa kompanya. Anim na buwan pa. Anim na mahahabang buwan pa ang kailangan niyang igapang. Wala pa siyang isang linggo doon ay may banta na ang mga ito na paalisin siya.
“Come on! Why don’t you chill a bit, Papa?” angal ni Francois na naka-slouch na naman. “Sinabi lang naman iyon ni Amira dahil…”
“May gusto siya sa iyo?” dugtong agad ni Romualdo sa sasabihin ng anak. “Dahli frustrated siya at mabaliw-baliw sa date ninyong di natuloy? Only stupid people would believe that bull, Francois. And I am sure that I am not stupid.”
Akala niya ay titiklop ang binata sa pambabara ng ama pero napapailing na lang nitong hinaplos ang sariling baba. “How sad, Papa. Hindi ko inaasahan na maririnig iyan mula sa inyo. Mabuti pa ang ibang tao ay naniniwala sa kakisigan ng anak ninyo. Imposible ba na mawala sa sarili si Amira sa kakisigan ko?”
Hindi niya alam kung seryoso si Francois o inaasar lang talaga nito ang ama. Seryoso ang isyu na iyon pero parang nagagawa pa nitong magbiro.
At gaya ng inaasahan niya dumagundong ang boses ni Romualdo sa silid. “Gusto mong maniwala ako na may matinong babaeng mababaliw sa iyo? Paano naman ako maniniwala sa itsura mong iyan?” Tumayo ang matandang lalaki at itinuro ang suot ng anak. “Aba! Mukha kang tambay sa kanto. You don’t look like a respectable shareholder or even a chef. You don’t even look like my son at all.”
Nakita niyang natilihan si Francois at lalong tumindi ang tensiyon sa silid. Noon lang niya nakita na napipilan ang binata.
Sumimangot si Francois at pinagpag ang pantalon nito. Mukhang nasira ang mood nito. “Dadalawin ko lang si Amira. Do I need to wear a tuxedo for the event? Nagtagal lang naman ako dito dahil sa nangyaring rally at sinamahan ko rin kumain ang mga tauhan ng minahan para i-assure sila na ayos lang ang lahat. Kung di dahil doon, di naman ako magtatagal dito para di ninyo makita ang ayos ko na mukhang istambay lang at di kagalang-galang.”
Lumapit si Caridad kay Romualdo at tumayo sa tabi ng lalaki. Masuyo pa nitong hinawakan sa balikat. “Wala naman kayong dapat na pagtalunan ng anak mo. Magpasalamat na lang tayo sa kanya na napapayapa niya ang nagprotesta. Isipin mo na lang kung gaano kalaking gulo ang idudulot nito kung nakarating ang protesta sa press. And I seriously hope that the press won’t find out about this. Baka makaapekto ito sa stocks natin at isipin ng mga investors na unstable ang kompanya dahil sa pagkamatay ni Papa. We can’t have that.”
“Hindi mangyayari iyon,” anang si Romualdo habang matiim na nakatitig sa kanya. “Amira, I don’t care if your grandfather handpicked you for this position. Wala rin akong pakialam kung ano ang hinihingi niya sa iyo o kung anong ibinilin niya sa iyo sa pananatili mo sa Banal Mining Corporation. Kayang–kaya kitang paalisin sa posisyon mo kahit na may thirty percent ka pa sa kompanya.”
“Give Amira a chance. Nagsisimula pa lang siya sa kompanya,” pakiusap ni Francois at saka kumindat sa kanya. Paano pa siya lalong seseryosohin ng mga tao sa paligid niya kung nakikipag-flirt si Francois sa kanya sa oras ng meeting?
“Mahalaga sa amin dito sa Banal Mining Corporation na nagkakaisa tayo ng layunin. You do your job, wala kang magiging problema mo sa akin. Oras na magdala ka ng gulo, I am afraid you have to go, Miss Banal. Are we clear here?”
“Crystal clear, Sir,” aniya at itinutok ang mga mata kay Romualdo.
Parang may bikig sa lalamunan niya habang sinasabi iyon at parang hirap siyang huminga. She was infront of a formidable opponent. Alam niyang wala siyang kalaban-laban kay Romualdo Mosqueda lalo na’t nasa katwiran ito. At kailangan niyang mag-ingat mula ngayon.
“Amira, mabuti pa ay bumalik ka na muna sa Sagada. Take a vacation. Tutal kailangan ka naman sa Sagada sa loob ng isang buwan para mas makilala mo ang mga kapatid mo,” anang si Caridad sa malambing na boses. “May internet connection naman sa mansion at naka-wifi ang buong bahay. You can work from there. Madali na lang makipag-communicate sa mga staff mo dito. Masyado ka pang mainit dito kaya magpalamig ka muna.”
Tumango siya. Malaking bagay sa kanya ang isang buwan sa Sagada. Makakahinga siya doon kahit paano.
“I will be gone for a month but I will be back. Wala akong planong bitawan ang posisyon ko bilang special projects manager. Inilagay ako ni Don Alfonso sa posisyong ito dahil naniniwala siya sa kaya kong gawin,” aniya sa matatag na boses at matapang na sinalubong ang tingin ng madrasta at si Romualdo.
“Of course. Ipapatawag ka namin kapag may importanteng meeting,” anang si Romualdo. “You may go now.”
Nakahinga siya nang maluwag sa sinabing iyon ng lalaki. Dali-dali siyang tumayo. Ang gusto niyang unang gawin ay tumakbo sa labas at sumagap ng preskong hangin. Her lungs were begging for it.
Tumayo na rin si Francois. “Sasamahan na kita.”
“Francois, you stay here,” anang si Romualdo sa maigting na boses. “We have to talk.”
“Papa, wala kayong appointment sa akin,” anang binata sa maangas na tono.
“I don’t need an appointment. I am your father, young man.”
Pinili ni Amira na lumabas na lang ng opisina kaysa naman maipit pa siya sa sagutan ng ama. Mukhang may sariling isyu ang mga ito na kailangang i-settle. She had enough confrontation for now. Too bad, wala siyang magagawa para kay Francois sa pagkakataong ito. She already had enough of Romualdo Mosqueda.
Nagulat na lang siya nang sabayan siya ni Caridad habang naglalakad sa corridor. “You won’t easily win this war, Amira. Might as well give up. Sayang naman ang oras na gugugulin mo dito sa kompanya para lang matalo sa huli.”
“Gusto mong sumuko ako para ikaw ang makinabang sa lahat ng dapat na para sa akin? In your dreams,” aniya at humalakhak nang malakas.
Ayaw niyang ipagmalaki dito ang tungkol sa kayamanang makukuha niya bilang isang tagapagmana pero mistulang ikinaskas na asin iyon sa sugat nito. Hindi nito makukuha ang mana niya sa kanya.
“Don’t be so cocky. Uhugin ka pa lang sa labanang ito.” Matalim siya nitong tinitigan. She was like a vixen ready to pounce but was taking her time. “At tinitiyak ko na mas mahirap ang pagdadaanan mo sa mga darating na araw.”
“Bring it on, stepmom. Bring it on,” aniya at saka puno ng kompiyansa na naglakad palayo.
Mas desidido siya ngayon na lumaban. Di niya uurungan si Caridad Banal.