Barely Heiresses: Amira Chapter 53

NAKATULALA si Amira sa kisame ng kuwarto niya sa Banal Mansion habang nagpapaantok. Alas diyes na ng umaga nang dumating siya sa Sagada at tumuloy agad siya sa kuwarto. Di siya halos nakatulog nang nagdaang gabi mula nang dalawin siya ni Francois. She felt bad. Parang may kumakain sa puso niya. Hindi niya matagpuan ang katahimikan na hinahanap niya.

Tahimik na tahimik ang mansion nang dumating siya. Naiwan sa Baguio si Caridad dahil makikipagkita pa daw ito sa ibang mga kaibigan at bibisitahin din ang ibang mga negosyo na minana ng ama niya kay Don Alfonso. Ito ang nag-aasikaso sa lahat ng ari-arian ng ama niyang si Alfie Banal habang comatose pa ang huli. She must be having a grand time now acting like a queen.

Si Yumi lang ang sumalubong sa kanya. Ang kasama lang daw nito doon ay ang mga kawaksi at si Berry na kasalukuyang abala sa lesson nito. Ayon kay Yumi ay nagsisimula na ang leksiyon nito kung paano maging proper lady. Di na siya nagtanong pero malakas ang hinala niya na may kinalaman iyon sa manang makukuha nito. Ang ibang kapatid din niya marahil ay inaasikaso ang kanya-kanyang proviso.

Napaisip tuloy siya kung kasing hirap din ng proviso niya ang proviso ng mga kapatid. Marami na siyang pinagdaanang protesta sa trabaho niya at nanganib ang buhay niya pero di pa siya nakadama ng ganito katinding pagod na parang pati kaluluwa niya ay pagal na pagal din. Kahit na tutukan siya ng baril sa mukha noon o kaya ay kaharap ang tangke o binobomba ng water cannon ay mas nagiging maalab pa ang damdamin niya. Nakakatulog siya nang may ngiti sa labi. Di niya alintana kung sugatan man siya dahil masaya siya sa ginagawa niya.

Ngayon ay kahit parang tama ang ginagawa niya ay laging may mali. Hindi naman dahil sa ayaw niya ang trabaho niya at sukal sa loob niya ang ginagawa niya. Unti-unti na siyang nasasanay sa trabaho niya at natatanggap na niya ang dapat niyang gawin para sa Kanayama. Pero nagiging masyado nang personal ang tunggalian na iyon. Marami nang nadadamay. May mga tao na rin siyang nasasaktan. And that was not so her.

Tama si Francois. Masyado na siyang emotional. Masyado na siyang nagpapadala sa galit. Nagiging irrational na siya at padalos-dalos sa mga desisyon at sinasabi.

She had always been level-headed. Nasaan na nga ba ang Amira na sanay makipag-bargain at makipag-compromise? Sa loob lang ng ilang araw ay nag-iba na siya. Nasa tama siya pero bakit parang hindi tama ang mga nagiging desisyon niya? At naging unfair nga ba siya kay Francois?

Dumapa siya at isinubsob ang mukha sa unan at sinermunan ang sarili. Kalimutan mo na si Francois. Di naman kawalan kung mawala siya sa buhay mo at mawala ka sa buhay niya. Ano ngayon kung magalit siya sa iyo? Mabuti nga iyon at least di na siya makakalapit pa sa iyo para akit-akitin ka. Mas malayo ka sa tukso, mas madali para sa iyo na makapag-desisyon para sa Banal Mining Corporation. Kalaban siya. Matindi ang kamandag niya. Kapag nagpatuklaw ka, tapos na ang panahon mo sa Banal Mining Corporation. Di mo rin makukuha pa ang Kanayama. You just can’t afford to fail. Too much is at risk.

Paulit-ulit niyang sinasabi iyon sa sarili na parang iyon ang pampaantok niya nang may kumatok sa pinto. “Amira! Amira, gising ka ba? Dinalhan kita ng tsaa,” anang Ate Yumi niya.

Bumangon siya sa kama at binuksan ang pinto. Nakatayo sa harap ng pinto si Yumi na may dalang tray. Nakasuot pa ito ng apron at mukhang abala ito sa pag-aasikaso sa mansion. “Nag-abala ka pa, Ate,” aniya at kinuha ang tray ng tsaa mula dito. “Pasok ka muna. Salamat sa tsaa.”

“Napansin ko kasi na parang pagod na pagod ka at tumuloy agad sa kuwarto mo kaya dinalhan kita ng tsaa. Baka di ka agad makatulog sa pagod.”

Napapikit si Amira nang malanghap ang nakaka-relax na aroma ng tsaa. “Thanks, Ate Yumi. I really need this.”

Kahit paano ay nabawasan ang bigat ng dibdib ni Amira nang gumuhit ang mainit na tsaa sa sikmura niya. Nakaka-miss ang ganitong pakiramdam.

Hinaplos nito ang buhok niya habang humihigop siya ng tsaa. “Mukhang marami kang inaasikaso para sa Banal Mining. Nabalitaan ko ang nangyari na protesta ng mga empleyado…”

“Okay na iyon, Ate. Tapos na. Misunderstanding lang,” putol agad niya sa sasabihin nito at pilit na ngumiti.

Isang magaang tawa ang pinakawalan nito. “Oo. Nabalitaan ko nga na na-frustrate ka lang daw dahil sa date ninyo ni Francois na hindi matuloy-tuloy. Ngayong dito ka sa Sagada sa loob ng isang buwan, siguro naman ay makakapag-date na kayong dalawa. Mas maluwag ang panahon ninyo.”

Even her sister bought that idea? Mas mabuti iyon kaysa sermunan siya nito tungkol sa pagnanais niyang ipasara ang Banal Mining Corporation. Ayaw niyang makalaban si Yumi. Isa ito sa mga kapatid niya na nakagaanan niya ng loob at wala itong ipinakita sa kanya kundi kabutihan.

Nagkibit-balikat siya. “Hindi rin, Ate.”

Natigil ito sa paghaplos sa buhok niya. “Bakit naman?”

Tipid siyang ngumiti. “Marami akong kailangang gawin. Anim… anim na buwan lang ang panahon na mayroon ako. Iyon lang ang ibinigay sa akin ni Lolo.”

“Pero may mga staff ka naman. Relax a bit. Go out on dates. Kahit naman nasa bundok tayo, makakagawa pa rin ng paraan si Francois para maging espesyal ang date mo.”

Isang tipid na ngiti lang ang isinagot niya. Kahit naman gusto niyang makipag-date ulit kay Francois, natitiyak niyang di na siya nito ide-date. Bakit pa? It won’t serve its purpose. At matapos ang kagaspangang ipinakita niya dito, bakit naman gugustuhin nitong i-date siya? There are many girls out there who were more ameniable. Wala rin masyadong isyu sa buhay at pag-ibig. Hindi siya makakawala sa tanikala ng katauhan niya. Nabuo siya sa panloloko ng kanyang ama sa kanyang ina. She couldn’t afford repeating the same history. Sayang lang ang pangaral sa kanya ng inang si Himaya kung hindi siya matututo mula sa nangyari dito.

“Salamat sa pagtitimpla ng tsaa at pakikipag-kwentuhan sa akin. It really means a lot.” Hindi niya ine-expect na maa-appreciate niya na may kapatid siyang makakausap kahit paano at nag-aalala sa kanya.

“Mawawala ang lungkot mo mamaya kapag nag-bonding tayong magkakapatid. Plano na daw ito ni Lolo bago pa man siya mawala. Dapat sana kasama siya dito,” anang si Yumi at bumuntong-hininga. Dahil lumaki ito sa poder ni Don Alfonso, natural lang na mas hirap itong maka-recover sa pagkawala ng matandang lalaki. “Gusto mo bang sumama na dalawin si Papa bago ang bonding natin mamaya?”

Bigla niyang tinungga ang tsaa. Biglang bumalik ang negatibong pakiramdam niya. “Saka na lang, Ate. Marami pa kasi akong pupuntahan mamaya.”

“Saan?” tanong nito.

“Uhmmm… gusto kong dalawin ang rice terraces ni Lola Celestina at ang tea farm na rin. Sabi ni Attorney Ferrer pwede ko naman daw puntahan iyon.”

Ayaw na niyang makaharap pa ulit ang ama. Makakadama na naman siya ng kapaitan sa puso niya. Ito ang sumisimbolo sa lahat ng manlolokong lalaki sa mundo. At hanggang ngayon ay hinahabol siya ng multo ng mga ginawa nito. Baka pati ito ay masisi niya sa nangyayari sa kanila ni Francois ngayon. Napapagod na rin siyang magalit lalo na sa isang taong comatose na wala namang maisasagot sa kanya at di rin makakalaban. Parang nakikipagtalo lang siya sa hangin. Hindi rin iyon makakatulong sa kanya.

“Sige. Ikaw ang bahala kung kailan mo ulit siya gustong dalawin.” Di na siya nagtaka. Tahimik lang si Yumi pero mukhang alam nito ang mga nangyayari. Nakarating din dito ang pagdalaw niya sa ama matapos ang basahan ng testamento. “Pero kung gusto mong samahan kita kay Papa, sabihin mo lang sa akin.”

“Salamat.”

Tumayo na ito. “Makapagpahinga ka na. Basta huwag mong kalilimutan ang bonding natin mamaya sa Lake Danum.”

“Ate, hindi ka ba nagtatampo kay Lolo na sa akin napunta ang ancestral land na mula pa sa ninuno ni Lola Celestina? I mean, ikaw ang lumaki dito. Naabutan mo pang buhay si Lola Celestina. Ganoon din kay Ate Vera Mae. Tapos pati ang minahan malaking porsiyento pa ang napunta sa akin…”

Nagkibit-balikat lang ito. “Hindi naman ako interesado sa kayamanan kung tutuusin. Sapat na sa akin na lumaki bilang isang Banal. Marami rin namang ipinamana sa akin si Lolo. Sobra-sobra pa. May dahilan kung bakit sa iyo napunta ang lupain ni Lola Celestina. Dito ka ipinanganak sa Sagada, tama ba?”

Nahigit niya ang hininga. “Alam mo…”

Marahan itong tumango. “Sa ating walo, ikaw lang ang ipinanganak dito. Mas alam mo kung paanong pangangalagaan iyon at kung paano maipagpapatuloy ang kultura ng lahi ni Lola Celestina. Ang hinihiling ko lang sana, mapangalagaan mo ang mga iyon kung mapupunta sa mga kamay mo. It is also your heritage, Amira. Bahagi din iyan ng pagkatao mo. At inaasahan ni Lolo na mula sa pangangalaga mo ay maipapamana mo iyan sa anak mo, apo at sa susunod pang salinlahi gaya ng ginawa ng mga ninuno natin.”

Natigagal siya. Ninuno. Lumaki siya na ang mga Lambayan ang itinuturing niyang pinagmulan. Itinuturing niya ang pagiging isang Banal na isang sumpa. Pero ngayon lang nag-sink in sa kanya na bukod sa pagiging isang Banal, may isang bahagi rin ng ama niya pang bahagi ang pagkatao niya – ang Sagada kung saan siya ipinanganak. Dito rin nanggaling ang mga ninuno ng lola niya.

Biglang nabuhay ang dugo niya. Oras na para matuklasan kung ano ang naghihintay sa kanya sa iba pang pamana ni Don Alfonso sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.