Ibang klase ang atmosphere nang makarating si Amira sa tea farm ng Lola Celestina niya. Nang ibaba pa lang siya sa harap ng maliit na arko na gawa sa kahoy at kahoy din na gate na parang bibigay na ay parang mas di iisipin na pag-aari iyon ng mga Banal.
Ang katiwalang si Paeng ang namamahala doon kasama ang pamilya nito. Limang ektarya ang tsaahan pero parang kasukalan iyon. Di organized ang farm. Nakatanim doon ay mountain tea na noon pa iniinom ng taga-Sagada. Sa dami ng negosyo ng pamilya ay di na daw naaasikaso pa iyon. Nabebenta naman ang mga tsaa doon pero sa mura lang halaga.
Bumuntong-hininga siya. Sayang ang potential ng tsaahan. Kung mamanahin niya ang lugar na iyon, she would turn it into paradise.
Natanaw niya ang rice terraces na nasa kabila ng mga pine trees. “Ma’am, iyan po ang rice terraces ng mga ninuno ninyo. Sa kubo po sa bandang gitna niyan nakatira dati ang lola ninyo at mga kanunu-nunuan ninyo.”
Tumango siya. “Gusto kong makita ang kubo.”
Kasama na rin ang asawa ni Manong Paeng ay bumaba mula sa dalisdis ng tea farm patungo sa rice terraces. May kainitan na ang araw noon dahil alas dos ng hapon pero di niya alintana ang init. Malamig pa rin naman kasi sa Sagada kahit na katirikan ng araw. At parang nakikisama naman ang panahon dahil tumakip ang ulap sa araw at hindi na niya alintana ang init.
Sa gitna ng pilapil ay tumigil siya para lang tingnan ang paligid. Maberde ang bahaging iyon dahil sa katatanim pa lang ng mga palay. Tumingala siya at ngumiti nang makita ang nagliliparang mga ibon. Nakaka-relax din ang lagaslas ng tubig mula sa kalapit na batis. She felt good. Pakiramdam niya ay wine-welcome siya ng lugar na iyon at tinatanggal ang lahat ng stress niya.
Nalaman niya na di na ngayong bukas na ang minahan ay mas interesado ang mga tao na doon magtrabaho kaysa magsaka. Limitado din daw kasi ang trabaho kahit pa sabihing malakas ang turismo sa Sagada.
“Umaasa po kami na kung kayo na po ang hahawak nitong lupain ng lola ninyo ay gugustuhin pa rin po ninyo na mapangalagaan ang lupa at manatiling sakahan. Sa dami po kasi ng pagbabago dito sa Sagada, nakakalimutan na po ang mga sinaunang kaugalian. Mas gusto po nila ang moderno na.”
“Kung sa akin po ito mapupunta,” aniya at tipid na ngumiti.
Ilang metro mula sa kubo ay bumilis ang lakad ni Amira. Di niya alam kung bakit nakadama siya ng kakaibang pagkasabik. Makikita na niya ang lugar kung saan nanirahan ang mga ninuno niya sa Lola Celestina niya. At ganoon din ang pakiramdam niya noong pitong taong gulang siya at umuwi siya sa tribo ng Lambayan. Excited na excited din siyang makilala ang tribo na laging ibinibida ng kanyang ina, ang lolo at lola niya, ang lupaing kinakalihan nito na pinoprotektahan ng mga anito. Hindi niya alam kung bakit parang pitong taong gulang ulit siya.
Simpleng bahay lang iyon na gawa sa pinagpatong-patong na malalaking bato ang bahay. Gawa sa matitibay na kahoy ang dingding sa ibabaw ng bato at gawa naman sa kugon ang bubong. Bahagyang nakaangat sa lupa ang bahay at gawa rin sa kahoy ang sahig. Makintab iyon at halatang alaga sa linis.
Inalis nila ang pangsapin sa paa. Naiwan sina Manong Paeng at Manong George sa labas ng kubo. Mistulang museo iyon dahil naroon pa ang mga sinaunang kagamitan na ginagamit ng mga taga-tribo ng Sagada. Nai-preserve iyon at pakiramdam niya ay nagagamit pa rin iyon hanggang ngayon. Di na daw iyon natitirhan bagamat mine-maintain ng pamilya ni Paeng ang paglilinis.
Inisa-isa niya ang mga larawan ng mga naroon. Ang mga apo niya, mga ninuno na kuha ng mga unang misyonerong nagtungo sa Sagada. It was beautiful. Mga magsasaka at mangangaso daw ang mga taga-sinaunang Sagada ayon kay Marilyn. At ang pamilya ng Lola Celestina niya ay laging pinagmumulan ng mga miyembro ng ato o matatandang pinuno ng tribo.
Natuon ang atensiyon niya sa nakakuwadrong larawan ng isang babae. Nakangiti ito sa camera at nakasuot ng tradisyunal na blusa at tapiz na hinabi ng taga-Sagada. Nilagyan din iyon ng hinabing sinturon o bakget. Nakapusod ang buhok nito at napapalamutian ng headdress. Bagamat black and white ang larawan ay makikita ang ganda ng babae. Sa unang tingin pa nga ay inakala niyang siya iyon.
“Si Donya Celestina po iyan,” sabi ni Marilyn sa kanya at nagpapalit-palit ang tingin sa kanya at sa larawan ng lola niya.
“K-Kahawig ko nga siya.”
“Opo. Nakita ko na ang ibang apo ni Don Alfonso pero kayo po ang pinaka-kahawig niya sa mga apo niya. Parang nabuhay ulit si Donya Celestina.”
Nasabi na ni Don Alfonso sa kanya noon na magkahawig sila ng lola niya. Nakita na niya ang mga larawan ni Donya Celestina sa Banal Mansion pero karamihan doon ay noong medyo may edad na ito. Mayroon man nang bata-bata pa ito pero di ganoon kalapit ang pagkakahawig nila. Sa larawang iyon kung saan nakasuot ito ng traditional costume ay makikita ang malaking pagkakahawig nila. Marahil ay nasa early twenties ang lola niya doon.
“Si Donya Celestina ang isa sa mga kababaihan na nakapagtapos noong panahon niya. Uso po kasi noon ang ipinapakasal agad ng mga magulang kahit na menor de edad pa lang. Pero ginusto po talaga niya na makapagtapos ng pag-aaral at maging isang guro. Nang makilala po siya ni Don Alfonso ay niyaya po agad siyang magtanan dahil na-love at first sight daw. Pinagbantaan pa siyang hahanap daw ng ibang babae kapag di sila agad nagpakasal pero nagmatigas po ang lola ninyo. Ayaw po ng lola ninyo at hinintay pa po siyang makatapos ng lolo ninyo bago nagpakasal. Si Donya Celestina pa rin po ang nasunod.”
“Mahal talaga siya ni Lolo,” nausal niya at pinagmasdan si Donya Celestina. Isa marahil ito sa mapapalad na babae sa mundo na minahal ng lalaking mahal nito hanggang kamatayan. Madalang na ang ganoong klaseng pag-ibig.
“Ma’am, gusto po ba ninyo na makita ang mga damit ng lola ninyo pati na rin po ang mga damit na suot niya diyan pati po ang headdress at kuwintas” anang si Marilyn.
“Buhay pa rin ang damit na suot ni Lola Celestina diyan? Hindi ba iyon ipinabaon sa kanya nang mamatay siya?”
“Iba po ata ang suot niya noon. Naiwan po dito ang mga damit na namana pa daw niya sa nanay niya. Sa impo po ninyo. At ang mga kuwintas at headdress ay galing pa po sa mga ninuno ninyo gaya ng nakaugalian ang mga tribo. Wala po siyang anak na babae kaya gusto daw po niya na isa sa mga apo niya ang magmamana. Tiyak po na bagay na bagay iyon sa inyo.”
Isang malaking kahon na gawa sa kamagong at may nakaukit na likhang-sining gaya ng ahas,araw, ibon at bukirin sa katawan. At sa bigat ng kahon na iyon at pagkakagawa ay mukhang antique na rin.