Barely Heiresses: Amira Chapter 55

Tumambad sa kanya ang tradisyunal na kasuotan ng Lola Celestina niya. Nanginginig ang kamay niya nang hawakan iyon. Nakapreserbang kasuotan ng ninuno niya – hinabi gamit marahil ang mismong kamay ng mga ito. Hinaplos niya ang mga beads na maaring likhang-kamay din ng mga ninuno niya. Snakebone necklace na sa palagay niya ay ninuno din niya ang nangaso. Nagpasalin-salin sa kababaihan ng pamilya ng lola niya – bawat isa ay may kanya-kanyang kwento; bawat isa ay bahaging maaring bumuo ng pagkatao niya.

Sa kanya ang damit na iyon oras na manahin niya kasama ang buong lupain na iyon kung magagawa niya ang gusto ni Don Alfonso. Lahat ng kasaysayan ng pamilya ng Lola Celestina niya ay mailalagay sa ilalim ng pangangalaga niya. Akala niya dati ay wala siyang pakialam sa mamanahin niya pero ngayong nakita na niya iyon ay di lang pala simpleng lupain o ari-arian ang nakapaloob doon kundi maging ang kasaysayan ng kanyang lahi. Sa kanya iyon ibinigay at hindi sa iba pa niyang mga kapatid. And she was glad it was given to her.

“Ma’am, gusto po ba ninyong isukat?” tanong ni Marilyn sa kanya. “Kalalaba ko lang naman po niyan. At huwag din po kayong mag-alala. Maganda po talaga ang pagkakahabi ng mga ito. Iba po ito sa mga commercialized na ibinebenta sa mga turista. Madalang na pong makakita nito.”

“Bakit naman?”

“Kasi po ang mga bata ngayon ginagawa na lang basahan ang mga pamana sa kanila ng mga ninuno nila at magulang. Marami na po ang mga kabataan na mas gustong sumunod sa uso. Kung ano ang dala ng globalisasyon ay doon po sila sumusunod. Ikinakahiya po nila ang lahing pinagmulan nila.”

Kumunot ang noo niya. “Ano na bang nangyayari sa mga kabataan ngayon? Maganda at kakaiba ang kultura ng mga taga-Cordillera. Kung maglalaho na ang kulturang ito, anong ipinagkaiba nila sa mga kabataan sa lungsod? Ako nga po kung saan-saan na nakarating pero mas pipiliin ko pa ring kilalanin ang sinaunang kaugalian mula sa mga ninuno ko.”

Kasukat lang niya ng katawan ang lola niya kaya naman sakto lang sa kanya ang damit. Tinulungan siya ni Marilyn na isuot ang beads at headdress saka itali ang nilalang belt sa baywang niya. Mabibigat ang mga beads na gawa sa semi-precious stone na amber. Makukulay din ang headdress na gawa sa makukulay na glass beads. Pero naaaliw siyang pagmasdan ang snakebone headdress na nagdadala daw ng swerte.

Nang humarap siya sa salamin ay namangha siya sa nakita. “Kahawig ko nga si Lola Celestina.”

“Aba! Ayos na ayos pala. Parang tagadito na rin sa atin si Ma’am Amira,” sabi ni George. “Lalong gumanda.”

“Tama nga si Marilyn. Kamukha po ninyo si Donya Celestina. Di maipagkakaila na apo nga niya kayo,” sabi ni Manong Paeng.

“Salamat,” nausal na lang niya at masayang pinagmasdan ang sarili sa salamin.

Naalala niya noong pitong taong gulang siya at umuwi silang mag-ina sa tribo ng Lambayan. Umaasa kasi ito na muli na itong tatanggapin ng tribo at tatanggapin di siya bilang anak nito. Excited na excited siya lalo na’t nakita niya na ang suot pa ng mga taga-Lambayan ay ang tradisyunal na kasuotan ng mga ito. Habang kausap ng lolo at lola niya ang nanay niya ay naiwan siya sa tiyahin na inaalagaan ang isa sa mga anak nito na di nalalayo ang edad sa kanya. Tinanong niya kung maari din siyang magsuot ng ganoon o kung pwede niyang isukat man lang. Sinungitan siya nito at sinabi na wala siyang karapatan na magsuot ng kasuotan ng mga taga-Lambayan dahil salot daw siya. At mas gusto daw nito na lumayas na lang siya sa tribo dahil baka ano na namang kamalasan ang danasin ng mga ito. Di iyon naunawaan ng bata niyang isip. Pero nang malaman niya ang ibig sabihin ng salot ay umiyak siya nang umiyak. Mula noon ay gusto niyang gawin ang lahat para patunayan na di siya isinumpa, na di siya isang malas.

Ngayon ay suot niya ang tradisyunal na kasuotan ng mga taga-Sagada. Di nga iyon ang pinangarap niyang kasuotan ng mga taga-Lambayan pero masaya pa rin siya dahil may bahagi pa rin ng pagkatao siyang natagpuan sa Sagada. Isang bahagi ng puzzle ang naidagdag sa kulang sa pagkatao niya. Kung buhay kaya ang Lola Celestina niya, ano kaya ang mararamdaman nito sa mga nangyayari? Tatanggapin din kaya siya nito? Masaya kaya ito na makita na sa kanya napunta ang pamana ng mga ninuno nito o mas gugustuhin nito na mapunta iyon sa ibang kapatid niya? Kung pagbabasehan ang gaan ng loob niya habang suot ang damit nito, sa palagay naman niya ay masaya ito para sa kanya.

“Ma’am, ano pong plano ninyo sa lupaing namana ninyo?” tanong ni Paeng. “Sabi po kasi ni Señora Carrie nang magkausap kami ay gusto niyang tayuan ito ng resort o kaya ay guesthouse. Ipapagiba daw po niya itong kubo para daw mapalitan ng bagong building at palalagyan ng swimming pool.”

“No! Hindi ako papayag diyan!” aniyang nanlalaki ang ulo. “Lupain ko ito at ako ang masusunod. Kung paano itong iniwan ng mga ninuno ko, ganoon din ang gusto ko. Di ko ipapagalaw ang rice terraces.”

Over my dead body. Walang magagalaw si Caridad dito kahit na isang putik o mabubunot kahit na isang damo. Sa akin ito.

Nakahinga ng maluwag si Marilyn. “Ay, mabuti naman po. Iyon din naman po ang gusto ng lolo ninyo. Kaya po siguro sa inyo ito ipinamana. Iilan na lang po kasi dito ang may sinaunang bahay. Lahat po ay moderno na.”

Alam niya na kailangan ding kumita ng lupang iyon pero di naman niya hahayaan na masira ang pamana sa kanya. Sa bahay na iyon niya nakuha ang kultura ng mga taga-Sagada. Mga alaala ng mga ninuno niya. Di niya hahayaan na maglaho iyon. Nasiyahan naman sina Paeng at Marilyn sa sinabi niya. Magkakasundo sila ng mga ito.

“Ma’am Amira, malapit na pong mag-alas tres,” untag sa kanya ni Manong George. “Kailangan na po nating bumalik sa mansion dahil ako po ang maghahatid kay Ma’am Yumi sa Sagada Doctor’s Hospital. Dadalaw daw po kasi siya kay Sir Alfie.”

“Ganoon ba? Maiwan na lang po ako dito,” nakangiti niyang sabi at umikot pa sa salamin.

“Hindi po ninyo dadalawin ang tatay ninyo?” bulalas ni Manong Paeng.

Isang tipid na ngiti lang ang isinagot niya dito at sa asawa nito na nagtataka ang anyo. “Nag-usap na po kami ni Ate Yumi. May iba po akong schedule sa pagdalaw kay… P-Papa. Pasabi po sa kanila magkita na lang kami sa Lake Danum.”

Siguro naman ay may iba naman siyang masasakyan. Mas gusto muna niyang mapag-isa ngayon. Nag-e-enjoy pa siya sa bagong natutuklasan sa lupang pag-aari ng Lola Celestina niya. Mas welcome ang pakiramdam niya doon.

Basta ang alam niya, malaking halaga ang pamana na iyon di dahil sa usapin ng pera kundi dahil sa kasaysayan ng kanyang lahing pinagmulan na di matutumbasan ng kahit anong salapi.

Unti-unting pumikit ang mga mata niya habang nakahilig ang ulo sa sandalan ng hagabi. At sa unang pagkakataon ay natagpuan niya ang kapayapaang hinahanap niya nang nagdaang mga araw. She was finally home.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.