Nananakit na ang mata ni Amira sa kababasa sa mga ipinasang special project proposal ng team niya habang nasa library na ginagawa niyang work station. They were good. Really, really good. But not good enough for her. Matapos ang pag-aanalisa niya, mukhang hindi iyon ang mga proyekto na maari niyang i-present at i-develop anim na buwan mula ngayon sa board members at shareholders.
Tumayo muna siya at napahawak siya sa lower back niya. Nang tumingin siya sa orasan na nakasabit sa dingding ay alas tres na pala ng hapon. Sa verandah ng library na rin siya nananghalian kanina habang bitbit pa rin ang laptop at nagtatrabaho. Mukhang kailangan muna niyang lumabas sa lungga niya.
Lumabas muna siya ng library at tumuloy ng kusina para mag-miryenda. Napakatahimik ng mansion. Kanya-kanyang aktibidades silang magkakapatid sa buong araw. At pagdating ng gabi ay parang pagod na silang lahat kapag nagkita-kita. Pero di maiiwasan na magkwento ang iba sa mga ito. May partikular na lalaking nababanggit ang mga ito at mukhang nagkakaroon ng kanya-kanyang love interest. Kahit ang may katarayan na si Ailene ay nakikita niyang nagniningning ang mga mata lalo na kapag nababanggit ang guide nitong si Marco.
Oh, good for them. But she had to pass. Kahit anong gawing pangungulit sa kanya ng mga ito tungkol kay Francois ay walang mapiga ang mga ito. Kung dati nga ay malabo na sila, lalo naman ngayon. Bakit nga ba ito mag-aaksaya ng oras sa kanya? Marami namang babae diyan na kakain ng bubog at gugulong sa umaapoy na baga para lang mapansin ng binata. Huling bagay na kailangan niya ngayon ay love life at lalaki. Sa dami ng kailangan niyang i-accomplish ay di niya kailangan ng distraction. And Francois was a huge distraction.
Bumilis ang hakbang niya pababa ng grand staircase nang malanghap ang mabangong amoy ng nilulutong tinapay mula sa kusina. Lumakas ang kabog ng dibdib niya. Alam niya ang bango ng tinapay na iyon. Luto ni Francois.
Nakahilera na ang mga cupcake sa kitchen table pagpasok ng kusina. Nilalagyan na ni Vera Mae ng frosting ang ibabaw ng red velvet cake.
“Amira, kain ka na,” sabi nito. “Masarap itong red velvet cake. Mabuti bumaba ka na. Dadalhan sana kita kapag natapos ako dito.”
Medyo nag-alangan ang ngiti niya nang lapitan ang kapatid at panoorin ang ginagawa nitong paglalagay ng frosting. Luminga-linga siya sa paligid.
“May hinahanap ka ba?” tanong ng kapatid niya.
“Uhmmm… sino ang nag-bake?” di niya maiwasang itanong.
“Ako!” pagmamalaki nito.
“Talaga?” tanong niya. “Wow! Mukha ngang masarap.”
“Maniniwala ako diyan kahit na sa itsura mo parang dismayado ka na ako ang nag-bake at hindi si Aklay. Love kita kaya di ako mao-offend,” nakangiti nitong wika at mas mukha pa ngang nanunukso kaysa na-offend
“Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin.”
Ipinaglagay siya nito sa platito ng isang red velvet cupcake. “Alam ko na hindi pa ako ka-level ni Chef Aklay sa pagluluto pero sana magustuhan mo.”
Sumubo siya. Napapikit nang malasahan ang di katamisang velvet cake at malinamnam na cheese cream frosting. It was just perfect! Wala siyang sinabi hanggang maubos niya iyon. “Pahingi pa ng dalawa, Ate. Sarap e!”
Nanlaki ang mga mata nito. “Nagustuhan mo? Thank you!”
“Kung magtatayo ka ng bakeshop, dadayuhin ko,” sabi niya at kumagat ulit.
“Salamat. Pangarap ko naman talaga na magkaroon ng sariling bakeshop. Kain ka pa ng kain. Mamaya nandito na si Berry.”
Alam na niya ang ibig sabihin nito. Malamang ay magkakaubusan na ng cupcakes mamaya. Tirador si Berry ng pagkain.
“Okay na ako dito sa dalawa. Pakibigay na lang kay Berry ang share ko na isang tray,” sabi niya.
Narinig niya ang ugong ng sasakyan sa labas at itinigil ni Vera Mae ang ginagawa. “Nandiyan na si Aunt Carrie. Salubungin natin siya,” yaya nito.
Napilitan tuloy siyang abandonahin ang cupcake at uminom ng tubig. Sumunod na lang siya kay Vera Mae na masayang sinalubong ang madrasta nila. Nakasuot ng orange and black dress si Caridad. Nakasuot pa ito ng white boots na sakop ang kalahati ng binti. Humalik ito sa mga kapatid niyang sina Yumi at Vera Mae. “It feels nice to be home,” nausal nito.
“Naihanda ko na po ang kuwarto ninyo, Aunt Carrie,” wika ni Yumi. “I am sure napagod kayo sa dami ng inasikaso ninyo.”
“Yes. Hindi ko inaasahan na ganito kalaki ang magiging responsibilidad ko ngayong wala na si Papa at comatose pa rin ang papa ninyo,” anitong mukhang pagod na pagod nga.
Nare-realize siguro nito na ang pagkakaroon ng maraming pera ay may kaakibat na responsibilidad. Di ito nakikialam sa negosyo ng pamilya noon. Masaya na itong asikasuhin ang pagho-host ng parties at hawakan ang charity foundation ng mga Banal.
“Nag-bake ako ng red velvet cupcakes para sa inyo. Less fat cream cheese ang ginamit ko. I know you are on a diet,” sabi ni Vera Mae.
“That is so sweet of you, hija,” anang si Caridad at dumako ang mga mata sa direksiyon niya. “Amira, nandiyan ka pala. How is it going?”
“Ngayon lang siya lumabas ng library. Masyado siyang naka-focus sa trabaho,” anang si Yumi.
“Aren’t you a hardworking one?” Humalik ang madrasta niya sa pisngi niya. “Gusto mo ba akong samahan na magmiryenda sa garden? Kailangan mo ring mag-relax paminsan-minsan.”
Wala naman siyang choice kundi samahan ang madrasta sa hardin. Bumalik ang dalawang kapatid niya sa kusina. Si Yumi para magtimpla ng tsaa at si Vera Mae naman ay itutuloy ang paglalagay ng frosting sa cupcake.
Sa gazebo sa gitna ng flower garden sila nagtungo. Napakatahimik ng paligid ang at ang huni lang ng ibon ang naririnig nila. It would have been a lovely and chill day. Pero dahil kasama niya si Caridad, pakiramdam niya ay creepy ang katahimikan sa paligid. She was the evil queen after all.
“I heard that you visited the tea farm and the ancestral land,” walang ligoy nitong sabi pagkaupo pa lang nila. “Magaganda ang plano ko doon. A three-storey boutique hotel would be lovely in the middle of a rice terraces. A hot pool would be a nice addition. Wala pang hotel na may swimming pool dito sa Sagada.”
“I am sorry. Wala sa plano ko na galawin ang ancestral land ni Lola Celestina. Puno ng kasaysayan at alaala ang lugar na iyon. Hindi bagay na tayuan ng hotel.” Bahagi ng pagkatao niya ang nasa lupaing iyon.
Isang mataginting na halakhak ang pinakawalan ng babae. “Darling, you are speaking as if you are interested with the land. Akala ko ba wala kang pakialam sa mamanahin mo?”
“And you want me to hand over everything to you? Ang swerte naman ninyo. Matapos ninyo akong nakawan ng pagkatao dati, gusto mo na basta ko na lang ibigay sa iyo ang lahat ngayon?”
Naging seryoso ito bigla. “You are a hypocrite then.”
Ngumisi siya. “Anything to piss you off, Stepmom. Anything.”
Nagngalit ang ngipin nito. “I can bring the full potential of the land. With the boutique hotel, lalong magiging tanyag ang mga Banal. Dadayuhin din ng rich and famous ang Sagada. It won’t look like a backward paradise anymore.”
“Dinadayo ang lugar na ito dahil sa kalikasan at sa kultura. Sa akin ipinamana ni Don Alfonso ang ancestral land ni Lola Celestina dahil alam niya kung ano ang totoong value ng lupain. It is not the money but the history. At gusto ni Don Alfonso na maipagmalaki naming mga apo niya ang kultura ng bayang ito, ang kasaysayan ng pamilya ni Lola Celestina. Pero ano nga ba ang naiintindihan mo? All you care about is money.”
“Coming from a dirt poor family with not much historical value on this place, I am not ashamed that I care about money. Dahil may mga mahihirap din na tao bayang ito. Culture? Tradition? It won’t feed you much. Nagiging moderno na ang Sagada. I might as well push it forward. Mas marami ang makikinabang sa turismo, mas marami ang magiging masaya. Huwag kang masyadong makaluma.”
“Kung mawawalan ng kultura ang Sagada at pakunwari na lang ang lahat ng tradisyon para sa pera, mawawala ang totoong halaga nito. Matutulad lang din ito sa ibang mga tourist spots na pare-pareho ng istilo. Walang sariling identity. I want the ancestral land to remain as it is. Nabuhay ang mga ninuno ko sa simpleng pamumuhay. Nasa tao na lang iyon kung magiging kontento siya o hindi sa kung anong mayroon siya.”
“Of course, hindi ka pa rin makakapagdesisyon diyan dahil wala pa naman sa iyo ang lupain. You still have what? Three weeks more?”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Maghintay muna kayo ng tatlong linggo bago patayuan iyon ng boutique hotel. Huwag ka munang magbilang ng palay kung di pa nakakapagtanim.”
Tumuwid ito ng upo. “At kampante ka na makukuha mo ang mana mo?”
“Of course. Pati ang Banal Mining Corporation,” puno ng kompiyansa niyang wika at naghahamong sinalubong ang mga mata nito.
“You are just a little girl, Amira. Hindi ito ang playground mo. At nakakalimutan mo na ako ang kalaban mo. You can’t easily beat me, my dear.”
“Alam ko na mahirap manalo ang mabuti sa masama pero di imposible. Whatever you are planning to do to stop me, just bring it on, stepmom,” aniya at tumayo. “If you will excuse me, kailangan pang balikan ang staffs ko. Kailangan ko kasing paghirapan ang mana ko. Di tulad ng iba diyan na naghihintay lang na may mahulog sa mga palad nila.”
At saka siya sa naglakad palayo. Nakita pa niya ang pagkairita sa mukha ng madrasta. Mas desidido siya ngayon na pagbutihan ang trabaho niya. Walang nang makukuha pa si Caridad na bahagi ng pagkatao niya. She was willing reclaim it all. Handa siya sa kung anumang masamang balak nito. Hindi ito mananalo.