Barely Heiresses: Amira Chapter 59

“AMIRA, mabuti naman at nayaya kita na lumabas sa mansion,” sabi ni Estephanie nang magkita sila sa Sagada Canteen na siyang meeting place nila bago pumunta sa bahay nito para sa tanghalian. “Ikaw pa yata ang naghintay sa akin.”

“Sira. Welcome na welcome naman na yayain mo akong lumabas. I really need that. Malapit na akong mabaliw sa Banal Mansion.”

Habang lumilipas ang mga araw ay parang nahihirapan siyang huminga sa mansiyon lalo na sa presensiya ni Caridad. Mukhang nakukuha na ng madrasta niya ang loob ng mga kapatid niya. She was a mother figure to everyone. Di niya ito tahasang masawata o mabara minsan dahil magiging masama ang tingin sa kanya ng mga kapatid. Her relationship with her sisters was fragile enough. May mga kapatid siyang mababait sa kanya at ang iba ay tino-tolerate lang ang presensiya niya. She couldn’t afford for them to collectively turn against her. She was at a disadvantage here.

At parang mababaliw na rin siya sa pag-aaral tungkol sa Banal Mining Corporation. Alam niyang masyadong malaki ang hinihingi niya sa mga tauhan niya sa proposal para sa malaking special project na ide-develop nila lalo na’t wala siyang ideya. Welcome na welcome sa kanya ang sumagap ng preskong hangin sa labas ng lupain ng mga Banal at umastang hindi isang heredera ng mga Banal. She just wanted to be good old Amira.

“Heredera ka nga pero parang mas lumabo ka yatang magkaroon ng love life. Anong nangyari sa inyo ni Chef Aklay?”

Nagkibit-balikat siya at kumuha ng organic blueberry jam para sa ipapaluto niyang pancakes. “Wala. Hindi lang siya katulad ng inaasahan ko. Presidente at CEO pala ang tatay niya sa Banal Mining Corporation. Sa mismong unang araw ko pa sa kompanya nalaman kung sino talaga siya.”

Ngumiwi ito. “Akala ko naman kasi alam mo na kaya di ko sinasabi. Kasi naisip ko na okay lang iyon sa iyo. After all, wala naman siyang pakialam sa pamamalakad ng ama niya sa kompanya. May sarili naman siyang industriyang ginagalawan na walang kinalaman sa mining.”

“Iyan ang akala mo. May ten percent shares siya sa kompanya. Ibig sabihin ay may pakialam siya doon.”

Halos malaglag ang panga ni Estephanie sa pagkagulat. “Ten percent? I-Ibig sabihin parte rin siya ng kompanya?”

“Yes. Mukha lang siyang walang pakialam pero di naman siya papayag na mabalewala lang ang ten percent na iyon. Milyon ang katapat ng halagang iyon,” aniyang mariing magkadikit ang labi. “At kaya nakipaglapit lang siya sa akin para mas madali niya akong mapaikot. Banta nga naman ako sa kompanya nila.”

“Ibig sabihin nakipaglapit lang siya sa iyo para utakan ka? Di naman yata ganyan ang pagkakakilala ko kay Chef Aklay. Mabait iyon.”

Kumunot ang noo niya at isinama ang orange marmalade sa bibilihin. “Naku! Kung makapagsalita ka naman tungkol sa Chef Aklay mo akala mo perpekto. Hindi nga siya katulad ng inaakala mo. Inuuto lang niya ako at ang iba pang kababaihang gaya mo. Ewan ko bakit di mo pa matanggap.”

“Nakita mo naman siya, di ba? Mukha siyang anghel at may katawang sobrang yummy. And the abs…”

“At paano mo nalaman na may yummy siya na katawan? Nakapag-jacuzzi ka na rin ba kasama niya?” nanlalaki ang mata niyang tanong.

“Rin? You mean nakasama mo na siyang naligo sa Jacuzzi?” Impit itong tumili. “Kailan nangyari iyan? Ano pang ginawa ninyo sa Jacuzzi? Inakit kaya ka nanggagalaiti diyan?”

Siniko niya ito. Mabuti na lang at walang tao sa tindahan dahil nasa kusina pa ang tindera. Sila lang din ang customer. Kapag nagkataon ay baka pinagpipiyestahan na ng buong Sagada ang kwento nila ni Francois. “Wala akong sinasabing “rin”. Sabi ko baka nakasama “mo” siya sa Jacuzzi,” palusot niya.

“Hoy! Nadulas ka na. Umamin ka na kasi. Inakit ka niya at nagpaakit ka naman.”

“Iyon naman ang purpose niya pero di ako bumigay. Mabuti nalaman ko ang totoo bago niya ako tuluyang napaikot. May malaking dahilan talaga ako para di basta-basta maniwala sa mga lalaki.”

“Baka naman may paliwanag siya…”

“Um! Bibigyan mo pa ng benefit of the doubt. Mas matimbang talaga sa iyo ang guwapo kaysa sa pagkakaibigan natin.”

“Sobra ka. Hindi naman ako ganoon. Baka lang masyado kang nagiging hard kay Chef Aklay. Wala siyang ipinapakitang masama. Kahit ang mga babaeng involved sa kanya dati, walang masabing masama sa kanya. Walang bitter. Lahat sila nagmakaaawa na bumalik sa kanya. There’s must be something good in him. Ikaw nga lang ang may negative na sinabi sa kanya.”

“Di naman kasi ako utu-utong babae. Magbayad na tayo nang mas mahaba ang kwentuhan natin. At pwede huwag nang idamay ang Chef Aklay mo dahil ayoko nang masira ang araw ko,” aniya at hinila ito sa counter.

Nagbabayad na sila sa tindera nang isang grupo ng mga kalalakihan ang pumasok sa canteen. “Manang Awing, anim nga pong kape at tig-i-tig-isang cake kami.”

“Saka dalawang bote ng basi rin para mamaya,” sabi ng isa pang lalaki.

“Aba! Mukhang may selebrasyon yata kayo,” anang tinderang si Manang Awing. “Meron bang may birthday sa inyo?”

“Wala po. Sinasamantala lang po naming mag-relaks dahil balik na kami sa isang linggo sa trabaho,” sagot ng unang lalaki.

“Aba! Magbubukas na pala ulit ang minahan. Akala ko ay hindi na bubuksan iyon,” anang si Manang Awing. “May mga protesta kasi laban sa minahan, di ba?”

“Sus! Balewala ang mga protesta na iyon. Mga inggit lang ang mga iyon dahil mas malaki ang kikitain naming mga minero sa kanila. Mga utak talangka at ayaw nilang umunlad ang iba,” sabi ng isang minero na mukhang di alam na isa si Estephanie sa namumuno sa protesta o sadyang nagpaparinig lang. “Isinara lang po pansamantala dahil nagkasakit at namatay si Don Alfonso pero imposible pong di nila buksan iyon. Kailangan po naming mga trabahador na kumita at malaki na po ang nagastos nila doon. Sayang naman ang malaking mina. Malaki ang deposito ng ginto sa bundok na iyon.”

“Saka naawa din sa amin si Señora Carrie. Kawawa nga naman ang pamilya namin na nagugutom kung nakatiwangwang lang ang minahan,” anang isa sa mga ito. “Kaya nga malaki ang pasasalamat namin sa kanila.”

Nagkatinginan sila ni Estephanie na puno ng pagtataka. Magbubukas na ulit ang minahan? “Paano nangyari iyon?” mahinang tanong ng kaibigan sa kanya. Animo’y may halong hinanakit sa boses nito.

Hinila niya ang kaibigan palabas ng canteen matapos magbayad. Saka lang siya nagsalita nang nasa kalsada na sila at nakalayo sa canteen. Nararamdaman niya ang tensiyon sa kaibigan. “Estephanie, di ko rin alam na ibabalik ang operasyon ng minahan dito.”

“Paanong hindi mo alam? Parte ka ng kompanya nila. Isa kang Banal. Dapat inaalam mo iyan.”

“Estephanie, di dahil isa akong Banal at parte na ako ng minahan nila ay hahayaan ko ito. Huwag mo akong tratuhin na kaaway mo. Magkakampi tayo.”

Sinapo nito ang noo at bahagyang sumibi na parang maiiyak hanggang napaupo na lang ito sa may tabi ng daan sa labis na panlulumo. “Parang sayang lang kasi ang lahat ng pinagpaguran natin sa loob nitong nagdaang mga linggo. Akala ko okay na ang lahat nang ipatigil ang minahan. Tapos back to zero.”

“Madrasta ko ang may kagagawan nito. Nalaman niyang wala akong planong isuko ang ancestral land ni Lola Celestine para sa boutique hotel na plano niya kaya gusto niyang ipakita sa akin ngayon pa lang kung gaano siya kalakas.”

Perhaps her stepmother wanted to catch her off-guard. Akala naman nito ay di niya malalaman ang mga plano nito.

“May magagawa ba tayo para pigilan ang pagpapatigil ng operasyon ng minahan?” tanong ng kaibigan niya suminghot na at pinahid ang luha. “Hindi ko na kasi alam kung ano pang gagawin ko.”

Tinapik niya ang balikat nito. “I will see what I can do.”

Habang naghahanda ng tanghalian si Estephanie at ang pamilya nito ay tumawag siya sa opisina ni Romualdo Mosqueda. “Hello, Sir. Gusto ko lang pong kumpirmahin kung na magbubukas ulit ang Sagada operation ng Banal Mining.”

“Yes. Ibabalik na ang operasyon sa isang linggo. Masyado nang maraming panahon ang nasayang at naghihintay din ang mga trabahador natin. Wala silang mga trabaho. Responsibilidad din natin ang mga tauhan natin at ang pamilya nila. Hindi pwedeng patagalin pa natin na walang nangyayari sa operasyon. Kung tutuusin ay wala namang problema ang operasyon sa Sagada.”

“Pero ipinatigil iyon ni Lolo bago siya atakihin sa puso. Ibig sabihin ay hindi siya sumasang-ayon sa operasyon. Tapos itutuloy pa ninyo. Hindi ba ninyo nirerespeto ang kagustuhan ni Lolo bago pa siya mamatay?”

Isang mahinang tawa ang pinakawalan ni Romualdo. “Hija, don’t be naïve about this. Your grandfather is always driven by logic. And he always plays to win. Hindi siya emotional na tao. He became a billionaire because he is an astute one. Akala mo ba pansamantala niyang ipinatigil ang operasyon ng minahan sa Sagada dahil sa wakas ay nakita niya ang point mo at ng iba pang mga environmentalist kagaya mo? Matagal na siyang nasa industriyang ito.”

“Anong ibig ninyong sabihin?” nanlalamig niyang tanong.

“Kinausap niya ang board of directors bago niya gawin ang desisyon. Gusto daw niyang ipatigil ang operasyon ng minahan sa Sagada para mapalapit siya sa isa sa mga apo niya. He was a dying old man anyway. Pinagbigyan na namin. Pero di ibig sabihin ay habambuhay na lang naming hayayaan iyon.”

Nagngalit ang ngipin niya. Gusto niyang magprotesta pero iyon mismo ang deskripsyon niya kay Don Alfonso – a manipulative old man. Wala itong balak na magpatalo. At lalaruin nito ang lahat ng klaseng laro para lang makuha ang gusto. Sa huli ay mag-isa din pala siya sa labang ito.

“We have a business to run. Isa kang Banal at may responsibilidad ka na rin. We can’t afford losing millions just because of your whims.”

“Whims? Paniniwala ko iyon. Prinsipyong ipinaglalaban ko at tinatayaan ng buhay ko.” Hindi siya makakapayag na maliitin nito ang mga pinaniniwalaan niya. “At gagawin ko ang lahat para pigilan ang mga plano ninyo. I want Banal Mining Corporation to leave Sagada alone. Walang puwang ang minahan sa bayang ito.”

“Of course, you can freely voice out your opinion. How about we set an emergency meeting for you?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.