Magkahalo ang excitement at kaba ni Amira nang isa-isa nang pumasok sa mini-theater ang mga kapatid niya. Doon na nga ipina-serve ni Eira ang dessert nila dahil excited na daw ito sa bonding nila.
“Excited na ako sa panonoorin natin,” sabi ni Eira. “Ate Amira, wala bang clue kung anong panonoorin natin?”
“Maghintay ka na lang, Eira,” nakangiti niyang sabi.
Ibinagsak naman ni Berry ang sarili sa kutson na theather chair. Yakap na nito ang isang bowl na popcorn at itinaas ang isang paa. “Sana si Papa Piolo ang palabas.” Isinampa pa nito ang paa sa arm ng upuan.
Nakangiti lang na tinapik ni Yumi ang paa nito kaya napilitan itong ibaba.
“Coco Martin,” anang si Vera Mae na umupo sa bandang taas.
“John Lloyd-Sarah sana,”anang si Mabel.
“John Lloyd-Bea ang gusto ko,” wika naman ni Sky.
“E di back-to-back para parehong panalo,” sabi naman ni Mabel.
Humikab agad si Ailene na di pa man nagsisimula ay bored na bored na. “Sana naman foreign film ang ipalabas. Di kasi ako nanonood ng local movies. Nabo-bore ako.”
“Ayoko ng porendyer na pelikula,” protesta ni Berry. “Wala akong maiintindihan. Ngayon na nga lang ako makakanood ng totoong pelikula na di galing sa piratadong DVD ni Mang Kevin.”
“Ita-translate ko para sa iyo kapag di mo naintindihan,” sabi ni Yumi.
“Huwag kang mag-alala, Berry. Maiintindihan mo ang palabas. Let’s start.”
Isinara niya ang ilaw ng silid at umupo sa tabi ni Mabel sa harapang hilera. Tahimik ang lahat maliban sa matunog na pagngata ni Berry ng popcorn. Narinig niya ang pagsinghap ng mga kapatid niya nang ipakita kung gaano kaganda ang Sagada sa short film na ihinanda niya. Nasa site na iyon ng Nature’s Keeper at ginamit nilang materyales para sa pang-eengganyo sa mga nais bumoto pabor sa pagpapatigil ng operasyon ng minahan sa Sagada. In-enhance lang nila ni Estephanie ang presentation para umakma sa film showing sa mga kapatid niya.
Ipinakita doon kung paanong masisira ang ganda ng Sagada dahil sa banta ng minahan. At nagsisimula na ito ngayon. Kung hindi nila mapipigilan ang pagtatayo ng minahan, magiging mining wasteland ang Sagada at hindi na prime tourist destination. Wala na ring mapapakinabangan ang mga kabataan ng Sagada sa panghinaharap. Umaasa siya sa matatalino naman ang mga kapatid niya at nakumbinsi niya ang mga ito na pumanig sa kanya. Alam naman niya na naa-appreciate ng mga ito ang ganda ng Sagada. Sana lang… sana lang talaga ay makumbinsi ang mga ito ng video presentation at wala nang masyado pang talakayan. Pero kung kailangan nila ng mahabang talakayan ay handa naman siya na gawin ang lahat para ma-sway ang boto ng mga ito.
“Kultura at kalikasan ang kailangan ng Sagada at hindi ang minahan. Kailangan kayo ng Sagada ngayon,” anang boses niya sa voice over.
Matapos ang presentation at bumukas ang ilaw ay sinalubong siya ng mahabang katahimikan. Nang tumayo siya sa harapan ng mini-theater ay nakita niya ang mukha ng mga ito na puno ng pagtataka at pagkadismaya. What the heck! Hindi iyon ang reaksyon na inaasahan niya sa mga ito.
“Ay! Hindi pala si Coco Martin ang palabas,” malungkot na usal ni Eira.
“Nasaan si Piolo? Ilabas ninyo si Piolo,” anang si Berry. “Hindi ko nga kilala ang mga tao sa pelikula na iyan.”
Nagulat na lang siya nang biglang tumawa si Ailene sa likuran. “Okay. Nakakatawa ang joke na iyan. Now, can we have a real movie? Kahit mga cheap local films ay pagtitiyagaan ko. Please lang! Gusto kong ma-entertain sa gabing ito.”
Walang kangiti-ngiti niyang sinibat ng tingin ang kapatid. “Hindi ako nakikipagbiruan sa inyo. At huwag kayong magpanggap na hindi ninyo naintindihan ang presentation ko. Crucial ang isyu na ito. Mga Banal kayo. May shares kayo sa Banal Mining. Nasa mga kamay ninyo ang kapalaran ng Sagada. Hahayaan na lang ba ninyong masira ito ng minahan?”
“A-Amira, sandali lang,” anang si Sky at itinaas ang kamay. “Ito ba ang special meeting na ipinatawag ni Attorney Ferrer para sa Banal Mining? Gusto mo na huwag nang matuloy ang mining operation? Bakit?”
“Di ba parte ka na ng Banal Mining?” tanong ni Mabel. “Dapat kakampi ka na ng Banal Mining at hindi kumokontra dito. Mahirap yata iyan.”
“Di dahil parte ako ng isang kompanya ay papayag na lang ako sa ginagawa nila kahit na mali.” Inilahad niya ang palad. “Nakita ninyo kung anong masamang idudulot sa Sagada ng minahan.”
“Kung hindi matutuloy ang minahan, ibig sabihin mawawalan ng kikitain ang kompanya. Ibig sabihin mawawawalan din kami ng kikitain,” sabi ni Ailene. “Aba! Hindi naman ako papayag doon. Ayokong ipatigil ang minahan.”
“Oo nga. Ayoko rin,” sang-ayon ni Berry. “Perang maliwanag ang minahan na iyon. Kung hindi na matutuloy ang operasyon, ibig sabihin ay may mga trabahador na mawawalan ng trabaho. Paano ang mga pamilya nila?”
“The tourism is booming in Sagada. Marami silang pwedeng makuhang trabaho dito kung gugustuhin nila. May mga bukirin nga dito na di na halos natataniman…”
“E sa mas gusto nga nilang magtrabaho sa minahan,” kontra naman ni Berry. “Bakit pa kailangang ipasara ang minahan? Maraming ginto, maraming kuwarta.”
“Di lahat tungkol sa pera. Kailangan ring maging responsable ka sa nangyayari sa paligid mo. May mga susunod na henerasyon na magmamana ng lupang ito. Ano ang ipapamana mo sa kanila?” naghahamon niyang tanong.
Nagkibit-balikat si Berry. “Ano ba naman ang tanong mo? E di naman ako kandidata sa Miss Purok 45. Ayoko ng questions with answers portion.”
“Question and answer portion,” pagtatama niya.
“Oy! Sa ands lang naman ako namali. Pwede na rin iyon. Questions ands answers portions.”
Bumuga siya ng hangin. Parang wala namang seseryoso sa ipinaglalaban niya. Gusto na niyang maubusan ng pasensiya. Kundi lang talaga niya kailangan ng boto ng mga ito, magwo-walkout na talaga siya. She thought she could have an intelligent conversation with them and they would hopefully see the light. Seryoso? Wala ba siyang mapipiga sa mga kapatid niya.
“Amira, malaking proyekto ang minahan sa Sagada. Hindi naman iyan ipu-push through ni Lolo Alfonso kung hindi pinag-aralang mabuti. I am sure hindi naman makakaapekto sa turismo ang minahan. Gusto na rin ni Aunt Carrie na ituloy iyan dahil dumadaing na ang mga trabahador. Kailangan nilang buhayin ang mga pamilya nila. Hindi na ito kuwestiyon kung may iba pa silang mapapasukan o wala pero importante ang mapapakinabangan ng Sagada sa minahang ito,” paliwanag ni Yumi.
“At si Lolo Alfonso din mismo ang nagpatigil sa operasyon bago siya mamatay,” aniya at sinalubong ang mga mata ni Yumi. “That must mean something. Ibig sabihin pabor siya sa kagustuhan ko na ipatigil ang minahan. Hindi ba natin irerespeto ang huling kahilingan niya?”
“Pero nasa kamay na ng board of directors ang pamamalakad sa kompanya,” anang si Vera Mae. “Wala nang magagawa ang bilin ni Lolo. Hindi nila pwedeng panghawakan iyon habambuhay at naiintindihan ko sila. Nag-invest na ang kompanya sa project na ito. They injected millions in it. Kailangan nilang bawiin iyon o mas maraming tauhan ang magsa-suffer.”
“Baka naman hindi mo alam ang pakiramdam ng maging mahirap kaya wala kang pakialam,” pakli ni Berry. “Hindi mo alam kung ano ang pakiramdam ng walang makain.”
“Alam ko kung ano ang pakiramdam ng walang-wala, Berry. Alam namin ng nanay ko kung ano ang pakiramdam na maging mahirap at walang matatakbuhan o maasahan. Pero di ibig sabihin na mahirap kami ay okay lang na kumita kami kahit na makakasama na sa ibang tao,” pagmamalaki niya. Isa iyon sa mga bagay na itinanim ng nanay niya sa isipan niya. And they survived by doing the right thing.
“Malay ko naman sa buhay mo. Di ka naman nagkukwento sa amin kaya wala kaming alam sa iyo,” anang si Berry at nagkibit-balikat.
Parang sinampal siya sa sinabi ng kapatid niya. Oo nga. Marami pa siyang sekreto na hindi nalalaman ng mga ito. Kapag ba sinabi niya ang totoong buhay niya ay may mababago sa mga ito? Papanig ba ang mga ito sa kanya? She didn’t think so. Isa pa ay masyadong komplikado ang buhay niya. Masyadong maraming sekreto ang mabubunyag. Di niya alam kung mas dadami pa ang kalaban niya oras na malaman ng mga ito ang kwento niya. She couldn’t launch an all-out war with Caridad right now. May sekreto din siya na dapat niyang pangalagaan.
“Ang hirap sa iyo, Amira, masyado kang self-righteous. Hindi lahat ng tama sa mundo, iyon lang ang tama para sa iyo. May ibang tao rin na kailangang mabuhay sa sarili nilang paraan,” pakli ni Ailene. “Please! Huwag mo na kaming idamay sa mga drama mo. At hindi ako magpapaka-ipokrita. I want to make the most out of my shares. Gusto ko ng pera. At tama si Berry. Mas maraming ginto ang makukuha, mas marami ang magiging masaya. Ako na ang unang-una.”
“So your vote is pro-mining?” tanong niya.
“Obviously,” mataray nitong sagot at tinaasan pa siya ng kilay. “Kung tapos ka na sa pagmi-Miss Earth mo, aalis na ako. Gusto ko nang matulog. Maaga pa ako sa tour ko bukas. Huwag kang mag-alala. Kung sasali ka sa beauty pageant susuportahan kita sa beauty for a cause mo. I will give you some fashion tips. You definitely need it, dearest sister. Goodnight, everyone.”
At taas-noong lumabas ang kapatid niya ng mini-theater. Sa una pa lang naman ay ihinanda na niya ang sarili na hindi ito papanig sa kanya.
Tumayo na rin si Berry at pinagpag ang shors na marahil ay natapunan ng cheese powder ng popcorn. “Kung hindi na ipapalabas si Papa Piolo, lalabas na lang ako. Ubos na ang popcorn ko. Gutom na ako.”