Barely Heiresses: Amira Chapter 61

Tumutok ang mga mata niya sa lima pang natitirang kapatid. Kung makukuha niya ang boto ng kahit apat sa mga ito ay di na kawalan kahit na hindi niya nakuha ang boto nina Ailene at Berry.

“Alam ko naman ang ipinaglalaban mo, Amira. I will even give you my vote. Pero collective votes ang shares namin. Kung ano ang mas maraming vote sa mga kapatid natin, iyon ang mananalo,” anang si Vera Mae.

“Salamat, Ate Vera,” aniya at tipid na ngumiti.

Mukha namang walang pakialam ang kapatid niyang ito sa pera o mana. Di lang niya alam kung ano ang drive nito sa pagkuha ng mana nito. Pero malaking bagay sa kanya na makuha ang boto nito kahit na parang wala naman itong kiber sa mismong ipinaglalaban niya. Di na siya magiging choosy.

“Kung gusto mo ipag-bake kita ng cupcake para ibaon mo papuntang La Trinidad bukas,” anang si Vera Mae. “Para pampa-good vibes bago ka humarap sa board. Via video conference

“Salamat, Ate.” Kailangan niya kahit ang simpleng suporta na iyon.

“Pwede rin kitang ipagluto ng makakain mo habang biyahe, Amira,” sabi ni Yumi. “Pero hindi ko maipapangako ang boto ko. Kailangan ko pa ring malaman kung anong sasabihin ng side ng Banal Mining siyempre.”

Pinagsalikop ni Eira ang mga kamay at parang maiiyak. “Naku! Ang hirap naman nito. Di ko alam ang pipiliin ko. Kasi si Mommy Carrie ang may gusto na ituloy ang minahan. A-Ayokong masaktan kayong dalawa, Ate.”

“Magdesisyon ka sa sarili mo. You are old enough to decide on your own. Isipin mo kung ano ang mas makakabuti para sa mas nakararami,” pang-eengganyo niya. Kung paiiralin ni Carrie ang pagiging ina nito kay Eira, alam niya na makukuha nito ang boto ng bunso niyang kapatid. “You have a good heart. Alam ko naman na naiisip mo rin ang kabutihan ng iba. Hindi ba sa gulayan ka madalas ngayon? Isipin mo na lang kung natuloy ang minahan at mako-contaminate ang mga bukirin.”

Sinapo nito ang magkabilang pisngi. “H-Hindi ko na alam ang gagawin ko.”

“Hindi mo naman kailangang magdesisyon ngayon, Eira,” wika ni Sky dito at tinapik ang kamay nito. “Pasensiya na, Amira. Hindi ko pa maibibigay ang boto ko sa iyo ngayon.”

“Amira, ako rin,” anang si Mabel. “Gusto ko ring mapakinggan ang kabilang side bago ako magdesisyon. Pero kung makukumbinsi mo si Aunt Carrie na bumoto para sa iyo, kakampi rin ako sa iyo.”

Naging alanganin ang ngiti niya pero kailangan niyang tanggapin ang desisyon ng mga kapatid niya. Pagbubutihan na lang niya ang presentation bukas.

She must win this one.

TUWID lang ang tingin ni Amira habang naglalakad sa hallway ng Banal Mining Corporation. Parang isa siyang sundalo na susugod sa giyera. Wala siyang gaanong sandata maliban sa prinsipyong ipinaglalaban niya. She was able to persuade world leaders before. Kaya rin niyang gawin iyon ngayon.

I know I am on the right track. I can do this.

She gave everyone a nod when she entered the room. Kinamayan din siya ng iba. Francois was not late this time. Pero naka-slouch ito sa upuan nito at di pa nakaayos ang kurbata habang nakasapo ang ulo at nakatukod ang siko sa desk habang natutulog. Kung hindi pa ito siniko ng matandang babaeng executive na katabi nito ay di pa ito magising. Luminga ito sa paligid at awtomatikong ngumiti nang makita siya. Hindi niya alam kung nagiging supportive ito or he was just his usual flirty self. Her heart skipped a beat. Iniwas niya ang tingin dito. Hindi niya kailangan ng distraction ngayon.

Nilapitan siya ni Caridad at hinalikan sa magkabilang pisngi. “Good luck, hija. Sana naman ay hindi ka magkalat sa presentation mo ngayon. Ayokong magdala ka ng kahihiyan sa pamilya natin,” bulong nito pero nang ilayo ang sarili sa kanya ay puno ng pag-aalala ang anyo nito. Hinaplos pa nito ang buhok niya, like a true caring stepmother. “I will do everything I can so that this meeting will be on your favor, darling. I really wish you well.”

“Thank you,” she said in a strain voice.

Pinigilan niya ang sarili na punasan ng likod ng palad ang pisngi niyang hinalikan nito. She felt contaminated.

Nang ipalabas ang presentation niya ay tahimik ang lahat. But she could see that some of them looked bored. Inaasahan na niya ang ganoong reaksyon mula sa mga ito pero di naman ang mga ito ang gusto niyang kumbinsihin kundi ang mga kapatid niya.

Narinig niya ang pagsinghap ng iba nang ilabas din niya ang pag-apaw ng mine tailings sa isang minahan na hawak ng Banal Mining Corporation ilang taon na ang nakakaraan sa bayan ng Itogon. Iyon ang isa sa mga sandata niya sa araw na iyon. She could hear the buzz around her. Pero matapos iyon ay parang balewala lang din sa mga ito.

“Iyon na ba ang presentation mo, hija? Looks like a college presentation to me,” pambubuska ng Vice President for Community Relations na si Mr. de Leon.

“Nagpatawag ka ng special meeting para lang dito? Do you think you can convince us to give up a five hundred million pesos worth of project for your child’s play? Anong kalokohan ito, hija?” anang si Mrs. Fulgencio ng Independent Director.

“Hindi kalokohan ang nakatakdang pagkasira ng kalikasan, Mrs. Fulgencio. Hindi siguro big deal sa inyo pero big deal ito sa mga taga-Sagada. May mga signed protests na laban sa minahan. Hindi ko alam kung nakakaya ng konsensiya ninyo ang epekto ng minahan lalo na sa mga taong namumuhay sa paligid nito. Pati na rin ang hazard sa mga trabahador,” pahayag niya.

Inilahad ni Mr. Kalaw ang palad sa projector. “You mean that presentation? Ni wala ngang kinalaman sa Banal Mining Corporation ang mga ipinakita mo diyan. Unfair naman para sa kompanya na ihanay kami sa mga iresponsableng kompanya. We are partners with the host communities. We give them jobs, infrastructure, education and other things that the government can’t even provide for them. Banal Mining Corporation didn’t become the first Philippine mining company with the first ISO Certificate for Excellence for nothing. May nakita ka na bang reklamo sa amin?”

“Hindi ba ninyo nakita sa presentation ko ang pag-apaw ng mine tailings sa Itogon? Hindi iyon masyadong napag-usapan sa media dahil marahil sa damage control na ginawa ng media representative ninyo pero di ibig sabihin ay hindi iyon nangyari,” matapang niyang sabi at tumingin sa camera na kumukuha ng video para sa mga kapatid niya. Gusto niyang ipakita na di ganoon kaperpekto ang kompanya gaya ng iniisip ng lahat. Isa-isa niyang ilalabas ang baho ng mga ito sa ngayon. At wala siyang pakialam sa ISO Certificate na ipinagmamalaki ng mga ito.

“It was an unfortunate incident indeed. Isang insidente na marami kaming leksyon na natutunan. Hindi sinasadya na malakas ang bagyo na tumama sa Cordillera noon kaya naman di namin inaasahan na aapaw sa ilog ang mine tailings,” paliwanag ng director for operations.

“We already shouldered the damages of the Itogon incident, Miss Banal,” kalmanteng wika ni Romualdo Mosqueda. “At hanggang ngayon ay tinutulungan pa rin namin ang community kahit na tapos na ang problema. That is an old case that you can’t use against us. We did our best to fortify it. Hindi na naulit ang naturang insidente.”

“At anong garantiya na di na ulit aapaw pa ang mine tailings? Nasa panahon na tayo ng climate change. Pabago-bago na ang galaw ng kalikasan. Naipaliwanag ba ninyo ang masamang epekto ng minahan sa host communities ninyo?”

“May mga NGO naman na nagpapaliwanag sa kanila ng pros and cons ng mining. At hindi mo pwedeng sabihin na namimilit kami sa mga host community. Maayos namin silang kinakausap,” sabi ni Mrs. Agnos. “At ang mga lugar na may minahan sa amin ay walang agricultural lands at di rin naman tourism spot. Biyaya na sa kanila ang magkaroon ng minahan sa bayan nila.”

“Biyaya ba ang Banal Mining Corporation sa mga tribo? Katulad ng nangyari sa tribo ng Lambayan?” tanong niya at isang panibagong presentation ang binuksan niya. Ipinakita niya doon ang ilan sa mga lumang larawan ng tribo ng Lambayan na kuha ng kanyang ina. Bagamat kupas na ang larawan ay makikita pa rin doon ang berdeng rice terraces, pine forests at ang magagandang talon at malilinis na batis. Mistulang isang paraiso iyon. “Ito ang Lambayan mahigit dalawampung taon na ang nakakaraan. This quiet tribe in the heart of Cordillera region were forced out of their ancestral lands to give way to Banal Mining Corporation. May mga namatay at sugatan sa kanila.” Matapang at nang-akusa niyang tiningnan isa-isa ang nasa silid na iyon. “Huwag na tayong mag-utuan dito. The tribesmen were tricked out to sign out their ancestral land to this company. Hindi ko nanaisin na ganyan din ang mangyari sa Sagada. So I want mining out of that town.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.