Barely Heiresses: Amira Chapter 64

“Amira, bumangon ka na diyan. Di ka pwedeng dito lang sa kuwarto ko at nagmumukmok. Umuwi ka na sa mansion ninyo,” pakiusap sa kanya ng kaibigang si Estephanie nang pasukin siya sa guesthouse ng mga ito.

“Tinataboy mo rin ba ako?”

“Hindi naman sa ganoon. Kaso kanina pa nagte-text sa akin ang Ate Yumi mo. Tinatanong kung nandito ka daw sa bahay. Kung pwede daw umuwi ka na. Nag-aalala na daw sila sa iyo.”

Humiga siya patalikod dito. Sa halip na sa mansion ay nagpahatid siya sa bahay nila bahay nila Estephanie at doon nakitulog. Hindi palagay ang loob niya na makita ang mga kapatid niya. Emotional pa siya at ayaw niya ng away. Baka kung ano pa ang masabi niya sa mga ito.

“Hayaan mo sila. As if they really care. Matapos nila akong iwan sa ere ngayon pa mag-aalala sa akin,” maktol niya.

Tinampal nito ang balikat niya. “Huwag ka ngang parang bata diyan. Sports ka dapat. Iyon ang desisyon nila. Dapat irespeto mo. Di dahil magkaiba kayo ng paniniwala ay wala na silang pakialam sa iyo.”

Umupo siya sa kama at hinarap ang kaibigan. “Kahit pa ulit-ulit kong sabihin na nirerespeto ko ang desisyon nila, mabigat pa rin ang loob ko. I felt betrayed in so many ways. Ewan ko ba. Hindi naman ako lumaki kasama sila. Hindi ko rin naman sila ka-close. Mas close ang marami sa madrasta namin. Pero umaasa ako na sana man lang suportahan nila ako kahit na paano. Si Ate Vera Mae lang ang bumoto sa akin at wala naman siyang pakialam sa shares niya o mana niya. I.. I just can’t shake off this feeling. At least alam ko ang iba sa kanila ayaw sa akin. Kasalanan ko rin siguro kasi umasa ako sa iba sa kanila.”

“Natural ang ganyan sa magkakapatid. Kahit nga kami ni Kuya na lumaking magkasama minsan magkaiba din ng opinyon. Nagkakatampuhan din kami. Ganoon talaga. Magkakaiba pa rin kaming tao. Pero di ibig sabihin ay di na kami nagmamalasakit sa isa’t isa. Umuwi ka na. Di mo naman pwedeng pagtaguan ang mga kapatid mo habambuhay.”

Huminga siya ng malalim. Naninibago pa rin siya dahil lumaki siya na walang kapatid. May certain expectations siya sa mga ito. She would try to reign in her emotions. Basta wala lang magsasalita ng hindi maganda sa kanya dahil sa totoo lang ay wala siya sa mood.

Nagpasundo siya sa driver na si Manong George. Pagdating sa mansion ay sinalubong agad siya ng kapatid niyang si Eira. “Ate Amira, mabuti umuwi ka na. Miss na miss na kita,” malambing na sabi ng bunso niyang kapatid.

Isang tango lang ang isinagot niya dito. Akmang yayakapin siya nito pero nadismaya ito nang makita ang reaksyon niya at ibinaba ang mga kamay.

“Amira, gusto mo bang kumain? Tapos na kaming magtanghalian pero pwede ka naman ulit saluhan,” sabi ni Yumi.

Nakita niya ang iba pang mga kapatid na nakaupo sa sala at nakatingin lang sa kanya. Sina Sky at Mabel ay di makatingin nang diretso sa kanya. Mukhang guilty. Lalo lang siyang nainis. Paano siya makakain kung ganoong mga mukhang ang makikita nila?

“Salamat na lang. Tapos na akong kumain kina Estephanie. Sa kuwarto na lang ako. Excuse me,” aniya at tuloy-tuloy na umakyat ng hagdan.

“Ate Amira, I am sorry,” humihikbing sabi ni Eira. “Alam ko galit ka sa amin kasi di ka namin ibinoto. Huwag ka namang magalit please. Sorry na.”

Hindi niya ito pinansin at nagtuloy-tuloy sa pag-akyat ng hagdan. Aanhin naman niya ang sorry nito? Wala namang mababago. Matutuloy ang operasyon ng minahan sa Sagada. Hindi niya kailangan ang sorry nito. She didn’t need the drama.

Pagdating sa kuwarto ay nahiga agad siya sa kama. Siguro naman ay di na siya guguluhin ng mga ito. Mabuti na lang at wala silang bonding. Di niya kailangang samahan ang mga ito na kumain mamayang hapunan. Hindi niya kayang magpanggap na okay kahit na naiinis siyang makita ang iba sa mga ito.

Subalit di pa nag-iinit ang likod niya sa kama nang bulabugin siya ng malakas na katok. “Amira, buksan mo itong pinto,” anang si Ailene. Hindi niya iyon pinansin pero patuloy pa rin ito sa pagkatok. “Amira!”

Napilitan siyang buksan iyon. “Nagpapahinga na ako.”

“Bakit ganoon ang ginawa mo kay Eira?”

“Anong ginawa ko kay Eira? Wala na nga akong sinabi.”

“Nag-sorry na sa iyo ‘yung tao. Aba! Gusto mo pa yata lumuhod sa iyo.”

“Hindi ko alam kung bakit kailangan niyang mag-sorry. Desisyon niya iyon. Pangatawanan niya.”

“Because she cares about your feelings. Kahapon pa nga siya umaatungal bago pa niya ibigay ang boto niya. Hirap na hirap siyang magdesisyon sa kung ano ang iboboto niya. Di lang si Eira kundi pati ibang kapatid natin. Ayaw ka rin naman nilang masaktan.”

“Tapos na iyon. Bumoto na sila. Natalo na ako. Tell them to get over it. Sa totoo lang masakit ang ulo ko kaya gusto kong magpahinga.”

Akmang tatalikuran niya ito nang pigilan nito ang braso niya. “Di pa tayo tapos.”

“And I don’t want to argue about it. Wala namang dapat pagtalunan.”

“Gusto ko lang malaman mo kung anong sentimyento ng mga kapatid natin. Kahit ako nahirapan na magdesisyon. Maganda ang mga argumento mo. Kahit ako muntik mo nang makumbinsi. Pero napaka-ipokrita ko naman kung iisipin ko pa ang mga puno at halaman at ibang tao kaysa sa sarili ko. Gaya ng sinabi ko, di naman ako santo. Parte ako ng kompanya. Gusto ko ng pera. Isa pa, ipokrita naman ako kung tututol ako sa minahan sa Sagada samantalang nakikinabang din naman ako – from the latest technology to jewelries. Lahat iyon ay produkto ng minahan. Nagpapakatotoo lang naman ako.”

“Inasaahan ko na ang desisyon mo. You made it clear from the start.”

“Pero hanggang sa huling minuto ay inisip ka nila Ate Yumi. At hindi iyon tungkol sa pera. Meron na sila noon. Inisip nila ang mga trabahador na mawawalan ng kabuhayan kapag di natuloy ang minahan. Mas hindi sila makakatulog sa gabi kung may mga taong kumakalam ang sikmura at wala silang nagawa. At inaasahan nila na maiintindihan mo iyon. Parehong importante ang dalawang bagay sa kanila. Kailangan nilang mamili.”

Lumunok siya at na-imagine niya kung anong pinagdaanan ng mga kapatid niya. It must be really hard. Parehong konsensiya ang kalaban ng mga ito. “Sige. Ako mismo ang kakausap sa kanila. Salamat.”

“Oo. Kausapin mo sila kasi pati ang iba umiiyak na rin sa pagnguyngoy ni Eira. I hate the drama,” anang si Ailene na umikot ang mga mata.

Naabutan niya sa sala na nag-iiyakan sina Mabel at Sky na yakap ang umiiyak pa rin na si Eira. Sinusubukan namang i-comfort ang mga ito ng iba pa nilang kapatid. “Look. Nagkausap na kami ni Ailene. Sinabi na niya sa akin ang side ninyo. Gusto ko lang malaman ninyo na hindi ako galit. Nagtatampo ako pero hindi ako galit. Nag-expect lang siguro ako na iko-konsidera ninyo ang pagiging magkakapatid natin sa pagboto ninyo pero na-realize ko na unfair din sa inyo. Bumoto lang kayo ayon sa konsensiya ninyo. And you have nothing to apologize about. Desisyon ninyo iyon. Kailangan ninyong panindigan.”

“Hindi ka talaga galit sa amin?” tanong ni Sky.

Umiling siya. “Hindi.”

“I-hug mo nga ako kundi ka na nagtatampo, Ate Amira,” anang si Eira at ibinuka ang mga kamay.

Gusto sana niyang sabihin sa kapatid na pass muna pero ayaw na rin naman niyang pahabain pa ang usapang ito. Niyakap niya si Eira at sumunod din sa pagyakap sa kanya sina Mabel at Sky. Pwede niyang sabihin na napaplasktikan siya pero naramdaman niya ang sinseridad ng mga kapatid niya. Siguro nga ay ganoon lang iyon. Di naman personal ang desisyon ng mga ito.

“Ganyan naman tayong magkakapatid. Di lahat ng pagkakataon ay magkakapareho ang mga desisyon natin sa buhay pero di ibig sabihin di na tayo magkakaayos,” sabi ni Yumi. “How about a group hug?”

“Okay na iyan,” sabi ni Ailene na nanatili sa hagdan. “Baka madisgrasya pa ang Burberry coat ko.” At saka pinagpag ang checkered coat nito.

“Nasaan nga pala si Berry?” tanong ni Vera Mae.

“Naku! Sabi niya kapag daw ayaw ni Amira ng parte niya sa cake at nagmukmok, siya na lang daw ang kakain,” sabi ni Mabel.

“Naku! Peace offering natin kay Amira iyon. Baka magtampo na naman siya sa atin,” natatarantang sabi ni Vera Mae at sinapo ang pisngi. “Berry, huwag mong ubusin iyan! Okay na ulit si Amira! Bati na ang lahat!”

Nilapitan niya si Ailene na parang señora ang dating habang nakatayo sa may hagdan at nakamasid sa lahat. “Thank you for telling me their side.”

“Huwag kang magpasalamat sa akin. Ayoko lang talagang may nag-iiyakan. Naiinis ako,” anito at hinawakan ang magkabilang sentido.

Nagkibit-balikat lang siya. “You said so.”

Minsan ay iniisip niya ba baka wala itong pakialam sa mga kapatid niya. Parang sinasabi rin nito na kundi lang ito naiinis sa pag-atungal ng ibang kapatid nila ay baka di siya nito kakausapin. Pero sa tingin niya ay nag-aalala din ito. Ayaw lang nitong umamin. She didn’t want to press the issue. Baka mamaya ay mag-away na naman sila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.