Barely Heiresses: Amira Chapter 65

“Amira, kung gusto mong makuha ang boto ko para sa mana mo, you have to think of a really nice project. ‘Yung makukumbinsi mo ako. Yesterday, you were good but not good enough. Parang kandidata ka sa beauty pageant na nakarating sa finals pero pumalpak sa huling question and answer portion.”

“Ailene, tanggap ko naman na ayaw mo sa akin. You are a city girl. Baka kahit anong proposal ko ay di mo rin maa-appreciate. Let’s keep it that way. Tanggap ko na kung anong ayaw at gusto mo.”

Namaywang ito. “Then present a project that can make me forget that I am a city girl. Na pwede pa rin akong makinabang kahit na pinoprotektahan mo ang pinakamamahal mong kalikasan. Make it good if you really want my vote.” Ikiniling nito ang ulo. “Sabihin mo sa kanila na pass muna ako sa cake. I am on a diet.”

Sinundan niya ng tingin ang papaakyat sa hagdan na kapatid. A really good project that can please her sister? Now that was a big challenge. Parang imposible na makuha niya ang boto ni Ailene pero kailangan niyang gawin ang imposible para makuha niya ang Kanayama.

“SO, okay na kayo ng mga kapatid mo?” tanong ni Estephanie kay Amira habang kumakain sila ng bayabas na piñatas nito sa harap ng bahay.

“Yes, for now. Pero di ibig sabihin pwede nilang ayunan ang lahat ng proposal ko. Buti na lang talaga nai-explain sa akin ni Ailene kung bakit iba ang ibinoto ng mga kapatid ko kundi baka di ko pa rin sila pinapansin hanggang ngayon.”

Napansin niya na mukhang masaya ang company ng mga kapatid niya sa isa’t isa. Alam din niya na nag-e-effort ang iba sa mga ito na mapalapit sa kanya. She was trying her best to be nicer to them. Hindi nga lang niya masasamahan ang mga ito kapag dumadalaw sa ama nilang si Alfie. Sinabi na lang niya na may kailangan pa siyang gawing trabaho kahit na ang totoo ay gusto lang niyang makatakas sa pagdalaw sa ama niya.

“So, okay na kayo ng maldita mong kapatid na ka-level mo sa taray?”

“Hindi pa rin. Hindi ko nga alam kung nakakatuwa ang sinabi niya sa akin o hindi. Gusto daw niya na mag-present ako nang pagkaganda-gandang proposal na makapagpapalimot sa kanya na hindi siya nature lover at city girl para daw ayunan ko sa gusto niya,” aniya at bumuntong-hininga.

“Wow! At least binibigyan ka niya ng chance. Positive iyon.”

“Ang sabihin mo kailangan ko ng himala.”

“Sabagay himala lang yata ang kailangan para magkasundo kayo ng kapatid mo na iyon,”

Isinawsaw niya ang bayabas sa asin at kumagat. “Well, kahit na ano pa iyan, kailangan ko pa ring makahanap ng magandang special project na ipe-present sa kulang anim na buwan mula ngayon. Maikli na lang ang panahong iyon para makapag-develop at makapag-aral ng malaking project. At siyempre, kahit gaano pa kaganda ang project ko, kailangan ko na ring makahanap ng mga kakampi sa loob ng Banal Mining. At sa ngayon, zero pa rin ang nasa listahan ko.”

Wala siyang mapapala sa ngayon sa mga kapatid niya. Ayon kay Vera Mae nang makausap siya nang nakaraang gabi ay may tiwala si Yumi sa desisyon ng board of directors. Loyal ang mga ito kay Don Alfonso at mas alam daw ng mga ito ang tamang gawin para sa ikabubuti ng kompanya. Si Yumi ang panganay sa mga kapatid niya at sinusunod ng iba pang nakababata. And her eldest sister had a mind of her own. Dedepende ito sa imporasyong ilalatag dito para sa desisyon nito. Hindi niya makukuha ang loyalty nito. And she needed someone who would be loyal to her. At hindi niya alam kung saan siya hahanap ng ganoong klaseng tao.

Tinapik ng kaibigan ang hita niya. “Halika. Papag-aralan natin ang kaso mo.”

Inilabas nito ang tablte at binuksan ang file na may nakasulat na Banal Mining Corporation. “Aba! At may ganyan ka palang file.”

“Oo naman. Mula nang malaman ko ang kondisyon ng lolo mo para makuha mo ang mana mo, naisip ko na tulungan ka. At dahil alam kong sabog ang utak mo minsan at mahihirapan ka, I think you need outside help. Kaya kinuha ko ang lahat ng impormasyon na pwede kong makuha sa kanila.”

Niyakap niya ang kaibigan. “Thank you!”

Kahit na may masama itong hinala sa kanya na baka mas pumapanig siya sa pagiging Banal niya dahil bahagi na siya ng kompanya ay handa pa rin siya nitong tulungan. Na-appreciate niya ang pagtulong sa kanya ng kaibigan.

“Anong thank you lang? Kailangan mo akong ilibre ng trip to Europe kapag nakuha mo ang fifty million pesos mo.”

“Kung makukuha ko,” nakangisi niyang sabi.

“Then we will make sure that you will get it.”

Lumabas ang listahan ng board of directors at listahan ng shareholders sa presentation nito. “Sa palagay mo sino sa mga nakalista dito ang pwede mong makuha para sa grupo mo.”

In-scan niya ang mga nasa listahan nang ilang beses. Sa huli ay dismayadong bumagsak ang balikat niya. “Sa board of directors, lahat sila ay loyal sa Banal Mining Corporation. Lahat sila ay malakas ang kompiyansa kay Romualdo Mosqueda na halata naman na malapit sa madrasta ko. Outsider ang tingin nila sa akin. Isang kalaban lalo na’t nakita nila na sinasalungat ko ang mga plano nila sa Sagada. They don’t like me.”

“So… walang bumoto sa mga iyan sa proposal mo?” tanong nito. “Kahit isa?”

Nanghaba ang nguso niya nang tumutok ang mga mata niya sa isang pangalan. “Meron. Si Francois,” kaswal niyang sagot.

Napapalakpak ito. “Iyon naman pala. Ibinoto ka ni Chef Aklay. Pwes, simulan mo na ang kampanya mo sa kanya.”

Nakasimangot siyang humalukipkip. “Anong magagawa ni Francois para sa akin? Nobody takes him seriously. He is a nuisance in the boardroom. Magaling siyang chef pero bagsak naman siya minahan. Paano ako seseryosohin ng board of directors at paano ako makakakuha ng suporta kung si Francois Mosqueda lang ang nasa tabi ko? I need someone with credibility. Someone who can convince people. Kahit isa man lang sa director or sa mga senior executives makuha ko.”

And it would be tough. Mukhang compact ang mga nasa board of directors. Kaya solid ang Banal Mining Corporation at nangungunang mining company sa bansa dahil sa maayos na pamamahala ng mga namumuno doon. No, she didn’t think she could find a crack on that.

“Kahit anong gawin mo, hindi mo makukuha ang mga director at senior executives ng kompanya, Amira. But you have the guarantee of Chef Aklay’s support. You must make the most out of what you have. He can be an asset if you will just play it right.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.