Barely Heiresses: Amira Chapter 66

Napanganga si Amira sa suhestiyon ng kaibigan. “I… I don’t get it. Hindi ko siya nakikita as an asset.” Maraming physical asset ang binata. Hanggang doon lang iyon.

“Chef Aklay can charm people. Nasagip ka niya sa protesta ng mga trabahador ng Banal Mining dahil nakumbinsi niya ang mga iyon gamit ang karisma niya. Kung wala siya, malamang nakuyog ka na at durog ka na.”

Sinapo niya ang noo. “Don’t remind me. It was simply stupid. At hindi charm iyon kundi pang-uuto.”

“Stupid, yes! Pang-uuto, maybe. But it worked. Kung ako ang tatanungin mo, nagawa niya ang imposible. Asset niya ang charm niya. May convincing powers siya.”

Nangalumbaba siya. “Sige. Anong gagawin ko kay Francois?”

“Mukhang gusto siya ng mabababang tauhan ng Banal Mining Corporation. Make the people love you through Chef Aklay. And you can also use him to persuade your sisters,” anito at binigyan siya ng pilyang kindat.

Namanhid ang mukha niya sa suhestiyon nito. “Ano? Gusto mong akitin ni Francois ang mga kapatid ko para lang pumanig sa akin? Hindi ako papayag!” Pinanlakihan niya ito ng mata. “Tantanan mo ang kalokohan mo na iyan.”

She suddenly saw red. Di yata siya komportable na isa o ilan sa mga kapatid niya ang inaakit ng lalaki. Pakiramdam niya ay sasapian siya ng pagiging isang mandirigma at baka makasabunot na lang siya.

Tinapik ni Estephanie ang sariling noo. “Ang ibig kong sabihin ay may kakayahan si Chef Aklay na mangumbinsi ng mga tao – mapa-babae man o lalaki. Kaya din niyang gawin iyon sa mga kapatid mo. He is persuasive after all. Selos ka naman agad,” tukso nito.

Inirapan niya ito. “Hindi nagseselos. Wala akong pakialam kung ibang babae ang akit-akitin niya. Pero huwag ang mga kapatid ko. G-Gusto ko silang protektahan sa mga katulad ni Francois.”

“Retract your claws, my friend. Basta isa siyang asset sa iyo. Ang misyon mo ngayon ay makuha si Chef Aklay sa team mo.”

Tumayo siya sa upuan at umiling. “No. I don’t think it will work.”

“Bakit naman?”

“Francois is a Mosqueda. His loyalty lies with his father who is the most influential man in Banal Mining Corporation right now. At malapit din si Francois sa madrasta ko. Parang pangalawang nanay na nga niya. Blood is thicker than water, Estephanie.” Kahit na gaano pa kalaking asset ang binata sa kanya, malabong makuha niya ang loyalty nito.

“If blood is thicker than water, why did he vote for you? Mas kampi pala siya sa tatay niya.”

Nagkibit-balikat siya. “Naawa siya sa akin? Kaya nga nananalo ang mga underdogs sa reality show kasi maawain ang mga Pinoy sa underdog.”

“Amira, with that sassy tongue of yours, you are hardly an underdog.”

“Strategy niya para mapansin ko? Or ma-charm ako? Anything to get into my pants maybe?” aniya at nagkibit-balikat. “After all, double purpose n ang pagboto niya sa akin. Pwede siyang mapalapit ulit sa akin at di makakaapekto sa boto ng karamihan kung ibigay niya sa akin ang boto niya.”

“Anong sabi ni Sir Romualdo sa kanya?”

“Nagalit. Hindi daw niya sineseryoso ang meeting na iyon. Na huwag daw gamitin ang shares ng kompanya at kapangyarihan niya sa pagboto para lang makakakuha ng babae.”

Napapaswit na lang si Estephanie. “Wow! Infront on the board.”

“Yes! Kaya ang baba-baba ng tingin ko sa sarili ko. Maybe I am just a piece of meat to them. Na kundi pa ako gumanda-ganda, baka di ako iboboto ni Francois.”

“Anong sabi ni Chef Aklay sa tatay niya?”

“Na hindi daw niya kailangang gamitin ang shares para makuha ang babaeng gusto niya.”

Ipinaypay ng kaibigan ang palad sa mukha. “Whew! Now that is my kind of man. Hot! Hot! Hot!”

Tumirik ang mata niya. “Sinasabi ko na sa iyo na di makakatulong si Francois sa akin. Sarili nga niyang tatay di siya sineseryoso.”

Kumunot ang noo nito. “Hmmm… may napapansin ka ba sa relasyon ng mag-ama? Mukha ba silang malapit sa isa’t isa o lagi silang nagtatalo?”

“Lagi silang nagkokontrahan o mas tamang sabihin na nakakontra lagi si Sir Romualdo kay Francois. Di naman iyon maiiwasan sa magtatay. May kanya-kanyang isip at opinyon naman sila.”

Hinila nito ang kamay niya at napaupo siya sa kama. “Amira, usap-usapan na may gap sina Chef Aklay at si Sir Romualdo. Mula nang mamatay ang nanay ni Chef Aklay sa France, parang malayo na ang loob nila sa isa’t isa. May iba n na nagsasabi na mas gusto ni Sir Romualdo na magtrabaho si Chef Aklay sa Banal Mining Corporation pero mas pinili ni Chef Aklay na mag-aral sa sikat na culinary school sa Paris.”

Now that was sad. Sa halip na mas mapalapit ang mag-ama sa isa’t isa sa pagpanaw ng ilaw ng tahanan ay nagkalayo pa ang mga ito. At malungkot din na dahil sa kanya-kanyang pangarap na nagkasalungat ay magkakasamaan ng loob ang isang pamilya. Nakita niya kung paanong lagi na lang nakakontra ang ama ni Francois dito. At mukhang nasisiyahan naman ang binata na ipakita kung paano nito sawayin ang mga kagustuhan ng ama. Sa palagay niya ay sinadya ni Francois na iboto siya kontra sa boto ng ama nito para asarin ang matandang lalaki.

“Ano naman ang kinalaman ko sa di pagiging okay ni Francois sa tatay niya?” di maiwasang itanong ni Amira sa kaibigan.

“Exploit the chance. Ikaw ang pinakamalaking tinik sa lalamunan ni Romualdo Mosqueda at ng board of directors ng Banal Mining Corporation. Kung makukuha mo ang suporta ni Chef Aklay sa kahit anong proposal mo, it would piss off his father big time. At tiyak ko na gagawin ni Chef Aklay ang lahat para lang manalo ka, just to see his father hit the roof.”

It made sense. Pero di pa rin ganoon kasimple ang gustong mangyari ng kaibigan. “Hindi naman pwedeng kunin ko na lang ang suporta ni Francois. Ni wala pa nga akong proposal.”

“Wala pa sa ngayon pero meron kang dapat na pagtuunan ng pansin sa ilan sa mga mining projects nila.” Binuksan nito ang may file name na TO PROTECT. Isang presentation iyon tungkol sa tatlo sa mining projects ng Banal Mining. “The mining project in Sagada, the mining project in Palawan and the one with the Lambayan are in areas that must not be mined. Ang tatlong lugar na ito ang nakaranas ng protesta sa minahan. Ang sabi ng Banal Mining, nagtatayo lang sila ng mining project sa mga lugar na walang agriculture site at walang tourism site. Hindi iyon totoo sa kaso ng tatlong ito. Ang mining project sa Sagada ay malapit sa Big Falls at maraming agricultural areas sa paligid. Ang mining site sa Palawan ay malapit din sa isang white sand beach na gusto sanang i-develop for tourism ng mga tagadoon. And there is the Lambayan, of course. Hindi pa nila ginagalaw ang Kanayama sa ngayon pero dahil sa manipulasyon ng ama mo ay nasa kanila ang karapatan na minahan ang sagradong lugar na ito. Kung anuman ang magiging proyekto mo, goal mo na protektahan ang mga lugar na ito. Patigilin ang minahan kung saka-sakali. At mag-offer ka ng alternative project para mapalitan ang investment ng mga taga-Banal Mining kung ipapatigil ang pagmimina.”

Hinaplos niya ang sariling baba habang inaanalisa ang presentation ni Estephanie. “Oh! This is what I need. Ito mismo ang kailangan kong maging core ng project ko. An alternative livelihood. Bagong kabuhayan na io-offer ng Banal Mining kung di itutuloy ang pagmimina.” Niyakap niya ang kaibigan. “You are brilliant.”

“Iyan pa lang ang magiging core ng proposal mo kung saka-sakali pero di iyan magiging madali,” anito at bumuntong-hininga. “Pero pwede mo nang kunin ang kooperasyon ni Chef Aklay dito. Ito na ang i-present mo sa kanya. Kahit ano para kontrahin ang tatay niya ay tiyak na kakagatin niya.”

Bigla siyang nadismaya nang makita ang gagampanan niyang papel sa buhay ni Francois at ng ama nito. “Ay! Ayoko yata ng ganyan. Wala akong plano na magpalala sa gulo ni Francois at ni Sir Romualdo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.