Oo, hindi niya gusto ang tatay niya. Kung gising lang siguro ito ngayon ay baka maya’t maya silang nagkokontrahan. Pero di rin naman siya masaya na ganito ang kinasapitan nila ng tatay niya. At ayaw din niyang mangyari iyon kay Francois at kay Romualdo na siya pa mismo ang magpapalala ng sitwasyon. Ayaw niyang makasira lalo ng isang pamilya.
“Amira, this is war! Chef Aklay is your best weapon, if not your only weapon. At kahit na di pa siya seryosohin ng mga tao sa Banal Mining, sa palagay ko ay di siya ganoon kaistupido. May alam siya. Kahit naman anong gawin mo, di sila magiging okay na mag-ama. E di samantalahin mo na ang pagkakataon. At least, may nagawang mabuti para sa iyo. Ikaw mismo ang nagsabi na gagawin mo ang lahat para makuha ang Kanayama, di ba?”
Pinagsalikop niya ang palad habang nakatitig sa mga lugar na sagradong talon ng Kanayama na nasa presentation ni Estephanie ng mga lugar na kailangan niyang protektahan. Malaki ang responsbilidad na nakaatang sa balikat niya. Pero parang di yata niya maatim na gamitin si Francois at ang di nito pagkakaunawaan ng ama nito. Hindi siya ganoon kasamang tao.
“Ibang strategy na lang ang isipin natin. Huwag na lang isali si Francois.”
Itinaas niya ang dalawang kamay. “Okay. Kalimutan mo na ang sinabi ko na gamitin mo ang away ni Chef Aklay at ni Sir Romualdo para makuha mo ang boto niya. Isipin mo na lang na isa siya sa mga shareholders ng kompanya na kailangan mong suyuin. Walang ipinagkaiba sa mga board of directors na kailangan mo pa ring ligawan. Iyan naman ang sistema ng negosyo o kahit pa sa pulitika. Kailangan mo pa ring subukan. Subukan mo kay Chef Aklay. Ligawan mo siya.”
Pinagsalikop niya ang mga palad. “L-Liligawan ko?”
“Yes. Ilako mo sa kanya ang proposal mo. Kaya puntahan mo siya mamaya sa restaurant at yayain mo siyang magkape. Ang alam ko nasa Sanctuary Bar siya kapag Linggo. Alam ko siya ang nagde-develop ng menu nila doon at doon din siya nakatambay sa gabi para mag-relax. Puntahan mo. Yayain mong mag-date.”
“Date?” tanong niya sa mataas na tono. “Ako pa ang yayaya sa kanya ng date? Hay! Ayoko nga.”
“Sige. Gawan na lang natin siya ng mulberry jam. Sabihin mo gusto mo pasalamatan sa pagboto niya sa iyo nang nakaraan. Di na siguro masama iyon.”
Mahabang sandali siyang nag-isip. Kung kukunin man niya ang tulong ni Francois, ito naman ang unang nag-alok ng sa kanya. Hindi na siguro masama kung kukunin niya ang tulong nito. She just needed to subtle about it. Nagiging praktikal lang naman siya dahil si Francois lang ang natitira niyang option sa ngayon.
Tumingin siya kay Estephanie. “Sige. Gusto kong subukan.”
“ESTEPHANIE! Ang sabi mo ipi-pitch ko ang proposal ko at aalayan ko lang si Francois ng mulberry jam. Wala sa usapan natin na pati sarili ko ay kailangan kong ilako sa kanya,” angal ni Amira habang hawak-hawak ang red velvet sleeveless dress. “Ano ba naman itong ipinapasuot mo sa akin?”
“Friend, wala ka talagang alam pagdating sa mga lalaki, no? Bakit sa palagay mo ay sexy ang mga sekretarya na isinasama ng mga boss kapag nakikipag-deal sila o kaya ay isinasama nila ang magagandang asawa at girlfriends nila? Para mawala sa sarili ang mga kausap nila sa katititig sa magandang babae at puro oo na lang ang isagot nila. Normal lang iyon.”
Nanlaki ang mata ni Amira at napakurap dahil mabigat ang mga mata niya dahil sa false eyelashes na inilagay ng kaibigan niya. “This is like selling sex. Gusto mo na akitin ko si Francois para pumayag sa proposal ko?”
“Tumigil ka na diyan sa pagiging self-righteous mo. Hindi ibig sabihin magdadamit ka ng sexy o mag-aayos ka ng maganda ay makikipag-sex ka na kung kani-kaninong lalaki. Ginagamit mo lang naman ang ganda mo para makapag-persuade sa mga lalaki. Same goes with Chef Aklay. Ginagamit niya ang charm niya sa mga tao pero di ibig sabihin makikipag-sex siya sa mga taong pine-persuade niya. I am just getting my facts straight.”
Humalukipkip siya at ipinadyak ang isang paa. “I knew it! This is a ridiculous idea.” Sa simula pa lang ay di na dapat siya nakinig sa kaibigan.
Noong una ay pumayag siya sa ideya nito na alayan ng mulberry jam si Francois. Tumulong pa nga siya sa pamimitas ng mulberry jam buong hapon dito at binigyan siya nito ng instruction kung paano iluluto ang jam para daw feel na feel niya ang pasasalamat sa binata.
Tapos ay nag-suggest ito na ayusan daw siya. Kaunting make up at hairstyle lang daw para di naman siya mukhang haggard pagharap sa binata. Pumayag naman siya dahil wala namang masama kung magiging presentable siya pagharap niya kay Francois. It was business, after all.
Pero wala sa usapan nila na magmumukha siyang naglalako ng katawan. Proposal ang ilalako niya at hindi sex.
“Brilliant idea iyon. Iyan ang kalakaran ng mundo. Start thinking like a woman of power. Napapasunod nila ang mga lalaki sa kanila at nakukuha nila ang gusto nila dahil sa kaunting sexual persuasion. Doesn’t mean that they will have sex. They just use a bit of seduction. Problema na iyon ng lalaki kung akala niya ay bibigay ang babae at no ang sagot sa kanya. Maliban na lang kung gusto mong isuko ang Bataan kay Chef Aklay.”
Ihinagis niya ang pulang damit sa kama nito. “Ayoko ng ganitong kalokohan. Lalong di ako seseryosohin ni Francois kung ganyan ang strategy na gagamitin ko.”
“Amira, masyado ka kasing nabuhay sa straightlaced world mo. Hindi sa lahat ng pagkakataon makukuha mo ang gusto mo sa pamamagitan ng pakikibaka at mga protesta. Hindi lahat nakukuha sa katwiran. May ibang labanan din na kailangang gamitin ang utak at karisma. Aanhin mo naman ang galing mo sa debate kung di ka naman marunong mang-akit ng tao? Sa palagay mo paano napaluhod ni Cleopatra ang Romans? She used her charm and feminine wiles.”
“I hate Cleopatra,” nakaingos niyang sagot.
“But you can learn a lot from her. Bakit naggiyerahan ang Greeks at Trojans? Dahil sa ganda ni Helen of Troy. Di sapat ang kapangyarihan at talino minsan. Kailangan mo ring gamitin ang ganda at alindog mo. At huwag ka nang umarte-arte diyan kasi wala ka namang gagawing masama. Parte lang ito ng presentation mo kay Francois sa pagiging partners ninyo.”
“Partners?”
“Yes. Partners. Kayong dalawa ang magtutulong sa approval ng presentation mo. Pagdating sa negosyo, inaalam ng magaling na negosyante kung ano ang weakness ng mga ka-deal nila – babae, biyahe, bagong kotse, anything. At weakness ni Chef Aklay ang magagandang babae.”
“I really don’t like this idea.”
Ayaw talaga niyang ma-involve kay Francois sa ganitong paraan. Weakness nga nito ang magaganda at sexy na babae pero kahinaan din niya ang binata. Paano kung sa pag-uusap nila ay siya pa ang matangay nito? Baka mahipnotismo na lang siya at makita ang sarili na isinusuko ang Bataan.
“Isipin mo na lang na ginagawa mo ito para sa Kanayama. Para sa tribo ng Lambayan. Para sa nanay mo. Importante ito sa iyo, ‘di ba? Ano ba ang mas mahalaga sa iyo – ang pride mo at ang sinasabi ng isip o ang Kanayama?”
“Ang Kanayama. Pero…”
Naging seryoso ang anyo ng kaibigan niya. “May ten minutes ka para magdesisyon. Parating na si Manong George. Nasa iyo kung anong gusto mong mangyari. Kung isusuot mo ang dress na iyan, ibig sabihin sa Sanctuary ka magpapahatid. Kung iyan pa ring damit mo ang suot mo paglabas mo mamaya, ibig sabihin ay uuwi ka na sa mansion ninyo. Pasensiya na kung ito lang ang nakayanan kong itulong sa iyo bilang kaibigan mo. Pakiramdam ko wala ka nang mapipiga sa akin. Basta ginawa ko lang ang lahat para tulungan ka,” anang si Estephanie at padabog na lumabas ng kuwarto niya.