“Wala iyon. Napag-tripan lang ako ni Estephanie,” aniya at di na maipinta ang mukha. Masyado siyang mukhang kaawa-awa sa gabing iyon. Tapos ay malabo pa siyang makalapit kay Francois. Malamang ay babakuran ito ng dalawang blondita. Uuwi nga siyang bigo sa gabing iyon. At gusto na talaga niyang umuwi dahil gusto na niyang maiyak sa ngiti ngayon pa lang.
“Gusto mo bang makuha ang atensiyon ni Francois?” tanong ni Leonard sa kanya.
“Paano?” naitanong niya agad niya bago pa siya nakapag-isip.
“I got a plan,” anang binata at kinindatan siya.
“OKAY. Konti na lang ito,” anang si Jennascia habang inaayos ang woven belt sa ibabaw ng traditional woven skirt na suot ni Amira.
“Ano ba itong ginagawa ni Leonard sa akin?” tanong niya at bumuga ng hangin habang nakadipa ang mga kamay.
Nagulat na lang siya nang dalhin siya ni Jennascia sa opisina ng bar. Kasama ang may-ari na si Anna ay inayusan siya ng mga ito gamit ang mga accessories na nasa koleksyon ng babae. Ang iba pa nga ay kinuha sa paninda na naka-display sa tindahan para daw promotion. Di niya alam kung anong plano ni Leonard sa kanya. Basta inayusan na lang siya ng mga ito. Paano naman niya makukuha ang atensiyon ni Francois kung magpapalit siya ng traditional costume?
“Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko gusto ka niyang tulungan para mapansin ka ng lalaking gusto mo. Hmmmm… sana lang gumana ang plano niya. Sa ngayon ay sakyan mo na lang muna.”
Ano pa nga? Kung wala naman si Leonard doon o ang mga Lizardo ay baka kanina pa siya nag-walkout sa Sanctuary.
Nang kumpleto na ang outfit niya at nakalagay na ang headdress niya at mga kuwintas na gawa sa semi-precious stones at traditional beads ay lumabas na siya ng kuwarto. Tiningnan siya ni Leonard mula ulo hanggang paa. Nakasuot naman ito ng wanes o bahag na panlalaki at woven upper garment na parang poncho ng mga Igorot.
“Okay na iyan. Tayo na ang susunod,” wika ng binata at binigyan siya ng extra na nilalang tapis. Tig-isa sila.
“Anong gagawin natin?”
“Alam mo naman kung paano sayawin ang palakis, di ba?”
“Oo naman.” Palakis o courtship dance ay itinuro sa kanya ng ina noong nasa college siya para Humanities subject niya. At nang nasa Sydney siya ay kasama din siya sa community dance para sa isang kasalan doon kung saan naimbitihahan siya at kasama sila ni Leonard sa mga nagsayaw.
“Iyon lang ang sasayawin natin. Let’s go.”
Bago pa siya nakahuma ay nagpalakpakan na ang mga tao at nakita niyang nag-bow na si Francois. Mukhang nakarami na ito ng kanta at tumuloy agad sa tabi ng dalawang blondes sa harapan ng stage.
Si Anna na ang nagsalita sa stage. “Wow! I think the girls had a great time with Chef Aklay’s performance. Madalang tayong paunlakan ng chef natin ng kanta kaya maswerte tayo sa gabing ito. But wait, there’s more.”
“More French songs from Chef Aklay?” tanong ng babae sa bandang likuran na kinikilig pa rin sa kay Francois.
“No, but another world class act nonetheless. To give us a taste of culture and romance in Sagada, may we call on Leonard Lizardo and Amira Banal,” anunsiyo ni Anna at inilahad ang palad sa direksyon nila.
Nanlalamig siya habang naglalakad patungo sa stage. She was not actually a performer. Bagamat alam niya ang mga traditional na sayaw ng mga Lambayan at di naman nalalayo ang mga galaw sa iba pang sayaw ng ibang tribo sa Cordillera, di naman siya bihasa sa pagtatanghal sa mga tao. Subalit nakita niya ang naniningkit na mga mata ni Francois sa kanya nang tumayo sila ni Leonard sa stage. Nakita na siya nito. Nandito na siya. Pagbubutihan na lang niya.
Pumuwesto na rin sa entablado ang iba pang Lizardo na sina Michael James, Klein, Arthur at Wolfe para tumugtog ng gangsa. Tumayo sila sa magkabilang bahagi ng entablado ni Leonard habang magkaharap. Sa gilid ng mata niya ay nakikita niya kung paanong tinatangka ng dalawang blonde na kunin ang atensiyon ni Francois. Ngumiti naman ang binata sa dalawa.
I can do this. I can get his attention. At matapos ito, kailangan kong matiyak na di na siya madidikitan ng dalawang blonde na iyan.
Pumikit siya at pinakinggan niya ang pagtunog ng gangsa. Itinapik niya ang paa at nang dumilat siya ay tinanguan siya ni Leonard. Awtomatiko niyang inangat ang hinabing kumot. Humakbang siya kasabay ng pagbagsak ng tunog ng gangsa. Hindi niya inaalis ang tingin kay Leonard. He was giving her such heated looks that could set the room on fire. Alam naman niya na bahagi lang iyon ng pagiging performer nito at kailangan niyang tapatan iyon. Nag-ikutan silang dalawa habang iwinawasiwas ng binata ang hinabing kumot at hinabol naman siya nito. The dance became flirtatious. At binigyan din niya ng malalagkit na tingin ang lalaki. It was fun. Parang isang manliligaw kasi si Leonard na pilit na sinusuyo ang babaeng gusto nito at siya naman ang babaeng pakipot.
Sa huli ay nasilo din siya nito sa kumot. Naghawak ang kamay nila at hinila siya palapit. Humihingal siya nang matapos ang sayaw at halos magkadikit ang mukha nila ni Leonard. Nagpalakpakan ang mga tao at tumayo pa ang iba. Inalalayan siya ng lalaki baywang at nag-bow naman sila. Marami pang nagre-request ng isa pang sayaw. Nadismaya siya nang pagtingin sa kinauupuan ni Francois ay wala na ito.
“Isa pa?” alok ni Leonard sa kanya.
Natawa na lang siya at umiling. “Iyon lang ang baon ko. Baka di ko na kayanin sa susunod.”
Ang gabing iyon ay nauwi sa pagbibigay ng traditional dance sa ilang mga guest. Matapos namang magpakuha ng picture sa ilan sa mga guest ay bumalik na siya sa opisina ng Sanctuary para magbihis. Nag-enjoy siya pero nadismaya siya dahil di rin naman pala effective ang performance niya. Tatanggapin na lang niya na wala siyang panama sa seduction pagdating sa dalawang blondes. At least sinubukan niya. Siya na lang siguro ang kakain ng mulberry jam na para sana kay Francois.
Paglabas ng kuwarto ay nagulat siya nang makita kung sino ang nakatayo sa harap at nakahalukipkip. “F-Francois, nandiyan ka pala,” gulat niyang sabi at luminga. “S-Si Leonard?”
“Umalis na. Dumating kasi ang girlfriend niya at umuwi na sila.”
“Oh!” nausal na lang niya. “Sayang naman…”
“Na may girlfriend na siya?” nakangising tanong ni Francois.
“No. Na hindi ko nakilala ang girlfriend niya.”
“I am sorry to disappoint you, pero kung interesado ka kay Leonard wala ka nang pag-asa sa kanya.”
“I am not interested with Leonard. Nagkakilala lang kaming dalawa sa Sydney dati.”
Kumunot ang noo nito. “Why the courtship dance? Alam mo ba kung anong ibig sabihin no’n?”
Inikot niya ang mga mata. “Francois, nagsayaw lang kami. Walang ibang ibig sabihin iyon. Kung wala ka nang sasabihin sa akin, aalis na ako. Baka hinihintay ka pa ng dalawang blondes na ka-date mo.” Aalis na lang siya doon habang may natitira pa siyang dignidad.
Unti-unting umangat ang gilid ng labi ng binata sa isang sarkastikong ngumiti. “Ah! Nagseselos ka sa dalawang blonde na kasama ko kaya kinuha mo si Leonard para magsayaw ng palakis at nang mapansin kita.”
“What?” bulalas niya. “Francois, guwapo ka sana kundi lang masyadong malaki ang ego mo. Wow! Wow lang. Pagseselosan kita?”
“Bakit naman hindi? Ang sabi sa akin ni Leonard ako daw talaga ang pakay mo sa pagpunta dito. Kaya pinaalis ko sina Aimee at Suzie para naman masolo mo na ako.” Ibinuka nito ang bisig. “And I am yours, mon amour.”
“Ang totoo gusto ko lang ibigay itong mulberry jam sa iyo,” aniya at inabot ang bote ng jam dito bago pa siya mawalan ng lakas ng loob. “Gusto ko lang magpasalamat sa pagboto mo sa akin nang nakaraan.”
“Oh,” anito at binasa ang note. Drat! Nakalimutan pala niyang tanggalin ang note na gawa ni Estephanie para dito. “Okay.”
“Anong okay?” tanong niya.
“Pumapayag na akong makipag-date sa iyo. Let’s go!” anito. Hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya palabas ng bar.
“Ha? M-Magde-date tayo?”
“Oo. Sabi mo sa note mo gusto mong magkasarilinan tayo. Gusto mo akong maka-date bilang pasasalamat sa pagboto ko sa iyo nang nakaraan sa meeting. Sa itsura mo parang ayaw mo na akong i-date,” nakakunot ang noo nitong sabi.
“H-Hindi naman. Nagulat lang ako.”
Di niya alam kung magpapasalamat sa kaibigang si Estephanie o sasabunutan ito sa pagiging intrimitida nito. Di man lang siya binigyan ng warning. Sabagay kung wala naman ang note na iyon, baka after ten years pa niya yayayaing mag-date si Francois. Nawalan na kasi siya ng kompiyansa sa sarili matapos niyang makita ang dalawang blonde na ka-date nito.
“S-Saan pala tayo pupunta?” tanong niya habang isinusuot ang boots niya.
“Sa isang lugar kung saan masosolo mo ako.”
Bigla siyang kinabahan sa sinabi nito at napalunok. She felt that electric charge sizzle around her. Naramdaman din niya iyon kaninang courtship dance pero dahil iyon sa sayaw nila ni Leonard. This one was different. She had a huge battle in her hands tonight. Paanong siya ang kokontrol kay Francois at hindi siya ang makokontrol nito?