Barely Heiresses: Amira Chapter 70

Sa isang kubo sa tabi sila ng Sanctuary pumunta ni Francois. Doon din nito ipina-serve ang in-order nitong cosmic tea para sa kanila. Open ang kubo kaya naman pumapasok ang malamig na hangin.

Maya maya pa ay i-serve na ang tsaa at pagkain nila. Vegetable salad at sweet and sour meatballs ang inorder nito. May red mountain rice din. Parang na-order na nito ang pagkain habang nagbibihis siya kanina.

“That is veggie meat,” anang si Francois at inilapit ang plato ng meatballs sa kanya. “That is my recipe. Subukan mo.” At ipinaglagay siya nito sa plato. “Maganda ang view nito sa umaga. Kitang-kita mo ang parte ng rice terraces na papuntang falls.” Inilahad nito ang kamay sa madilim na gabi.

“Ganoon ba?” aniya at naalala ang bilin ni Estephanie na kailangang ilabas niya ang alindog niya kapag silang dalawa na lang ni Francois. Pasimple niyang hinubad ang coat niya. Di na lang niya pinansin ang lamig ng panahon na nanunuot sa katawan niya nang sa wakas ay nahantad ang red sleeveless dress. At dahil V-shape iyon ay kitang-kita ang cleavage niya. Pati ang cleavage niya ay pinapasok na rin ng lamig. Sabi nga ni Estephanie, tiis ganda lang siya para sa totoong tagumpay. Nandito na siya kaya itotodo na niya. Seduction is power.

“Mas makakapag-usap tayo dito…” anito at lumingon sa kanya. Natigilan ito sa pagsasalita at nakatulala na lang sa kanya, partikular sa cleavage niya.

Tumayo siya at inayos ang coat niya sa likuran ng upuan para mas makita nito ang kabuuan ng damit niya. “Mainit pala dito sa labas,” sabi niya at kunyari ay ipinaypay ang kamay sa sarili. Naramdaman niya ang pagsunod nito ng tingin sa bawat galaw niya. Pero dali-dali naman niyang dinampot ang tasa ng cosmic tea nang umupo para mainitan ang katawan niya. “Ano ulit ang sinasabi mo kanina?”

“Ahhh… kumain ka na. Baka nagutom ka sa pagsasayaw,” nasabi lang nito at tahimik na kumain habang pasimpleng sumusulyap sa kanya. Anong nangyari? Speechless bigla si Francois. Parang hindi yata siya sanay doon.

Napansin niya ang paglunok-lunok nito. Positive or negative sign ba iyon?

“A-As I was saying, g-gusto kong magpasalamat sa p-pagboto mo sa akin nang nakaraan,” sabi niya at pilit na kumain habang pilit na kinokontrol ang panginginig ng katawan niya. “I-It is b-big thing for me. K-Kahit na d-di tayo magkasundo a-at di magaganda ang sinabi ko sa iyo. n-naniwala ka pa r-rin sa ideads ko. S-Salamat.”

Kumunot ang noo nito at tinitigan siyang mabuti. He was not his usual flirty self. Mukhang di maganda ito. “Amira, why don’t you wear your coat? Mukhang nilalamig ka na diyan sa suot mo.”

“A-Ayaw mo sa suot k-ko?” Baka naman galit ito sa red.

“You look good on your dress. Pero kahit naman naka-coat ka, maganda ka pa rin.”

“H-Hindi. O-Okay l-lang talaga ako,” kaila niya habang nangangatog ang ngipin niya. Drat! Bakit di niya makontrol ang panginginig niya?

Biglang tumayo si Francois at pumunta sa likuran niya. Kinuha nito ang coat niya at iniladlad sa harap niya. “Come on. Isuot mo na ang coat mo. Kapag di mo pa ito isinuot, iiwan kitang mag-isa dito. Hindi mo masasabi sa akin ang talagang dapat mong sabihin.”

Nawalan siya ng pagpipilian kundi ang hayaan ito na isuot sa kanya ang coat. She welcomed the heat from the thick fabric. Pakiramdam niya ay dumaloy ulit ang tugo sa katawan niya na kanina ay nagyeyelo na. Nahigit niya ang hininga nang hatakin ni Francois ang lapel ng coat niya para mag-fit sa kanya at isinara nito ang butones. Nag-freeze ang dila niya kahit dapat ay sasabihin niya na siya na lang ang magbubutones dahil kaya naman niya. There was a furnace-like heat eminating from his body. Magkalapit pa lang sila. Di pa siya nito hinahawakan ay damang-dama na niya ang init ng katawan nito. At tumindi pa ang init ng katawan niya nang malanghap ang bango nito – a mixed scent of mint and his masculine scent. May kasama pa yatang spices na dumikit dito dahil sa niluto nito. Heto na naman. Nagwawala na naman ang hormones niya.

“Sit. Eat. Tapos mag-uusap tayo nang masinsinan,” sabi nito at pilit siyang pinaupo. Parang robot naman siya na sunud-sunuran dito.

Tahimik siyang kumain habang nakatutok lang ang mga mata niya sa pagkain. Di niya magawang salubungin ang matiim na titig nito. Pakiramdam niya ay isa siyang teenager na nagpipilit maging dalaga at sexy pero nabigong akitin ang lalaking gusto niya. She felt pathetic! Bakit ba pumayag pa siya sa seduction routine na ito? Francois was a cassanova. He was an expert with women. Mas alam nito ang tungkol sa seduction habang bagito pa lang siya at nagpipilit maging sexy kahit na di naman niya kayang dalhin. He found her out. At sinasabi nito ngayon sa kanya na di gagana ang pang-aakit nito sa kanya. Sa dinami-dami ng pinaggagawa niya para kay Francois, mabibigo rin pala siya.

Di na niya na-enjoy ang masarap na pagkain. Sumusubo na lang siya at ngumunguya kahit na di niya malasahan dahil nakabantay si Francois sa bawat kilos niya. She felt powerless. Kasisimula pa lang ng laban pero taob na siya. Pagdating kay Francois at sa isyu ng Banal Mining ay palagi na lang siyang bigo.

Tinungga niya ang cosmic tea at akmang tatayo. “Salamat sa dinner date. Uuwi na ako.”

“Stay!” utos nito. Wala siyang choice kundi bumalik sa upuan. Pinagsalikop lang niya ang palad habang nakayuko. Mamamatay na talaga siya sa kahihiyan. “Kailangan mong ipaliwanag sa akin ang nangyayari, Amira. What’s with the sexy clothes, the elaborate make up and hair style? Why are you trying to seduce me? Ayokong maniwala na dahil nagising ka na lang kaninang umaga na patay na patay ka sa akin, and you want me for my body. You are not that type of girl. Masyadong mataas ang pride mo.”

“Well, I…” Sasabihin ba niya dito na desperado siya? Na kailangan niyang gamitin ang palpak na feminine power niya para lang makuha ang suporta nito?

Humalukipkip ito. “May kinalaman ba ito sa Banal Mining?”

Marahan siyang tumango. Wala naman siyang choice kundi aminin dito ang totoo. “Yes. I want to get your vote on my proposal.”

“What proposal?” nakataas ang kilay nitong tanong.

“Gusto mo ba talagang malaman ang proposal ko?”

“Of course. Siguro ay istupido ang tingin sa akin ni Papa dahil mas pinili kong maging chef kaysa maging mining engineer pero may naiintindihan ako kahit na papaano.” Ngayon lang niya nalaman na nag-aral pala ng mining engineering ang binata bago naging chef. Inilahad nito ang palad. “So I want to see it.”

“Hindi ko naman sinasabi na istupido ka,” nausal niya at napilitang ilabas ang folder mula sa bag niya. Tahimik na binasa ng binata ang laman ng folder. “That will be the core of my special project that I will present five months from now. Gusto kong i-secure ang mga areas na wala dapat minahan pero nagmimina pa rin ang Banal Mining. Gusto kong paninindigan ng kompanya ang sinasabi nila na walang mining project sa lugar na may tourism at agricultural lands. Hindi totoo iyan sa mga lugar na iyan. Nagbabanta ang laterite flow sa mga bukirin at mako-contaminate ang mga taniman. Wala rin silang maaaning matino kapag nangyari iyon.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.