Barely Heiresses: Amira Chapter 72

“Ano? Hindi mo tatanggapin ang inaalok ni Chef Aklay na mag-date kayo ng limang buwan para pumayag ka sa proposal niya?”

Napangiwi si Amira sa pagsigaw ng kaibigang si Estephanie. Sa tinis ng boses nito ay parang mababasag ang eardrum niya. Inilayo niya ang cellphone sa tainga bago siya tuluyang mabingi. Nasa Masferre’s Café siya nang mga oras na iyon at nagtsa-tsaa.

“Esteph, kumalma ka lang. Magpapaliwanag ako.”

“Tse! Huwag ka nang magpaliwanag. Pumunta ka na lang dito sa bahay para mai-umpog ko ang ulo mo sa pinakamalaking pine tree sa buong Sagada. Hindi ko alam kung nasaan ang utak mo. Nandoon na. Abot mo na ang tagumpay. Ewan ko nga kung bakit mo pa pinag-iisipan. Sana um-oo ka na lang agad. Ano na naman ba ang drama mo?”

Bumagsak ang balikat niya. “Hindi ko yata kaya. Malalagay sa alanganin ang Bataan.”

“E di isuko mo na ang Bataan. Enjoy!”

Naipadyak niya ang isang paa. “Ano ka ba? Seryoso ako. Natatakot ako sa nararamdaman ko sa kanya. Basta nanlalambot ako kapag malapit siya sa akin. Di ako makapag-isip mabuti.”

“Attracted ka nga sa kanya.”

“Paano kung mag-date kami at tuluyan akong ma-in love sa kanya? Ayokong matulad sa nanay ko. Pagdating kay Francois nawawala na lang ako sa sarili. H-Hindi ko na kilala ang sarili ko. Paano kung samantalahin niya ang kahinaan ko? Ano ba? Kung kailan ako tumanda saka pa ako masisira sa lalaki.”

“Amira, kumalma ka lang. Pag-isipan mo muna ang desisyon mo. Sige, what if di ka pumayag sa gusto ni Francois? Anong plano mong gawin sa special project at sa Kanayama?”

“I am just keeping my options open. Ayokong si Francois lang ang matirang option ko. I have a better idea.”

“Ano nga iyang idea mo para mapag-usapan natin?” anang kaibigan niya.

“Basta. Sasabihin ko sa iyo kapag okay na.” Nakita niyang pumasok ng restaurant si Marco, ang tour guide ng kapatid niyang si Ailene. Kinawayan niya ito. “I have to go, Esteph. Mamaya na lang tayo mag-usap.”

“Pero Amira…”

In-off na agad niya ang cellphone para di na siya kulitin pa ng kaibigan na tumawag. Nakangiting dumirekta si Marco sa mesa niya. Mukhang isa ito sa mga locals doon na nakasuot lang ng simpleng white T-shirt na pinatungan ng jacket at pantalong maong saka naka-sneakers. “Hi!” Kinamayan niya ito. “Salamat sa pagpapa-unlak sa imbitasyon ko. I hope hindi ako nakaabala sa iyo.”

“No. I am free today. Wala naman akong trabaho.” Um-order ito ng kape sa waiter. “Bakit mo nga pala ako ipinatawag? Tungkol ba sa operasyon ng Banal Mining dito sa Sagada? Dismayado kaming mga grupo ng tourist guide sa pagpapatuloy ng operasyon. Ayaw namin ng minahan dito.”

“Sa kasamaang-palad, hindi inaprubahan ng board ang proposal ko. Pero gusto kong malaman ninyong lahat na sinubukan kong pigilan sila.”

“Anong ibinoto ni Ailene?” tanong agad ng binata.

“Ano sa palagay mo?” Ito ang kasa-kasama ni Ailene nang nagdaang mga araw. Malamang ay alam na nito ang kalibre ng kapatid niya. Her sister was a city girl and not a nature lover.

Iniwas nito ang tingin sa kanya nang dumating ang kape nito subalit nakita niya ang pagkadismaya sa mga mata nito. “Never mind. Gusto ko lang malaman kung may maitutulong kaming mga guide sa iyo, sabihin mo lang sa akin.”

“Bilang isang guide, naibigay mo na ang lahat ng suportang pwede mong ibigay. But I need more from you.”

Kumunot ang noo ng lalaki at natigil sa paghigop ng kape. “What else do you want from me?”

“I need you to help me out with my upcoming special project proposal. But I need you not as Marco Salinas, the tour guide but as Mr. Jeremiah Elizalde – the CEO of Elizalde Group of Companies.”

Biglang naibaba ni Marco ang tasa sa platito. Nanginginig ang kamay nito kaya naman bahagyang lumigwak ang kape. Dali-dali nitong kinuha ang tissue paper para punasan ang kamay at ang natapong kape sa mesa. “Shit, Amira! Hindi mo ako dapat ginugulat nang ganyan. Paano kung may sakit ako sa puso? Baka inatake na lang ako dito.”

“I am sorry. Pero sa palagay mo ba magpapanggap na lang ako hindi ko alam na ikaw si Jeremiah Elizalde?”

“Shhhh!” saway nito sa kanya at luminga sa paligid. “Baka may makarinig.”

“Well, tayo lang naman ang tao dito.”

He was Jeremiah Elizalde. Nakilala na niya ito dahil nagkikita sila sa mga forum sa Manila at maging sa ibang bansa. Isa ito sa mga benefactor ng Nature’s Keeper at aktibo sa partisipasyon sa pangangalaga sa kalikasan.

Nagtaka na lang sila nang di na ito lumalahok sa mga forum. Di na rin ito nakikita sa mga social events. Naglaho na lang ito na parang bula. Kaya laking gulat na lang niya nang makita ito sa Sagada bilang isang ordinaryong tour guide ni Ailene.

Tumuwid ito ng upo at hinamig ang sarili. “So what can I do for you, Miss Banal?” Seryoso na ang mukha pati ang tono ng boses nito. Wala na ang palangiti at mapaglarong si Marco. Si Jeremiah Elizalde na ang kausap niya.

“Gaya nga ng nasabi ko, kailangan ko ng tulong sa special project na ipe-present ko sa Banal Mining five months mula ngayon.” Inabot niya ang kaparehong presentation na ibinigay niya kay Francois nang nakaraang gabi. “I am planning to propose that Banal Mining stop mining those three areas. And I want to offer alternative projects where the company can earn just the same.”

Tumango-tango si Marco matapos magbasa. “Nice proposal. Unfortunately, hindi ko alam kung paano kita matutulungan dito. Banal Mining is solid. Nalaman mo na siguro iyan nang harapin mo sila nang nakaraan.”

Huminga siya ng malalim. “That’s why I want to shake them from the outside. Kung makakapangampanya ka laban sa minahan at makakakuha ng suporta mula sa private sectors pati na rin sa mga masa, sigurado ako na ikokonsidera nila ang proposal ko. I really badly needed help right now.”

Hinaplos nito ang sariling baba. “I am sorry. But I am on vacation right now. Sa palagay ko ay hindi pa kita matutulungan bilang si Jeremiah Elizalde, Miss Banal. Hindi pa ako makakabalik sa mundong iyon. I hope you understand.”

Mabigat ang kalooban niya nang ibalik nito ang folder sa kanya. “It is okay. At least, sinubukan ko. Huwag kang mag-alala. Wala naman akong plano na sabihin sa ibang tao kung sino ka.”

“Alam ko naman na di ka ganoong klaseng tao. Mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon. Pwede naman akong tumulong sa mga projects ninyo. Pwede kong utusan ang mga staff ko na gawan ng link ang site ninyo para sa mga kampanya ng Nature’s Keeper. Hindi nga lang ako makakapagsalita sa mga tao.”

“Okay lang. Salamat,” aniya at kinamayan ito. “Siguro naman makakahanap pa ako ng ibang paraan.”

“Of course. You still have time, I am sure.”

Sa kasamaang-palad ay wala na siyang masyadong oras para sa susunod pang mga plano niya. Hanggang mamayang gabi na lang ang taning sa kanya ni Francois. Alam naman niya na di niya ito tuluyang matatanggihan. Pero sa ngayon ay ito na ang last option niya. Nakakapanghinayang lang dahil si Jeremiah sana ang pinakamalakas na panlaban niya.

“Come. Para di ka na masyadong malungkot, tumingin na lang tayo ng magagandang postcard sa souvenir shop. May alam akong souvenir shop na sa halip na picture postcards ay sketches ang ibinebenta nila.”

“Wow! That one I must see.” Saka niya na-realize na hindi siya nakakapag-ikot sa Sagada. Maliban sa kumain sa labas o kaya ay puntahan si Estephanie sa bahay nito ay di pa siya masyadong nakakapasyal.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.