IN-ENJOY na lang ni Amira ang sarili sa pamimili ng postcard na may sketches ng mga Igorot sa traditional costume. Mas tama yatang sabihing namakyaw siya para ipadala sa mga kaibigan sa ibang bansa. Gawa iyon ng mga estudyante ng art school ng Sagada na hawak ng mga Lizardo at pino-promote ng naturang souvenir shop para ipakita ang talento ng mga tagadoon.
"Sa palagay mo anong magugustuhan ni Ailene?" tanong ni Marco. Nang lingunin niya ito ay nakatingin ito sa mga woven bags na nakasabit.
"Alayan mo siya ng Prada or Hermes Birkin."
Lumingon ito sa kanya na may malungkot na ngiti sa labi. "Si Marco lang ako, isang hamak na tour guide. I can't offer her those. Ailene is high maintenance. I want a girl who will like me as Marco."
Ipinamaywang niya ang isang kamay. "So, you like my sister."
"She is very beautiful but not my type." Tinaasan niya ito ng kilay. "Okay. I like her but she will like someone like Jeremiah."
"Ewan ko sa iyo. Ang gulo mo,” aniya at umiling na lang. Di niya inaasahan na mag-o-open si Marco sa kanya dahil bilang si Jeremiah ay di naman sila nag-uusap sa mga bagay na personal. Always about the campaigns. Siguro dahil si Marco ito o dahil alam niya ang sekreto nito. Or it must be the Sagadan air. Weird things happened to her when she arrived in Sagada as well.
"She's charming even if she freaks out every once in a while about trivial things. Pero matiyaga siya sa lahat ng pinagagawa sa kanya. Magrereklamo siya pero gagawin pa rin niya. She’s one tough girl," puno ng paghangang sabi nito.
"Just... just don't mess up with my sister."
Nagsalubong ang kilay nito. "Akala ko hindi kayo magkasundo."
"But she is still my sister." One way or another, they are messed up because of what are father did to us. May trust issues siya pagdating sa mga lalaki. "Just do me a favor. Gawin mo ang lahat para ma-appreciate niya ang nature at ang Sagada."
Kung mapapamahal si Ailene sa Sagada at sa kalikasan ay mas madaling makuha ang boto nito.
Tumango lang ito. "So you and Chef Aklay are an item? Nakita daw kayong nag-date sa Sanctuary kagabi."
Tumirik ang mga mata niya. She didn’t expect that she would be put on the spot. "Marco, talaga bang tsismoso ang mga lalaki?"
"Maraming nakakita sa inyo sa Sanctuary.” In short, kalat na kalat na sa buong Sagada na magkasama sila kagabi. Maliit lang ang bayang iyon. Lahat halos ay magkakakilala. “Di naman ako tsismoso. Nagtatanong lang ako."
Natawa na lang siya. "Pasensiya na. Hindi talaga ako ma-showbiz na tao. Basta wala kaming relasyon ni Francois. Bakit ba tayo nauwi sa ganitong usapan?"
"Para may iba akong mai-kwento sa mga customer na itinu-tour ko."
Natawa na naman siya. "Para kang baliw."
Naputol ang masayang usapan nila nang biglang sumingit ang kapatid niyang si Ailene. Magkasalubong ang kilay nito habang papalit-palit ang tingin sa kanila ng binata. Speaking of the witch, the witch is here.
“Anong pinag-uusapan n’yo?” tanong nito sa naninitang tono.
Naningkit ang mga mata niya nang tingnan ang kapatid. “Bakit kailangan mong malaman?” malamig ang boses niyang tanong. Wala man lang “excuse me” o kahit anong pasintabi ang isang ito.
“Dahil tour guide ko ang kausap mo,” anito at kumapit pa sa braso ni Marco. Nagtataka naman itong tiningnan ng binata.
Natigagal na lang siya sa kapatid. Madalas silang magtalo ni Ailene. As a matter of fact, madalas ay impressed siya sa mga hirit nito dahil wala nang tatalas sa matalim nitong dila at kamalditahan. Pero nang mga oras na iyon ay parang hindi siya makapaniwala sa inaasta nito. Pati ba naman pagkausap niya kay Marco ay kompetisyon dito?
“Tour guide mo lang pala, eh,” pakli niya at hindi na lang ito pinatulan. Bumaling si Amira kay Marco. “Thank you sa information, Marco.”
Saka bahagyang inirapan ang mga ito at tumalikod. Bahala na si Marco sa bruha niyang kapatid. There was something… different with the way her sister acted. Malamang sa malamang ay gusto din nito si Marco. Hahayaan na niya ang dalawa.
May mas malaki siyang problema at wala na siyang oras.
PARANG makakalbo si Amira habang tinitingnan ang mga pangalan sa listahan niya. Naroon ang mga lalaki na malalapit ngayon sa kapatid niya at pwede niyang magamit para kumbinsihin ang mga ito na pumanig sa kanya. Why not? She was desperate. Na-realize niya na mas malaki pa rin ang twenty-one percent na pinasama-samang shares niya kaysa sa ten percent ni Francois. Ang kailangan lang niya ay makuha kahit ang apat sa mga kapatid niya para sa majority votes. At kundi niya direktang makukumbinsi ang mga ito, pwede naman niyang magamit ang mga lalaking nakapaligid sa mga ito.
Hindi na niya kailangan pang problemahin si Vera Mae. Madali lang kausapin ang isang iyon. May isang boto na siya.
Kay Ailene naman ay bahala na si Marco dito. Base sa nakita niyang reaksyon ng babae kanina sa tour guide nito, maari niyang makuha si Ailene basta tuloy-tuloy lang ang magandang development ng dalawa.
Pero sino ang isusunod niya? Si Jairus para sa Ate Yumi niya? Hindi naman sila close ng lalaki. At mukhang alanganin pa ang status ng mga ito sa ngayon. Hmmm… X muna si Kuya. Pero pwede kung kakailanganin, baka naman pwede ko pa rin siyang magamit.
Si Attorney Matthew de Guzman na bantay ni Berry. Non-partisan ito at baka maging unethical para sa propesyon nito kung gagamitin niya ito. May kasungitan pa mandin ang isang iyon. Nilagyan niya ng ekis ang pangalan ng lalaki.
Si Kellan, ang bagong “friend” ng kapatid niyang si Mabel. Ekis agad ang inilagay niya. May lumber business ito sa Ireland. Kaya kahit na mukha itong mabait at nakikita niya na gustong-gusto ito ng kapatid niya, di siya nito matutulungan.
Kay Sky naman ay… sino nga ba sa dalawang lalaki sa buhay nito ang lalapitan niya? Sino ba ang mas matimbang - si Pierce na bestfriend ni Sky o si Bram na ex-boyfriend nito? Sino ang dapat niyang kausapin? Pareho ba? Paano kung magkasalungat ang opinyon ng mga ito? Pass na nga muna sa dalawang ito.
Sa wakas ay dumako ang tingin niya sa pangalan ng maggugulay na si Alex para sa kapatid niyang si Eira. Isa ito sa mga supporters ng pagpapatigil ng minahan dahil sa malaking gulayan nito na nanganganib maapektuhan ng minahan. Kung makakausap ng binata si Eira ay makukuha niya ang bunso niyang kapatid. Ito na lang siguro ang una niyang kakausapin. Tapos ay…
Nadismaya siya nang tingnan ang listahan. Si Alex lang ang positive sa listahan niya. Kung isasama pa sina Vera Mae at kung makukuha ni Marco si Ailene, meron na siyang tatlo. Kulang pa siya ng isa para maging majority. Binilugan niya si Jairus. Matapos si Alex ay si Jairus ang isusunod niya. Ang Ate Yumi niya ang pinakamalakas ang impluwensiya sa mga kapatid niya. Kapag nakuha niya ang boto nito ay makukuha din niya ang iba.
“What’s with that list?” biglang tanong ni Francois sa likuran niya.
Dali-dali niyang itinupi ang notepad niya at inilagay sa bag. Masama ang tingin niya nang lingunin ang binata. “You creep! Bakit basta-basta ka na lang sumusulpot sa likuran ko?”
Umupo ito sa bakanteng upuan sa tapat niya. “Sosorpresahin sana kita. But to my surprise, you have a list of men on that paper. Saan mo gagamitin iyan? Pumipili ka ng susunod na ide-date mo?”
“None of your business.”
He drummed his fingers on the table. “Wala kang plano na tanggapin ang offer ko. At kung di ako nagkakamali, plano mong gamitin ang mga lalaking iyan para kumbinsihin ang kapatid mo na kumampi sa iyo.”
“Mas malaki naman ang twenty-one percent kaysa sa ten percent.”
“Pero wala ka pa ring garantiya kung makukuha mo ang suporta nila. It might also piss off your sisters once they find out. Anong garantiya mo na maganda pa rin ang relasyon nila sa mga lalaking iyan matapos ang limang buwan? Baka lalo mong hindi makuha ang boto nila.” Itinuro nito ang sarili. “I am still your best bet.”
“Ayoko ngang makipag-date sa iyo.”
“So what’s wrong with dating me?”