Barely Heiresses: Amira Chapter 74

Huminga ng malalim si Amira. Ang kulit talaga ng isang iyon. Hindi makatanggap ng simpleng “no”. “Di kita mapagkakatiwalaan na hindi gagawa ng kalokohan. Sa loob ng limang buwan, imposibleng di ka gumawa ng paraan para akitin ako.”

“Aha! Natatakot kang maakit sa akin?” nakangisi nitong tanong. “Gusto mo bang sumulat pa tayo ng kontrata para lang matiyak mo na hindi ako gagawa ng kalokohan?” Inilahad nito ang palad. “Sige na. Isulat mo.”

“Anong isusulat ko?” tanong niya pero inilabas naman ang notebook niya. Hindi siya makapaniwala na sinasakyan niya ang kalokohang ito.

“Dating contract. Ilagay mo ang mga kondisyon mo.”

“You can’t touch me,” aniya at isinulat sa papel.

“Amira, wala na tayo sa panahon ni Crisostomo Ibarra. Don’t pull that Noli Me Tangere stunt on me. Touch me not? Come on. You can do something better than that. We are dating. Di ba kita pwedeng alalayan man lang? Paano pala kung may emergency? Hindi pa rin kita pwedeng hawakan?”

She bared her teeth to him. Sa huli ay napilitan din siyang i-cross out iyon. Okay. It was a ridiculous condition.

“Hindi mo ako pwedeng yakapin,” aniya at mariing isinulat iyon.

“Except when you hug me first,” dugtong naman nito.

“Kapal talaga!” nakataas ang mata niyang usal.

“And in case of emergency ulit. Paano kung ma-trap tayo sa isang lugar at may posibilidad na magka-hypothermia tayo? Hindi ka magpapayakap sa akin?”

“Fine.” Nagsulat ulit siya. “Except for survival purposes.”

“Idugtong mo na maliban kapag ikaw ang naunang yumakap sa akin.”

Sumunod na lang siya para matahimik ito. No way! Di na mangyayari na siya ang unang yayakap dito. Asa pa ito. “You can’t kiss me.”

“You always kiss me first, Amira,” he stated with pursed lips. It was supposed to be ridiculous for a grown man to do that, but with Francois, it was sexy.

Nag-init ang buong katawan niya nang maalala kung paano niya itong halikan noon sa lodging house. Magkahalong kilig at kilabot ang naramdaman.

Eee! Di na mauulit iyon!

“Basta hindi mo ako pwedeng halikan,” aniya at gigil na isinulat iyon. “Hindi ka rin pwedeng makipag-sex sa akin.”

“Unless we are married,” dugtong nito.

Gulat niya itong tiningnan. “Excuse me? As if naman magpapakasal tayo sa isa’t isa. Wala akong planong magpakasal at magugunaw muna ang mundo bago ka magpakasal.”

“Paano naman kung pinikot mo ako? Amira, sa ating dalawa ikaw ang hirap na hirap labanan ang atraksyon sa akin. Aminin mo man o hindi, attracted tayo sa isa’t isa. Things like that will eventually happen. Paano kung ikaw ang umakit sa akin? Paano kung i-shotgun wedding mo ako?”

“Ha! Ha! Ha! Hindi nakakaaliw ang joke mo.” Isinulat niya iyon. “Para sa kapanatagan ng loob mo, ilalagay ko dito na hindi kita pwedeng pikutin. Kapag pinilit kitang ipakasal sa akin dahil sa di ko mapigilang pagnanasa sa iyo dahil sinalo mo ang lahat ng kaguwapuhan nang magsabog ng kaguwapuhan ang Diyos…”

Tumikhim ito. “Thanks for the compliment.”

“… automatically ay hindi mo na ako iboboto sa mga eleksiyon ng Banal Mining Corporation. Well, you can still change your mind about it. At kapag lumabag ka naman sa kontrata at nag-take advantage ka sa akin, automatically ay hindi na kita kailangang i-date sa loob ng limang buwan at sa akin din mapupunta ang boto mo sa bawat eleksyon ng Banal Mining Corporation. Maliwanag?”

Iwinaksi lang nito ang kamay. “Oo na. Pirmahan mo na lang kung masaya ka na sa lahat ng kondisyon mo.”

Hindi na niya binasa pa ang kontrata at pinirmahan na lang iyon. Tutal ay siya naman ang nagsulat. Saka niya inabot kay Francois. “Ayan! Pirmahan mo na para matapos na tayo dito.” Para lang matapos na ang kalokohan na iyon.

Nakangiti nitong inabot ang kontrata at saka binasa iyon. Inilahad nito ang palad para sa ballpen at nakaismid niyang inabot dito. Pinasadahan nito ng basa ang kontrata at sa huli ay pumirma. “There! May bisa na ang kontrata natin ngayon. Sa loob ng five months ay magde-date tayo. I will make sure that you won’t regret it.”

Ngayon pa lang ay nagsisisi na siya. Bakit ulit siya pumirma sa kalokohang kontrata na iyon? Ibig sabihin ay effective na silang magde-date? “S-Sandali. Di ba mamaya pa namang alas siyete ang taning mo sa akin? C-Can I take it back…”

Pumalatak si Francois at umiling. “Amira, pumirma ka na. Then you will suddenly chicken out. Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo. I did this contract in good faith. Gusto kong malaman mo na may proteksyon ka mula sa akin. I won’t hug you first, kiss you first nor make love with you. Ano pa bang gusto mo? Ibinigay ko ang lahat ng gusto mo. We will be partners, Amira. Mas gusto ko yatang isipin na ikaw ang hindi nagseseryoso sa atin.”

“Of course, I am serious!”

Iwinagayway nito ang papel. “Saan mo gustong ipa-nortaryo ito – kay Attorney Ferrer o kay Attorney de Guzman? I suppose, you want a lawyer whom you can trust.”

Nag-init ang mukha niya. Ipapa-notarize pa talaga. Seryoso nga ang kumag na ito sa kontrata nila. Pero ipapa-notaryo talaga? Di niya alam kung inaasar lang siya nito o ano. “Kay Attorney Ferrer na lang. Bahala ka na diyan.” Nag-iwan siya ng bayad sa inorder niyang tsaa. Tumayo siya at isinukbit ang bag sa balikat. “Babalik na ako sa mansion. May trabaho pa ako.”

Tumayo na rin ang binata. “Ihahatid na kita.”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Francois, pwede ba? Give me some air. Nakuha mo na ang kontrata mo. Magde-date na tayo. Kahit ibigay mo lang sa akin ang araw na ito para makahinga. Ikaw ang makikita ko for five months. Di ba pwedeng huwag ka munang maging anino ko? Please.”

“Okay. Para naman ma-miss mo ako. I will see you tomorrow.” At ibinuka nito ang bisig.

“Ano iyan?”

“Don’t you want to kiss me to seal the deal?”

Inirapan niya ang binata at naglakad palabas ng Masferre’s Café. Ano ito, sinusuwerte? Five months. Damn too long. Kailangan talaga niya ng mahabang pasensiya at kontrol sa emosyon niya. Francois Mosqueda was destined to wreck her. Mananalo lang siya kung matatagalan niya ang limang buwan nang di tuluyang nai-in love dito.

PINILI ni Amira na itulog na lang ang inis kay Francois dahil di rin naman siya makapag-concentrate sa trabaho niya. Nagbigay lang siya ng instruction sa mga tauhan para sa alternative projects na pwedeng ibigay sa mga tauhan nila kung sakaling ma-cancel ang isang mining project at kung saang negosyo nila pwedeng i-divert ang funds nila.

Paggising niya ay kumakalam na ang sikmura niya. Sa pinto ng kuwarto niya ay may note na imbitasyon sa isang videoke session sa entertainment room. Another bonding session with her sisters. Alas siyete ang simula at mukhang doon na sila magdi-dinner. Alas singko na noon ng hapon. Nalipasan na siya ng gutom dahil nakatulog siya habang oras ng miryenda. Siguro ay kakain na lang siya ng isa o dalawang pirasong wheat bread para lang mawala ang gutom niya. She was looking forward to that videoke session. Kailangan niyang mai-divert ang atensiyon niya palayo kay Francois.

Pero pagdating sa kusina ay sumama agad ang mood niya nang makita kung sino ang nagluluto doon. “Anong ginagawa mo dito, Francois? Hindi ba sabi ko sa iyo na ayoko muna kitang makita?”

“Amira, nandito siya para ipagluto tayo ng pulutan natin sa videoke session,” anang si Sky. “Gusto ko na maging perfect ang bonding natin. Kaya nga gusto kong tiyakin na okay ang lahat. Tutulong din ako sa pagluluto…”

“S-Sky, ako na lang ang titiyak na okay dito sa kusina, ha?” maagap niyang sabi sa kapatid bago pa ito may mahawakan na kahit ano. Mahirap nang makadisgrasya ito sa kusina. Baka masugatan na naman ito o makasugat o kaya ay sunugin nito ang buong mansion sa pagka-accident prone nito. “Bakit hindi ka mag-relax sa kuwarto mo? Matulog ka muna.”

“O-Okay lang ba talaga na iwan kita dito? Ako dapat ang namamahala dito,” nag-aalinlangan nitong sabi.

“It is okay, Sky. We got it covered. Gusto talaga akong masolo ni Amira.”

Napilitan siyang tumango habang maasim ang ngiti kay Sky. Humanda si Francois mamaya kapag silang dalawa na lang. “O-Okay. Parang ako pa yata ang nakakaabala sa inyo,” anang si Sky at naglakad palayo.

Nawala ang ngiti niya nang harapin si Francois. “Pasalamat ka dahil takot akong magliyab itong kusina. Kung hindi kanina ka pa tinamaan sa akin.”

“Gutom ka lang kaya masungit ka.” At inilapag na lang nito sa harap ang sandwich. “Veggie salad sandwich. Wheat bread iyan. Mawawala ang init ng ulo mo kapag natikman mo iyan. Saka hintayin mo ang basil tea. Nagpa-brew na ako.”

That shut her up. Hindi pinapatulan ni Francois ang bugnot niya. Tapos ay inainan pa siya nito ng pagkain. Pahiya din siya dahil hindi naman pala ito pumunta doon para kulitin siya.

“Thank you,” nausal na lang niya.

“Ipapa-serve ko sa labas? Baka ayaw mong makita ang mukha ko,” sabi nito.

Umiling siya. “No. Dito lang ako. Makita pa ni Sky na wala ako dito para mag-monitor at magpunong-abala na naman iyon. Mahirap na. Baka madisgrasya itong kusina.”

“Okay. Hindi na kita aabalahin sa pagkain mo,” anito at binalikan na ang niluluto.

Ngayon lang niya ito naobserbahan kung paano magtrabaho. He was graceful in kitchen. Mistula itong isang mananayaw sa entablado. Punong-puno ito ng kompiyansa at napaka-seryoso. The kitchen was his kingdom. Ibang-iba ito kumpara kapag nasa boardroom nito na parang tamad na tamad ito. In the kitchen, he commanded respect. At nakikita niya ang passion nito sa pagluluto. Kung paanong kaliit-liitang detalye, paghihiwa, presentasyon at ang saktong lasa ng pagkain ay nasa kontrol nito at binubusisi.

“Ma’am Amira, kinse minuto bago mag-alas sais na po. Baka po ma-late na kayo sa videoke ninyong magkakapatid. Mag-aayos pa po kayo,” untag sa kanya ni Manang Rosa.

“Ganoon ba?” aniya at puno ng pag-aalinlangang nilingon si Francois na nakakunot ang noo habang inaayos ang buffalo wings sa plato.

“Aalis na ako. Thank you sa pagkain at sa basil tea,” aniya at kumaway pa sa direksyon ng binata.

Inangat nito ang tingin at ngumiti sa kanya. “Welcome,” anito at bumalik ulit sa trabaho.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.