Barely Heiresses: Amira Chapter 75

Okay naman pala ito kapag di siya masyadong aakitin at aasarin. At basta magluluto lang ito at hahainan siya ng pagkain kapag mainit ang ulo niya dito ay wala siyang problema. Di niya maiwasang ngumiti nang maisip ang mga ihahain na pagkain para sa videoke session.

Saktong six-thirty ay pumasok siya sa entertainment room. Nauna pang dumating sa kanya ang ibang mga kapatid. Mukhang excited ang mga ito na mag-videoke. Kanya-kanyang pili na ng kanta ang mga kapatid niya habang siya ay nasiyahan na mamapak ng chips at buffalo wings. Si Sky bilang hostess ang siyang naunang kumanta. Bumirit ito ng I will Survive at nagawa nitong hilahin ang mga kapatid na sina Vera Mae at Yumi para mag-back up dancer dito.

Si Berry naman ang bumangka at puro novelty songs ang binanatan nito. Naaliw siyang panoorin ang pagkanta ng kapatid dahil feel na feel nito ang kanta. Aaminin niya na fan siya ng sarili niyang boses. But it was good to see her sisters having fun. Hindi killjoy kahit pa ang mga Ate Vera Mae niya at Ate Yumi na mukhang sosyal. Kahit may sumasablay sa tono ay bigay na bigay pa rin.

“Para mas masaya, pataasan tayo ng score! Pag mababa ang score, iinom ng wine o kaya pipitikin sa mata at ngala-ngala!” pabirong pahayag ni Sky.

“Hindi ka naman sadista niyan ha, Sky? Lalong hindi kakanta si Yumi niyan,” natatawang sabi ni Ate Vera Mae.

“Kakanta din si Ate Yumi, kung hindi sasabihin natin kay Kuya Jairus ang secret niya na in love pa rin siya kay Kuya Jairus,” tukso ni Eira.

In a way, masaya siya na di niya ginamit ang mga lalaki sa buhay ng mga kapatid niya para kumbinsihin ang mga ito na pumanig sa kanya. Ayaw niyang mahalo sa isyu ng pag-ibig ng mga ito. At natitiyak niya na ang mga malulungkot na mata ng ilan sa mga kapatid niya ay dahil sa pag-ibig. Oh, well! Bibira na lang siya ng kain. Tomorrow is another day. Ayaw na niyang isipin kung saan siya kakaladkarin ni Francois para sa date nila.

Matapos kumanta ni Ailene ay nagulat na lang siya nang makitang nasa harpa niya ito at binigyan siya ng naghahamong tingin. Kanina pang pagpasok niya sa entertainment room pailalim ang tingin nito at sigurado siya na may kinalaman iyon kay Marco.

“Too scared to beat that?” ani Ailene kay Amira sabay turo sa score nitong ninety.

Tipid na ngumiti lang si Amira. Naman! Siya pa ang hinamon nito sa videoke. Di ba nito alam na tirador siya ng high score. Kinuha ang mikropono mula dito at isinalang ang “All I Ask of You” na soundtrack ng Phantom of the Opera. At ngumisi siya nang makitang ninety-three ang score niya.

Umingos si Ailene. “Tsamba!”

“Warm up pa lang iyan,” nakangisi niyang sabi at pinindot ang mga pamatay niyang kanta nina Debbie Gibson at Tiffany. Parehong ninety-five ang score at iniwan niyang nakanganga ang mga kapatid niya matapos ang Lost In Your Eyes.

“You were saying?” she said with a smug look on her face.

Nakita niya ang panggigigil ni Ailene. Akmang tumayo ito para kunin ulit ang mikropono sa kanya at bawiin ang nawala nitong karangalan. Gusto niyang humalakhak nang malakas para asarin pa ito lalo kundi lang sinaway sila ni Vera Mae. “Bawal ang iringan ngayong gabi, okay? Let’s just have fun!”

“Ikaw naman, Mabel, bawal ang tahimik ngayong gabi. Bubuhusan ng Zonrox ang damit ng mga tahimik,” biro ni Sky kay Mabel.

“Excuse me. Pupunta lang ako sa restroom,” anang si Ailene at taas-noo na lumabas. Ang totoo ay gusto niya itong makausap tungkol kay Marco pero huwag na lang. Baka makahalata pa ito na may alam silang sekreto ng lalaki. Mahirap na. Lalo lang topakin ang kapatid niya.

“Okay lang ba kayo ni Ate Ailene?” tanong ni Eira.

“Kelan ba naman kami naging okay? Normal na sa amin iyon,” pakli niya at kumain na lang ulit habang pinakikinggan ang pag-e-emote ng kapatid na si Mabel. Isa pa itong may pinagdadaanan sa buhay. Naku! Oras na malaman niya na may kinalaman ang Kellan na iyon ay puputulin niya ang timber nito sa katawan.

“Huwag naman ganoon, sister. Bad iyon,” narinig niyang wika ni Vera Mae.

“Ano iyon?” tanong niya at nilingon ang kapatid.

“Hayaan mo na ang timber ni Kellan. Sayang ang lahi.”

Napanganga na lang siya dahil narinig pala ng kapatid ang sinabi niya. Akala niya ay sa isip lang niya iyon sinabi. “I… Wala lang talaga akong tiwala sa Kellan na iyon.”

“Yes, I know you care. Pero matanda na si Mabel. Masyado siyang sheltered pero di siya habambuhay na mapoprotektahan ng mga tao sa paligid niya. Let her solve her own problem. Sa pagkakakilala ko naman kay Kellan ay mabuti siyang tao. Minsan kailangan nating maranasan ang mga pagsubok para maging mas matatag. At kailangan mo ring masaktan para kapag masaya ka na, mananamnam mo. Pero bakit mas marami ang sakit?” mapait nitong sabi at tumungga ng margarita. Sabay bigla itong tumawa at itinaas ang baso ng margarita. “Pero okay lang iyan. Happy lang tayo dapat. Nandito tayo para magsaya. Wine?”

Tumanggi siya. Di siya tumikim ng alak dahil ayaw niyang idaan doon ang problema niya. Mukhang malala na ito. May problema din kaya ang Ate Vera Mae niya? May kinalaman ba doon ang tsismosong fruits and vegetable dealer na si Brian? Sakit talaga sa ulo ang mga lalaki.

Nagulat siya nang lumapit sa kanya si Ailene. Akala niya ay hahamunin na naman siya nito ng kantahan pero baka sa pagkakataong ito ay song and dance number na para makabawi sa kanya. Hanggang traditional dance lang ang alam niya. Wala siyang talent pagdating sa modern dance. Matatalo siya doon.

Pero nagulat siya dahil bahagya pa itong nakangiti sa kanya. Hindi sarkastiko. Mukhang totoong masaya ito. Lasing na ba ito? “Amira, tawag ka ni Lover Boy.”

“Lover Boy?” sabay-sabay na tanong ng mga kapatid niya at lumingon sa kanya.

Kinuha ni Ailene ang mikropono kay Eira at nagsalita. “Sisters, pwede daw bang hiramin ni Chef Aklay si Amira dahil pag-uusapan nila ang date nila bukas? Palakpakan naman diyan. Magde-date sila!”

Tumayo si Berry at pumalakpak. “Lits gib dem a sirkol op a floss.” At nakipalakpak din ang iba.

“Buti pa siya mukhang masaya,” anang si Sky na mukhang sumama naman lalo ang mood.

Naiiling na lang niyang iniwan ang mga kapatid. Pinuntahan niya sa sala si Francois na nakatayo sa harap ng fireplace. Nakangiti itong humarap sa kanya. “Hi! Magpapaalam lang ako. Uuwi na ako bukas. At ire-remind lang kita…”

“Sa date natin bukas?” aniya at humalukipkip. “Di ko makakalimutan iyon dahil in-announce na ni Ailene sa lahat ng kapatid namin.”

“Sorry. Di ko naman talaga ia-announce iyon. Kaso tinanong niya ako kanina kung sa palagay niya may interes ka kay Marco. E mukhang mainit ang ulo niya kaya sinabi ko na huwag siyang mag-alala dahil magde-date tayo bukas. Sana hindi na siya masyadong inis sa iyo.”

“Hindi na nga masyado. Medyo ngumiti pa nga sa akin.”

“Siguro naman additional pogi points na iyon sa akin kapag kinailangan ko ang boto niya,” nakangiti nitong sabi.

“Salamat. Hindi pa man sinisimulan mo na akong tulungan. Sorry pala kung medyo nasungitan kita kanina. Kagigising ko lang kasi,” aniya at kinagat ang pang-ibabang labi.

“It is okay. So I will see you tomorrow morning? Around eight is okay?”

Tumango siya. “Sure. Goodnight,” aniya at nakangiti itong ihinatid ng tanaw hanggang umalis na ang sasakyan nito.

For some reason, magaan ang loob niya nang bumalik sa entertainment room. Mukhang gustong patunayan ni Francois na worth it ang pagpili niya dito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.