Barely Heiresses: Amira Chapter 76

Amira, sori d n kita naipghanda ng agahan. Tinanghali ako ng gising. Sabagay si Aklay na magppkain sa iyo. Enjoy your day - Ate Yumi

Amira, tinanghali ako ng gising. Ok lng b ang damit mo para sa date nyo ni Chef Aklay? - Mabel

I hope ur outfit is not baduy today. Wat a shame pag binalik ka ni Chef sa amin – Ailene

Akin n lng twit bred mo. Ewan ko bkt mo knakain ito. Gawa ito sa ibon. Di ba beigetaboltaryan ka? Pkasaya kyo ni Tsef – Berry

Di maiwasang mangiti ni Amira habang binabasa ang text messages ng mga kapatid niya. Di na siya naabutang gising ng mga ito dahil tulog pa ang mga ito nang sunduin siya ni Francois sa mansiyon. Nakainom ang mga kapatid niya at ang iba naman ay lasing na lasing. May dumadrama na nga habang nagvi-videoke dahil sa kalasingan. Pero may mabuti ring naidulot ang videoke na iyon. Sa wakas ay natuklasan ng kapatid niyang si Sky kung sino ang totoong mahal nito. Wala man siyang nai-offer na love advice dito, kahit paano ay nandoon siya sa tabi nito.

“Nangingiti ka diyan. Okay ka lang?” tanong ni Francois sa kanya na nagmamaneho.

“Nakangiti nga e. Natural okay lang ako.”

“Naisip ko lang baka lasing ka pa o lutang.”

“Natatawa lang kasi ako sa text ng mga kapatid ko. Parang mas excited pa sila sa date natin kaysa sa akin,” sabi niya at nilingon ito.

“Boto sila sa akin para sa iyo,” tukso ng binata.

“Kung alam lang nila na hanggang limang buwan lang itong date natin.”

“Yeah, right. Kapag nasimsim mo na ang lahat ng bango ko, iiwan mo na lang akong luhaan. Ganyan kayong mga babae.”

“Naku, Francois! Matagal ka nang walang bango sa dami ng babaeng nakasimsim sa iyo. Saka imposibleng may babaeng makapagpaiyak sa iyo. Come on. You are an expert with women. Hindi mo isusugal ang puso mo sa isang babae.”

Balewala lang dito ang pagtukso-tukso sa kanya o ang limang buwan nilang pagde-date. It was all a silly game for him. Isang laro na lagi itong panalo.

“Amira, kahit ano pang sabihin mo tao rin ako. May damdamin. May mga taong akala mo masayahin o kaya laro lang ang buhay pero may mga masasakit na bahagi ng pagkatao na itinatago. What you see is just the surface. Sa loob ay marami silang pinagdaanan at maraming sugat,” seryoso nitong sabi.

“Ganoon ka rin ba? Nabigo ka na ba o nasaktan dahil sa isang babae?” tanong niya dito.

She was suddenly curious about him. Para kasi sa kanya ay black and white ang lahat. Matino kang lalaki o hindi. Manloloko ka o ikaw ang niloko. Ngayon lang niya naiisip na baka may gray area. Na baka ang masayahing tulad ni Francois ay may iba ring pinagdadaanan.

Bigla na lang itong tumawa. “Mukha ba akong masasaktan ng babae? O! Nandito na pala tayo.”

Saka niya napansin na di na gaanong mapuno ang bahaging iyon ng Sagada. May mga kasunod din silang ten-wheeler truck at may nakasalubong din sila na mga truck na may hakot-hakot na lupa. Saka niya nakita ang karatulang kahoy na may arrow at nakalagay na Banal Mining Corporation Mining Project This Way.

Bigla niyang hinawakan nang mahigpit ang seatbelt niya. “P-Pupunta tayo sa mismong mining site?”

“Yes. Ngayong bumalik na ang operasyon nila sa normal, mas magandang maobserbahan mo sila. Malaman mo ang mga nangyayari sa site at malaman mo rin ang sentimyento ng mga trabahador. Mas makakagawa ka ng magandang project para sa kompanya kung makikilala mo silang mabuti at makita mong mabuti kung anong nangyayari sa operasyon. Sa opisina ka lang kasi ng Banal Mining nakapag-tour at hindi sa mismong site. This is a surprise visit. Hindi nila alam na dadating tayo.”

“Ano pa nga bang magagawa ko? Nandito na tayo.”

Ihinanda na lang niya ang sarili habang papasok ng site. Sinalubong sila ng project engineer na siyang head ng proyekto na si Engineer Dacer. “Sir, Ma’am, nagulat naman po kami. Bakit po pala bigla kayong napadalaw?” anito nang kamayan sila. Naging alanganin ang ngiti nito nang tumingin sa kanya. “M-May problema po ba?”

Parang kapag naririnig ng mga ito ang pangalan niya ay iniisip agad ng mga ito na problema ang dala niya.

"No. Gusto lang niyang mag-tour dito sa site," anang si Francois.

"Wala pong problema. Maganda po kung magsusuot tayo ng hard hat at protective gear."

So this was their date. Weird. It was far from romantic.

They were starting to clear the area. Maalikabok ang lugar na iyon. Natitiyak niya na dating mapuno ang lugar na iyon subalit kailangang putulin para lang magbigay-daan sa minahan. Hinuhukay na rin ang lupa at hindi siya makahinga ang malaking bahagi na natapyas sa bundok. May infrastructures na rin na itinatayo sa ibabaw ng bundok para marahil suportahan ang underground operation.

“How big is this area?” tanong ni Amira at iginala ang paningin.

“Fifty-hectares. Mas maliit kumpara sa ibang minahan gaya ng Lambayan. We use underground block caving. Sa ilalim ng lupa kami humuhukay dahil bukod sa less destructive ito sa kalikasan kumpara sa open-pit mining. ay mas marami rin kaming makukuhang mineral sa ilalim.” Pinigilan ni Amira ang pagtaas ng kilay pati na rin ang kontrahin ang sinabi nito at isa-isahin dito ang risk ng naturang minahan. Hinayaan lang niya itong magpatuloy sa pagpapaliwanag. “Ang ore dito ay ipinapadala namin sa Japan para sa smelting. May tatlo po kaming tailing ponds para sa mga tailing deposits.”

"Ano ang lugar na ito dati?" tanong niya.

"Lupain po ito ng mga Mosqueda na dating taniman. Dahil na rin sa natuklasang high grade gold sa property na ito kaya nagdesisyon ang mga lolo ni Sir Francois na ipamina ito. At dahil doon ay naging bahagi sila ng Banal Mining Corporation. May isandaang ektarya din po ang property na ito."

"I see," aniya at nilingon si Francois na nakasunod sa kanya.

Kaya naman pala nagngingitngit si Romualdo nang tutulan ni Francois ang pagpapatuloy ng pagmimina sa Sagada. Lupain iyon ng mga Mosqueda at tiyak na nakakakuha ng royalty ang mga ito doon. At sa halip na sundan ang yapak ay laging sinasalungat ng binata ang ama.

"Hindi ba sila nag-aalala na pagdating ng tag-ulan ay magka-landslide dito o kaya ay makaapekto sa mga bukirin kapag nagkaroon ng spill? How about the manmade earthquakes created by blasting?" tanong niya nang hindi nakatiis.

Biglang hinawakan ni Francois ang kamay niya at pinisil. "Amira..." anito sa nananaway na boses.

"What? It is just a simple question."

"Ma'am Amira, naiintindihan po namin ang apprehension ninyo sa operasyong ito. Di po namin kontrolado ang maaring mangyari sa kalikasan. Ang matitiyak ko lang po ipinapaliwanag po namin sa mga tauhan namin kung gaano kahalaga ang pagsunod nila sa mga patakaran at tiyakin nilang maayos ang trabaho nila. Isang mali lang ay maaring magpahamak sa kanila at sa buhay ng marami. Iyon po ang iniingatan namin."

Ipinakita sa kanya ang plano ng minahan. Kung anong area ang iki-clear at ang paglalagyan ng mine tailings. Magpapatayo din daw ng bahayan para sa mga trabahador at clinic. So far, mukhang maayos naman ang operasyon. Napansin din niya na masaya ang mga trabahador habang nagtatrabaho. Mukhang inspirado. They had that positive aura. Ganoon ang aura ng iba pang trabahador ng Banal Mining noong nasa La Trinidad siya.

"Saan pala sila kumakain? O kanya-kanya sila ng baon?"

"Dapat ay may tagaluto kami ngayon pero may sakit. Sagot ng kompanya ang pagpapakain sa kanila. Kaso problemado kami dahil di namin alam kung sino muna ang pwedeng magluto para sa amin. Baka kung anong kalabasan. Malayo pa mandin kami sa bayan. Wala po kaming mabibilhan."

"Pwede naman akong magluto," prisinta ni Francois. "Tutulungan na lang ako ni Amira."

"A-Ako?" tanong niya at itinuro ang sarili. Ano naman ang malay niya diyan?

Binigyan siya ng binata ng ngiti na nagsasabing wala na siyang magagawa. Na parang kailangan niyang gawin iyon para sa bayan. "Of course. Huwag ka nang mahiya."

"Naku! Matutuwa po ang mga tauhan natin kapag nalaman nilang sina Chef Aklay at Ma'am Amira pa ang nagluto para sa amin. Dito po tayo."

IT was a bit surreal. Hindi makapaniwala si Amira na siya pa ang magpapakain sa may limampung mga tauhan sa minahan. Samantalang ilang araw lang ang nakakaraan ay tinutulan niya ang pagpapatuloy ng operasyon doon.

Nasa nursery sila ng mining site at namimitas ng gulay ni Francois. He was singing this French love song, at least it was a love song with all the amour coming from his mouth. At kung mamitas ito ng mga sitaw at iba pang gulay ay akala mo bulaklak ang pinipitas nito.

She would have appreciated his serenade if not for the scenario she was into. Hindi niya alam kung bakit sa Banal Mining pa siya idinala ni Francois para sa unang araw ng date nila. Date? Is this his idea of a date?

“Tapos ka na bang mamitas diyan?” tanong nito sa kanya at nilingon siya sa may taniman ng talong.

“Malapit na,” sabi niya at inilagay sa basket ang talong. Marami-rami na iyon. Beinte piraso na rin ang naani niya. Pandagdag na lang daw iyon sa iluluto ni Francois. Nakahanda na daw kasi ang ibang ingredients at tagaluto na lang ang kulang.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.