Barely Heiresses: Amira Chapter 77

“Maganda dito, hindi ba?” tanong nito at inilahad ang palad.

“Saan?” tanong naman niya at luminga sa paligid.

“Itong nursery. Parte ito ng gulayan ng lola ko dati pa. Noong bata ako, may tanim pang mga spices dito at herbs. Maliit lang ang lupa namin sa Paris noon para sa taniman ni Mama at ganoon din sa Baguio. Di tulad dito na malawak ang lupa. Marami siyang naitatanim. Too bad, kailangang isuko ng pamilya namin ang lupang ito nang malugi sa negosyo nila Lolo. Bad investment,” kaswal na paliwanag ng binata at kiming ngumiti. “Fifteen lang ako noon nang maisip ni Lolo na mas magandang makisosyo na lang sila ni Papa sa minahan. Then they decided that I must take up mining engineering.”

“And you didn’t like it?” tanong niya.

“It was okay,” anito at nagkibit-balikat. “Pumapasa naman ako kahit paano. Hindi iyon ang tipo ng kurso na minahal ko. Mas gusto ng kamay ko na magtanim ng gulay kahit saan na may lupa, anihin iyon at iluto. I love the scent of the market and the fresh produce. Nae-enjoy ko na gumawa ng magagandang bagay from scratch. Kaya kapag pumupunta ako dito sa site, masaya ako na pumunta dito sa nursery.”

“Akala ko puro mga puno para sa reforestration lang ang nandito.”

“May gulay din at fruit bearing trees. May herbal plants din. Kaya may napapakinabang din ang mga trabahador dito at mga bantay. Nakakatuwa, di ba?”

Hindi alam ni Amira kung ano ang dapat na maramdaman. Para sa kanya ay isang malaking joke itong ginagawa ng binata. Pero sasakyan muna niya ito sa ngayon. Wala naman siyang magagawa dahil nandito na siya. Ie-enjoy na lang niya itong date na ito. Yeah! She was sarcastic about it.

Maya maya pa ay masakit na ang mata niya dahil sa usok mula sa niluluto ni Francois. De–kahoy lang ang lutuan kaya mausok. Uubo-ubo tuloy siya habang naghihiwa ng gulay. Inaasahan niya na magrereklamo ito dahil mas sanay ito sa magluto sa magandang kusina bilang isang magaling na chef. Pero na-realize niya na ang isang magaling na chef ay hindi base lang sa magandang kalan o magandang kusina. Fired up pa rin ito at hindi man lang alintana kung mainit magluto sa harap ng kawa. Katulong nila ang dalawa sa mga trabahador doon.

“Ma’am, ako na po ang bahala diyan,” anang trabahador na si Roger. “Nakakahiya naman po na kayo pang anak ni Don Alfonso ang nagsisilbi sa amin. Wala pa naman pong Banal na nagsilbi sa amin dati. Ang totoo po limang taon na po ako sa Banal Mining. Sa Surigao po ako dati pero nang makapag-asawa po ako ng tagadito at nagbukas ang minahan dito, lumipat na po ako.”

“Ganoon ba?” aniya at pilit na ngumit. “Hindi naman talaga ako ang nagluluto. Nakikihiwa lang ako. Si Chef Aklay talaga ang gustong ipagluto kayo.”

“Pareho na rin po iyon. Nahihiya lang po kami dahil simpleng trabahador lang kami pero kayo pa ang nagsisilbi sa amin.”

“Huwag ninyong isipin na Banal ako. Kung tutuusin pareho lang naman tayong empleyado dito,” sabi na lang niya para hindi ito mailang sa kanya. Si Roger lang ay may lakas ng loob na kausapin siya dahil ang ibang tauhan ay mukhang ilag pa rin sa kanya. “Pakidala na ang sitaw kay Chef Aklay. Kailangan na niya iyan.”

Nang makaluto na si Francois ay tumulong din siya sa paghahain. “Okay lang ba sa iyo na dito na kumain?” tanong ng binata nang sabayan siya na maghugas ng kamay sa gripo. “Baka mas gusto mo sa bayan.”

Nagkibit-balikat siya. “Wala namang problema sa akin kahit saan ako kumain. Saka gusto ko ring matikman ang luto mo. Tingnan ko nga kung magaling ka talagang magluto.”

“Suit yourself. Huwag mo akong sisisihin kapag na-in love ka.”

Inikutan lang niya ito ng mata. Kasalo din nila ang ibang mga trabahador. Nang ipakita niya na wala siyang arte sa pagkain nang nakakamay at hindi siya mapili sa ulam ay nakita niya ang kasiyahan sa mukha ng mga ito.

Lumambot ang puso niya sa mga tauhan niya. May kanya-kanyang kwento ang mga ito kung bakit mahalaga ang trabaho sa minahan. Kumpara nga naman sa ibang trabaho na kailangan ay may natapos pero mababa ang sweldo, mas competitive ang sweldo sa minahan at may benefits pa. Kaya naman mukhang masaya ang mga tauhan na magtrabaho doon. Inaalagaan ng Banal Mining ang mga ito. Ngayon niya mas nakita ang dahilan kung bakit ibinoto ng mga kapatid niya ang pagpapatuloy ng minahan. Dahil sa mga empleyado nila na may binubuhay na pamilya at may kanya-kanyang pangarap sa buhay.

Tahimik siya nang umalis na sila ni Francois sa mining site. Manaka-naka siya nitong nililingon dahil parang tinatantiya pa nito ang mood niya. “Are you okay?”

Tumango siya at nilingon ito. “Yeah! Napagod lang ako. Oras na kasi ng siesta. Nakakaantok talaga dahil malamig ang hangin. Isa pa, napagod din ako sa paghihiwa. Mahirap palang magluto para sa limampung tao.”

“Galit ka ba dahil isinama kita sa mining site?”

“Di naman galit. Parang naiinis lang ako. I was expecting too damn much on our first date,” aniya at nginisihan ito. “Come on. A mining site? How romantic is that?”

“Priority mo ang trabaho mo. Naisip ko lang na kung magde-develop ka ng special project, kailangang aktuwal mong makita kung ano ang nangyayari sa minahan. Kung ano ang kondisyon ng mga trabahante doon at kung ano ang totoong niloloob nila. At the same time, gusto kong makilala ka rin nila para malaman naman nila na di ka kontrabida gaya ng iniisip ng iba.”

Magaan siyang tumawa. “They must have thought that I am a witch.”

“Aba! Kung ganyan naman kaganda ang mangkukulam magpapakulam na ako. I think you bewitched them, Amira. Masaya sila na ipinakita mong di ka iba sa kanila. Kita mo naman ikaw pa ang nagluto para sa kanila.”

Pinisil niya ang balikat nito. “Thanks to you. Ang totoo hindi ko naintindihan ang ginagawa mo kanina pero ngayon nagpapasalamat ako. Marami akong nalaman tungkol sa mga minero at sa pamamalakad ng Banal Mining.”

“Anong nalaman mo?”

“Na sinisikap ng Banal Mining na sumunod sa international safety standards. Inaalagaan din nila ang mga tauhan nila. You see, I always lived on the other side of the fence. Nakita ko ang masamang epekto ng minahan. Naging biktima kaming mag-ina bago pa man ako ipanganak. Kinamumuhian ko ang Banal Mining at ang lahat ng bumubuo dito. Di ko maintindihan dati kung bakit parang masaya ang mga tao na magsilbi para sa kompanya na iyan samantalang may ginawa silang kalokohan na sumira sa tribo ng nanay ko. At pakiramdam ko hanggang ngayon hindi pa rin iyon nabibigyan ng katarungan. Na kailangan ko pa ring ipaglaban para bawiin ang pagkatao ko na nasira ng ama ko at ng Banal Mining.”

“I am sure your father paid for it dearly, Amira. Hanggang ngayon hindi ka pa rin niya nakikilala. Hindi niya nalaman na may isa siyang anak na maipagmamalaki. Kung magigising lang siya…”

Itiningin niya ang mga mata sa harap ng sasakyan. “Ewan ko kung gusto kong magkakilala kami kapag nagising siya. Nagbabago ang pananaw ko sa Banal Mining sa isang banda at sa mga tauhan nito pero hindi mababago ang pananaw ko kay Alfie Banal. Habambuhay nang mananatili ang sugat sa ginawa niya.”

“Kung may magagawa lang sana ako para maghilom ang sugat na nasa puso mo.”

“Meron. I want to get an approval on my special project which I will present five months from now.”

Sa ganoong paraan ay mapoprotektahan niya ang Kanayama. Mapapatunayan niyang hindi na siya isang sumpa. Mababawi na niya sa wakas ang pagkatao niya.

“We will get there, Amira. We will get there. For now, just enjoy my presence into your life. How about another date on Thursday?”

“Sure!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.