Barely Heiresses: Amira Chapter 78

"Hindi ba mahigpit ang belt sa iyo? Baka di ka na makahinga,” anang si Mabel at in-adjust ang belt na ginawa nito sa dress niya.

"Eksakto lang. Salamat, Mabel. I love the colors."

Gawa ang belt sa pinaghalo-halong beads at semi-precious stone. Parang di iyon bagay sa isang ordinaryong araw lang. Maging ang maxi dress na suot niya ay si Mabel din ang nagbigay. Napansin niya na puyat pa ito dahil tinapos ang belt niya. Her sister was really good. At nakakatuwa na pinaghirapan pa nito ang isusuot niya sa araw na iyon kahit di naman niya hinihingi. Sorpresa daw iyon.

Pumalakpak si Yumi na nasa silid. “Ang galing naman ni Mabel. Basta tatawag ka kung male-late ka ng uwi, Amira.”

"Ate Yumi, hayaan mo sila ni Tsef Aklay. Date lang sila nang date at nang maging masaya si Tsef at dalhan ulit tayo ng tsibog,” namumuwalang sabi ni Berry at itinaas pa ang Danish bread na si Francois ang nag-bake at ipinadala sa kanilang magkakapatid nang umagang iyon.

"Berry, don't talk when your mouth is full,” nakangiting paalala ni Vera Mae sa parte ng leksyon nito para maging “real classy lady”.

"Ano daw?" tanong ni Berry kay Eira.

"Wag ka na daw magsalita pag may laman ang bibig, Ate Berry. Nguyain mo muna at saka na magsalita,” paliwanag ni Eira na sinunod naman ni Berry.

Di niya alam kung matatawa o mababaliw nang iikot ang paningin sa kuwarto niyang in-invade ng mga kapatid niya. Matapos ang agahan ay nagpunta na ang mga ito sa kuwarto niya. Ang mga ito na ang nagbihis at nag-ayos sa kanya. Ultimo kaliit-liitang detalye ay pinapakialaman ng mga ito. Kulang na lang ay ang mga ito na ang magpaligo sa kanya.

“Ailene, okay na ba sa iyo ang ayos ni Amira?” tanong ni Sky dito.

Nakataas ang kilay siyang tiningnan ni Ailene mula ulo hanggang paa habang nakasandig sa hamba ng kuwarto niya. “Pwede na. All she needs is a nice bag. Do you want to borrow my Prada or my Louis Vuitton?”

“Ikaw na ang bahalang mamili kung ano ang mas bagay,” sabi niya.

“Okay,” anang si Ailene at lumabas ng kuwarto. Maya maya pa ay dala na nito ang pomelo purse bag na Prada. Pero di nito basta-basta ibinigay sa kanya. Pumunta pa ito sa make up kit at inilagay ang compact powder, lip gloss at lipstick. “Kailangan mong mag-retouch doon. Ito lang ang laman ng bag mo okay na saka ang cellphone mo at mint. Okay?”

“Salamat,” aniya at bahagyang ngumiti sa kapatid. “Salamat sa inyong lahat. Naabala pa kayo dahil sa akin.”

It was a bit overwhelming. Talagang naghanda ang mga kapatid niya sa date na iyon. Si Vera Mae daw ang nag-inquire kay Aklay at nag-usap-usap ang mga ito kung anong gagawing ayos sa kanya. Ganito pala ang maraming kapatid. Nakakainis na nakaka-touch. Di naman kasi siya sanay na pinakikialaman ang ayos niya. She was comfortable with her own style. Sa isang banda ay nakakataba ng puso na pinaglaanan niya ng panahon ng mga ito kahit na may kanya-kanyang ginagawa ang mga ito at pinagdadaanan. She could get used to this.

“Okay lang iyan. Natutuwa naman kami kapag nakikita kayong magkasama ni Chef Aklay,” sabi ni Yumi.

“Ngayong ready na si Amira, mag-selfie na tayo,” deklara ni Sky at itinaas ang monopod ng cellphone nito.

Nagkadikit ang mukha nila ni Ailene at bigla itong lumayo. “Ay! Ayoko!”

“Ailene naman!” anang si Vera Mae na ngiting-ngiti na sa camera.

“Magmumukha akong alalay sa tabi nitong si Amira.” Kinalabit nito si Berry. “Palit tayo.”

“Dami mo namang arte,” pakli ni Berry.

“Of course, maarte talaga ako,” taas-noong sabi ng babae at saka lang ngumiti nang makalayo-layo na sa kanya.

Matapos ang may sampu ring shots at leeg na nagka-stiff neck sa katitingala sa monopod ay pinakawalan din siya ng mga ito nang marinig ang ugong ng sasakyan ni Francois sa labas. “Halika! Gisahin natin si Chef Aklay,” pilyang sabi ni Vera Mae at nagsisunuran ang iba.

Akala niya ay mag-isa na lang siya sa kuwarto. Mula sa bintana ay tinanaw niya ang paglabas ni Carrie at sinalubong si Francois sa pagbaba sa sasakyan. Naningkit ang mata niya. Bagamat nasa panig niya si Francois, hindi maalis sa isip niya na parang ina pa rin ang turing nito sa babae. And her stepmother was a snake. Gagawin nito ang lahat para pumabor dito ang lahat.

“Amira…”

Napapitlag siya nang biglang hawakan ni Yumi ang balikat niya. Hangga’t maari ay di niya ipinapakita sa iba kapag ang palihim na matatalim na tingin niya sa madrasta. “May alam ka rin ba tungkol sa kanya?”

“Ha? Sino ba ang tinutukoy mo, Ate Yumi?” inosente niyang tanong.

“Si Aunt Carrie.”

Saglit niyang pinagmasdan ang kapatid. Hindi niya alam kung kaaway o kakampi si Yumi pagdating sa madrasta. Matagal na panahong nagkasama ang mga ito. Mabait naman si Yumi sa kanya. She had always been fair in her decisions. Posible rin na wala itong alam sa tunay na kulay ng madrasta niya. After all, magaling manlinlang si Caridad Banal.

“Ikaw, Ate Yumi, ano ang alam mo tungkol sa kanya?” bato niya ng tanong dito. Napansin niya ang pagkatigagal nito. Parang may malalim na iniisip. “Ate Yumi? Bakit ka natulala?”

“Ahm, wala… May naalala lang ako.” Inakbayan siya nito. “Nararamdaman kong may alam ka tungkol sa mga motibo ni Aunt Carrie. Kung ano man ang balak mo, kung ano man ang plano mong gawin, dobleng pag-iingat ang gawin mo. Ingatan mo sanang mabuti ang sarili mo, Amira. Baka hindi matahimik sa hukay ang lolo natin kapag may nangyaring masama sa iyo.”

Ginagap niya ang likod ng palad nito na nakahawak sa braso niya. Naramdaman niya ang sinseridad nito. “Don’t worry, Ate Yumi, mag-iingat ako nang todo. Huwag mo akong alalahanin. Kaya ko ang sarili ko.”

“I wish I can hold on to that promise. Hindi mo ba puwedeng sabihin sa akin kung ano ang alam mo?”

Pinili niyang umiling. “In time, Ate Yumi, sasabihin ko rin sa inyo ng mga kapatid natin.” Masyadong malaking gulo ang dala ng madrasta niya. She couldn’t declare an all-out war this early. May mga sekreto ito pero may sekreto din siyang hawak nito. Sekreto na maaring magdulot ng pagkasira ng nagsisimulang magandang relasyon niya sa mga kapatid. She couldn’t risk that.

“Paano ka namin matutulungan niyan?”

Ngumiti siya. “I know you’ll pray for me.”

“Granted. Sa ngayon ay kailangan na nating bumaba dahil naghihintay na ang guwapong-guwapo mong date.”

“Ano pa bang pinag-usapan ninyong dalawa?” tanong ni Vera Mae paglabas nila ng kuwarto. “Binilinan mo ba ng no kiss, no touch itong si Amira?”

“Something like that,” anang si Yumi at mukhang mas gusto na lang nitong ilihim sa kapatid niya ang napag-usapan nila.

Nakita niya na sumenyas si Ailene kung paano niya dapat hawakan ang purse niya at saka itinaas nag sariling baba para gayahin niya. Great! May ganoon pang instruction ang mga ito. Big deal talaga ang date niya.

Taas-noo naman siyang bumaba ng hagdan at kasunod niya ang mga kapatid. Pagbaba ng sala ay naroon na si Francois at kausap si Caridad. Tumayo agad ang mga ito nang makita silang magkakapatid na bumababa ng hagdan.

“Isn’t she beautiful?” nakangiting tanong ni Caridad dito. Hindi na niya kinuwestiyon kung sarkastiko iyon o pabalat-bunga lang. Masyado siyang masaya sa araw na iyon para masira ang araw niya.

“More than beautiful,” humahangang sabi ni Francois at tinitigan siya na parang siya lang ang nag-iisang maganda sa silid na iyon.

“Humayo na kayo at nang hindi kami mamatay sa inggit,” pagtataboy ni Eira sa kanila.

“Huwag kang mag-alala, Eira. Uuwian ka namin ng isang kaing na broccoli,” biro ni Amira at kumaway sa mga kapatid.

“I am glad that you took time to look beautiful for me,” nakangiting sabi ni Francois nang bumibiyahe na sila.

“Eyes on the road, Mr. Mosqueda. Ayokong madali ang buhay ko. Marami pa akong pangarap. Baka mabangga tayo,” aniya at hinawakan ang baba nito saka pilit na ibinaling ang mukha nito sa kalsada.

Magaang tumawa ang binata. “Sorry. Kasalanan mo dahil ngayon ka lang nag-effort na magpaganda para sa akin. Pakiramdam ko talagang excited ka sa date natin.”

“Hindi ako ang excited kundi ang mga kapatid ko. Hindi ko ito isusuot at di ganito ang ayos ko kung ako ang masusunod. Di ko ma-imagine na magluluto na naman ako para sa mga minero o dadalaw sa mining site nang ganito ang itsura ko. Kaso wala na akong nagawa nang pasukin na lang nila ang kuwarto ko. Basta na lang nila akong binihisan at inayusan. Wala akong kapalag-palag.”

“How sweet of them.”

“Yes. So pagtiisan mo ang date mo kung paglulutuin mo na naman ako nang ganito ang itsura ko.”

“Don’t worry. Ayos lang ang suot mo. At hindi rin kita dadalhin sa mining site. Akin ka lang ngayong araw na ito.”

Bigla siyang natahimik at kinabahan. Ano naman ang plano nito sa kanya ngayon? Naku! Baka lumabag ito sa kontrata nila. No kiss, no touch ang usapan nila. Di nagtagal ay humimpil ang sasakyan nito sa isang English cottage type na bahay katulad ng mga nakikita niya sa fairy tale. Nasa gitna iyon ng pine forest at may mga bulaklak pa sa paligid. Kahawig ng bahay nito sa Baguio.

“Kaninong bahay ito?” tanong niya.

“Mine. Dito kinopya ang bahay sa Baguio. Ang totoo ay ganito ang itsura ng bahay nila Mama sa paanan ng Alps kung saan ako lumaki. Nang lumipat kami sa Pilipinas, ganito ang ipinatayo ni Papa na bahay namin para di ma-homesick si Mama. Pasok ka,” sabi ng binata at ipinagbukas siya ng pinto na may ornate design.

Natawa siya nang pumasok sa cottage. Pakiramdam niya anumang oras ay susulpot na lang si Goldilocks at ang tatlong oso o kaya ay palilibutan siya ng pitong dwende at tatagawin siyang Snow White. It had a very homey feel with the sunlight streaming at the windows.

“Nasaang fairy tale ba tayo, Prince Charming?”

“Amira and the Playboy Prince?” pabirong tanong ni Francois at inilahad ang palad sa kanya. Pinaupo siya nito sa Queen Anne chair na malapit sa fireplace. “Magpahinga ka muna diyan. Anong gusto mong inumin?”

“Tubig,” usal niya at inikot ang mata sa paligid.

Sumandal siya sa upuan at pinagmasdan ang wedding portrait ng nanay nito. “You look like your mother. Really beautiful.”

“Sabi ni Papa love at first sight daw ang nangyari sa kanila ni Mama. He was a bit cassanova during his days lalo na’t nababarkada siya sa papa mo. Pero nang makita niya si Mama, nakalimutan daw niya ang ibang babae. So that’s it.”

“It must be lovely falling in love,” she said in a dreamy voice. “Kapag binasa mo sa mga kwento o napanood mo sa pelikula at teleserye, parang ang ganda-ganda. But of course, mas marami ang bigo sa pag-ibig. Marami ang nasasaktan.”

“At takot masaktan kahit di pa naman nila nararanasan na magmahal.”

Tiningala niya ito. “Alin ka doon – ang nasaktan na o takot masaktan?”

Pagak itong tumawa. “Wala. Hindi ko pa naman nararanasan na ma-in love. Pero kung mararamdaman ko iyon, di siguro ako matatakot na masaktan sa huli. Sabi ni Mama, manalo o matalo ka man sa pag-ibig, sa isang banda ay dapat mong tandaan kung paano ka pinasaya ng taong iyon. At the end of the day, you love and it made you happy. At ibang klaseng kaligayahan ang nagagawa ng pag-ibig kaya nga siguro maraming nagpapakatanga kasi masarap ang pakiramdam ng ma- in love.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.