Barely Heiresses: Amira Chapter 79

“Ayokong magpakatanga. Ayokong masaktan.”

“Pero ayaw mong maging masaya?” tanong nito.

Nagkibit-balikat siya. “There is such a thing as contentment. Kontento na ako sa pagiging single.” Nakakatakot na maging sobrang masaya dahil mas mahabang panahon ng kamiserablehan daw ang kapalit nito.

“Come! Mamitas tayo ng berries.”

Tumayo siya. “May berries dito?”

“Yes. Diyan lang sa tabi-tabi. Igagawa kita ng merry berry cheesecake,” sabi nito.

Magkahawak ang kamay nila nang lumabas ng cottage at tig-isa sila ng basket na bitbit. Isinuot ni Francois ang wide-brim hat sa kanya. "Let's go."

"Nasaan ang berries?" tanong niya at luminga sa paligid.

Inilahad ng binata ang palad. "Anywhere. That's why it is berry hunting. Maghanap ka lang sa pagitan ng mga bush. Usually nandoon lang ang berries."

Tumingala siya sa di gaanong mainit na araw at tumakbo sa daan sa pagitan ng mga namumulaklak na halaman sa bakuran. It was a perfect day to enjoy the outdoors. Ang masarap kapag nasa Sagada ay hindi nakakapaso ang init ng araw. Mas namamayani ang malamig na hangin ng kabundukan.

"Oh! This is exciting!" anang si Amira habang naghahanap ng berries sa pagitan ng mga halaman. Nang buklatin niya ang isang tumpok ng mga halaman ay nagningning ang mga mata niya nang makakita ng blackberries. Sa kabila pa ay may blueberries at raspberries. "Marami palang klase ng berries na tumutubo dito."

"Wild berries. Hindi kinu-cultivate at hinahayaan lang na tumubo. Kahit na may farm naman ng berries dito, mas gusto ko pa rin ang tumutubo sa bakuran ko. Seasonal pero hindi hinog sa pilit kaya mas masarap." Kumuha ito ng isang strawberry mula sa basket nito at inilapit sa labi niya. "Try it."

The red strawberry looked delectable. Pulang-pula iyon at mukhang matamis. Ibinuka niya ang labi at isinubo ni Francois sa kanya ang prutas. Napapikit siya nang paglaruan ng dila niya ang medyo magaspang na strawberry. Napaungol siya nang bumaon ang ngipin niya sa malambot na prutas at sumabog sa bibig niya ang matamis na lasa nito. "That is good."

Nang dumilat siya ay nahigit niya ang hininga nang masalubong ang nag-aapoy na mga mata ni Francois. Nanikip ang dibdib niya at naramdaman niya na rumaragasa ang apoy sa balat niya. The cold highland air couldn't extinguish the flame swirling around her. Anong ginagawa ni Francois sa kanya?

"M-May problema ba?"

"Nothing," he answered in a raspy voice.

Hinaplos ng hinlalaki nito ang pang-ibabang labi niya at pakiramdam niya ay tinamaan siya ng kidlat.

Naestatwa siya nang dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. Anong ginagawa nito? Hahalikan ba siya nito? Sandali! May kontrata sila. Bawal siya nitong halikan. Kailangang ipaalala niya ang kontrata dito. Kailangang... ano na nga ulit ang nasa kontrata nila?

Kung hahalikan niya ako, pwede naman akong mag-plead ng amnesia. Anong kontata? Wala akong maalala.

Nahigit niya ang hininga nang iangat nito ang kamay at napapikit siya. Subalit di dumampi ang labi nito sa labi niya. Naramdaman niyang may kinuha ito sa buhok niya. Nang dumilat siya ay nakatayo na ito sa harap niya at may hawak sa daliri nito. “May naligaw na pine needle sa buhok mo. Di mo siguro napansin na sumabit kaninang naghahanap ka ng berry.”

“Ahhhh!” aniyang pilit na itinago ang pagkadismaya. Pine needle lang pala. Assumingera naman siya na hahalikan siya nito. Siya itong gagawa-gawa ng kontrata na di siya nito pwedeng halikan tapos siya pa ang aasa-asawa. Yumuko siya para di nito makita ang pagkalito niya. “Gaano pa karami ang kailangan kong hanapin na berries? Ang konti pa lang pala nito.”

“Pagod ka na?”

Umiing siya. “Hindi pa.”

“Sige. Kumuha ka ng marami para maipasalubong mo sa ibang kapatid mo. Then I will cook something really good for you.”

Inangat niya ang mukha at pilit na ngumiti. “Sige. Dadamihan ko para sa kanila. I am sure magugustuhan nila ito.” Para makabawi naman siya sa pagpapaganda ng mga kapatid niya sa kanya.

MAKALIPAS ang isang oras, gusut-gusot na buhok at hulas na make up ay tungga nang tungga na ng tubig si Amira sa kusina ni Francois habang nakatitig sa pinaghalo-halong berries na nakuha niya. “Mahigit isang oras ako na naghanap ng berries at nagkandakuba sa kapipitas tapos iyan lang nakuha ko? Wala pang kalahating basket?”

“Ganoon talaga,” anang si Francois at hinugasan ang kamay bilang paghahanda sa pagbe-bake nito ng cake. “Masyado ka kasing nag-enjoy sa blueberries at blackberries. Maliliit lang ang mga iyan kaya mahirap mapuno. Marami naman akong strawberries. Sapat na iyan para mapuno itong cake at mabigyan mo rin ang mga kapatid mo.”

“Thanks,” aniya at umupo sa stool.

“Gusto mo bang sa sala ka muna? Pwede kang manood ng cable or movie. Pwede ka ring magbasa ng mga libro. Kung mahilig ka sa mga travel books o mga thriller, marami akong koleksyon diyan.”

Umiling siya. “Okay na ako dito. Panonoorin na lang kitang magluto. Sana okay lang sa iyo.”

“Sure,” anito at bahagyang ngumiti sa kanya bago seryosong ibinalik ang atensyon sa ginagawa nitong pie. “Hindi naman ito magtatagal dahil refrigerated cheesecake lang ang gagawin ko.”

Nakapangalumbaba siya habang pinagmamasdan ito sa paghahalo ng ingredients sa pan. May calming effect sa kanya kapag pinapanood si Francois na magluto at gumalaw sa kusina. Pakiramdam niya ay ibang tao dito. He was charming even without saying a word.

“Saan ka pinaka-expert pagdating sa pagluluto?” tanong niya.

“Baking and desserts,” anito at bahagyang umangat ang labi. “Siguro kasi lumaki ako sa bahay na iyon ang laging isine-serve ni Mama. Kahit na gaano ako kabusog sa mga niluluto niya, lagi akong may space para sa dessert o kaya ay sa pastries. And girls seem to like it.”

Itinaas niya ang kamay. “Guilty! I maybe stiff and serious as cancer most of the time but I am just another ordinary girl. Mahina ako sa matatamis. Weakness ko ang desserts at ang cakes. Kaya nga napapalo ako ni Nanay noong bata pa ako dahil mas inuuna ko ang panghimagas kaysa sa kanin. Nagkakapaluan kami.”

Francois let out a masculine laugh. “You? Napapalo ng nanay mo dahil lang sa dessert. I can’t imagine. I always see you as a good girl. A stickler for rules.”

Ngumisi siya. “Well, let’s say I can be a bad girl if I want to.”

“At sa anong bagay ka pa nagiging bad girl?”

“Wala. Sa sweets lang,” kaila niya at kumuha kunyari ng isang blueberry at isinubo. “So, aside sa pagiging magaling na chef, ano pa ang pangarap mo? Maybe get a Michelin star or two?”

Kahit naman yata sinong chef ay pangarap na maihanay sa mga chef na may matataas na status sa mundo. Iyon ang seal of excellence ng isang magaling na chef at mahirap ma-achieve iyon.

“I want to travel, learn about the local food of the locals and write a cookbook about it. Gusto ko na i-feature ang mga pagkain na di naman kilala sa mundo. Mga simpleng pagkain na niluluto ng mga locals sa liblib na lugar at baka di naaabot ng sibilisasyon pero masasarap pala,” sabi nito. “Iyon sana ang pangarap namin ni Mama. Nagpunta na nga siya sa Paris noon kasi gusto daw niya na maglakbay kami sa Alps at pag-aralan ang mga local dishes doon. Pangarap din niya iyon noong bata pa siya kundi lang… kundi lang siya namatay.”

Inilahad niya ang palad. “Bakit hindi mo gawin? You are single. I am sure matutuwa ang mama mo kung magbibiyahe ka ulit at makaka-discover ng bagong recipes.”

Alam niyang masakit para dito ang pagkamatay ng ina, pero di naman siguro dapat na tumigil ang magagandang pangarap nito dahil lang doon.

“Ang totoo nasimulan ko na iyon at gusto ko pa ring ipagpatuloy. Dapat sana magta-travel ako sa iba’t ibang provinces at tribes sa mundo last year pa kundi lang ako kinakailangan dito sa Pilipinas. Kailangan pa rin ako ni Papa,” anito sa mababang boses at nakita niya ang lalong paglungkot ng mga mata nito. Mas malungkot pa kaysa nang banggitin nito ang tungkol sa pagkamatay ng ama.

Saka niya naalala ang binanggit ni Estephanie sa kanya na may gap si Francois at ang amang si Romualdo. Halata naman kung paanong magkontrahan ang dalawa. Kung kailangan si Francois ng ama nito, bakit parang magkasalungat ang mga ito lagi. Paanong makakatulong iyon? Hindi niya maintindihan kung anong nangyayari sa relasyon ng mag-ama pero nakikita niya na malungkot ang binata dahil doon.

Gusto sana niyang magtanong kung anong problema. Kung may maitutulong ba siya. Pero hindi siya komportable na pag-usapan ang isyu ni Francois tungkol sa ama nito. Ano naman ang maitutulong niya? Siya nga itong malaki ang father issue sa katawan. Wala siyang magagawa para dito at napaka-ipokrita niya para mag-offer ng advice kung hirap siyang patawarin ang ama.

“Hey! Kung naisipan mo na ituloy ang pangarap mo na magbiyahe sa buong mundo at magsulat ng cookbook na sinasabi mo, nandito lang ako para suportahan ka. Ako ang unang-unang magpapapirma sa libro mo.”

“Talaga? Gagawin mo iyon?” gulat na tanong ng binata.

Tumango siya. “Of course, matinding effort lang na makipag-Olympics sa mga admirers mo.”

“Olympics?” nakakunot ang noo nitong tanong.

“Yes. Kasi mag-uunahan ang mga babae para magpapirma sa iyo. Siyempre hotshot celebrity chef ka na noon. Malamang ako ang nasa dulo ng pila. Hindi mo na siguro ako mapapansin o maalala.”

“Silly. Of course, kung gusto mong mauna na magpapirma, gagawa pa ako ng special book signing para sa iyo lang. Hindi ako pipirma ng libro ng iba hangga’t di ko napipirmahan ang kopya mo.”

Tinaasan niya ng kilay ang binata. “Promise mo iyan?”

Itaas nito ang kanang kamay. “Promise.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.