NATIGIL sa pagsubo ng salad si Amira nang tawagin siya ng madrastang si Caridad. Nasa lanai sila at nag-aagahan kasama ang mga kapatid niya. Madalang siya nitong kausapin dahil mas madalas nitong pagtuunan ng atensiyon ang iba niyang kapatid partikular na sina Eira, Sky at Mabel na malapit dito.
“I am invited by a friend to have tea this morning. Sabi niya isama ko daw ang isa sa mga anak ko,” sabi nito. “Wala naman kayong date ni Francois ngayon.”
Muntik nang bumaligtad ang sikmura ni Amira nang tawagin siya nitong anak. Di ba ito kinikilabutan? “Ahhh… sigurado po ba na ako ang gusto ninyong iharap sa kaibigan ninyo?”
Tumango ito. “Of course. Na-realize ko na hindi pa tayo nagbo-bonding at di pa rin kita naipapakilala sa iba. My friend is curious about you.”
“Ate Amira, sumama ka na,” ungot ni Eira. “Minsan lang naman maglalambing sa iyo si Mommy Carrie. Sige na.”
“Okay,” napipilitan niyang usal dahil ayaw niyang gumawa ng isyu sa harap ng mga kapatid niya. Pakiramdam niya ay nagsisimula na niyang makasundo ang iba niyang mga kapatid. Kahit si Ailene ay tolerable na sa kanya.
Pinagsalikop ni Caridad ang mga palad na parang sabik na sabik ito na makasama siya. “Oh, good! Nasa room mo na ang damit na isusuot mo ngayon pati na rin ang bag na gagamitin mo. I want you to look good.”
“Do you need help, Amira?” tanong ni Vera Mae sa kanya.
Marahan siyang tumango. “Sige, Ate. Salamat.”
Laking dismaya niya nang makita ang lavender dress na nakalatag sa kama niya. Puro ruffles and lace iyon sa neckline, sa dulo ng mahabang manggas at sa skirt ng dress. May headband iyon na may lavender hat.
Nang isukat niya ay halos di siya makahinga. Dismayado niyang tiningnan ang sarili sa salamin pero mukhang ganoon din ang sentimyento ni Vera Mae. The dress was nice but it was not her style. Pwede siguro iyon kay Eira na mukhang cute tingnan pero hindi sa kanya.
Para lang ang damit na iyon sa mga babaeng docile and meek. Animo’y isang batang masunurin. She was none of those. Isang rebelde siya. And she hated ruffles and lace. Anong gustong palabasin ni Caridad ngayon?
“Amira, gusto mo bang palitan na lang?” tanong ng kapatid niya. “Sa palagay ko naman maiintindihan ni Aunt Carrie kung hindi mo feel.”
Kinuyom niya ang palad. “Okay lang. Saglit ko lang namang isusuot.” Alam niyang sinusubok lang siya ng babae. Di maganda ang maging impresyon sa kanya ng mga kapatid kapag sinuway niya si Caridad. Para sa mga kapatid niya ay gagawin niya ito.
“Okay,” sabi ni Vera Mae. “Malamig naman dito sa Sagada kaya okay lang iyan. Enjoy your tea.”
Nakita niya ang kasiyahan sa mukha ni Caridad nang makita ang itsura niya. Tiis na lang kahit na mukha siyang ubeng halayang matamis sa damit niya. Saka lang niya pinakawalan ang hininga niya nang nasa sasakyan na sila.
“Sa dinami-dami ng mga kapatid ko, bakit ako pa ang isinama ninyo?” di niya maiwasang itanong. “I am sure may iba kayong mas gugustuhing ipakilala sa kaibigan ninyo kaysa sa akin.”
“She wants to know you. Kaibigan namin siya ni Himaya noong college.”
“Now that is interesting,” nausal niya at humalukipkip.
May nakakaalala pa pala sa nanay niya. Ang alam niya ay isa sa popular na estudyante ang nanay niya noong kolehiyo dahil sa angkin nitong ganda at talino. Nang bumagsak ito at nabuntis sa kanya, walang ibang tumanggap dito maliban kay Caridad. Subalit sa huli ay tinraidor din ito. Parang wala tuloy siyang tiwala sa kung sinumang kaibigan ang tinutukoy nito.
Makalipas ang may isang kalahating oras na paglalakbay sa labas ng Sagada ay humimpil ang kotse sa harap ng isang mansion na nakatayo sa gilid ng isang cliff. Mula doon ay tanaw ang pine forests at ang Chico River na dumadaan sa pagitan ng mga bundok. Isang babaeng nakasuot ng maroon na long sleeve velvet dress, kulot ang maigsing bunot, banat na banat ang mestizang balat at matambok ang labi ala-Angelina Jolie na mukhang di natural ang sumalubong sa kanila.
“Crisanta, good morning!” bati ni Caridad dito.
“Helloooo!” anito at bineso-beso ang madrasta niya. “How’s the trip?”
“Medyo na-traffic lang kami palabas ng Sagada dahil may ginagawang kalsada. Would you believe that? Traffic sa bundok?” amused na sabi ni Caridad.
“It means that progress is coming with this way. Baka humanap na naman ako ng mas tahimik na lugar sa susunod. Abner doesn’t like crowded places.” Lumagpas ang tingin ni Crisanta sa balikat ng madrasta niya. “Hello! You must be Amira, Himaya’s daughter.” Excited na lumapit ang babae sa kanya at hinalikan siya sa magkabilang pisngi. “I am your Tita Crissy! Kaibigan ako ng nanay mo.” Sinapo siya nito sa magkabilang pisngi. “You look so much like her.” Ngumisi ito at nilingon si Caridad. “But looking like this, she looks more like you, Carrie.”
“Of course. I want her to look like a real Banal,” puno ng kompiyansang sabi ni Caridad at ngumisi sa kanya na parang naghahamon. Gusto marahil nito na i-contest niya ang sinabi nito.
Tahimik lang siya habang nagkukwentuhan ang dalawa. Crisanta didn’t finish college like her mother. Naag-asawa daw agad kasi ito noong disiotso ito ng isang lalaking mula sa political clan at ngayon ay isa nang gobernador. Madalas daw wala ang asawa nito dahil abala sa trabaho. Nasa abroad n ang mga anak nito at nag-aaral kaya mag-isa ito na nagbabakasyon sa Mountain Province.
“Nalungkot ako nang malaman ko na hindi rin pala nakapagtapos ng college si Himaya at nabuntis. Siya pa mandin ang mataas ang pangarap sa amin noon. She wants to be a doctor,” naiiling na sabi ni Crisanta.
“Hindi man naging doktor si Nanay, masaya po siya sa pagiging environmentalist. Nakapagtapos pa rin siya ng pag-aaral kahit sa online school. I am so proud of my mother,” pagmamalaki niya sa ina.
“Nakapag-asawa din ba siya ng mayaman?” tanong ni Crisanta.
Muntik nang ibuga ni Amira ang iniinom na tsaa. Hindi ba pwedeng maging matagumpay ang isang babae sa sarili nitong paraan at pagsisikap? “Hindi po kailangan ni Nanay na mag-asawa ng mayaman para maging maayos ang buhay namin. Nagsikap po siya para sa aming dalawa.”
“So she’s still single?” tanong ni Crissy.
“I bet hindi siya nagtangka na mag-boyfriend man lang,” anang si Caridad.
“So sad. Baka naging bitter siya dahil sa pinagdaanan niya.” Tiningnan siya ng babae. “Sana naman ay hindi ka naapektuhan masyado sa pagiging bitter ni Himaya sa lalaki. You are a young and beautiful woman. And an heiress, too.”
Nagngalit ang ngipin niya. Kung magsalita ang mga ito ay parang balewala lang sa mga ito ang nararamdaman niya. Old bitches! Ano bang klase ang mga naging kaibigan ng nanay niya noong college? Kung inaakala ng mga ito na mananahimik lang siya habang tinatapak-tapakan ng mga ito ang nanay niya ay nagkakamali ang mga ito.
Kalmado siyang sumimsim ng tsaa at ngumiti. “Wala po akong nakikitang mali sa pagpapalaki sa akin ng nanay ko. Pinuno niya ako ng magagandang pangarap na huwag magtitiwala basta-basta sa mga tao. Maraming manloloko, mga manggagamit at traidor. At least walang sinasagasaang tao ang nanay ko. She might be a single bitter mom but she raised me well. Tinuruan niya akong huwag maging isang homewrecker,” tumingin siya kay Crisanta na namumutla at sumunod ay kay Caridad, “o mang-aagaw ng nobyo na dapat sana ay sa bestfriend niya. Para naman daw makatulog ako nang mahimbing sa gabi.”
“How dare you!” panggagalaiti ni Crisanta at tumayo. “Anong karapatan mo para sabihin iyan sa akin?”
“I beg your pardon?” aniya at ikiniling ang ulo.
“Sinasabihan mo ba akong homewrecker?” Dinuro siya nito. “I am not! Isa kaming pamilya ni Abner! I am Mrs. Abner Soledad.”
“Wala po akong sinasabi na homewrecker kayo. Sabi lang ni Nanay huwag daw akong maging homewrecker,” malumanay niyang sabi.
Ayon sa nanay niya ay nagtatrabaho ito bilang isang waitress sa isang café hanggang makilala si Abner Soledad. Pinigilan ng nanay niya na makipagrelasyon si Crisanta kay Abner dahil may asawa na subalit di nagpapigil. Pumayag itong maging kept woman. At nang humingi ng tulong si Himaya dito ay ipinagtabuyan pa ito at tutol ang nanay niya sa relasyon nito kay Abner Soledad.
“Bastos ka! Get out of my house!” angil ni Crisanta na hysterical na. “Wala akong pakialam kung heredera ka.”
Hinaklit ni Caridad ang braso niya at kinaladkad siya palabas. “Di mo na ako binigyan ng kahihiyan.”
“Anong masama sa sinabi ko? Inosente ako dito.”
Bumaon ang kuko nito sa braso niya. “Alam ko na sinadya mo iyon.”
“O! Guilty ka rin na ikaw ang traidor na bestfriend?” inosente pa rin niyang tanong at tiniis ang sakit ng pagbaon ng kuko nito sa balat niya. Sinalubong pa rin niya ang nagliliyab sa galit na mga mata nito. “Paano nga pala ulit kayo naging magkaibigan ni Tita Crissy? Hindi ba binu-bully ka niya dati at inaali-alila? Si Nanay pa nga ang nagtanggol sa iyo at naging totoong kaibigan mo. Ah! Bakit pa nga ba ako magtataka? Ganoon naman yata talaga ang mundo. Ang kaibigan mo ngayon ay sinasaksak mo na bukas. At ang mga taong umapi sa iyo dati, sila naman ang kina-kaibigan mo. Bagay nga kayong magkaibigan.”
Pasalya siya nitong binitawan. Sakto naman na lumapit sa kanila si Manong George at dali-dali siyang sinalo sa balikat kaya di siya tuluyang natumba. “Madam, may problema po ba dito?” tanong ng lalaki.
“Iuwi mo na ang Ma’am Amira mo. Ayaw na niya dito. Balikan mo na lang ako mamayang hapon,” anito at tinalikuran sila.
“Ayos lang kayo, Ma’am?” tanong ni Manong George. “May sugat po ata ang braso ninyo.”
Saka niya nakita ang mahahabang marka ng kuko ni Caridad. Sa halip na madismaya ay nakadama siya ng tagumpay. Idinala siya nito doon para lait-laitin ang nanay niya at maliitin. Pero nabaligtad ang sitwasyon. Ipinagtanggol niya ang ina. “Ayos lang po ako. Sa mansion na po tayo.”