Barely Heiresses: Amira Chapter 83

WE nid 2 talk. Pauwi na ako – Amira.

Ok. Hir @ d mansion. Preparng sumtng nice 4 u. C u.

Pilit na ngumiti si Amira nang mabasa ang reply ni Francois. She needed him right now. Mainit ang ulo niya dahil sa ginawa ni Caridad sa kanya. At kailangang-kailangan talaga niya ng good vibes.

Talagang sinasagad siya ni Caridad. Gagawa at gagawa pa rin ito ng paraan para maipahiya siya at galitin. Nakaligtas siya ngayon pero di niya alam sa susunod.

Isa pa, di pa rin siya kumakalma dahil sa pambabastos nina Caridad at Crisanta sa nanay niya. Bitter daw. Matapos na itratong mabuting kaibigan ng nanay niya ay gaganituhin ang kanyang ina. Mayayaman nga ang mga ito pero maiitim naman ang mga budhi! Mga bruha!

Kabababa pa lang niya sa kotse nang masalubong niya si Berry na parang siga. Mukhang gusto nitong hamunin ng boxing si Pacquiao sa angas ng mukha. Di nalalayo sa mood niya. “Para kang susugod sa giyera, ah.”

“May nang-away kay Eira. Reresbak lang ako,” maangas na sabi ni Berry. Saka niya napansin si Eira na may bahid ng putik ang damit at namumula ang ilong at mga mata. Mukhang galing ito sa pag-iyak. “Anong nangyari sa iyo?”

Suminghot si Eira. “Hindi ko naman sinasadya na may mabangga sa likuran ko habang kumukuha ako ng picture sa souvenir shop sa Poblacion. Nabitawan ko ‘yung cellphone ko tapos sinipa ng babaeng blonde ‘yung cellphone ko sa kanal. Kaya heto.”

Si Eira ang bunso sa kanila at may kapayatan ito. Ito ang bunso nila. Walang sinuman ang pwedeng manakit dito. Walang pwedeng manakit sa mga kapatid niya.

“Huwag mo akong pipigilan at mainit ang ulo ko,” banta ni Berry sa kanya. Saka niya naalala na righteous ang tingin ng mga kapatid niya sa kanya. Pero dahil mainit ang ulo niya, walang righteous-righteous sa kanya ngayon.

“Hindi kita pipigilan. Saan ba ang riot?” tanong niya. Kanina pa talaga siya naghahanap ng away. Matapos ang nanay niya, si Eira naman ang aapihin. Di siya papayag.

“Ate Berry! Sama ako!” anang si Sky na nasa unahan pa kasama ang tatahi-tahimik na si Mabel. Maging si Ailene na ilang araw ding bad mood ay nasa likuran ng mga ito.

“Vera! Ano ka ba? Tayo ang nakatatanda dito kaya tayo ang dapat na pumigil sa mga kapatid natin!” anang si Yumi na voice of reason at hawak sa braso si Vera Mae.

“Pipigilan ko naman sila, Yumi. Pero titingnan ko muna kung ano ang gagawin nila. Malay naman natin, mag-uusap lang sila,” anang si Vera Mae pero may kinang ng pagiging pilya sa mga mata.

“Anong mag-uusap? Tingnan mo nga at ang sama ng timpla ng mga iyan.”

“Malay naman natin…”

Nang tumango si Vera Mae ay sumugod na si Berry. Sinenyasan naman niya ang mga kapatid. “Nasaan ba ‘yang blondita na iyan?” tanong niya.

“Sa bandang Poblacion daw.”

“Magpahatid tayo kay Manong George. Kagagarahe lang niya.”

Walang pwedeng basta-basta kumanti sa mga mahal niya sa buhay. Kahit na isang buwan pa lang niyang nakikilala ang mga kapatid ay napamahal na ang mga ito sa kanya. Kung naipagtanggol niya ang nanay niya sa dalawang bruhang matrona na dati nitong kaibigan, handa rin siyang gawin iyon para sa mga kapatid niya. This is war!

MATINDI ang tensiyon sa loob ng sasakyan. Walang gustong magsalita. Kahit si Yumi na kanina ay nakakontra ay tahimik din. Parang natatakot na basta na lang sumambulat ang emosyon. Kahit si Manong George ay manaka-naka silang tinitingnan sa rearview mirror. Nagtataka din marahil ito sa inaakto nila.

“Eira, siya ba ang nagtapon sa cellphone mo?” tanong ni Berry.

Nagtinginan silang lahat sa may unahan ng sasakyan. Nakita nila ang isang babaeng kulay mais ang buhok pero halata namang di foreigner.

“Oo,” sagot si Eira at napansin agad niya ang paniningkit ng mata ng iba pa.

“Manong George, pakisagasaan na lang ‘yung blondie para tapos na ito,” nausal niya at gulat siyang nilingon ng driver.

“Po?” nanlalaki ang matang tanong nito.

“Amira,” saway sa kanya ni Yumi.

“Manong, pakitabi na lang po,” sa halip ay utos niya.

Di pa man tuluyang tumitigil ang sasakyan ay binuksan na ni Berry ang pinto ng kotse at bumaba. Nagsisunod naman sila. Sinalubong agad nito ang pekeng blonde at ang tatlong kasama nito na mukhang alien sa lugar na iyon. Palinga-linga ang mga ito na parang nandidiri.

“I don’t even know why we’re here, Hazel. This place is so yucky! Look at my Manolo Blahnik shoes, it has smudges na!” maarteng sabi ng isa sa mga babaeng kulot ang maigsing buhok.

“Nasaan na ba kasi iyang fiance mo, Hazel? Tawagan mo na at nang hindi na tayo magpaikot-ikot dito. I can’t stand this place anymore. There’s not even a signal of cellphone here!” tanong ng isang babaeng pink naman ang buhok at may headband habang inaangat ang bagong modelo ng iPhone.

“Naku, Hazel, ha? Kapag nagpakasal kayo ni Matthew mo, huwag na huwag kayong titira dito or else, hindi mo na makikita ang mga pagmumukha namin forever,” nakatirik ang matang sabi ng isa pa.

“Huwag kayong mag-alala, girls. I don’t think babalik pa kami uli ni Matthew sa lugar na ito pagbalik namin ngayon ng Manila...” At nang makita ni Blondie si Berry ay biglang lumabas ang boses nito. “May mga tao kasi rito na hindi na niya gustong makita pa.” Mukhang magkakilala ang dalawa.

“Bakit mo itinapon ang cellphone ng kapatid ko?” maangas na tanong ni Berry nang lapitan ito. “Nasagi ka lang. Hindi mo kailangang manira ng bagay na hindi sa iyo.”

“Kalma, girls,” narinig pa niyang bilin ni Yumi. “Kalma.”

“I don’t know what you’re talking ab—aaah!”

Subalit mukhang di na narinig ni Berry ang sinabi ni Yumi dahil hinila na nito ang mahabang blonde na buhok ng maarteng babae. Hinila din ng pink hair si Berry sa buhok kaya nabitawan ng kapatid niya si Blondie. Napaupo si Berry sa putikang bahagi ng gilid ng kalsada.

“Hoy! Bakit nyo pinagtutulungan ang kapatid namin, ha?!” angil ni Sky.

Mistula silang toro na nakakita ng pula at hudyat na iyon para sumugod siya kasama sina Sky at Vera.

Akmang susugod ang babaeng maigsi ang buhok pero hinila niya ang hood ng parka nito. “Dito ka lang,” aniya at hinaklit ang parka nito palayo saka ito binitawan. Nanlaban pa rin ito kaya pinilit niyang sawatahin. Hinablot nito ang buhok niya. Dehado siya dahil maigsi ang buhok nito. Nang makawala siya ay gigil niyang inginudngod sa putikan.

“Um! Iyan ang bagay sa iyo!” gigil niyang sabi. Nalaman niya na pinagtawanan pa pala ng mga kaibigan ni Blondie si Eira nang malaglag sa kanal ang cellphone nito. Di siya nagi-guilty na gawin ito.

“No! Kapapa-diamond peel ko pa lang. Noooo!” panaghoy ng babae. “M-My face!”

“Putik lang iyan. Gusto mo doon pa kita ingudngod sa tae ng kalabaw? Mag-iingat kayo sa mga kinakalaban ninyo. Dadayo lang kayo dito, mga bastos pa kayo. Mali kayo ng kinalaban,” angil niya.

“Ako ang kaaway mong malandi ka!” narinig niyang sigaw ni Blondita na hinila sa buhok si Berry.

“Hindi malandi ang kapatid ko!” sigaw ni Amira at nasiyahan nang mahawakan niya ang buhok ni Golden Bruha. “Ikaw ang malandi! Pakulay ka pa ng blonde hindi naman bagay sa iyo—aray, lintik!”

Naramdaman na lang niya na may kumalmot sa leeg niya. Mahapdi iyon. Mas mahapdi pa kaysa sa pagbaon ng kuko ni Caridad sa braso niya kanina. Kahit di niya makita ay alam niyang dumudugo iyon.

Gusto niyang lumaban pero naunahan na siya ni Berry at sinapak si Blondie. “Tama na iyan!” saway ni Attorney Matthew Guzman at hinila si Berry palayo kay Blondie.

Pumiglas ang kapatid niya. “Bitiwan mo ako! Huwag kang makialam dito!”

“Tama na sabi!”

Malaya pa siya at akmang kakalmutin sa mukha si Blondie ay bigla ring may mga bisig na humila sa kanya palayo. “What the heck, Amira! Ano bang ginagawa mo?” galit na tanong ni Francois.

“Huwag mo akong pigilan. Isang kalmot lang sa mukha niya. O kaya kakalbuhin ko lang ang buhok ng impaktang iyan. Hoy, Golden Bruha! Hindi pa tayo tapos!” sigaw niya at dinuro pa ang nakalupasay na babae.

Hinila pa rin siya ni Francois palayo. Kahit anong laban niya ay lalo lang humihigpit ang pagkakayakap nito sa baywang niya. Nakaangat na ang paa niya sa lupa at lalo lang siyang nanggigil nang nakaangat lang ang paa niya sa lupa habang pumapalag siya. Walang epekto sa binata ang pagwawala niya.

Ibinaba siya ni Francois sa lupa at isinandal sa puno ng pine tree. “Amira, you look like a banshee. Hindi ka ganyan. You are reasonable. Anong…” Napatitig ito sa leeg. “Shit! May sugat ka.”

Bakas ang pag-aalala sa mukha ng binata. Yeah! Her claw marks perhaps really looked so bad because it hurt like hell. Pero di niya halos iniinda iyon dahil masama pa rin ang tingin niya kay Blondita na mukhang ipinagtatanggol pa ni Attorney Guzman habang pinipigilan nito ang palaban pa ring si Berry.

“Kaya nga dapat akong makaganti kay Golden Bruha.”

“Enough, Amira!” saway ni Francois sa kanya. Naglaban ang mga mata nila. She was still defiant and out for blood. And he would do everything to stop her.

“Ang mabuti pa doon na natin sila dalhin sa Sagada Doctors Hospital,” suhestiyon ni Ate Yumi. “Malapit lang naman iyon dito.”

Sa huli ay wala siyang nagawa kundi sumunod sa binata.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.