NAKITA ni Amira na palakad-lakad sa Francois sa labas ng hospital room habang ginagamot ng nurse ang gurlis sa leeg niya. Di lang pala iyon ang sugat niya dahil may gasgas din siya sa braso at sa binti.
“Ma’am, lagi po ninyong lilinisin. Medyo malalim po ang sugat sa leeg,” malumanay na sabi ng nurse. “Parang nakibaka po kayo sa halimaw.”
“Halimaw talaga ang nakalaban ko,” sabi niya at sinulyapan ang mga kapatid niya na pawang ginagamot din. Wala doon ang Ate Yumi nila dahil inaareglo daw nito ang kaso nila. Kung hindi maaayos ang gulong iyon, baka maghimas sila ng rehas na bakal.
Hazel ang pangalan ng babae at lumalabas na fiancé ni Attorney Guzman. Kaya nagngingitngit si Berry dito. Sa ibang ospital idinala ang babae at mga kaibigan nito para ilayo sa kanilang magkakapatid. Banta daw sila sa buhay ng mga ito at posible pa silang sampahan ng kaso.
“Basta huwag na po kayong makikipag-away, Ma’am,” anang nurse. “Ang ganda-ganda po ninyo tapos may sugat kayo.”
“Basta may umapi ulit sa kapatid at nanay ko, babangasan ko.”
“Amira!” saway ni Francois. “Nurse, kung tapos na siyang gamutin, aalis na kami.”
“Pwede na po, Sir.” At binilinan si Francois sa dapat gawin na paglilinis sa sugat niya. Nagpasalamat ang binata dito.
“Aalis na kayo?” tanong ni Ailene. “Sabi ni Ate Yumi hintayin daw sila ni Attorney Guzman…”
Napahawak siya sa braso ni Francois nang mabanggit ang abogado. Kaya nilang ilaban ang kaso. May ilalaban din naman silang kaso laban kay Blondie dahil sinira nito ang cellphone ni Eira at itinulak. They could hire the best lawyers in the country. Ang kaso ay magaling ding abogado si Attorney Guzman at pakakasalan pa nito si Golden Bruha. Ano ang nakita ng abogado sa impaktang iyon?
“Ako na ang bahalang magbalik kay Amira sa mansion,” anang si Francois sa seryosong tono.
Parang mas gusto na lang niyang magpaiwan sa ospital at harapin ang galit ni Attorney Guzman sa ginawa nila sa fiancée nito at magpadampot sa pulis kaysa makipagtuos kay Francois. Pero wala siyang choice dahil hinayaan na sila ni Ailene na umalis.
Nagkunwari siyang tulog sa biyahe. Pagod siya at masakit ang katawan niya sa pakikipagbabag kay Golden Bruha at sa mga kaibigan nito. Di pa siya handa sa sermon ni Francois. Aminado na naman siya na may kasalanan siya. But she was tired. Too damn tired. Nakakapagod din palang magalit. Nakakaubos ng lakas kapag nailabas na niya ang galit.
Subalit tukso na hindi siya nakatulog hanggang naramdaman niyang tumigil ang sasakyan ni Francois. “Amira, gising na.” Nagkunwari pa rin siyang natutulog.
Bumukas ang pinto ng sasakyan at bumaba ito. Bahagya niyang idinilat ang mga mata at nakita niyang nasa cottage siya nito. Napatuwid siya ng upo at di na niya nagawa pang magpanggap na tulog nang bumalik ang binata. “A-Anong ginagawa natin dito? Akala ko iuuwi mo ako sa mansiyon?” tanong niya. Balwarte nito ang cottage. Wala siyang kahit anong kapangyarihan doon.
“Hindi muna kita maiuuwi hangga’t di tayo tapos na mag-usap. Saka kapag inuwi kita agad, baka damputin ka ng mga pulis nang di man lang tayo nakakapag-usap.”
“Don’t say that,” ungol niya.
“Amira, alam mo ba kung sino ang kinalaban mo? Anak ng may-ari ng isang law firm. Hindi nila kayo sasantuhin kahit mga Banal pa kayo at bilyon ang nakadikit sa pangalan ninyo,” angil ng binata. “Kaya bumaba ka na. Hindi mo ako kalaban. Kakampi mo ako”
Bagsak ang balikat siyang bumaba ng sasakyan at sumunod dito sa cottage. Subalit di siya agad kinausap ni Francois pagpasok. Ipinagtimpla pa siya nito ng tsaa. “Drink that. It will make you feel better.”
“Thank you,” nakayuko niyang sabi.
Bumuntong-hininga ito. “Amira, hindi ko alam kung anong gagawin ko sa iyo. Bakit mo naman pinatulan? Si Berry naiintindihan ko pa. Lumaki siya sa isang harsh environment at uso ang basag-ulo. Iyon ang alam niyang paraan para lumaban. Pero ikaw? You are educated. You are good in diplomacy. What happened to you?”
“Dapat lang sa kanya ang ginawa ko. Walang pwedeng manakit sa kapatid ko nang hindi nagbabayad.”
Napanganga si Francois. “Amira, parang wala kang pinagsisisihan. Di mo ba naisip ang pwedeng maging implikasyon nito sa iyo? Isa kang Banal. Anong sasabihin ng board of directors at trustees kapag nalaman ito? Naisip mo ba kung anong mararamdaman ng nanay mo kapag nalaman niya na nakipagbabag ka?”
Tumayo siya at ipinadyak ang mga paa. “Galit na galit ako, Francois. Nang makita ko na nasaktan si Eira at nakita ko na pinagtutulungan si Berry, nagdilim na lang ang paningin ko. Hindi ako papayag na may manakit sa pamilya ko!”
“Oo nga. Pero may pinangangalagaan kang pangalan. Paano kung gamitin ito ng board of directors laban sa iyo? Paano kung makaapekto ito sa pagkuha mo ng mana mo? Amira, importante ang ipinaglalaban mo. Marami kang tao na gustong protektahan. Hahayaan mo ba sila dahil nagpadala ka sa bugso ng damdamin mo?”
Nanlulumo siyang napaupo at napaluha. “I was a bit emotional a while ago. Idinala ako ni Aunt Carrie para makipagkita sa dating kaklase nila ni Nanay. Tapos nilait-lait at minaliit nila ang nanay ko. Naging mabuting kaibigan si Nanay sa kanila. Si Tita Crissy hindi niya tinulungan si Nanay nang mabuntis sa akin at kailangan ng matutuluyan. Si Aunt Carrie naman inagaw ang tatay ko at di sinabi ang tungkol sa akin. Kaya nang makita ko ang nangyari kay Eira, sumabog na lang ang emosyon ko. H-Hindi na ako nag-isip. Ang alam ko gusto ko lang protektahan ang pamilya ko. Oh! Ano bang ginawa ko?”
Ang tanga-tanga niya! Di siya nag-iisip. Di na niya naisip kung ano ang mangyayari sa Kanayama kapag tinanggihan ng board ang presentation niya dahil sa unruly behavior. Paano kung makagawa ng paraan si Caridad na gamitin ang di magandang asal niya para makuha ang ancestral land ng Lola Celestina niya mula sa kanya? At naiinis siya dahil di siya nagsisisi na naipagtanggol niya ang mga kapatid niya.
Niyakap siya ni Francois. “Amira, naiintindihan ko naman na gusto mong ipagtanggol ang mga kapatid mo pero dapat ilagay mo sa lugar ang lahat. Nalulungkot ako sa ginawa ni Aunt Carrie sa nanay mo pero tandaan mo na kailangan mong maging matatag sa labang ito. This is not a simple game. Ang mga taong bumibigay sa emosyon nila ang natatalo. Masasayang ang lahat ng pinaghirapan mo. Natin.”