Barely Heiresses: Amira Chapter 85

“H-Hindi ako natatakot na makulong. Alam kong mali ang ginawa ko. Pero tama ka. Mababalewala ang mga ipinaglalaban ko.”

“Look, I will do everything para di ka makulong.” Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “But in a way, I am glad to see this side of you.”

“Why?”

“Dahil mahal mo ang mga kapatid mo. Hindi na sila basta lang estranghero sa iyo. Kahit na ano pang kapalit, ipaglalaban mo sila. Nakakainggit. Sana lang may ganyan ding tao sa buhay ko.”

Isinubsob lang niya ang mukha sa dibdib ng binata. Kung dadating ang panahon na kailangan din ni Francois ng lalaban para dito, handa din siyang ipaglaban ito sa abot ng makakaya niya. Kahit makipagsabunutan ulit siya.

“I AM so disappointed with you, girls. I won’t even call you ladies because you don’t deserve that title. Sa araw na ito, kinaladkad ninyo ang pangalan ng mga Banal sa putikan.” Literally and figuratively. “Your grandfather must be rolling on his grave right now. Dinungisan ninyo ang pangalan ng mga Banal.”

Nakayuko silang magkakapatid habang nagtatalumpati ang madrasta nilang si Caridad. Ikinulong sila nito sa library matapos ang meeting nito kina Attorney Guzman at Attorney Ferrer para maayos ang kaso nila. Nakapahaba ng deliberasyon hanggang abutin ng gabi. Walang nakapaghapunan nang matino sa kanilang magkakapatid habang naghihintay ng verdict. Inaasahan niyang may kasama nang pulis si Caridad pagdating nito at dadamputin na lang sila. Mabuti na lang at nakuha sa pakiusapan ang kampo ni Hazel. Lusot nga sila sa parak ay hindi naman sila lusot sa sermon ni Caridad.

“Yumi, ikaw ang pinakamatanda sa lahat. Hindi mo man lang pinigilan?” tanong ni Caridad sa pinakamatanda niyang kapatid.

“Pinigilan ko naman po, Aunt Carrie,” malumanay na paliwanag ni Yumi. “Ang totoo, pinapakalma ko nga po sila. Ayoko po ng gulo.”

“How about you, Vera Mae?” tanong ni Caridad dito. “Kasama ka pa daw sa mga sumugod.”

Itinuro ni Vera Mae ang sarili. “But Aunt Carrie, I thought makikipag-usap lang kami. Nagulat na lang po ako nagkakagulo na.”

“At hindi ka man lang umawat?” nakataas na kilay na tanong ng matandang babae. “Mga Banal kayo. You are heiresses. Huwag ninyong hayaan na pagsisihan ni Papa na hinayaan niya kayong maging parte ng pamilyang ito. Isang buwan pa lang siyang patay pero sinisira na ninyo ang magandang pangalan ng pamilya na iningatan niya sa loob ng mahabang panahon. Ayoko nang mauulit pa ito o ako ang makakalaban ninyo.” At lumabas ng silid si Caridad nang taas-noo.

“Kasalanan ko ito,” anang si Eira na suminghot at naiiyak na. “S-Sana hindi na lang ako nagsumbong sa inyo.”

“Hindi mo kasalanan iyon, Eira. Dapat lang naman na turuan ng leksyon ang Hazel na iyon. Kulang pa nga ang ginawa ko sa kanya…” anang si Berry at saka sinalubong ang matiim na tingin ni Yumi. “Ako ang may kasalanan. Di ko kasi napigilan ang sarili ko. Pasensiya na sa inyo.”

“Aminado naman ako na uminit ang ulo ko. Pero kapag may umapi ulit sa kahit sino sa inyo, baka magawa ko ulit iyon,” aniyang walang kakurap-kurap.

“Baka nga sumali na ako next time. Parang masayang manabunot,” sabi ni Ailene at pinagkiskis ng palad.

“Girls, world peace, please. Ganito na lang,” sabi ni Yumi. “Sa susunod na may ganitong problema, idaan muna natin sa maayos na usapan. Pwede tayong magkaisa nang hindi nakikipagbabag.”

“E paano kapag sobrang-sobra na?” tanong ni Mabel. “Tapos sila pa ang unang nanakit sa atin?”

“Siguro sa ganoong pagkakataon ay pwede ko nang bangasan,” aniya at tipid na ngumiti.

At nagtawanan na lang sila. Maaring hindi na nila uulitin ang pakikipag-basagan ng bungo. Mas magiging madiplomasya na sila. Matindi na lang talaga ang pangangailangan nila kapag nakipagbabag pa sila ulit.

YAKAP ni Amira ang sarili habang nakatingin sa kalaliman ng gabi. Nakaupo siya sa front porch ng mansion habang nagpapaantok. Isang buwan na pala siya sa Sagada. Masyado nang maraming nangyari. Marami na ring nagbago sa kanya. Marami rin siyang natutunang bago.

Nang tumapak siya sa Sagada, buo ang paniniwala niya sa konsepto niya sa pangangalaga sa kalikasan at buo din ang loob niya na wala siyang pakialam sa mga Banal. Wala siyang interes sa mga kapatid niya.

Ngayon ay lagi na niyang tinitimbang ang magkabilang bahagi ng isyu. Not everything is black and white. May gray areas din. At sa isyu ng minahan, di niya pwedeng basta na lang magdesisyon dahil may pakinabang din siya sa araw-araw.

Wala siyang pakialam dati sa mga kapatid, ngayon ay handa na niyang ipaglaban ang mga ito ng sapakan at sabunutan. Tiningnan niya ang mga kamay na kanina lang nakagawa ng kabayolentehan. She was not regretting it. Ginawa niya iyon para sa mga kapatid niya. Napamahal na siya sa mga ito kahit di niya sinasabi.

Nakakalungkot lang dahil sa isang linggo ay matatapos na ang proviso ng iba sa kanila. Makukuha niya ang ancestral land ng lola niya. Ganoon din ang iba sa mga kapatid niya. At alam niya na babalik na sila sa kanya-kanya nilang buhay. Di lang niya alam kung interesado pa ang iba sa mga ito na makita siya pero kung may mag-aalok na magpatuloy ang pagiging magkakapatid nila, hinding-hindi siya tatanggi. Nasanay na siya sa presensiya ng mga ito sa buhay niya. Parang di nga niya ma-imagine na wala ang mga ito.

“Psssst, Amira!” paswit sa kanya ni Berry. Nang lumingon siya ay nasa pinto ito at may hawak na tray na punung-puno ng pagkain. “Gusto mong mag-mednayt naks? Si Tsef Aklay may gawa nito kaninang umaga.”

Napangiti siya. “Midnight snack,” pagtatama niya at nakitang puro matatamis ang nasa tray nito.

“Pareho lang iyon. Gusto mo ba?”

“Sigurado ka na ise-share mo sa akin iyan?”

Hindi siya sanay na nagse-share si Berry ng pagkain. Ang madalas nga ay nang-uutak pa ito sa kanilang magkakapatid para lang laging may pasak na pagkain sa bibig nito.

“Oo naman. Dali na. Baka magbago pa isip ko.”

“Ilapag mo na lang dito. Kukuha lang ako ng kape para sa iyo,” sabi niya at tumayo.

Nag-thumbs up ito pagkalapag ng tray at may nakapasupalpal na agad na cream puff. Nang bumalik siya ay strawberry cream puff ang kinain niya. Napansin niya na binagalan ni Berry ang pagkain nito.

“Hinintay talaga kita. Baka kasi maubos ko agad. Wala nang matira sa iyo,” anito at humagikgik. “Masakit pa ba ang sugat mo sa leeg? Sa palagay mo ba hindi ka magiging aswang o balloon dahil diyan?”

“Anong balloon?”

“Lobo. Awoooo!” anito at umalulong.

Tumawa siya. “Dumaan ako sa simbahan at nagdasal na sana hindi ako mag-transform ngayong gabi.”

“Pasensiya na talaga sa pag-init ng ulo ko. Iyon kasing si Hazel nakakarami na sa akin. Tapos… si Matyu…”

“Pwede naman kitang pigilan sa simula pa lang pero nakisali din ako. Isipin mo na lang ang itsura natin kung sa kulungan tayo nagpapalipas ng gabi ngayon,” aniyang napangiwi. Tiyak na pag-uusapan sila ng buong bansa. “Pasalamat na lang tayo di tayo nakulong.”

“Bakit nga ba di mo ako pinigilan?”

“Hindi ako nakatiis na sinasaktan ka ni Golden Bruha.”

“Kahit ako ang nauna?”

Umingos siya. “Ang bruhang iyon ang nauna. Sinaktan niya si Eira. Nanira pa ng gamit. Magpasalamat siya dahil iyon lang ang inabot niya.”

“Ayos ka pala, eh!” anito at nakipag-apir sa kanya. “Akala ko kiljoys ka. Di naman pala.”

“Basta di ako papayag na may madedehado sa inyong mga kapatid ko.”

Nag-thumbs up ito sa kanya. “Aprub ka sa akin. Gusto mo bang ikuha kita ng keyks?”

Tumango siya. Sa wakas ay magkasundo na sila ni Berry. Sigurado na mami-miss niya ang pamali-mali nitong English at katakawan nito.

Sa dinami-dami ng pinagdaanan niya sa nagdaang isang buwan, maganda man o pangit, di niya ito ipagpapalit. Tanggap na niya na isa nga siyang Banal.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.