Abala si Amira sa pag-eempake ng mga gamit niya. Maraming pabaong souvenir ng mga kapatid niya. Iyon na ang huling araw niya sa mansiyon. Nasulit na niya ang isang buwan sa Sagada. Magkakanya-kanya na ulit sila ng buhay na magkakapatid. Bukas ay babalik na siya sa La Trinidad para harapin ang trabaho sa Banal Mining Corporation. Makikita niya ang iba sa mga ito gaya ni Vera Mae na nasa Baguio o ni Yumi na nasa Sagada lang. Nakapagpaalam na siya sa ibang kapatid maliban sa isa.
May kumatok sa pinto ay narinig niya ang maliit na boses. “Ate Amira.”
Binuksan niya ang pinto at walang sinabi nang makita ang bunsong kapatid. Hinayaan lang niya itong pumasok. Hindi siya makapagsalita dahil baka maging emotional siya at maiyak.
Hindi yata niya ma-imagine na di niya makikita ang kapatid na si Eira. Na di masayang mukha nito ang sasalubong sa kanya. Ito ang pinakamasayahin sa mga kapatid niya. Ito ang isa sa unang tumanggap sa kanya bilang kapatid nito. Kahit na madalas siyang naiirita dito dahil sa kakulitan nito, makikipagbangasan siya ng ganda para dito.
“You’ll miss me for sure, Ate Amira,” anito at tumingin sa leeg niya. Naghihilom na iyon ngayon pero halata pa rin. “Ako kasi ang dahilan ng sugat na ‘yan sa neck mo.” Lumapit ito sa kanya at niyakap siya nang mahigpit. “Thank you...”
Niyakap din niya ito. Hindi na niya kailangan ng salita. Alam na nito kung anong kaya niyang gawin para dito. Na mami-miss niya ito.
Nang kumalas ito ng yakap sa kanya at inabot ang hand made na snowman sa pelikulang Frozen na si Olaf. It warmed her heart. Ayaw talaga ng kapatid niya na makalimutan siya nito at ang kanta nito na madalas maka-LSS sa kanya.
“Bet Mo Bang Mag Do ng Snowman?” tanong ni Eira nang palabas na ng pinto na nakangiti.
“Sure,” sabi niya at tumango. “Sama ka sa akin minsan sa Japan, Europe or States o kahit saang may snow na public na pupuntahan ko para puwedeng gumawa ng snowman. Puwede nating isama ang iba, ‘di ko pa nasusubukan, eh. That would be fun. At kapag may blonde ulit na umaway sa ‘yo, kakalbuhin ko na talaga. Walang makakapigil sa akin.” At napangiti nang maalala ang pakikipagbabag niya para dito. It was really worth it.
Nang makapag-empake na ay alas onse na ng gabi. Tahimik na tahimik na ang buong kabahayan dahil ang iba ay maaga pang aalis. Siya naman ay maglilipat ng gamit na dadalhin niya sa kubo ng Lola Celestina niya. Doon na siya tutuloy kapag nasa Sagada.
Nagtimpla siya ng tsaa umupo sa tapat ng fireplace. Mula doon ay pinagmasdan niya ang nakakuwadrong painting nina Don Alfonso at Donya Celestina. Masayang nakayakap ang lola niya sa baywang ng lolo niya habang nakangiti. Itinaas niya ang tasa ng tsaa. “Lolo, Lola, sana masaya na kayo. Nasa akin na ang ancestral land. At gagawin ko ang lahat para pangalagaan iyon kagaya ng ginawa ng mga ninuno ni Lola dito sa Sagada. Hindi ko hahayaang mawala ang alaala ng mga ninuno natin. At malalaman din ng mga kapatid ko ang tungkol dito.”
Pumikit siya at dinama ang init na nagmumula sa fireplace. Pakiramdam niya ay yakap siya ng lolo at lola niya. Nabuo na ang bahagi ng pagkatao niya. Pero alam niyang simula pa lang ito. Di pa siya nabubuo. Kailangan pa niyang makuha ang Kanayama.
“O! Bakit mag-isa ka yatang nagse-celebrate dito? Pwede kitang samahan. And do you want wine to replace that tea?”
Nang lumingon siya ay nakatayo sa grand staircase si Caridad na may hawak ng kopita ng red wine. Nakasuot ito ng velvet floor-length dress at may diamond studded headband pa sa ulo. “I am not celebrating. Nagpapaantok lang ako.”
“Don’t be coy,” anito at umupo sa settee. “Masaya kang nakuha ang mana mo. Kayo ng mga kapatid mo. So lucky. Wala kayong hirap sa pamilyang ito. Isang buwan lang sa pagiging Banal, nakuha na ninyo halos ang lahat.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Must be karma, stepmom. Medyo natagalan ngang dumating. How sad. No more elegant hotel for you in the middle of the rice terraces. Well, siguro kung hindi mo itinago noon kung sino ako, baka mas maganda ang karma na dumating sa iyo. After all, me and my sisters deserve it. Di mo naman mauubos lahat ng pamana sa iyo ni Lolo. Masiyahan ka na kung anong meron ka. Sa inyo na nga ang kalahati ng mana ni Lolo, hindi pa rin sapat sa iyo.”
Ikiniling nito ang ulo. “Cocky little girl. The battle is not over yet. Nasa Banal Mining Corporation ang tunay na labanan.”
“I know. Goodnight, stepmom,” aniya at taas-noong umakyat sa kuwarto niya.
She knew that she had a huge battle in her hands. Handa siya. Para protektahan ang Kanayama. Para mapuno niya ang kakulangan sa buhay niya.
MATAPOS mag-alay ng panalangin at bulaklak sa puntod nina Don Alfonso at Donya Celestina si Amira. Sa araw na iyon ang luwas niya ng La Trinidad. Marami nang nakaabang na trabaho at meeting sa kanya.
“Lolo, Lola, I just want you to know that things are starting to pick up. Nagpadala na ako ng proposal kay Director De Leon na i-improve ang benefits ng mga tauhan at magkaroon ng night school o weekend school para sa mga minero na di nakatapos ng high school. Karamihan sa kanila wala lang pagkakataong mag-aral dahil sa kahirapan. Alam ko maliit na bagay lang iyon sa ngayon. You know what? And I can’t just snob mining if I am benefiting from it. Ngayon ko na lang nare-realize ito. Kaya sana anumang ilalatag ko na project ay makatulong sa kompanya at sa kalikasan. I know, mahirap i-balanse sa ngayon, pero sinusubukan ko. I hope that will please the board and you. Bye, Lolo, Lola. Dadalaw po ulit ako. Sana bantayan ninyo ako mula sa langit.”
Pagbaba ng Calvary Hills ay sumakay siya sa Montero. “Manong George, pakihatid po ako sa Sagada Doctor’s Hospital.”
“Bakit po?” tanong nito na parang nagulat. “Masama po ba pakiramdam ninyo?”
Umiling siya. “Gusto kong dalawin si Papa.”
Natigagal ang driver sa kanya. “Si Sir Alfie po?” Tumango siya. “S-Sige po. Ngayundin po, Ma’am.”
May bahagya pa ring kaba sa kanya nang umapak sa ospital. In-accommodate naman siya agad ng doktor at nurse na naabutan niyang nagra-rounds. “Kumusta po si Papa?” tanong niya.
“His condition is stable. Hindi pa rin lumiliit ang pamamaga sa utak niya pero umaasa kami na mag-i-improve ang kondisyon niya. Pumasok ka na, Miss Amira,” sabi ni Doctor Sanchez. “Dumalaw na dito ang ibang kapatid ninyo.”
“Maraming salamat,” sabi niya at pumasok sa ICU kung saan wala pa ring malay ang ama niya. Kung pagmamasdan ay parang natutulog lang ito nang mahimbing. Payapa ang anyo. “Papa, si Amira ito. We are still not okay, kung iyan ang iniisip ninyo sa pagdalaw ko. Paalis na ako para asikasuhin ang posisyon ko sa Banal Mining Corporation. Mahirap ang pagdadaanan ko para maprotektahan ang Kanayama. Kung magigising man kayo, hindi ko na hihilingin na maging ama kayo sa akin. Gusto ko lang po sana…” lumunok siya “ibalik ninyo ang nawawalang bahagi ng pagkatao ko. Huwag sana ninyong kontrahin ang project ko. Kahit sa ganitong paraan man lang makabawi kayo sa akin. Sa amin ni Nanay at sa Lambayan na sinira ninyo.”
Maluha-luha siya pero wala siyang naramdaman na galit sa puso niya. Hindi tulad dati na lahat na ng galit sa mundo ay ibinuhos niya sa ama lalo na nang malaman niya ang tungkol sa proviso ng lolo niya.
“Pero kahit na may galit ako sa inyo noon, nagpapasalamat pa rin ako dahil binigyan ninyo ako ng pitong kapatid. At kahit na ayoko sa inyo bilang ama, sana magising pa rin kayo kasi… kasi gusto nila kayong makilala. Kahit para sa mga kapatid ko.”
May kumatok sa pinto at dumungaw na nurse. “Ma’am Amira, naghihintay na po ang sundo ninyo sa labas.”
Tumayo siya. “Sige. Kayo na ang bahala kay Papa,” aniya at nilingon ang ama bago tuluyang lumabas.
Paglabas niya ay nagulat siya nang makitang nakasandal sa sasakyan nito si Francois at di niya makita si Manong George. “Pinauna ko na si Manong George. Sabay na tayo pa-La Trinidad. Uuwi muna ako sa Baguio ngayon. Okay lang ba?”
“Of course,” aniya at nagpaalalay dito nang sumakay sa Land Cruiser nito.
“Are you okay?” tanong nito nang umupo sa driver’s seat. “Dinalaw mo raw ang Papa mo.”
“Yes. Surprisingly I am okay,” nakangiti niyang sabi. “Nagtaka nga ako kung bakit naisip ko na lang siyang dalawin kanina. Tapos nang makita ko siya, di na tulad dati na parang gusto kong magwala sa galit sa kanya.”
“Sa palagay mo bakit?”