Gusto ni Amira na makita kung anong itsura ng Lambayan sa malayo. O kahit ang bundok kung saan ito matatagpuan. Di na niya maalala kung itsura niyon dahil bata pa siya nang manggaling doon.
Naabutan nila si Kimea na nasa gilid ng daan. Nabutas ang plastic bag na dala nito at pinupulot ang nalaglag na gamit. “Ipara mo,” utos niya kay Francois at itinigil ng binata di kalayuan kay Kimea.
Bumaba siya at nilapitan ang bata para tulungan na magpulot. Mga libro iyon, ilang gamit pang-eskwela at bungkos-bungkos ng halamang mahahaba ang tangkay at may lilang bulaklak na maliliit. May mga bungang-kahoy din na katulad ng granada doon at may kabigatan na.
Ikinuha niya ito ng ecobag at doon inilagay ang mga gamit nito. “Ang bigat. Kaya mo ba ito? Ihatid ka na namin inyo,” prisinta niya.
“Pero malayo po ang bahay namin.”
“May sasakyan naman tayo,” sabi niya at itinuro ang sasakyan ni Francois.
Nagningning ang mga mata nito. Sa passenger’s seat sila umupo ni Kimea. Manghang-mangha ito habang nakatingin sa paligid ng sasakyan at kung gaano kabilis ang biyahe nila. “Ito pala ang tinatawag nilang kotse. Paano po gumagana ang halimaw na ito?”
“Halimaw?” tanong niya.
“Opo. Iyon po ang sabi ng apo ko. Halimaw na naglalakbay sa lupa ang sasakyang ito. May halimaw din kami na nakikita sa himpapawid. Halimaw po ito na niluwa ng minahan. Nagbubuga din po ito ng usok na nakalalason at pumapatay sa mga tao. Hindi po ba kayo natatakot na kainin kayo ng sasakyan na ito?” inosenteng tanong ng bata.
Di niya alam kung paano iyon sasagutin dahil may katotohanan naman ang sinabi ng lolo ni Kimea. Ang minahan, ang sibilisasyon ay nakakasira ng kalikasan. Ang mga makinarya ay mga halimaw na lumalamon sa anumang madaanan nito bagamat maraming tao ang nakikinabang dito.
“May makinang nagpapatakbo dito. Pero huwag kang mag-alala dahil may mga puno naman na lumilinis sa hangin.”
“Ahhh! Ngayon ko lang po nalaman iyan. Gusto ko pong mag-aral. Sabi po ni Apo wala naman daw pong buting maidudulot ang karunungang galing sa mga tagapatag. Ang alam lang daw po nila ay manlinlang at manira. Pero di naman po masama ang mga itinuturo sa paaralan, di po ba? Pakiramdam ko po ay mangmang ako dahil marami akong di alam. At ayoko pong maging mangmang.”
“Kimea, nasa tao iyon kung gagamitin niya ang karunungan sa tama o sa mali. Kailangang isipin mo muna ang epekto ng gagawin mo,” paliwanag niya.
Marahan itong tumango. “Ibig pong sabihin di masama ang mag-aral?”
“Hindi,” aniya at pilit na ngumiti. “Kung babalik ka ulit sa paaralan, bibigyan kita ng gamit. Ibigay mo sa mga kaibigan mo.”
Lumungkot ang anyo nito. “Ako lang po ang nag-aaral sa amin. Di po alam sa amin. Itinatago ko lang po ang mga gamit ko dahil baka po sirain nila. Pero gagawa po ako ng paraan para maitago po ang mga ibibigay ninyo.”
Nang bigyan ito ni Amira ng chocolate cupcakes ay di tumigil ang bata sa katatanong kung paano iyon ginagawa. She was really a curious one.
“She’s a smart,” sabi ni Francois. “Bata pa siya pero may sarili nang isip. Hindi basta sunud-sunuran lang. So much like you, Amira.”
“Yes, I agree,” sabi niya at pinunasan ng tissue paper ang gilid ng labi ni Kimea na may icing. Gusto niyang matulungan ang batang ito na makapag-aral at ma-realize ang potential nito.
“Hanggang dito na lang po ako sa tabi,” anang si Kimea at itinigil ni Francois ang kotse sa tabi ng daan.
“Mabigat ang dala mo kaya sasamahan ka na namin sa inyo,” sabi ni Amira.
“Kaso ay sira po ang tulay sa amin,” anang bata at lumabi. “Bababa pa po ng bundok at tatawid ng ilog.”
Nagkibit-balikat si Amira. “Ayos lang.”
Ibinilin ni Francois ang sasakyan sa isang bahay sa tabi ng daan at nilakad nila ang madawag na daan pababa ng ilog. Napapangiwi siya dahil naka-doll shoes lang siya at manaka-naka siyang nadudulas. Nakaalalay si Francois sa kanya na buhat ang karamihan ng gamit. Si Kimea ay pakanta-kanta pa habang naglalakad nang nakayapak. Ayaw daw nitong masira ang de gomang tsinelas nito.
Napapaswit si Amira nang makita ang rumaragasang ilog sa harapan niya. “Kahit po hanggang dito na lang. Maraming salamat po, Ma’am Amira at Sir Aklay,” magalang na sabi ng bata.
“Ihahatid ka pa rin namin. Hindi mo matatawid ang ilog na iyan nang dala mo,” sabi niya kay Kimea.
“Pwede namang ako na lang sumama sa kanya,” anang si Francois.
Umiling siya. “Hindi. Kaya ko ito.”
“Kaya mo ba talaga?” tanong ng binata at tiningnan siya sa suot na cotton pants at silk blouse.
“Kaya ko iyan,” aniya sa matatag na boses.
Kakayanin niya ito. Sa kabila ng rumaragasang ilog ay ang Kanayama. Gusto niyang makatapak sa sagradong lupain na kailangan niyang protektahan mula sa banta ng minahan. Ang dahilan kung bakit ginagawa niya ang lahat ng sakripisyong ito. Kahit sandali lang ay gusto niyang maramdaman ang makabalik doon.
Lumunok siya at tinanguan si Kimea. “Halika na.”
Hinubad ni Amira ang doll shoes niya at hinawakan ang kamay ni Kimea. Palalim nang palalim ang ilog hanggang umabot sa baywang niya. Haggang dibdib na iyon ni Kimea.
Mahigpit ang kapit niya sa kamay ng bata di dahil baka matangay ito kundi dahil baka siya ang matangay. Basa na ang damit niya at pumikit na lang siya nang umabot iyon hanggang sa baba ng dibdib niya. Nasa baba naman na iyon ni Kimea.
Itinaas nito ang kamay at di kumibo pero nag-thumbs up ito para sabihin na ayos lang ito. Paano iyon natatawid ni Kimea nang may dala pa itong mabibigat na gamit> Bakit hinahayaan itong mag-isa? Paano kung lumalim pa iyon o kaya ay mas lumakas pa ang tubig? Paano kung tangayin ang bata? Siya ang ninenerbiyos sa pinagdadaanan nito bago makatawid sa ilog.
Subalit nang humakbang pa siya ay unti-unti nang bumabaw iyon. Di niya alam kung gaano katagal sila na tumawid pero papalubog na ang araw. Napaupo na lang siya sa batuhan sa tabing-ilog nang sa wakas ay makatawid. Nakakapanginig pala iyon. Parang makitid pala ang ilog pero malawak.
Parang balewala lang kina Kimea at kay Francois na nag-apir pa nang makatawid. Parang adventure lang dito ang ginawang pagtawid.
“Paano ka pala tumatawid dito kapag mataas ang tubig?” tanong niya.
“Doon po sa tulay,” anito at tumuro sa taas.
Napanganga siya nang makita ang mahabang linya ng gutay-gutay na hanging bridge. “Paano ka makakatawid diyan kung sira? Delikado ang buhay mo diyan. Bakit hindi na lang ipaayos ang tulay?”
“Iyan daw po ang nais ng mga anito para di makapasok dito ang mga magtatangkang manira sa Kanayama.”
“Pero makakadaan pa rin sila sa ilog,” sabi niya.
“Kapag daw po ayaw ng mga anito na tumawid ang isang tagalabas dito ay basta na lang lumalaki ang ilog at umuurong sila. Mula po noon ay wala nang nagtangka. Mahiwaga po ang lugar na ito. Mapalad po kayo dahil di lumaki ang ilog nang tumawid tayo. Ibig pong sabihin ay gusto ng mga anito na makatawid kayo.”
Humiga si Amira sa batuhan at dinama ang bato sa likuran niya, ang malamig na ihip ng hangin at pinakinggan ang pagaspas ng mga sanga ng puno. Nakadama siya ng kapayapaan. Nasa Kanayama na siya. Sa wakas.
It felt like coming home.
“Saan ba ang bahay ninyo?” tanong ni Francois.
Tumuro si Kimea sa taas ng bundok. “Doon po sa taas. Doon sa malapit sa mga ulap.”
Bumangon si Amira at tinanaw ang bundok. Ang puso ng Kanayama. Doon matatagpuan ang sagradong talon. Kaya daw mahiwaga maging ang ilog na iyon ay dahil sa sagradong talon nagmumula ang tubig. Kaya nitong magdala ng pagpapala o kaparusahan sa sinumang nasasakupan nito.
Hindi alintana ni Amira kung basa man ang damit niya at dumidikit sa katawan niya. Sa palagay niya ay ganoon din si Francois. Nauunawaan nito kung bakit nagpapatuloy pa rin sila. Dahil gusto niyang makita ang Kanayama.
Mas madaming kadawagan silang nadadaanan at malalaki at matatandang ang puno. Pahirap din nang pahirap ang pag-akyat dahil palamig nang palamig ang hangin pero mas magaan ang pakiramdam ni Amira. Mas madali ang bawat hakbang niya. Hindi niya alintana ang nakakanginig na lamig sa basa niyang damit.
Matapos ang maraming akyatan ay nakita niya ang palusong na daan. Napansin niya na may usok na at ilaw sa baba. May mga kubo na rin na gawa sa kahoy at bubong na kugon.
“Iyon na po ang atong namin,” tukoy ni Kimea sa pamayanan. “Pero itatabi ko po muna ang mga gamit sa taguan ko.”