Barely Heiresses: Amira Chapter 92

Nagkatinginan sila ni Francois. Parang tinatanong nito kung papatulan pa nila ang gusto ng bata at mas mabuting umuwi na lang pero tumango lang siya. “Sige. Ituro mo sa amin kung saan,” sabi niya at sinundan si Kimea.

Nandito na siya. Hindi siya pwedeng basta na lang umalis hangga’t di man lang niya nakikita ang iba pa sa mga Lambayan. O ang pamilya ng nanay niya.

Nasa bandang likuran ng atong ang kubo. Parang lumang bahay na iyon na wala nang tumutuloy. “Maghintay po kayo dito. Ako na lang po ang papasok,” sabi ni Kimea at naglakad patungo sa kubo.

Ilang hakbang na lang mula doon si Kimea nang biglang bumukas ang pinto at isang malaking lalaki na mahaba ang buhok. Wala itong suot na pang-itaas na damit at tanging ang nilalang bahag lamang ang suot. May mga kuwintas din ito na gawa sa ngipi ng baboy-ramo at beads na nagsasabing isa itong mandirigma at may mataas na tungkulin sa atong.

“Itang!” napapatdang tawag ni Kimea dito.

Madilim ang mukha ng lalaki. “Sabi na nga ba’t dito ka unang pupunta, batang suwail. Ano sa palagay mo at nagdala ka ng mga ipinagbabawal na bagay dito?” angil ng ama ng bata at ipinaghahagis sa labas ng kubo ang mga libro, lapis, papel at iba pang gamit sa paaralan. “Akala mo ba ay hindi ko malalaman ang kalokohan mo? Saan mo nakuha ang mga basurang iyan?”

Akmang lalapit siya pero hinila siya ni Francois para magtago sa likod ng halamanan. “Huwag kang makisali sa gulo nilang mag-ama. We already brought enough trouble here.”

“Hindi po ito mga basura,” katwiran ni Kimea. “Marami po akong malalamang mga bagay dito. Mga bagay na wala dito sa atin.”

Umiiyak na dinampot ni Kimea ang mga libro. “Bitawan mo ang mga iyan. Susunugin ko na ang mga iyan para di na kumalat pa sa iyo ang sumpa. Pati kami ng Inang mo ay madadamay sa paglabag mo.”

“Huwag po ninyong sunugin, Itang. Gusto ko lang naman pong matuto. Ayoko pong maging mangmang.”

Nanlisik ang mata ng lalaki at inilabas ang balatak nito, isang mahabang sandata na gawa sa yantok at maaring panghampas po pangsundot. “Sinong tinatawag mong mangmang? Ang mga Lambayan na walang ginawa kundi alagaan ang bigay sa ating kalikasan ni Kabunian at pangalagaan ito? Dapat siguro ay paalisin natin ang masamang hangin na nalanghap mo sa minahan.”

Inangat ng lalaki ang balatak at akmang ihahampas kay Kimea. Nanlaki ang mata ni Amira. Lumabas siya sa pinagtataguan bago pa mapigilan ni Francois. “Huwag mo siyang saktan!”

Napapatda ang lalaki at nagpapalit-palit ang tingin sa kanila ni Kimea. “Nagpapasok ka ng tagalabas dito. Nagpapasok ka ng mga kaaway.”

“H-Hindi po sila mga kaaway. Mga kaibigan po sila.”

Subalit di iyon pinansin ng lalaki at isang huni ang pinakawalan. Kinilabutan si Amira. Alam niya ang sigaw na iyon. Ibig sabihin ay may nakapasok na kaaway at kailangang magsisugod ang lahat. Bago pa sila nakagalaw ni Francois ay napaliligiran na sila ng mga kalalakihan na may dalang sibat at nakatutok sa kanila. Galit na galit ang mga ito.

Itinaas nila ni Francois ang mga kamay “Wala kaming ginagawang masama. Wala rin kaming dalang sandata.”

“Anong tawag ninyo sa mga gamit na ito na nagdadala ng maling karunungan sa tao?” tanong ng ama ni Kimea. “Iniisip na niya ngayon na mangmang ang mga Lambayan.”

Umangil ang isang mandirigma at inilapit pa ang sibat sa kanila ni Francois. Kinabig siya ng binata upang protektahan. “W-Wala po kaming ganoong intensiyon. Ihinatid lang namin ang bata dahil marami po siyang dala kanina.”

“Paanong may nakapasok na tagalabas dito, Kandor?” tanong ng isang matandang lalaki na may marka ng tattoo sa katawan. Bagamat may edad na ay matikas pa rin ang pangangatawan ng mga ito. Ang pagyuko ng mga tao doon ay senyales na isa itong pinagpipitaganang tao. Sa ulo nito ay may headdress na may ulo ng unggoy at may makukulay na beads. Ito ang pinuno ng mga Lambayan. Hindi niya inaalis ang tingin dito hanggang lumapit ito kay Kimea at sa ama nito.

“Si Kimea po ang nagsama sa kanila,” anang si Kandor at binigyan ng matalim na tingin ang anak.

“Apo, sabi ninyo ay pinoprotektahan ng ilog ang Kanayama? Na sinumang makatawid sa ilog ay pinayagan ng mga anito dahil kung ayaw nila ay bigla na lang tataas ang ilog at di na sila makakatawid pa,” sabi ng bata at tumingala sa matanda.

“Iyon ay kundi isang Lambayan mismo ang magsasama sa kanila dito,” angil ni Kandor. “Kaya ka pinayagan ng apo na magtungo sa ibayo ay upang manguha ng gamot para sa Idang Asra. Hindi para mag-aral ka at magdala ng mga ipinagbabawal na kaalaman.”

Hinarap sila ng matandang pinuno. “Mga tagalabas, makakaalis na kayo dito. Huwag na kayong babalik pa dito sa Kanayama kung hindi ay matinding kaparusahan na ang igagawad namin sa inyo. Wala kaming tiwala inyo.”

“Aalis na lang po kami,” anang si Francois sa magalang na tono at hinawakan siya sa braso.

Naiiyak silang tiningnan ni Kimea. Maaring di na sila magkita pa at di na makalabas pa ng Kanayama. Sa pag-alis nila ni Francois ay isang matinding kaparusahan ang naghihintay dito. Di niya ito basta maiwan lalo na’t alam na niya koneksyon nila sa isa’t isa.

“May isa lang po akong hiling bago ako umalis. Huwag sana ninyong saktan si Kimea. Namamangha lang siya sa mga bagong bagay na natutuklasa niya pero di ibig sabihin ay nais niyang labagin ang utos ninyo…”

“Babae, sa aming mga Lambayan ay mahalaga ang pagsunod sa mga batas,” sabi ni Apo. “lamang na turuan ng leksiyon si Kimea para matandaan niya hanggang sa paglaki. At wala kang karapatan na manghimasok sa mga patakaran ng tribo dahil hindi ka kaisa sa amin. Kaya wala ka sa lugar para humiling ng kahit na ano.”

“Mali kayo. Hindi po ako iba sa inyo,” taas-noo niyang wika. Inikot niya ang mga mata sa paligid. “Ako si Amira Catindig na anak ni Himaya Catindig ng tribo ng Lambayan na anak ni Apo Semblat.” Tumutok ang mga mata niya sa pinuno ng tribo. “Ako po ang apo ninyo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.