Napuno ng anasan ang paligid. Lahat ay galit siyang tinapunan ng tingin. Ang iba naman ay may kasamang takot.
“Siya ang salot,” narinig niyang sinabi ng iba.
“Ito pala ang sumpa. Akala ko wala na siya at di na babalik pa dito. Mamalasin na naman ba ang tribo natin?” anang isa pa.
Matiim siyang tiningnan ng lolo niya at nakadama siya ng takot. Parang mas lalo pa itong nagalit sa kanya nang malaman kung sino siya. Subalit di niya pwedeng pabayaan si Kimea – ang pamangkin niya.
“Iyon ba ang dahilan kaya kayo pumunta dito?” tanong ni Apo Semblat at inangat na rin ang sibat nito. “Para sirain ang tribo namin. Ipinangako ko sa sarili ko na walang sinuman sa mga Banal ang maari pang tumapak dito sa Kanayama at magtatayo na naman ng minahan. Hindi ako papayag na maulit pang muli iyon kaya magkakamatayan muna tayo bago na naman ninyo wasakin ang aking atong.”
Kamatayan. Iyon ang nakikita niya sa mga mata ni Apo Semblat. Wala itong pakialam kung apo man siya nito. Mas mahalaga dito ang tribo. Nanganganib ang buhay niya doon. Maaring si Francois ay mapahamak din.
“Huwag po ninyong sasaktan si Amira,” anang si Francois. “Wala po siyang masamang intensiyon sa inyo o ang Banal Mining.”
Ngumisi si Apo Semblat. “Iyan din ang sinabi ni Alfie Banal bago niya ako papirmahin sa papel sa tulong ng aking hangal na anak. Matapos iyon ay inaalis nila kami sa aming tahanan, pinatay ang aming mga kasamahan at winasak ang aming lupain. Nawalan na kami ng karapatan sa kahit na ano at kinuha nila pati ang aming dignidad. Wala na akong tiwala sa isang katulad mo.” Dumako ang mga mata nito sa kay Amira. “At higit sa lahat ay wala akong tiwala sa isang Banal. Hindi ka isang Lambayan, babae. Si Himaya ay nawalan ng karapatan na maging isang Lambayan mula nang dalhin niya ang halimaw na Banal sa tribong ito. Umalis ka na at huwag ka nang babalik pa. Wala kang lugar sa Kanayama.”
“Amira, umalis na tayo,” sabi ni Francois at hinawakan siya sa braso.
“Tiyakin ninyong makakaalis sila dito. Bantayan ang lahat ng lagusan. Maaring di na tayo ligtas sa pagdating ng sumpa,” anunsiyo ni Apo Semblat.
Nanlambot si Amira nang tuluyan nang talikuran ang lolo niya. Masakit pala na marinig sa bibig nito mismo na isa siyang sumpa. Na wala siyang mabuting maidudulot dito. Noong bata siya, akala niya ay masakit na. Mas masakit pala ngayong matanda na siya. Di sapat na nakatapak siya sa Kanayama. Walang halaga ang lahat ng narating niya sa buhay dahil sa paningin ni Apo Semblat at ng mga Lambayan ay malas siya. Sa pangalawang pagkakataon ay ipinagtabuyan muli siya ng Kanayama na parang may nakakahawang sakit.
Naglalakad na sila sa kadawagan pababa ng bundok nang marinig niya ang boses ng isang matandang babae. “Himaya, anak ko? Saan ka pupunta? Huwag mo akong iwan. Himaya!”
Nilingon niya ang babae na may putting buhok, nakasuot ito ng tradisyunal na kasuotan pero nakatagilid ang headdress na parang nakalimutan na nitong ayusin. Bahagya ring magulo ang buhok nito. Maliban doon ay bakas ang angkin nitong ganda. At natitiyak niyang ganito ang itsura ng nanay niya sa pagtanda nito. O magiging itsura niya pagtanda niya.
“Idang Asra,” tawag niya sa pangalan ng lola niya.
Inunat nito ang kamay sa kanya habang palapit. “Anak ko! Bumalik ka na.”
Nakita niya ang saya at pananabik sa mukha nito nang makita siya nito noong bata pa siya. Parang gusto siya nitong lapitan at yakapin pero pinigilan ito ni Apo Semblat. Sa huli ay pinaalis na lang siya nito at naisip niya na baka ayaw na din nito sa kanya.
Nadama niya muli ang pananabik sa babaeng nagluwal sa kanyang ina. Gusto niya itong mayakap. Kahit pa nga Himaya ang tawag nito sa kanya.
Bago pa siya nito malapitan ay hinarangan na ito ng mga kawal. “Hindi po ninyo siya maaring lapitan.”
Naging mabalasik ang anyo ni Asra. “Anak ko iyan. Nandito siya para dalawin ako. Isa siyang kasiyon.” Ibig sabihin ay anak ng isang mataas na tao.
“Hindi po maari. Bilin po ni Apo Semblat.”
Biglang inagaw ng matandang babae ang sibat ng isa sa kawal at itinutok sa mga ito. Natigilan ang mga mandirigma. “Ako ang unang babaeng mandirigma dito kaya masasaktan kayo kapag di ninyo pinalapit sa akin ang anak ko.”
“Idang, ibaba na po ninyo iyan. Huwag po ninyo silang saktan,” pakiusap niya.
“Lumapit ka sa akin,” anang matandang babae at kahit parang di ito normal ay bakas pa rin ang tapang nito. “Paalisin pa ba ninyo ang anak ko?”
Nakipag-usap siya nang tingin sa mga kawal. Para sa kaligtasan nilang lahat lalo na ng lola niya ay mabuting sumunod na lang sila. Hinila niya ang kamay ni Francois at pumunta sa tabi ni Idang Asra.
Nang makalapit na siya ay binitiwan nito ang sibat at niyakap siya nang mahigpit. “Himaya, nagbalik ka na. Lagi akong nanalangin na bumalik ka.”
Parang pinipiga ang puso ni Amira. Sa loob ng mahabang panahon ay inasam niya ang yakap na iyon. Ganito pala ang pakiramdam na mayakap ng lola niya.
Hindi na niya nakilala si Donya Celestina. Di rin niya nayakap si Don Alfonso bago ito mamatay. Pero sa wakas ay nayakap siya ni Idang Asra. Kahit pa nanganib ang buhay niya kanina ay di niya ipagpapalit ang sandaling ito.
Kumalas ito ng pagkakayakap sa kanya. “Huwag ka nang umiyak. Hindi galit ang nanay kung umibig ka sa isang tagalabas. Hayaan mo na ang galit ng itang mo.” Ibinaling nito ang tingin kay Francois at ngumiti. “Siya na ba ang lalaking napupusuan mo? Nandito na ba siya para hingin ang kamay mo sa amin ng itang mo? Patutunayan na ba niya ang pagmamahal niya sa iyo?”
Nagulat pa siya nang magmano si Francois. “Idang, magandang gabi po.”
“Talaga bang mahal mo ang anak ko? Di mo na ba siya iiwan?”
Umiling si Francois. “Opo.”
Nag-uulyanin na ang lola ni Amira kaya inakala nitong siya ang nanay niyang si Himaya at si Francois ang ama niyang si Alfie. Subalit nang haplus-haplusin nito ang mukha niya na parang amaze na amaze ito dahil nandoon siya ay nasiyahan na rin siya. Masaya na silang magkasama kahit ilang sandali.