“Huwag muna kayong bumalik sa lungsod dahil sabik na sabik na ako sa iyo, anak.” Yumakap si Idang Asra sa baywang niya at humilig sa balikat niya.
Hindi niya basta maiiwan ang lola niya sa ganitong sitwasyon. It would break her grandmother’s heart. At ngayon niya na-realize na marami itong sakit sa puso na dinanas mula nang mawalay sa ina niyang si Himaya.
Nagkatinginan sila ni Francois. Paano kung gusto na nitong umalis sila? Hinawakan nito ang isang kamay niya at pinisil. Nauunawaan siya nito.
“Asra, layuan mo ang babaeng iyan. Mapanganib siya,” utos ni Apo Semblat dito. Binalingan nito ang isang babae sa likuran nito. “Tamika, kunin mo na ang Idang mo at ibalik mo siya sa aming kubo.”
Si Tamika ay ang pinsan niya. Naalala niya ito noong bata pa siya dahil ayaw nitong makipaglaro sa kanya. Ito ang ina ni Kimea.
Inilahad nito ang mga kamay. “Idang, halika ka na po.”
“Ayoko sa iyo. Hindi kita kilala. Sino ka ba?” angil ni Idang Asra.
Napapatda ang babae. “Pero Idang…”
“Lumayo ka sa kanya, Asra. Sumpa lang ang dala niya.”
Lalo pa siyang niyakap nang mahigpit ng matandang babae at umiling. “Hindi mo na ako mailalayo sa anak ko. Kapag itinaboy mo pa rin siya, sasama ako sa kanila paalis ng Kanayama.”
Mariing nagdikit ang mga labi ni Apo Semblat. “Sige. Hahayaan ko kayong magpalipas ng gabi dito.” Binalingan nito si Tamika. “Ihanda mo ang kubo para sa mga tagalabas. Dito sila magpapalipas ng gabi.”
Narinig niya ang pag-angal ng iba sa mga mandirigma at maging si Tamika ay nanlisik ang mga mata sa kanya. Hindi welcome ang presensiya niya doon at di niya maiwasang matakot. Pero pinisil ni Francois ang balikat niya bilang pagsuporta at nadagdagan ang lakas ng loob niya.
Nandito na siya sa Kanayama. Makakasama niya nang matagal ang lola niya at kasama rin niya si Francois para protektahan siya. Di siya nito pababayaan.
NAKAPIKIT si Amira habang kinakantahan ang Idang Asra niya ng isang oyayi na pampatulog. Nakapikit na ito habang nakangiti. Payapa ang anyo nito. Sa hapunan ay sabay silang kumain. Ito pa mismo ang nagsubo sa sarili.
Malala na ang kondisyon ng lola niya. Ang alaala nito ay noong dalawampung taon pa ang nakakaraan. Parang nawalan na rin ito ng ganang mabuhay. Ang pinsan lang niyang si Tamika ang nagtitiyaga sa pag-aalaga dito. Para sa lola niya ang mga halamang gamot na inaani sa kabilang ibayo dahil isa sa mga Lambayan lang ang nakakapagpatubo ng ganoong halaman at wala daw sa Kanayama.
“Napakaganda pa rin ng boses mo,” sabi ng lola niya.
“Kayo po kasi ang nagturo sa akin,” aniya at hinaplos ang noo nito. Parang ito rin naman ang nagturo sa kanya dahil ito ang nagturo sa nanay niya.
“Hindi nagtatampo sa iyo ang inang. Nalungkot lang ako. Mataas ang pangarap namin ng itang mo para sa iyo, anak. Gusto mong magtapos ng pag-aaral. Akala ko ay ikaw ang makakatulong sa tribo natin at malaki ang magagawa ng edukasyon sa ating lahat pero ang idinala lang nito ay ang pagkasira.”
“Patawad po,” mahina niyang usal.
Nais niyang humingi ng tawad sa pagkakamali ng kanyang ina dahil nagpadala sa damdamin nito at mga pangako ng kanyang ama. At sa kanyang ama na nadala ng kagustuhan na makabawi kay Don Alfonso at di na nito inisip kung ano ang tama at ang mali. Ni di nito ininda kung makasakit man ito ng kapwa. Gusto niyang humingi ng tawad dahil wala siyang magawa sa ngayon para ituwid ang lahat ng pagkakamali ng mga magulang niya.
“Hindi na mahalaga ang nakaraan. Ang nais ko lang ay ipangako ng lalaking iyon na di na niya sasaktan ang ibang mga Lambayan dito. Na huwag niyang guguluhin pa ang Kanayama.”
“Opo,” naisagot lang niya. At ipinikit na nito ang mga mata saka nakangiting natulog. Nang lumabas siya ng kubo ay naroon si Apo Semblat at hinihintay siyang lumabas. “Salamat po, Apo Semblat, dahil hinayaan ninyo akong makasama si Idang Asra. Malaking bagay po ito sa akin.”
Naging matigas ang anyo nito. “Ginawa ko lamang iyon para sa aking kabiyak. Pero di mo siya pwedeng gamitin laban sa akin habambuhay. Mas nais ko na maglaho ka na lang habambuhay.” At pumasok na ito sa loob ng kubo nito.
“Amira,” untag sa kanya ni Francois. Malungkot siyang humarap dito at bumuntong-hininga. “O! Akala ko masaya ka na dahil nandito ka na sa Kanayama at hinayaan ka ng lolo mo na matulog dito. Malungkot ka pa rin?”
Malungkot siyang ngumiti. “Ayaw naman nila sa akin. Kundi lang dahil sa kay Idang Asra, malamang gumagapang na tayo pabalik ng bayan.”
“Pero anong pakiramdam mo ngayon?”
“Masaya ako. Bumuti ang kondisyon ng lola ko dahil daw nandito ako. di tama na magpanggap ako bilang nanay ko at parang ginagamit ko ang sakit ni Lola para manatili dito , masaya ako dahil nayakap ko ang lola ko. Tapos sa akin lang siya nagre-respond nang maganda. Ayos na sa akin iyon.”
“Amira, kailangan ko nang umalis.”
Natigilan siya. “A-Ano? Bakit?”
“Kailangan kong bumalik sa bayan o maaalarma sila kung bakit di pa tayo bumabalik. Baka may mag-report sa iniwan nating sasakyan. Ayokong sumugod pa ang mga taga-Banal Mining dito at magsama ng mga pulis. Lalong mabubulabog ang mga tao dito. Walang signal ng cellphone kaya di ako makakatawag.”
“I-Iiwan mo ako dito?” takot niyang tanong. “Wala ngang may gusto sa kanya sa lugar na iyon. Kaya lang malakas ang loob niyang manatili doon ay dahil kasama kita. Francois naman!”
“Amira, mabuting tao ang mga Lambayan. Hindi ka nila sasaktan malibang ikaw ang naunang manakit sa kanila. Kahit na sabihin pa nilang sumpa ka, wala silang gagawing masama sa iyo. Kung wala kang tiwala sa kanila, magtiwala ka sa akin. Hindi kita ipapahamak. At kahit ano pang sabihin nila, isa kang Lambayan.”
Huminga muna siya ng malalim at pinalipas ang ilang sandali bago tuluyang nakalma ang sarili. “Okay. Pero hindi ba delikado na tumawid ng ilog ngayon.”
“Pasasamahin ng lolo mo ang isa sa mga mandirigma nila. Kahit anong mangyari ay babalik ako para sa iyo.”
“Mag-iingat ka.”
At isang maalab na halik ang ipinabaon niya dito bago umalis. Hindi na siya natatakot kung anuman ang ipakahulugan nito sa halik na iyon. She didn’t even care about their blasted contract.
That kiss was her means of survival. Kailangan niya iyon at ang init ni Francois na maiiwan sa kanya bago ito umalis. She wished he could come back soon for her. Dahil ngayon pa lang ay nami-miss na niya ang binata.