Barely Heiresses: Amira Chapter 95

Habol nilang dalawa ang hininga nang maghiwalay ang labi nila. Idinikit ni Francois ang noo sa noo niya at hinawakan siya sa magkabilang pisngi. “Amira, gusto ko lang maging malinaw sa iyo kung ano ang stand mo dito. We kissed. Ayon sa kontrata, hindi pwedeng ako ang maunang humalik sa iyo kung hindi ay hindi na matutuloy ang date natin. Sino ang unang humalik sa atin para malinaw lang?”

“Ako,” aniya at nakangiting hinaplos ang labi nito. “I am taking full responsibility, Mr. Mosqueda. Wala kang kahit anong pananagutan. Baunin mo ang halik ko dahil gusto ko na bumalik ka dito nang ligtas. Bumalik ka para sa akin.”

“Agad-agad,” sabi nito.

Hindi niya inalis ang tingin dito hanggang makalayo dito at maglaho sa kadiliman ng gabi. Her heart was longing for his return. Saka lang siya tumalikod at akmang papasok na sa kubo niya nang may magsalita sa likuran niya.

“Ano ‘yung ginawa ninyo ni Kuya Aklay? Ginagawa ba talaga iyon ng mga magkaibigan?”

Gulat siyang napalingon sa likuran niya at nanlaki ang mata nang makitang nakatayo doon si Kimea. “Anong ginagawa mo diyan? Kanina ka pa?”

Patay kang bata ka. Malay niyang may makakakita sa kanila ni Francois. Hinaplos niya ang buhok nito. “Ipapaliwanag ko na lang sa iyo kapag malaki ka na.”

“Bakit kapag malaki pa po ako? Bakit hindi na lang po ngayon? Ngayon ko na po kasi gustong malaman.”

Pwede bang Its Complicated na lang ang isagot niya? Napakamot na lang siya sa kilay. Ibang klase ang kakulitan nito. Parang ka-level ng kapatid niyang si Eira. Malapit nang matuyo ang utak niya.

“Bakit nga pala nandito ka?”

Bumagsak ang balikat nito. “Ayaw po akong makita ni itang. Nagalit po siya dahil nilabag ko po ang kagustuhan niya. Bukas daw po ay ihaharap ako sa kay Imba Kumigin para po paalisin daw ang masamang espiritu sa akin at nang di daw ako magaya sa babaeng salot. Nasa kanila din ang mga libro ko at mga gamit. Ayaw po nilang ibalik sa akin.”

“Wala ka bang ibang pwedeng tulugan?” tanong niya.

Umiling ito. “Sa puno po siguro o sa maliit na kubo sa tabi ng ilog pero malamig po doon.” Parusa iyon ng magulang sa suwail na mga anak para magtanda.

“Sa akin ka na lang tumabi.”

Nang magkatabi na sila ay di pa rin natulog si Kimea dahil marami itong tanong sa kanya. Naalala tuloy niya si Eira. Sa huli ay napilitan siyang ipakita kay Kimea ang cellphone niya at ang mga picture doon pati ang iba’t ibang lugar na napuntahan na niya.

Niyakap niya ang pamangkin. Kung anuman ang landas na tahakin nito – kung nais nitong mag-aral o kung nais nitong manatili lamang sa Lambayan ay susuportahan niya. Alam niya na anumang piliin ng pamangkin niya – sa Kanayama man o sa labas - ay mabuti ang maidudulot nito. She was one promising kid.

Masaya siya na nakilala niya ang pamangkin niya dahil ito ang naging susi para makabalik siya ng Kanayama at makasama ang pamilya niya.

Amira felt rejuvenated. Nang makapagbabad siya sa tubig ng talon ay napayapa ang pagod niyang kaluluwa. Iyon siguro ang epekto di lang ng tubig ng talon kundi maging ang kagandahan nito. Niyayang siyang maligo doon nina Idang Asra at Kimea. Di na lang niya pinansin ang disgusto sa mata ng mga taong nasalubong nila. Nakasagutan pa niya ang mandirigmang si Sikandro na nagsabing baka ma-contaminate ang sagradong talon dahil sa kanya. Natameme lang ito nang sabihin niyang ang lagay ay mas makapangyarihan pa siya sa sagradong talon.

Nagkakawkaw siya ng paa nang marinig niyang kumakanta si Kimea. Ang awit ng papuri para sa sagradong talon. Ngumiti siya dahil sa kabila ng enthusiasm nito ay may sumasablay pa rin dito na tono. Kailangan pang hasain.

Akmang sasabayan niya ito para mai-guide ito sa tamang tono nang isang malamyos na boses gaya ng sa isang diwata ang narinig nila na sumabay dito. Sumasama ang boses nito sa hangin at parang hinahaplos ang mga dahon ng puno. Dumadaloy din ang boses nito kasama ng bumabagsak na tubig sa talon.

Napanganga siya nang makilala ang boses na iyon. “Umaawit si Idang Asra,” mahinang usal niya. Ang sabi ng kanyang inang si Himaya ay ang lola niya ang may pinakamagandang boses sa buong Lambayan. Kaya daw pinagpapala ang lugar nila dahil sa salin-saling lahi ng mga mang-aawit ng papuri sa mga anito at sa kalikasan at maging sa panginoong si Kabunian.

Iba nga ang boses ng lola niya bagamat matanda na. Maganda ang boses nila ng nanay niya pero wala silang sinabi kay Idang Asra. Parang pumapailanlang sa langit ang boses nito, umiindayog kasama ng mga ulap at parang kayang abutin ang mga bituin sa langit. Nagtatayuan ang balahibo niya.

Nagulat na lang siya nang biglang tinutop ni Tamika ang bibig nito at napabulalas ng iyak. “Umaawit muli si Idang Azra.”

“Umaawit ulit?” tanong niya. “Matagal na siyang hindi kumakanta?”

“Oo. Hindi na siya umawit pa mula nang… mula nang dumalaw kayo dito ni Baya Himaya. Sabi niya kay Inang ay tumigil na sa pag-awit ang puso niya at aawit lang siyang muli kung babalik kayo ng Baya Himaya. Kahit anong gawin ng Apo Semblat ay di na siya umawit pa. Kahit na nagsisikap kaming mga kababaihan dito na umawit para sa mga ritwal ay di namin mapantayan ang ganda ng boses ng Idang Azra. Isipin mo na lang kung anong awit ang ipapamana namin sa aming mga anak kung di makakaawit ang punong mang-aawit. Bagamat pinagpapala kami ng mga anito sa aming awit, di na kami kasing-unlad kaysa noong umaawit pa si Idang Asra.”

Malaki ang ginagampanan ng punong mang-aawit sa mga Lambayan. Ang mga ito ang nagdadala ng saya at buhay sa buong tribo. Inspirasyon din para sa araw-araw na buhay. Ang magandang awit daw ay bumubuhay sa kaluluwa. At para sa isang punong mang-aawit na di na umuuwit, parang ginugutom din nito ang kaluluwa ng mga nasa tribo.

At nakikita niya na napuno ng pag-asa si Tamika. Nagdatingan ang ibang Lambayan. Umupo ang mga ito sa tabi ng ilog upang pakinggan ang pag-awit ni Idang Asra. Nabibighani ang mga ito sa ganda ng boses ng lola at nakita niyang nasisiyahan din ang mga ito.

Kumaway si Idang Asra sa kanya. “Himaya, umali ka! Sabayan mo akong umawit. Awitin mo ang itinuro ko sa iyo. Sabayan mo ako.”

“Umawit ka na. Gusto rin naming mapakinggan ang boses mo,” anang isa sa mga babae na sa palagay niya ay kaedad ng kanyang ina. Sumang-ayon din ang mga kasama nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.